Year-End Reflections

reflections

by Charles R. Swindoll

Oras para pag-nilay-nilayan ang mga bagay-bagay. Iyan ang aking magiging sagot sa tanong na: “Ano ang pinakagusto mo tuwing patapos na ang taon?”

Hay, ang sarap ng pagkain—yung mga malinamnam at nakakatabang mga pagkain na ginagawang espesyal ang Thanksgiving o New Year. Yung mga kasiyahan at mga tao … yung kantahan, mga ngiti, mga amoy. Ang bawat isa’y humahabi sa ating mga pag-iisip sa ganun na lamang na paraan na hindi natin makalimutan sa loob ng mga araw. Minsan pa nga ay mga buwan.

Ngunit ang pinakamagandang bagay na naibibigay ng mga araw na iyon, sa aking opinyon, ay oras para magnilay-nilay. Ang tumayo sa harapan ng malaking salamin ng alaala at pagmasdan ang eksena. Nang mapag-isip. Tahimik. Mag-isa. Matagal. Ang sundan ang balangkas ng nakaraan nang walang interapsyon ng mga nakasanayan nang gawain. Ang maglakad sa malawak na daan, habang kumukuha ng oras upang tumigil at makinig. At mag-isip. Ang maupo sa harap ng isang nagniningas na apoy sa gitna ng madilim na paligid, tumititig sa init, at hinahayaan ang mga kaisipan na umusbong, pumaligid, at manatili. Ang paikut-ikutin sa isip ang linya ng isang tula. Ang makinig sa musika sa katamtamang lakas kung saan ang lahat ng mga nakakairitang ingay at alalahanin ay nalulubog sa ilalim ng nakakakalmang mga tunog.

Malamang ito’y bahagi ng sinabi ni Charles Wesley na “lost in wonder, love, and praise.” Isang uri ng pagsamba habang nag-iisa. Isang mas mahaba, hindi madaliang sandali na nagbubunga ng mga mayayamang benepisyo at malalalim na kaisipan. Ang mga okasyon na ito ay iniiwan akong mapagpasalamat sa Dios. Madalas ay natatapos akong nagpapasalamat sa Kanya patungkol sa isang partikular na bagay o tao na binigay Niya sa kahapon ng aking buhay na ginagawang puno ang aking ngayon ng  kahulugan.

Nangyari itong muli. Ang araw na iyon ay naging relaxing at masaya. Dumating ang gabi. Isa-isang nakatulog ang aking pamilya. Naglagay pa ako ng marami pang kahoy sa apoy, umupo sa aking paboritong silya, at nagbasa nang halos isang oras, malamang. Napunta ako sa ilang mga kaisipan na pinagsama-sama ng matagal nang pinuno ng ministeryo ng World Vision—si Ed Dayton. Binalik ako ng kanyang mga salita ng maraming-maraming taon. Binanggit ni Ed ang panonood ng isang maikling palabas na tinatawag na “The Giving Tree,” isang payak at magandang kwento tungkol sa isang puno na nagmahal ng isang batang lalaki.

Noong bata pa sila ay naglalaro sila ng tagu-taguan. Sumasabit ang bata sa kanyang mga sanga, umaakyat sa kanyang kabuuan, kinakain ang kanyang mga mansanas, at natutulog sa kanyang silong. Mga araw na masasaya, walang inaalala. Gustong-gusto ng puno ang mga taon na iyon noong bata pa ang lalaki.

Ngunit lumaki ang lalaki at naglaan na lamang ng kaunting oras kasama ang puno. Sa isang okasyon ay bumalik ang binata. “Lika, laro tayo,” yaya ng puno … ngunit ang gusto lamang ng binata ay pera. “Kunin mo ang mga mansanas ko at ibenta mo,” sabi ng puno. Ginawa ng binata ang kanyang sinabi … at masaya na muli ang puno.

Hindi na bumalik ang lalaki sa loob ng mahabang panahon, ngunit ngumiti ang puno nang mapadaan ito isang araw. “Lika, laro tayo, kaibigan. Lika, laro tayo!” Ngunit ang lalaki—ngayon ay talagang malaki na—ay nais magtayo ng bahay para sa sarili nito. “Putulin mo ang mga matataba kong sanga at itayo mo ang iyong bahay,” alok niya. Ginawa nito ang kanyang sinabi, at muli, ang puno ay naging masaya.

Lumipas pa ang mga taon. Nami-miss na ng puno ang lalaki. Bigla na lamang ay nakita niya ito mula sa katamtamang layo. “Lika, laro tayo!” Ngunit mas matanda na ang lalaki at pagod na sa mundo nito. Nais na nitong umalis mula doon. “Putulin mo ako. Kunin mo ang malaki kong katawan at gawan mo ang iyong sarili ng bangka. Pagkatapos ay pwede ka nang makalayo,” sabi ng puno. At iyon ang eksaktong ginawa ng lalaki … at masaya na uli yung puno.

Marami pang panahon ang lumipas—mga tag-init at taglamig, mga araw na mahahangin at mga gabi—at naghintay ang puno. Sa bandang huli, bumalik ang matandang lalaki … matandang-matanda na para maglaro, magpayaman, magtayo ng mga bahay, at maglayag sa mga dagat. “Mayroon pa akong kaunting kahoy na naiiwan, kaibigan. Bakit hindi ka umupo rito at magpahinga?” Ginawa ito ng lalaki … at masaya ang puno.

Tumitig ako sa apoy. Pinanood ko ang aking sarili na dumaan sa pagbabalik-tanaw habang ako’y tumatanda kasama ang puno at ang bata. Nakaka-relate ako sa puno at sa bata—at medyo masakit.

Gaano karami nang mga Mapagbigay na Puno ang dumaan sa aking buhay? Gaano karami na ang nagbigay ng bahagi ng kanilang mga sarili para lamang ako ay lumago, matupad ang aking mga pangarap, makahanap ng kahulugan at kasiyahan, at makaabot nang higit sa maliit, limitadong palaruan ng aking pagkabata? Ay, sobra, sobrang dami. Salamat, Panginoon, para sa bawat isa. Mapupuno ng kanilang mga pangalan ang pahinang ito.

Ngayon ako, tulad ng puno, ay lumaki na. Ngayon ay ako naman ang dapat magbigay. At ilan sa mga iyon ay masakit. Mga mansanas, sanga, minsan pati katawan. Aking mga karapatan, kagustuhan … at maging aking mga lumalaki na ring mga anak.

Kay raming isasakripisyo. Salamat sa’yo, Panginoon, na mayroon lamang mga kaunting bagay akong karapat-dapat na ibigay. Kahit na ito’y isang kanlungan na mauupuan … o ang aliw na dulot ng isang mainit na yakap.

Unti-unting namatay ang apoy sa nagliliwanag na ningas. Gabing-gabi na nang ako’y gumapang papuntang higaan. Ako’y umiyak, ngunit ngayon ay nakangiti na pagkasabi ko ng, “Good night, Lord.” Mapagpasalamat na akong tao.

Mapagpasalamat na kumuha ako ng oras para mag-isip-isip.

 

Deepening Your Roots

Jeremiah 17:7, 8; Psalm 63:5-6; Philippians 2:1-11

Branching Out

  1. Pumunta ka sa pamilihan at bumili ka ng mga mansanas. Ipamigay iyon lahat sa lahat ng makikita mo sa daan pauwi.
  2. Magbigay nang may pagsasakripisyo sa isang tao ngayon, ngunit huwag mong sasabihin sa kahit kanino.
  3. Maghanap ng isang magandang puno at umupo sa ilalim noon nang sandali. Gamitin mo ang oras na iyon sa pagpapasalamat sa Dios para sa mga tao na dinala Niya sa iyong buhay. Ilista ang ilan sa kanilang mga pangalan rito: _____ ____________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________

 

Ang artikulo na ito ay isang isinalin at inangkop na bersyon ng Ingles na pinamagatang “Year-End Reflections” ng Growing Strong in the Seasons of Life ni Charles R. Swindoll, pp. 402-404. Inilathala ng Multnomah Press. © 1983, Charles R. Swindoll, Inc. All rights reserved.

Advertisements

Rendering Unto the Lord for All His Benefits

by Pastor Felizardo Abanto

Sinabi ni David, “What shall I render unto the Lord for all his benefits toward me?” (Psalm 116:12) Dapat tanungin ng bawat Kristiano sa kanilang sarili ang tanong na ito sapagka’t ito ay isang paraan ng pagsasabi ng “Thank you, Lord” at ang paggawa ng isang bagay para sa Panginoon ay isa ring paraan ng pagpapasalamat sa Kanya. Anu-ano ang mga pinakamalaking kabutihang ginawa sa atin ng Dios? Ang mga ito ay nakasaad lahat sa Ephesians 2—narito ang ilan: Tayo ay pinili, kinupkop bilang mga anak na lalaki at babae, tinanggap sa mga minamahal, naipagkasundo sa, at pinatawad at nilinis ng, Dios sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Ang isa pang dakilang kabutihan sa atin ay mababasa natin sa Jeremiah 3:15—Binigyan Niya tayo ng isang pastor upang pakainin tayo ng katalinuhan at bigyan tayo ng pang-unawa. Ang lahat ng mga ito ay hindi maaaring mabayaran ng salapi sapagka’t ang mga ito’y walang katapat na halaga. Marami pang mga kabutihan ang binibigay sa atin ng Dios ngunit hindi natin kayang isa-isahin lahat. Ako ay talagang mapagpasalamat para rito.

Nais kong magmungkahi ng at least apat na paraan upang maipakita natin kung gaano tayo nagpapasalamat. Una, kung paano inibig ni Kristo ang iglesya at ibinigay ang Kanyang buhay para rito, magbigay tayo ng pahalaga sa iglesya sa pamamagitan ng hindi pagkalimot sa pagtitipon-tipon nating magkasama (Hebrews 10:25). Pangalawa, dahil ipinangako ni Kristo na lagi Siyang makakasama ng iglesya hanggang sa katapusan ng sanlibutan at nangangahulugan na nais Niyang panatilihin ang iglesya hanggang sa Siya’y dumating, sundin natin ang plano ng Dios ng pagpapanatili sa iglesya sa pamamagitan ng ating ikapu, mga handog, at iba pang pagsasakripisyo para sa pagpapatuloy at pag-unlad nito. Pangatlo, inutusan ni Kristo ang iglesya na ipangaral ang Ebanghelyo upang ang napapahamak na sanlibutang ito ay magkaroon ng pag-asa ng kaligtasan—tayo ay magbigay ng oras upang ibahagi ang Salita ng Dios at ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa bawat oportunidad na mayroon tayo. Panghuli, dahil si Kristo ay nabuhay ng banal na buhay mula sa simula ng Kanyang pamumuhay dito sa lupa hanggang sa pumunta na Siya sa piling ng Ama, atin ding gawin ang ating pinakamagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan at biyaya ng Dios na mabuhay nang tama para sa Kanyang kalualhatian at para sa patotoo ng iglesya ni Kristo—ang pinakamahalagang institusyon na Kanyang itinatag.

Salamat, Panginoong Jesus para sa lahat ng kabutihan mo sa akin. Umaasa ako at nananalangin na ang bawat Kristiano ay italaga ang kanilang mga sarili sa apat ng mga mungkahing ito sa pagpapakitang kami ay nagpapasalamat sa Iyo.

Surprises

by Charles R. Swindoll

Alam na natin ang pakiramdam. Laglag na panga. Mga matang kasinlaki ng platito. Nginig sa buto. Malakas na pagkabog ng puso. Sandaling hindi ka makapaniwala. “Nananaginip ba ako o may nangyayaring himala?” Ganyan ang mga sorpresa.

Ang sorpresa ay lumulutas ng mga krimen, nagpapasaya ng isang birthday party at anniversary, at nagpapatibay ng pagkakaibigan. Gusto sila ng mga bata. Inaasahan na sila ng mga magulang. Ginagamit sila ng mga guro at coach.

Gusto at ayaw natin ng sorpresa. Kahit ang mga isang-linyang ito ay gagawa ng ganoong mga reaksyon.

“Class, get one piece of paper… may quiz tayo.”

“Isang oras na tayong nasa maling kalsada. Tingnan mo yung mapa.”

“Hindi tumunog yung alarm. Late na ako!”

“Hello, dumating na po yung padala.”

“Tawag ka ni Boss. Huwag mo nang hubarin yang jacket mo.”

“Tanggap na po ang manuscript niyo at ipa-publish na.”

“Si Officer Manalo po ito. Nasa estasyon po ang anak niyo. Arestado ho siya.”

“Hindi naman po pala malignant ang tumor niyo. Benign ho.”

“Mahal, hindi iyon tira-tira kagabi. Pagkain iyon ng aso!”

“Mommy, Daddy… Gusto akong pakasalan ni Lemuel!”

At marami pang iba. Ang bawat isang sorpresa ay maaaring makapagresulta sa tawa o luha natin na parang baliw… iniisip na baka nananaginip lamang tayo.

Alam mo bang puno din ng sorpresa ang Bible? Kung ilalagay mo ang iyong sarili sa paa ng mga karakter ng Biblia, malalaman mo. Isipin mo na lang sina Adan at Eba nang makita nila ang walang buhay na katawan ni Abel. Nung biglang nawala ang mga yapak ni Enoch. Nang mapagtanto ng mga kapit-bahay ni Noah na parang may tumutulo na kung ano mula sa langit. Nang sinabi ng matandang si Sarah, “Abraham, totoo nga yata yung sinabi nung lalaki!” Nang makarinig si Moses ng punong nag-aapoy na hindi nasusunog. Nang humiyaw ang asawa ni Paraon ng, “Patay na siya! Patay na ang anak natin!” Nung unang bumagsak ang manna mula sa langit. Nung unang lumabas ang tubig mula sa bato. Nang bumagsak ang mga pader ng Jericho. Nang talunin ng baguhan-sa-laban na si David ang subok-na-sa-labanan na si Goliath. Nang ang isang hukom na nagngangalang Samson ay umoo imbes na humindi. Nang humindi ang propetang si Jonah imbes na umoo. Nung may isang babae mula sa Samaria na nakakila ng isang Estrangherong Judio na alam lahat ang kanyang sikreto. Nang madiskubre ng mga alagad na si Judas ay traydor pala. Nang ang kaisa-isang perpektong Tao sa balat ng lupa ay pinako sa krus ng kriminal. Nang makita Siya ni Maria na buhay isang Linggo ng umaga.

At yan ay isa pang madaliang listahan. Ang ibig-kong sabihin, kung may oras pa tayong tingnan ang buong libro, ay gising pa tayo hanggang hatinggabi. Hanggang katapusan ay puro sorpresa.

At kung pag-uusapan ang katapusan, ang huling pahina nito ang magiging pinakamalaking panggulat sa lahat. Ano ang dating ng “tulad ng isang magnanakaw sa gitna ng gabi”? Paano naman yung “sa isang sandali … sa isang kisap-mata”? Kinikilabutan na ako sa pagsusulat pa lang mga salitang ito. Isipin mo na lang ang lahat ng mga laglag na panga, mga matang parang platito, mga nginig sa buto habang tayong mga ligtas ay dinadala pataas sa mga alapaap!

Tiyak na ang pagbabalik ni Jesus ang magiging pinakamalaking sorpresa. Well, hindi dapat siguro iyon ang sabihin kong sorpresa. Ang pinakamalaking sorpresa ay na ang mga taong tulad natin ay mapapasama sa grupong iyon. Harapin na nga natin ang katotohanan—hindi lang iyon magiging basta sorpresa o panaginip. Iyon ay magiging isang himala.

 

 

Deepening Your Roots:

Genesis 17:15-17; Genesis 18:9-14; Joshua 6:1-22; 1 Corinthians 15:52-58

 

 

Branching Out:

  1. Punuin ang susunod na taon ng mga magagandang sorpresa. Sorpresahin mo ang iyong church, pamilya, o mga kaibigan ng mga aksyon na hindi mo nagawa dati.
  2. Hilingin mo sa Dios na gulatin ka niya sa isang espesyal na paraan sa linggong ito at sa mga susunod pa.

 

 

Ang article na ito ay isinalin at in-edit na bersyon ng “Surprises,” mula sa Growing Strong in the Seasons of Life ni Charles R. Swindoll, pp. 206-208. © 1983 Charles R. Swindoll, Inc. Inilathala ng Multnomah Press.

Reminisce: May Silbi Ba ang Ating Nakaraan?

reminisce

by Elijah Abanto

Paano mo nakikita ang iyong nakaraan? Para sa iba, ang nakaraan ay isang magandang alaala. Para sa mas marami, ang nakaraan ay isang masakit at malungkot na alaala na dapat nang itapon sa malayo kung maaari. Maaaring para sa’yo ang nakaraan ay pareho—maganda at masakit. Gusto nating maalala ang magaganda; kalimutan ang masasakit at malulungkot. Ngunit gaano man kalikas ang ganitong aksyon pagdating sa nakaraan—alalahanin ang magaganda at kalimutan ang masasabing “pangit”—ay hindi nangangahulugan na tama na ang ganitong aksyon.

Maraming mga pagkakataon na dapat nating alalahanin ang lahat ng nakaraan—kaaya-aya man o hindi. Ang tawag dito ay reminiscing. Maraming mga tao, kasama ang mga Kristiano, na hindi umuunlad sa isang aspeto ng kanilang pagkatao (ispiritwal, emosyonal, mental, o sosyal) ay dahil hindi sila natutong mag-reminisce. Bawat isa sa atin ay nangangailangan na ito’y gawin upang maging mas maayos tayo sa susunod.

Isang ibig-sabihin ng reminisce ay simple lang: “pag-alala.” Ito ay pag-iisip, pagbubulay-bulay, o pagbabahagi ng tungkol sa mga nagawa, naranasan, nasabi, at nakita natin sa ating nakaraan.

Ano ang mga nagawa (o naranasan, nasabi, nakita) ko ngayong taon? Ito ang una nating maitatanong sa ating sarili kapag tayo nagre-reminisce. Nakadalo ako sa lahat ng meetings ng church, patuloy akong nakagawa ng BDJ, first time kong makagawa ng curriculum para sa DVBS, first time kong magturo sa DVBS, first time ko na makapag-preside ng Children’s Service, first time kong makapagturo ng mga bata ng anim na araw na sunud-sunod—yun ang masasabi kong maganda. Ngunit ngayon ding taon ay naging tamad ako sa maraming aspeto tulad ng soul winning; lagi na lang akong huli gumawa ng lesson, mapa-Sunday School, Good News at marami pang iba; at lagi rin akong maikli ang pasensya—yun ang mga pangit kong nagawa. Sa pamamagitan ng mga ito, ay maaari akong makakuha ng mga bagong kaalaman, gayundin ng mga aral sa buhay na maaari kong gamitin sa hinaharap.

Ano ang mga matutunan ko sa mga nagawa (o naranasan, nasabi, nakita) ko? Sa laging pagdalo ko sa church, natutunan ko na ito ay mahalaga talaga sa buhay ng tao, na ito ang ginagamit ng Dios upang patuloy akong maging matibay, mapalakas kapag mahina. Natutunan kong hindi solusyon ang hindi pag-attend kapag may kasalanan ako sa buhay ko. Mas maraming blessing na matatanggap kung laging nasa church. Natutunan ko na huwag ipagpalit ang kahit isang pagtitipon para sa anumang okasyon, trabaho, o problema. Sa pagpapatuloy ng Paper Ministry, natutunan ko na kapag ang Dios ang tunay na may hawak ng isang bagay, hindi ito mawawala hangga’t hindi Niya ninanais, sa kabila ng kakulangan ng tao. Sa pagkakaroon ng DVBS at Children’s Service, natutunan ko na pwede akong gamitin ng Panginoon sa mga aspeto na higit sa aking inaasahan. Natutunan ko rin na huwag matakot na magsimula ng isang bagong “bagay” (noon ko pa nais magkaroon ng DVBS, ngunit dahil sa aking takot kaya hindi ito nasisimulan). Sa pagtuturo ng sunud-sunod na araw natutunan kong napakagandang maglingkod sa Dios; ito na ang pinakamay-kahulugan na buhay na pwedeng magkaroon ang isang tao.

Sa kakulangan ko sa pag-aakay ng kaluluwa natutunan ko na dapat ay magkaroon ako ng pagmamahal sa mga kaluluwa; na huwag kong iisipin ang mga hitsura at sinasabi ng mga tao kundi isipin ko na pupunta sila sa impyerno kung hindi ko sila mababahaginan ng Salita ng Dios. Sa huling paghahanda ko ng mga lesson naintindihan ko talaga na hindi nakakabuti ang cramming sa mga tinuturuan ko—imbes na matuto sila ay lalo pa silang naguguluhan at “nabobobo.” Natutunan ko na kapag hindi pinaghandaan ang lesson ay makikita mo ang epekto sa mga estudyante: hindi na nakikinig at ayaw nang makinig, alam man nila o hindi na hindi ko pinaghandaan iyon. That teaches me to prepare my lessons earlier next time. Natutunan ko na sakit lamang ng kalooban ang naidudulot ng maikli kong pasensya sa ibang tao at kahit sa aking sarili. That makes me even more eager to practice patience.

Mas magiging blessing ang aking nakaraan kung maibabahagi ko ito sa iba at ang mga aral na kaugnay nito. Iyan, na-share ko na sa inyo. Ang “highs and lows” ko. Naging blessing ba sa inyo ang nakaraan at mga natutunan ko mula dito? Maaaring ganoon din ang iyo. Mabuting ibahagi mo ito sa iba—huwag ka nang mahiya o matakot na malaman ng iba ang “kapangitan” mo, dahil may natututunan tayong magandang aral mula sa mga ito.

Reminisce. Maaaring isang bagong salita ito sa inyong vocabulary, ngunit ang salitang ito ay nakatulong na sa maraming tao sa buong kasaysayan ng sanlibutan. Hindi mo ba ibibilang ang sarili mo sa mga natuto mula rito?

Fruits and Men

fruits

Gaano karaming prutas ang alam mo? Hindi ako makikipagparamihan sa’yo dahil malamang mas marami kang alam kaysa sa akin. Basta ang alam ko ay may matamis, may maasim (o kaya pareho), may makatas, may tuyo—ang prutas ay may iba’t ibang klase, tekstura, gayundin ang sustansya o bitaminang binibigay nito sa katawan. Bawat isa sa atin ay may prutas na hindi pa natitikman, maaaring ito ay mula sa ibang bansa o probinsya sa ating bansa.

Ano ba ang technical o scientific definition ng fruit? Ang prutas ay medyo pareho sa ating buhok—ito ay “outgrowth” ng isang puno, tulad na ang buhok ay “outgrowth” ng ating balat, o skin. Mayroon lamang mga malaking pagkakaiba sa pagitan ng prutas at buhok. Unang-una, ang prutas ay tumatayong anak ng isang puno pagkatapos mag-mature ng ova (o pambabaeng reproductive cells ng puno) at ng pollen (o panlalaking reproductive cells ng puno) sa isang bulaklak, o flower, samantalang ang buhok ay sobra lamang ng balat, kung baga. Pangalawa, ang prutas ay maaaring kainin, (may mga prutas na hindi pwedeng kainin, dahil nakakalason, o kaya ay kasintigas ng sanga ng puno,) samantalang ang buhok ay obvious na hindi kinakain, bagaman nagbibigay ito ng dagdag na proteksyon sa atin mula sa init, lamig at dumi o alikabok. Pangatlo, ang prutas ay may mga seeds o buto, kung saan pag itinanim sa lupa, diniligan at inalagaan, ay lalaki ring tulad ng pinagmulan nitong puno, samantalang ang buhok ay hindi.

Paboritong banggitin ng Biblia ang salitang “fruit,” mapasa-literal nitong ibig-sabihin, o figurative (o malalim na kahulugan). Binabanggit ng Bible ang “fruit” sa humigit-kumulang 184 na talata, kung saan 208 beses itong makikita, bukod pa sa salitang “fruits” (na binanggit naman ng 42 beses sa 42 na talata). Paano naman kaya ang salitang “tree”? Siyempre, natural, bago magkaroon ng prutas o bunga, kailangan munang may puno—and so I searched. Interestingly, halos magkasindami sila ng salitang “fruit”—matatagpuan ito sa 169 na talata, kung saan 201 beses itong makikita (idagdag pa ang plural form nitong “trees,” na matatagpuan nang 157 beses sa 136 na talata). So kahit ang Bible ay kinikilala ang natural na ugnayan sa pagitan ng puno at bunga.

At nakakapukaw din ng interes ang paghahambing nito sa mga tao sa mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan. At kung ihahambing nga ang bunga (siyempre kasama ang puno) ay may tatlong klase ng tao.

Evil tree, evil fruit (Matthew 7:17b; 7:19; 12:33b). May mga puno na bagaman nagbubunga, ay hindi maaaring kainin ang “prutas” dahil ito ay nakakalason. Mayroon na akong halamang nakita na nagbubunga ng mga kasinghugis at laki ng alateris (kulay orange nga lang) at sinabihan ako na hindi iyon kinakain. Mayroon din akong nakita na hugis lansones, ngunit hindi rin pwedeng kainin, dahil nakakalason. Ganon ang isang masamang bunga—mukhang maganda sa labas, parang ang sarap kainin, ngunit hindi pala—nakakalason pala. Lahat ng masasamang bunga ay nagmumula lamang sa mga masasamang puno, at sabi nga sa Matthew 7:19, ang bawat puno na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay pinuputol at sinusunog sa apoy, kasama ang mga bunga nito. At kung ihahambing ang mga punong ito sa mga tao, ito ay ang mga bulaang tagapagturo, o false teachers. Mga taong kala mo ay may magandang intensyon (ilapit tayo sa Dios), may magandang panlabas na itsura (naka-Americana, purple na robe, atbp.), ngunit ang kalooban pala ay puno ng masamang intensyon, yabang, at kasakiman. Ngunit hindi lamang ako magtatapos sa mga ito. Masasabi ko rin na ang “corrupt tree” (kung saan nagmumula ang “evil fruit”) ay lahat ng mga hindi pa ligtas, o unsaved, ika nga. Alalahanin na ang bawat tao ay may kanya-kanyang iniimpluwensyahan, maaaring mula sa mga salita, kilos, o desisyon na kanilang ginagawa. At ang bawat hindi ligtas ganito; kaya sa bawat salita nila ay mayroon silang naaapektuhan na iba na dahil doon ay mapupunta sa impyerno. Kapatid, kung hindi ka pa ligtas, ay kasama ka sa mga masasamang puno. At walang pwedeng ibunga ang masamang puno kundi masama.

Good Tree, Good Fruit (Matthew 7:17a; 12:33a; John 15:2b). Ito ang mga puno na nagbubunga ng mga prutas na nakakain, ngunit hindi lamang iyon—ang mga prutas ay masustansya, puno ng bitamina, nakapagpapalakas ng katawan, at nagbibigay-kalusugan. Ito ang klase ng mga tao na nakakagawa ng kabutihan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon, sa kapwa, at sa sinumang nangangailangan. Ang mga bunga nila ay magagaling, at kahanga-hanga. Sila ang mga klase ng tao na nagbabago ng buhay para sa ikaaayos ng mundo. At kung ikaw ay ligtas na, o saved, ay maaari kang mapabilang sa kategoriyang ito. Sinabi kong maaari dahil hindi lahat ng mga ligtas ay ganito. Tanging ang mga matatapat lamang sa Panginoon, o faithful, ang kasali sa kategoryang ito. Ito yung mga walang pasubali na naglilingkod sa Panginoon, maaaring sa pag-awit, pangangaral, pagbibigay, at marami pang iba, kung saan ang pinakalayunin ay ang makapag-akay ng kaluluwa. Ang mga matatapat lamang ang binibigyan ng kakayahan na magkaroon ng bunga ng Ispiritu, na makikita natin sa Galatians 5:22, 23.

Good Tree, No Fruit (Matthew 21:19; Luke 13:6-9; John 15:2a). Mayroong mga puno na kilala mong mangga, o niyog, o bayabas, ngunit hindi namumunga. Ngunit maaaring hindi mo rin kilala ang mga ito, at hindi mo na talaga makikilala dahil hindi namumunga. Dito pumapasok ang mga ligtas na, o saved, ngunit hindi nagpapakita ng anumang ebidensya ng kanilang kaligtasan, o bunga. Hindi namumunga ng masama ang mabuting puno, ngunit hindi nawawala ang pagkakataon na hindi ito mamunga. Ang mga saved na unfaithful, ay maaari nating sabihin na namumunga ng masamang bunga, dahil karamihan sa kanila ay gumagawa ng gawain ng unsaved, ngunit iba sila sa totoo lang. Wala silang magagawa na magdadala ng isang tao sa impyerno, ngunit wala rin silang ginagawa upang ang tao ay mapunta sa langit. At lahat ng mga sanga (tayo yun) na hindi namumunga, sabi sa John 15:2a, ay inaalis ng Dios. Hindi ang kaligtasan, kundi ang buhay mismo dito sa lupa, ay inaalis, depende na lamang sa biyaya ng Dios na laging nagbibigay ng pagkakataon maging isang taong namumunga.

Ano ka sa mga ito? I really hope you are not a corrupt tree, dahil sigurado, masamang bunga ang tanging mailalabas niyon. Nawa kung hindi ka pa ligtas ay tanggapin mo na si Jesus bilang Tagapagligtas. Hindi ko rin nais na nasa mabuti kang puno ngunit hindi ka namumunga, ngunit ikaw ay maaaring nasa ganoong sitwasyon. Mabuti pa ay magsisi ka at humingi ka ng lakas sa Panginoon na ipakita mo kung sino ka. May panahon pa, kapatid. At kung sa biyaya ng Panginoon ay maibibilang ka sa mga matatapat, sa mga namumunga, nawa ay manatili kang mapagpakumbaba at patuloy na magbunga. Marami ka pang patuloy na mapalakas, mapatibay, at mabago na mga buhay.

A Fruit That Lasts

Hindi ko alam kung mayroon kang masamang maipupuna kapag naririnig mo ang salitang “prutas.” Alam ko, mayroong mga ilan sa inyo na ayaw sa ilang uri ng prutas—halimbawa yung chesa (dahil parang chalk kung kainin), o durian (dahil mabaho)—ngunit yung sasabihin mong “ang pangit” ng prutas, kung mayroon mang magsasabi niyon, ay isa sa isang milyong tao. Marinig mo lang ang salitang “fruit” o “prutas” sa isang pangungusap ay matamis sa pandinig. “Nakabili ako ng prutas!” “Mayroon tayong prutas!” “Fruit salad!” “Ano’ng prutas ang paborito mo?” Ang lahat ng ito ay nagdudulot ng magandang tugon mula sa nakakarinig nito. “Mahal nga lang ang prutas,” “Walang prutas”—ang kawalan naman nito sa ating buhay ay nagpapalungkot sa atin. Sa totoo lang, nung makakita ako sa Maynila ng nagtitinda ng pinya na tig-sasampung piso, bumili agad ako ng tatlong tigkakalahating piraso—at tuwang-tuwa ako dahil matagal na rin akong hindi nakakakain ng prutas. Medyo nalungkot lamang ako dahil may tinda din na pakwan—yun nga lang tig-bebente—kaya hindi ako nakabili. Pero natutuwa na ako dahil at least may pinya ako. Prutas. Hay, prutas.

Pero mas nakakatuwa siguro kung ang prutas na mayroon ka ay hindi nabubulok o nalalamog o nasisira, hindi ba? Bumili ka man ng marami at itabi ito, ay hindi ka mag-aalalang huwag munang kainin ito dahil alam mong magtatagal ito. At isipin mo, pag kinain mo ito ay nandoon pa rin ang juicy nitong laman—mapamaasim (tulad ng mangga o orange) o mapamatamis (pakwan o mansanas). Dagdag pa ang kalusugang dulot nito sa ating katawan.

God wants a fruit that lasts in you. At ang bungang nagtatagal ay hindi ang mga nakukuha mo sa paghahasik mo sa sanlibutan—pagpapakatalino sa karunungan ng mundo; pag-iipon ng mga salapi, ginto, pilak; o pagkakaroon ng posisyon sa anumang organisasyon—ang mga ganitong klase ng bunga ay nabubulok, pansamantala. Ang sayang dulot nito ay pang-ngayon lamang, hindi magpakailanman.

Ngunit ang buhay na inilaan para sa Dios, sa pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos, sa pagkakaroon ng mabuting relasyon at pagmamahal sa Kanya, kasama ang mga kaluluwang pinaghirapan at pinamuhunan—iyan, iyan ang bungang nagtatagal—hindi nabubulok, hindi nasisira. Dahil ang mga “prutas” na ito, ay hindi itinanim sa lupa, sa sanlibutan; ito ay itinanim sa langit mismo, kung saan naroon ang Dios. At anuman ang inihasik sa langit ay hindi nasisira, nabubulok, o nawawala. Iyan ang kailangan natin, mga kapatid—a fruit that lasts.

The Logic of Giving and Receiving

by Elijah Abanto

Noong panoorin ko ang pelikulang The Chronicles of Narnia: The Lion, the Witch and the Wardrobe, mayroong eksena doon kung saan sinasabi ni Susan, na “logically it’s impossible,” tinutukoy ang kwento ng bunso nilang kapatid na si Lucy tungkol sa isang mahiwagang mundo sa dulo ng isang wardrobe (o malaking cabinet ng mga damit). Sinasabi niya na imposible na magkaroon ng ganoong klaseng mundo—at ang daan pa ay sa pamamagitan ng isang cabinet. Well, nagkamali siya (at least sa movie na iyon at sa nobelang pinagbasihan niyon), at nagtagpuan din niya ang sarili sa mundong sinabi niya noong una na “logic’lly it’s impossible.”

Binanggit ko ang eksenang ito upang gumawa ng isang mahalagang punto: natural na para sa atin na bumase sa ating pangangatwiran, o, “logic.”Kaya ang mga sinabi ni Susan ay kadalasan ding lumalabas sa ating mga bibig— “logically it’s impossible,” o anumang tulad ng pangungusap na ito. And it makes sense, really, at magagamit natin ang ganitong pag-iisip sa maraming aspeto ng buhay. Siyempre halata naman na para makapagpadala ng mensahe sa pamamagitan ng cell phone ay dapat kang mag-text. Sang-ayon sa pangangatwiran (logic) natin na ang pag-aaral nang mabuti ay magreresulta sa pasado (kung hindi man mataas) na grado.

Ngunit pagdating sa mga pangungusap ng Biblia, parang ang salitang “logic” ay out-of-the-question, o walang lohikal na eksplanasyon. Marami pa ring mga Kristiano ang hindi ma-gets na “all that will live godly shall suffer persecution” (2 Timothy 3:12). Ano ang logic sa taong nagbabago na at nagkakaroon na ng takot sa Dios na sasaktan at uusigin ng tao? At paano’ng papasok sa kokote natin na ang mga inuusig o pinagtatawanan o sinisiraan dahil kay Kristo ay mga “blessed” o “happy” (Matthew 5:11)?

Pagdating din naman sa mga inuutos ng Dios sa atin, it seems na ang bawat isa ay illogical, o (nahulaan mo na siguro), ay wala sa katwiran. Sino ang naka-get-over sa utos na “Love your enemies” (Matthew 5:44; Luke 6:27, 35)? “Logic’lly it’s impossible!” halos-sabihin na natin, kahit na tayong mga Kristiano. Kahit ang utos ng Dios kina Adan at Eba na huwag kainin ang bunga ng Puno ng Pagkaalam ng Mabuti at Masama (Genesis 2:9, 17) ay mukha ring illogical, dahil ang itatanong ng isip, “Bakit pa ilalagay doon ng Dios ang punong iyon kung hindi naman kakainin ang bunga?” At paanong ang pagbibigay ay magreresulta sa pagkakaroon ng mas marami pa; i.e., “Give and it shall be given you” (Luke 6:38)?

Ngunit tulad ni Susan, kadalasan, ay nauuwi tayo sa pagkakamali. Nalalaman natin na totoo at tama ang isang bagay—parang si Lucy na napatunayang totoo at hindi sinungaling. “Logically” parang imposible, ngunit posible pala at talagang mangyayari.

Ngunit totoo kayang “logic’lly it’s impossible!”? Sa aking mga pag-iisip ay na-realize ko: Aba, may katwiran naman pala. Isang pagkakamali lang na nagagawa nating mga Kristiano ay ang isipin na ang lahat ng inuutos ay illogical, at laging parang wala sa katwiran. Ngunit marami na ring nakapagtanto na ang mga utos ay may katwiran—kung pag-iisipan lamang mabuti. At sa article na ito ay nais kong ipakita kung gaano kalohikal ang biblikal na pilosopiyang “Give and it shall be given you,” o, sa ibang salita, “Give and receive.”

Kaunti lamang (kung mayroon man) ang nakikita ko sa kalikasan na hindi sumusunod sa batas na ito. Paano nagkakaroon ng makakain ang isang kingfisher bird (tulad ng nasa frontpage ng BDJ ngayon) ng mga isda—sa ibang mga salita, ang lahat ng mga hayop? Kailangan muna niyang maglabas—magbigay—ng enerhiya upang makahuli o makakuha ng pagkain. Paano tayo nakakatanggap ng oxygen (na kailangan natin para mabuhay) mula sa mga halaman, kung may alam ka sa science? Sa pamamagitan ng pagbubuga—pagbibigay—natin ng carbon dioxide sa kanila, hindi ba? Alam din nating lahat na bago tayo bigyan—makatanggap—ng bunga ng isang puno ay kailangan muna natin siyang diligan—bigyan—ng tubig at pataba. At sinuman ay hindi makakatanggi na ang tanging paraan para bigyan ng babae ang kanyang asawa ng anak ay dapat munang magbigay ang lalaki ng kanyang punlay (note: hindi tayo bastos dito, okay) sa babae, hindi ba? Kung “logically” lamang ang pag-uusapan, kapatid, ang “Give and receive” ay noon pa lohikal kung kalikasan ang tatanungin.

Kaya ka makakatanggap ng sweldo sa kinsenas o bonus ngayong Disyembre ay dahil nagtrabaho ka—nagbigay ka ng lakas, oras, at salapi, hindi ba? Makakatanggap ka ng medal sa school, o sa competition, kung nanalo ka siyempre—ngunit kailangan mo munang mamuhunan—magbigay—ng talino, lakas, at talento. Makakapagbigay ka lamang ng tamang sagot sa tanong ng teacher mo kung nakinig ka nang mabuti o nagbasa o nag-aral—o nakatanggap ka muna ng katalinuhan, hindi ba? Ano pang lohika o katwiran ang kailangan mo kung kitang-kita naman, kahit sa buhay nating mga tao na ang sinumang nagbibigay ay tumatanggap?

Hayaan ninyong magpakita ako ng halimbawa mula sa aking buhay at sa ministeryong pinagkatiwala sa akin ng Panginoon. Bakit ba tumatanggap ng support ang Paper Ministry mula sa ilang miyembro ng Capitol BBC at maging mula sa ibang mga Baptists? Kasi nauna ang ministeryong ito magbigay sa kanila. Kaya ngayon, sa biyaya ng Panginoon, ay tumatanggap ng suporta ang paper ministry. (Sidetalk: Kaya naman sa inyo na binibigyan ng BDJ o mga coloring papers na hindi nagbabalik sa Paper Ministry, kayo ang illogical.) Nito lamang nakaraang linggo ay nakatanggap ako ng meryenda mula sa pamilya ng mga batang binigyan ko ng aral at kwento mula sa Biblia. Tinapay at juice, tanghalian, bibingka at juice, wafer sandwich at juice—lahat ng iyon natanggap ko kasi tinuruan ko sila—binigyan ko sila ng oras, lakas, at talino. “Logically,” iyon ang magiging resulta.

Now I know how logical giving and receiving is. Sana ay na-gets mo na rin ngayon, para hindi na tayo matakot magbigay. Isipin mo na lang, ang Dios. Paano ba Siya nakakatanggap ng papuri mula sa atin—bakit ba natin Siya pinupuri at sinasamba at pinapasalamatan? Eh, kasi, mga kapatid, kaibigan, binigay Niya kasi sa atin ang bugtong na Anak Niyang si Jesus at niligtas tayo mula sa mga kasalanan.

That’s how logical giving and receiving is.

Silence: Hearing God’s Voice Clearly

Nito lamang nakaraang araw ay puno ng videokehan ang kalsada namin. Sa oras na ito ay wala akong naririnig, ngunit hindi na ako magtataka kung mamaya ay may marinig na naman akong ingay ng videoke. Lagi nang ganito simula noong lumipat kami sa subdivision na ito. Bihira ang isang araw na walang kantahan sa videoke sa isa mga kapitbahay namin. Minsan sa tapat namin, minsan sa katabing bahay namin sa kanan, minsan yung kasunod noon, minsan naman doon sa bahay sa kaliwa namin, minsan sa medyo mas malayo pero ang lakas abot sa lugar namin. Kung hindi naman nagvi-videoke, ay nanonood naman sila ng pelikula (hindi ko alam kung mahina lamang ang pandinig nila o gusto nilang papanoorin ang kapitbahay o ipaalam kung gaano kaganda ang sound ng kanilang speaker o TV) na pagkalakas-lakas din. Kung hindi man ganon ay mga pakikinig sa mga worldly songs ang maririnig mo—o kaya naman (minsan lang naman ito), ay sigawan ng magulang at anak. Minsan lang ganito katahimik (kung masasabi ko mang katahimikan ang paminsan-minsang pagdaaan ng mga humaharurot na sasakyan sa aming kalsada).

Sa mundong ito na puno ng ingay at gusto sa ingay, may isang boses na hindi na natin marinig nang mabuti (kung naririnig man natin): ang boses ng Dios. Alam mo bang nagsasalita pa rin ang Dios ngayon? Noon ang Dios, bago magkasala sina Adan at Eba, ay maaari mo Siyang makausap nang direkta—at maririnig mo nang malinaw (Genesis 1:28-30; 2:16-17). Simula noong magkasala ang tao, ang ganitong pribilehiyo ay nabawasan at napunta na lamang sa mga nais Niyang bigyan ng espesyal na mensahe, tulad ni Cain, Enoch, Noah, Abraham, at mga propeta. Kahit si David, ang lalaki ayon sa puso ng Dios, ay kailangan ang saserdote at propeta para malaman ang kalooban ng Dios. Dumating ang panahon na kinakausap ng Dios ang tao sa pamamagitan na lamang ng mga propeta. Sa Bagong Tipan, sa pamamagitan ni John the Baptist (Matthew 3:1-12), pagkatapos ay sa pamamagitan ni Jesus, ang Dios na nagkatawang-tao (Matthew 1:23, 25). Maging sa iglesya, tanging mga apostol lamang at mga ebanghelista ang kinakausap ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Ispiritu o ni Jesus (Acts 8:29; 9:1-16; 10:9-16; 13:2, etc.). Noong makumpleto na ang Biblia, hindi na kailanman nakipag-usap nang direkta ang Dios sa tao. Sa pamamagitan na ng pangangaral ng mga pastor at Kanyang mga anak ang Dios ay nakikipag-usap sa tao.

Ngunit may isang bagay na hindi nawala mula pa noong umpisa: nakikipag-usap nang personal ang Dios sa bawat isa sa ating Kristiano. Hindi ito mauunawaan ng mga hindi ligtas, ngunit alam ng mga Kristiano, ng mga ligtas na kinakausap tayo ng Dios nang personal. Nariyan ang Biblia, nariyan ang pastor at mga tagapagturo upang ipangaral sa atin ang kalooban ng Dios, ngunit ang Dios mismo ay kumikilos at nagsasalita sa atin. Hindi naririnig ng iba, ngunit malinaw nating naririnig—makinig lamang tayo.

Ang problema lamang, ay hindi tayo tumatahimik. Hinahayaan natin na istorbohin tayo ng ingay ng sanlibutan, ng ingay ng musikang pangmundo, ng telebisyon, ng mga tsismis, ng mga pakikipagkwentuhan sa kapwa, ingay ng magulo nating mga pag-iisip—hanggang sa punto na ang marahan at malinaw na boses ng Dios ay nasasapawan na ng ingay ng mga iyon. At huwag kang magkakamali, ikaw ang nagpapahadlang; ikaw ang dahilan kung hindi mo marinig o hindi mo marinig nang malinaw ang boses ng Dios. Dahil hindi tayo tumatahimik. Ngunit kung tayo ay tatahimik, hindi lamang natin maririnig ang boses ng Dios nang malinaw, kundi lalo tayong mapapalapit sa Kanya.

Makikita natin ang ating kasalanan. Tinanggap lamang nina Adan at Eba na sila’y nagkasala nang sila’y tumigil nang magturuan at nakinig na lamang sa sinasabi ng Dios.

Makikita natin ang Kanyang kalooban. Kapag inalis natin ang mga gumugulo sa ating relasyon sa Dios, makikita natin ang Kanyang kalooban sa atin. Doon tayo nakakapag-isip nang tama, at naliliwanagan sa mga nais sabihin ng Dios sa atin.

Maiintindihan natin ang mga katotohanang sinasabi Niya sa kasulatan. Kadalasan kapag ako’y tahimik, doon ako binibigyan ng Dios ng maraming mga kaisipan na nagbibigay-linaw sa mga tanong ko tungkol sa mga katuruan ng Kasulatan. May mga aral o utos ang Dios na hindi natin maunawaan kung bakit kailangan o dapat nating gawin, ngunit kung tatahimik lamang tayo at makikinig sa boses ng Dios, ay mauunawaan natin ito.

Mahihirapan na ang Kaaway o ang sanlibutan na akitin tayo sa mga makamundong pagnanasa. Dahil alam natin na hindi natin maririnig nang maayos ang boses ng Dios sa gitna ng mga bagay ng mundo, ay pinipigil na natin ang ingay nito na bumalot muli sa atin. Sa bawat bagay ay alam mo na ang sinasabi ng Dios, kaya mahirap na para sa mundo at kay Satanas na dalhin tayo sa pagkakasala.

Alalahanin natin na kaya nakausap nang direkta ng Dios ang mga nabanggit kanina ay dahil tumahimik muna sila sa Kanyang harapan. Ang bansang Israel ay nasakop ng ibang bansa noon dahil hindi sila tumahimik nang magsalita ang mga propeta ng mensaheng galing sa Dios, bagkus ay panay sila dahilan, panay paglalapastangan—panay ingay—ang kanilang ginawa, hanggang sa punto na pinahirapan pa nila at pinagpapatay ang mga lingkod ng Dios. Imbes na makinig at tumahimik sa harap ng pagtuturo ni Jesus, ang mga Fariseo at Saduceo ay walang ginawa kundi lumaban o hanapan ng mali ang Kanyang mga sinasabi—at pinagbayaran ng Israel nang husto ang pagkakasalang ito.

Mayroon akong napanood na pelikula kung saan mayroon akong narinig na magandang pangungusap: “Ease your storm.” Kung papayapain lamang natin ang unos sa ating mga isip at puso na dulot ng mga problema at hirap, maririnig natin ng boses ang Dios, na Siyang magbibigay ng tunay na kapanatagan sa ating isip at puso.

Bakit hindi natin ito gawin? Bakit hindi tayo lumayo sa ingay ng sanlibutan at maging tahimik at makinig sa boses ng Dios? Bakit hindi tayo pumunta sa isang lugar na tayo lamang at ang Dios ang naroon? Walang istorbo, walang ingay.

Panahon na siguro para tayo’y tumahimik at makinig sa Kanya. Nakakapagod na rin ang ingay ng videoke, ng radyo, ng telebisyon, ng awayan at sigawan. Bakit hindi tayo magpahinga? Kay sarap kayang makinig sa marahan at mahinahong boses ng Dios.

Humility

“Hindi tayo lalago kung hindi tayo yuyuko,” isang kasabihan na naisip ko pagdating sa kababaang-loob. At napatunayan kong ang tunay na lumalagong tao sa ispiritwal na aspeto ay ang taong mababa ang loob—habang rumurunong ay lalong nagpapakumbaba at hindi nagmamataas. Napatunayan ko na kahit ang isang tao ay rumurunong at dumadami ang kaalaman, kung hindi naman niya maibaba ang sarili upang maabot ang mga mas mababa sa kanya, ay hindi talaga siya lumalago.

Isang magandang huwaran sa pagiging mapagpakumbaba sa gitna ng nadaragdagang kaalaman o karunungan o lakas ay ang mga puno. Kailan kayo nakakita ng halaman o puno na nakatayo ang mga dahon at mga sanga? Halos-lahat (kung hindi man lahat) ng mga halaman at puno, habang lalong lumalaki at doon lalong yumuyuko ang kanilang mga dahon at sanga. Hindi sila patay. Buhay-na-buhay sila, alam natin. Ngunit nakayuko sila. Isipin mo kung ang mga dahon ay sanga ay nakatingala lahat sa langit—para sa akin ay hindi ko na makikita ang kagandahan nito—para sa akin ay pangit tingnan. Hindi siya nakakatulong—hindi mo masilungan (dahil nakataas nga ang mga sanga), mahirap akyatin, at hindi pwedeng gawan ng pugad ng puno dahil diretso ito paitaas. Para sa akin, ang ganda ng isang puno ay makikita ko depende sa kung paano niya iyuko ang kanyang sanga at dahon. Pakiramdam ko, kapag ganoon, ay maiintindihan kong mataas sila, ngunit kaya ko pa rin silang abutin. Di ba ang ganoong katangian ng puno ang dahilan kung bakit talon tayo ng talon para maabot ang sanga ng puno?

Parang ang Dios. Ang Dios ay parang isang matayog na puno, ngunit Siya ay mapagpakumbaba, niyuko Niya ang Kanyang sarili at bumaba sa lupa, nagkatawang-tao, upang maabot tayong mga mas mabababa, mahihina.

At tayo, kung makikita talaga natin ang ating mga sarili sa kung ano tayo—mga mabababa, at mahihinang nilalang, sa ibang mga salita, ay magpapakumbaba tayo—ay mas madaling umasa sa Dios. Hindi kailanman tumutulong ang mapagpakumbabang Dios sa mga taong mapagmataas. Ngunit ang mga “nakayuko”—ay walang-reserbang nakakatanggap ng tulong at pagpapala mula sa Kanya. At kung ikaw ay sinserong nananalangin at nag-aayuno—isang paraan ng pagpapakumbaba sa Kanyang harapan—asahan mo, ang Dios ay nandyan upang tumulong at magpala.

Gaano Ka Kahaba Mag-Pray?

time to pray

Naitanong ito isang beses sa 2nd-level leadership training session na pinapangunahan noon nakaraang taon ni Pastor Abanto. Ano ang mga sagot? May nagsabi ng 30 minutes, may 10 minutes, 5 minutes, 3 minutes, 1 minute… well, mayroon ding nagsagot ng wala pang isang minuto. Mayroon ding nagsabing hindi nila alam kung gaano katagal. May mga nagtaka o nagulat nang may magsabi ng 30 minutes; napailing din sila kapag may nagsabi ng 5 minuto pababa. Alam naman natin na mapahaba man o maikli ang pananalangin, kung ang pinapangalanginan, pinapanalangin, paraan ng pananalangin, o rason ng pananalangin ay hindi tama, ay maling pananalangin iyon.

Una ay dapat tayong manalangin sa Diyos, hindi sa mga imahen. Sabi nga sa John 14:13, 14:

 

And whatsoever ye shall ask in my name, that will I do, that the Father may be glorified in the Son. If ye shall ask any thing in my name, I will do it.

 

Pangalawa, dapat tayong manalangin para sa kabutihan ng lahat, hindi lang para sa sarili natin.

Pangatlo, dapat ay may kabuluhan, ibig-sabihin ay espisipiko at direkta, hindi paulit-ulit na wala namang laman. Sabi nga sa Matthew 6:7:

 

But when ye pray, use not vain repetitions, as the heathen do: for they think that they shall be heard for their much speaking.

 

Pang-apat, manalangin para sa kalualhatian ng Diyos, hindi para makita ng tao na magbubunga sa iyong kalualhatian. Sabi nga sa Matthew 6:5-6:

 

And when thou prayest, thou shalt not be as the hypocrites are: for they love to pray standing in the synagogues and in the corners of the streets, that they may be seen of men. Verily I say unto you, They have their reward.

But thou, when thou prayest, enter into thy closet, and when thou hast shut thy door, pray to thy Father which is in secret; and thy Father which seeth in secret shall reward thee openly.

 

So technically, kapag sang-ayon sa apat na biblikal na prinsipyong ito ang ating panalangin, mahaba man o maikli, ay tama iyon. Ngayon ay isipin natin na pumasa tayo sa apat na batayang ito—nao-orasan ba natin ang ating panalangin?

Ang tinutukoy ko ay ang pananalangin nang personal—yung mag-isa ka lang, yung ikaw lang at ang Diyos, yung pagkagising mo o bago ka matulog, yung ikaw lang ang nakakarinig ng sinasabi mo, at Siya din. Hindi ko sinasabi ang pananalangin para sa pagkain, nang publiko, sa prayer meeting, at iba pang baka sabihin mo (bagaman maganda rin naman kung nagawa)—ito ay personal na panalangin. Ngayon dito pumapasok ang mahaba at maikling panalangin. Kung oorasan mo ang iyong prayer life, tama ba ito sa harapan ng Diyos? Kung wala pang minuto, o limang minuto, o sampung minuto ka lang manalangin, hindi nakakatuwa para sa Diyos, at lalo na para sa iyo. Para mas lalo niyong maintindihan kung gaano kahalaga ang haba ng pananalangin mo, gawin nating ganito ang tanong: Gaano ka katagal makipag-usap sa Diyos?

Alalahanin na ang pagbabasa ng Biblia at Holy Spirit ang paraan na ginagamit ng Diyos para makipag-usap sa atin, na obviously ay lampas sa isang minuto o lima. Ang prayer ang paraan natin para makipag-usap sa Diyos. Tayo, katumbas ba ng pag-pe-pray natin ang pakikipag-usap sa atin ng Diyos?

Wala kang mai-pag-pray? Hindi, napakarami nating dapat ipag-pray. Kahit ako nalulunod na—kailangan kong ipag-pray na matupad ang kalooban ng Diyos, kasunod ang buong mundo, ating bansa, ating komunidad, ating iglesiya, pamilya ng ating pastor, ating mga kakilala (o kaaway), ating pamilya, at pati ang ating mga sarili. (Sa sarili pa nga lang natin, marami na tayong kahilingan, paano pa ang buong mundo?) Hindi sapat ang salitang napakarami para ilarawan ang ating dapat ipanalangin. Napaka-sobrang dami nating dapat ipag-pray, kaya hindi kaaya-aya na tayong Kristiano ay manalangin ng mababa-pa-sa-isang-minuto na panalangin. Nais ba nating bigyan ng kasiyahan ang Panginoon? Dalasan natin at habaan natin ang pakikipag-usap sa Kanya. Isipin mo na lang kung paano ka makipag-usap sa iyong kabigan, at yun din (at higit pa) ang paraan ng pakikipag-usap sa Kanya—Siya na lagi nang nakikipag-usap sa iyo.

Let me cite you examples. Si Abraham, si Moses, si Samuel, si David, si Elijah, si Daniel, at marami pang iba sa Lumang Tipan. Sa Bagong Tipan, si Anna, ang mga unang iglesiya. At kung si Jesus, ang Diyos na nagkatawang tao, ay nanalangin nang matagal, bakit tayo ay hindi? Si Martin Luther dalawang oras nagpe-pray, ganundin ang mga pastor ngayon. Tanong mo kay pastor kung gaano siya katagal mag-pray, at malalaman mo kung sino ang dapat mong tularan.

“Orasan mo na ang pagpe-pray mo,” payo ni Pastor sa isang miyembro sa session. Hindi para limitahan natin ang ating pananalangin, kundi para ating mabigyan ng karapat-dapat na panahon ang pakikipag-usap natin sa Dios. Magandang payo ito sa ating lahat na nais mapalapit sa ating Panginoon. Habang pwede mo pang orasan.

 

Ang article na ito ay nerebisang bersyon ng orihinal na artikulo ni Bro. Elijah Abanto sa parehong pamagat. Inilathala sa BDJ Volume 2, Issue 5, March 1, 2009.