Life’s Basics: Teaching (Part 1)

teaching

I really loved teaching. Sa aking palagay, mula pa noong nasa tiyan ako ng aking ina, nilagay na sa bawat hibla ng pagkatao ko ang pagtuturo. And as I grew up, lumalabas ang ganung pagkatao ko. Na-realize ko na mula noon pa ay nasa puso ko na ito dahil I really loved learning. Lagi akong nanonood noon ng mga informational and educational programs sa TV, and I really loved books. Ang mga magulang ko at ang uncle Rey ko, nakita marahil ang ganung personalidad ko kaya ibinili nila ako ng mga libro. I really loved to learn. At noong dumami na ang aking mga natutunan, something within me told me to share them to others.

I remember myself taking a chalk and writing something on the board and teaching my classmates some new thing I’ve learned. Grade 3 or 4 ako noong inatasan kami ng aming adviser na pumunta sa mga rooms ng mas mababang level upang magturo dahil nasa meeting noong time na yun ang mga teachers, at kahit na yung iba kong mga kaklase ay nakikitang burden iyon, I and some like-minded people loved to do it. Pakiramdam ko exciting ang pagtuturo. Lalong nahasa ang katangiang iyon tuwing binibigyan ako ng pagkakataon ng aking mga subject teachers na mag-report about a topic. I remember teaching with such enthusiasm to my classmates kahit noong high school na ako.

Then I entered Bible College. Mrs. Gloria Ebert who was then teaching Pedagogy inspired me to teach children with great methods and great joy, with God at the center. Dahil doon, I fell in love with teaching children. Sa mga ibinigay na opportunities ng church, nagturo ako sa mga bata sa Sunday School at sa iba’t ibang mga baryo, and as I mature as a teacher, I began using vivid visuals, lively movements and gestures, elaborate stories and lessons. Natutuwa akong nakikinig ang mga bata sa akin, and that I was serving God at the same time. Because of teaching I was able to write original stories, just to make them learn truths better and deeper.

After Bible College I was given the opportunity to teach older people and I was able to stand before them kahit na bata pa ako. I would like to make sure that I would impart something important to them, something they will remember deep in their hearts and minds.

I love to teach.

Kaya lang ako yun. And as I look around me, I see people who are afraid, even indifferent and uninterested with teaching. I see parents indifferent to teaching their children, at iniiwan na lamang ang lahat ng pagtuturo sa mga guro sa paaralan. I see public school and private so-called teachers who are not teaching children, at inuubos na lamang ang oras sa pagpapakopya ng nakasulat sa libro at paniningil ng pera para sa iba’t ibang project. I see young people na kuntento na sa pagpapagwapo at pagpapaganda, pakikinig ng musika at panonood ng mga video, at walang interes sa pagbabahagi ng kaalaman sa iba. I see Sunday School teachers who teach with just the lesson in hand, without the mind, heart and soul.

They don’t love teaching.

And that’s just sad. Very sad.

Dahil tulad ng pakikinig, pagbabasa, pagmamasid at pag-iisip, ang pagtuturo ay just as important, even more so. Ngunit iniisip ng tao na ang pagtuturo ay para lamang sa mga taong may nakakabit na “teacher,” “Prof.,” “Sir” at “Ma’am” sa kanilang pangalan, at na hindi nila kailangan at ayaw nilang maging ganito.

Ngunit kung ikaw ay Kristiano, you have all the right and all the responsibility to teach others—to become a teacher yourself.

 

Teaching: The Bible Connection

Inuutusan tayo ng Biblia na magturo. Makikita natin ito sa 2 Timothy 2:2, 24 (para sa pastor at lingkod ng Dios); 1 Timothy 4:11 (para sa pastor); 6:2 (para sa pastor rin); Colossians 3:16 (sa pamamagitan ng pag-awit, lahat ng mga Kristiano); Hebrews 5:12 (“[we] ought to be teachers”); Deuteronomy 6:7 (para sa mga magulang); 11:19 (para sa mga magulang rin); Matthew 28:19 (para sa mga iglesya). Nine verses, commanding parents, pastors and servants of the Lord, all churches and all Christians, to teach. Inuutusan tayo na magturo!

The Teachers in the Bible. Tingnan natin sa Biblia kung sinu-sino (at anu-ano!) ang nagtuturo. Sa Exodus 4:15, makikita nating nagtuturo ang Dios-Ama. Sa Matthew 7:29, makikita nating ang Dios Anak, si Jesus naman, ang nagtuturo. Sinasabi ng John 12:12 at 14:26, na ang Banal na Ispiritu ay dumating upang magturo. Ang lahat ng persona ng Dios ay mga guro! Kung ang Dios ng lahat ng mga bagay ay nagtuturo, ibig-sabihin ang pagtuturo ay isang napakataas na gawain.

Ang mga ninuno nating Kristiano, ang mga apostol ay nagturo (Acts 5:42). Si Pablo ay nagturo (1 Corinthians 4:17). Ang mga matatapat na Kristiano ay dapat magturo (2 Timothy 2:2). Ang mga nakakatanda ay nagtuturo (Job 8:8-10). At ang mga masasamang tao (!) ay nagtuturo rin (Proverbs 6:12-13)!

At kung hindi pa sapat ang Dios at mga taong ito para ipakitang ikaw ay dapat na nagtuturo, then look at these verses: 1 Corinthians 11:14 at Job 12:7-8. Makikita mo sa mga talatang ito na maging ang kalikasan at mga hayop ay nagtuturo! Kaya hindi ako makapaniwala sa mga taong hindi nagtuturo. Dahil mula sa Pinakamataas (ang Dios) hanggang sa pinakamababa (mga hayop) ay nagtuturo—kaya nila at maaari silang magturo.

Bakit hindi tayo?

 

Teaching: The Meaning

What is teaching? Kailangang maintindihan muna natin kung ano ang ibig-sabihin nito upang makita natin kung ano nga ba ang tunay na pagtuturo. Hindi ibig-sabihing may titulo o posisyon kang tinatawag na teacher ay guro ka nga. Hindi rin ibig-sabihin na hindi ka tinatawag na teacher ay hindi ka na guro at hindi ka na dapat maging guro.

Ang pagtuturo ay pagbabahagi ng kaalaman o kakayahan sa isa o higit pang mga tao gamit ang isang aralin o materyales upang maunawaan niya ang isang bagay o gawain. Ibig-sabihin, kung mayroon kang kaalaman, at ibinabahagi mo ito sa iba, at naiintindihan niya, iyon ay pagtuturo. Kung mayroon kang alam na gawain, at ipinapakita mo sa iba kung paano ito gawin, at natututunan niya iyon gawin, ikaw ay nagtuturo. Ang pagtuturo ay hindi pagbabasa sa isang klase ng isang aklat; ang pagtuturo ay hindi pagpapasulat ng anumang nasa libro; ang pagtuturo ay pagbabahagi, ito ay pagpapakita. (Tamang-tama na ang ‘teaching’ ay mula sa Old English word na taecan, na nangangahulugang ‘to show.’) Ang pagtuturo ay makikita rin nating nagbubunga ng pagkatuto o learning. (Tamang-tama rin na ang Hebreo at Griyego nitong katumbas ay nangangahulugang ‘to cause to learn.’) Kung ang iyong ‘pagtuturo’ ay hindi nagbubunga ng pagkatuto, hindi ka nagtuturo.

Ang pagtuturo ng isang bagay o gawain ay nangangahulugan rin ng pagsang-ayon sa isang bagay o gawain na iyon. Hindi maituturo ang isang bagay o gawain nang epektibo kung ikaw ay hindi naniniwala o sumasang-ayon rito. That’s why hindi public school teachers o private ang inuutusang magturo. That’s why tayong mga Kristiano, mga pastor, mga lingkod ng Dios, at mga magulang ang inuutusan ay dahil mayroon tayong mga paninindigan at mga pinaniniwalaan. Tayo ang dapat na magturo.

 

Teaching: The Reason

May lima akong nakikitang mga rason kung bakit tayo dapat magturo:

Utos ito ng Dios. Utos ng Kataas-taasan sa Lahat na tayo’y magturo. Sumusunod tayo sa batas ng ating bansa; sumusunod ka sa utos ng iyong mga magulang, guro at nakatataas sa iyo; sumusunod ka sa utos ng iyong employer. Kung gayon mas dapat nating sundin ang utos ng Dios.

Ang mga tao ay inililigaw. Napakaraming mga tao ang tinuturuan ng mali at niloloko ng iba para sa pansariling kapakanan. Tayong mga Kristiano na mas nakakaalam ng tama, tayo ang dapat na magturo, hindi ang mga kulto at makamundo, na ang itinuturo ay puro kasinungalingan at nakasisira.

Nagiging ‘bobo’ na ang mga tao. Paunti na nang paunti ang mga taong “may-alam.” Dahil sa epekto ng telebisyon, musika at pelikula ng sanlibutan, lumiliit din ang kakayahan at kagustuhan ng tao na mag-aral sa kanyang sarili kaya kakaunti lamang ang kanyang kaalaman na may katuturan. Tayong biniyayaan ng Dios ng Biblia ang may karapatan at responsibilidad na magturo upang alisin ang mga tao sa kanilang kamangmangan.

Maaari itong magpaunlad, o magbago, ng mga buhay. Ang maturuan ang isang tao na mangisda ay makakatulong upang umunlad ang kanyang buhay. Ikaw, kaya ka nagbago at naging isang anak na ng Dios, ay dahil tinuruan ka ng ebanghelyo ni Jesus. Ito at marami pang halimbawa ang nagpapakita na ang pagtuturo ay nakapagpapaunlad at nakapagbabago ng buhay ng tao. Kay dakila ng misyong baguhin ang buhay ng tao! At magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtuturo!

Magpakailanman ang epekto nito. Sa negative side, isipin mo na lang ang mangyayari kapag pinaniwalaan ng sinuman ang katuruan ng mga kulto at bulaang relihiyon—may isang kaluluwang mapapahamak sa walang-hanggang impyerno. Gayunpaman, sa positive side, kapag ang tinurong ebanghelyo ng isang totoong Kristiano mula sa Biblia ay pinaniwalaan ng sinuman, ito’y magdudulot ng walang-hanggang buhay kasama ang Dios sa langit. Tunay na magpakailanman ang epekto ng pagtuturo.

Hindi pagtatrabaho, paglalaro, panonood, pagiging in-love ang magkakaroon ng epekto sa marami at nang pangmatagalan kundi, pagtuturo!

 

Teaching: The Basics

Nawa ang mga una kong binanggit sa article na ito ay nagdulot sa iyo na magkaroon ng puso sa pagtuturo. Kapag kasi nagkaroon ka na ng puso para sa isang bagay o gawain, nagsisimula na ang pag-iisip at pagkilos upang ito’y iyong magawa.

Ang mga susunod ay ilan sa mga pangunahing bagay upang makapagsimula ka sa pagtuturo:

Dapat ay may alam ka. Hindi ka makakapagturo kapag wala kang nalalaman. Ang naikukwento mo sa iba ay yun ding nalalaman mo. Gayundin sa pagtuturo. Dapat ay magsikap kang magkaroon ng kaalaman. At kung mayroon ka mang dapat alamin, unang-una dapat sa iyong listahan ang Biblia. Kapag nagkaroon ka na ng kaalaman, doon ka ngayon aasahan ng Dios na ibahagi o ipakita ito sa iba  (basahin ang Matthew 13:52).

Paano ka magkakaroon ng kaalaman? Dito ngayon pumapasok ang kahalagahan ng mga naunang apat na Life’s Basics. Kung ikaw ay nagbabasa ng mga nakaraang isyu ng BDJ, maaaring nabasa mo na ang mga articles tungkol sa Listening (Volume 7, Issue 8), Observing (Issue 13), Reading (Issue 17) at Thinking (Issue 22). (Mabuting basahin mo ang mga ito upang mas maunawaan mo ang ibig-sabihin ng mga ito.) Sa pamamagitan ng pakikinig, pagmamasid, pagbabasa at pag-iisip, magkakaroon ka ng malawak na kaalaman. Pagsama-samahin mo ang mga ito, at mabubuo ang gawaing tinatawag na studying. Oo, upang magkaroon ka ng kaalaman, ikaw ay dapat na mag-aral! Tandaan, walang edad na pinipili ang pag-aaral. Hindi mo kailangan na pumasok sa eskwela para makapag-aral. Alam mo bang ang pinakamagaling na Guro ay si Jesus? Ngunit lumaki Siyang walang pormal na edukasyon, pinili Niya lamang na matuto mula sa kanyang mga naririnig, nakikita, namamasdan, at naiisip.

Dapat ay mayroon kang pagmamahal para sa mga tao. Kapag mayroon kang tunay na pag-ibig sa mga taong ibinigay sa’yo ng Dios upang turuan, ibibigay mo ang mayroon ka at ang kakayahan mo upang magawa mo ito nang mahusay.

Maghahanda ka. Hindi ka basta-basta na lamang lalapit sa tao at magtuturo ng kung anu-ano. You will prepare. Mag-aaral ka. Gagawin mo ang nararapat upang makasiguro na ang ipaparating mo sa tao ay tunay niyang mauunawaan at tatanggapin.

Ibibigay mo kung ano’ng kailangan nila. Hindi ka lang basta magtuturo ng kung anong lesson, ihahanda mo ang aralin na tamang-tama para sa kanila at kailangang-kailangan nila. Hindi ka magpapakain sa isang taong mahal mo ng basta-basta o makakasama sa kanya.

Dapat ay magsalita ka. Hindi sapat na may alam ka at napag-aralan at pagmamahal, dapat ay magsalita ka! Go to your children, or your friends, or anyone, at ibahagi mo sa kanila at ipakita kung ano ang iyong nalalaman. The best way to learn teaching is to actually teach! (Itutuloy)

 

Categories Christian service, community, God's Word, thinking of othersTags ,

Leave a comment