The Faith of a Child

Low church attendance. High backsliding rate. Low offering. Less soul winners. Mga problemang hinaharap ng kahit anong church—mula noon hanggang ngayon. Isa lang ang dahilan—walang tiwala o pananampalataya sa Diyos ang karamihan. Hayaan niyong ipahiya ko kayo sa isang bata—isang bata na may pananampalataya…

Nagpa-panic na ang mga apostol, maggagabi na at hindi pa rin pinapauwi ni Jesus ang mga taong Kanyang tinuturuan. “Pauwiin niyo na po sila, wala naman tayong ipapakain sa kanila,” sabi ng mga apostol. Kumalat ang problema sa lahat ng taong naroon—limang-libong lalaki, bukod ba ang mga kababaihan at mga bata. May ilan sigurong may baon pero ayaw i-share dahil baka sapat lang iyon para sa kanila. Pagkatapos, mula sa kawalan, ay may isang batang lalaki ang nagpakita ay inialok ang kanyang limang tinapay at dalawang isda. Siguro pinabaon iyon ng kanyang mga magulang kung sakaling abutin siya ng maghapon sa pakikinig kay Jesus. Pero siguro naisip niya na may kayang gawin ang Panginoon sa kakaunti niyang dala. Medyo nag-alinlangan siya nang maliitin ng mga apostol ang kanyang dala, pero nakita niya ang mukha ni Jesus na may tinatagong saya. Kaya direkta niyang ibinigay ito kay Jesus, at si Jesus, ay inutusan ang mga apostol na paupuin ang mga tao sa damuhan. At nangyari ang kanyang inaasahan. Ang kanyang limang tinapay at dalawang isda ay pinakain at pinabusog ang libu-libong taong naroon. (John 6:1-13)

Sabi ng Biblia, hindi gagawa ng himala si Jesus kung walang kahit-isang nananampalatayang kaya Niyang gawin ito. Kanino kaya nanggaling ang pananampalataya? Sa apostol? Hindi, obvious naman eh. Sa mga libu-libong tao? Hindi rin malamang, dahil walang nagtiwala sa kanila kay Jesus na ibigay ang kung anong meron sila. Sino kaya? Siguro yung bata. Oo, siya nga. Hindi na kailangang purihin ni Jesus ang ganitong pananampalataya (kagaya ng Kanyang ginawa sa centurion at sa babaeng Gentil), dahil alam niyang natural na sa isang bata ang manampalataya ng ganito kalaki.

Kung mayroon lamang tayong pananampalataya kagaya ng batang ito, ang problemang nabanggit kanina ay mawawalang parang bula. Masasabi mo bang “Bata lang iyan”?

Kailan ka magkakaroon ng ganitong klaseng faith? The faith of a child?

The Cross-Bridge Stories: “Anak, Hindi Pwede!”

Masayang lumapit kay Amelita ang kanyang anak na si Melvin. Galing ito sa paglalaro sa labas. Medyo nawala nga lang ito sa kanyang paningin kanina dahil sinamahan nito ang mga kaibigan sa hindi malaman na lugar sa kanilang subdivision. Nakangiting may inabot ito sa kanyang papel. “Ano ’to, Mel?”

“Kasi po nag-Good News po kami sa bakanteng unit kasama si Teacher Jericho,” sagot nito. Nangingislap ang mga mata nito na sa tingin niya ay kasiyahan. Ngunit nagtataka pa rin siya. “Nagkaroon po kami ng activity at mataas po nakuha kong grade. Ayan oh, 97!”

Hindi niya alam kung ngingiti siya o sisimangot. Hindi pa rin kasi niya maintindihan. “Nagke-kwento po siya tungkol sa Bible at kaligtasan. Sabi po niya makasalanan daw po tayo at pupunta sa Impyerno.

“Pero dahil kay Jesus pwede po akong maligtas at dahil doon tinanggap ko Siya sa puso ko. Kaya pag namatay ako sa Langit ako pupunta. Ang saya di ba Mommy?”

“Ah …” hindi malaman ni Amelita kung ano’ng sasabihin. Malamang ay relihiyon ito ng ibang sekta, sabi ng kanyang isip.

“Mommy, iniimbitahan niya po kami sa church,” sabi ni Melvin. “Sama ako, ha?”

“Hindi, Mel, Hindi,” sagot niyang mariin sa anak. Ayaw niyang mag-iba ng relihiyon ang anak niya.

“Mommy, masaya doon at para kay Jesus naman iyon eh —”

“Hindi, Hinde,” sagot niyang tumitigas na ang tono.

“Bakit po?” naluluhang tanong ni Melvin.

“Katoliko na tayo habang buhay!” sigaw niya at umalis sa harap ng anak.

“Mommy, ligtas na po ba kayo?” mahinahong tanong ng bata na nagpatigil sa kanya. Humarap siya. Nagsalita itong muli. “Kapag namatay po ba ngayong oras na ito tiyak niyo pong sa langit kayo pupunta anumang oras?”

“Ano na naman iyang pinagsasabi mo?” tanong niyang pasigaw.

“Ngayon po bang Katoliko tayo ligtas na kayo? Sabi po kasi ni Kuya Jericho walang relihiyon ang makakapagligtas sa atin sa Impyerno. Kahit daw Saksi, Iglesiya, Dating Daan, wala—kahit nga daw relihiyon nila hindi makakapagdala sa atin sa Langit.

“Sabi po niya—may hawak po siyang Bible—binasa niya po doon—si Jesus lang ang makakapagligtas sa atin.”

“Sige, pinapayagan na kita,” sabi ni Amelita. “Pero sasamahan kita.” Nakita niya ang tuwa sa itsura nito. Kung ano man ang nakain ng batang ito, siguro dapat din niyang makain.