Dear Fruitful Brother

strawberries

Tuwing nakikita kita, hindi ko maipaliwanag ang ligaya sa aking puso. Gusto kong ngumiti, lumuha at sumigaw nang magkasabay. Oo, totoo itong nararamdaman ko. Bihira lamang ang isang tulad mo, lalo na sa panahon natin ngayon. Akala ko, sa Bible lang ako o sa Church History book lang ako makakakilala ng isang Kristianong matapat sa Panginoon, naglilingkod sa Panginoon, nagpapakahirap para sa Panginoon—mali ako. Kahit ngayong panahon, makakakilala pa pala ako sa personal.
Nagpapasalamat ako sa Diyos Ama na binayayaan niya ang iglesya ng isang ligtas na tulad mo. Salamat sa Kanya dahil nakatagpo ako ng isang tunay na Kristiano. Oo, tagasunod ni Kristo. Oo, parang isang maliit na Kristo.
Salamat, kapatid, sa pag-aakay mo ng kaluluwa. Tuwing may nakikita akong mga bagong mukha sa iglesya, alam ko ikaw ang nagdala noon, alam ko ikaw ang pumunta sa mga bahay nila, at matapat na nagsabing, “Makasalanan po tayo. Malayo po tayo sa Diyos. Paparusahan po tayo sa impyerno dahil doon. Pero buti na lang mahal tayo ng Diyos. Ipinadala Niya si Jesus, ang Kanyang Anak. Kapag tumawag po kayo sa Kanya, ililigtas Niya po kayo, gaya na ako ay niligtas Niya rin, at binago.” Naalala ko ang nagdala sa akin kay Jesus, pareho kayong may pagmamahal sa mga ligaw. Nais kong maging gaya mo rin. Salamat sa pag-abot mo sa mga bata, kabataan at matatanda—wala kang pinapalampas na kaluluwa.
Salamat at masikap mong inaayos ang pananambahan para pagdating ng mga tao, okay na—uupo na lang sila at itutuon ang sarili sa pagsamba.
Hindi rin matatawaran ang pagtuturo mo tuwing Sunday School. Buong puso at buong runong at buong husay mo pa itong ginagawa—dahil alam ko, nais mong magdulot ito ng pag-ibig sa mga tagapakinig para sa Panginoon. Madalas kitang nakikitang umiiyak sa malayo tuwing nakikita mo ang isang kapatid sa Panginoon na naliligaw ng landas sa kabila ng iyong pagsisikap na siya ay dalhin sa tama at maging tulad ni Kristo. Huwag kang mag-aalala, hindi sayang ang mga luha mo. Dahil bumalik man sila sa tamang landas o hindi, alam kong paparangalan ng Diyos ang matapat mong pagmamahal sa Kanya at sa mga kaluluwa.
Hindi ko alam, pero, siguro dumadaan ka rin sa mga tukso. Nakikipaglaban ka rin, alam ko. Hindi sa pisikal na paraan, kundi sa mga ispiritwal na kalaban sa mundong ito—ang diyablo, na siya rin mismong kaaway ng Diyos. Tinutukso ka niyang magkasala, talikuran ang Diyos, at alam kong nahihirapan ang iyong kalooban. Minsan dumarating pa nga sa pagkakataon na parang tama lang na ito’y gawin. Pero pagdating ko sa Linggo ng umaga o kahit anong pagtitipon, nandyan ka pa rin. Naghihintay sa pagdating ng mga tao, handang kumamay at sumamba sa Diyos ng kalawakan. Alam ko kasing nasa kamay mo ang armas ng Diyos, ang Kanyang Salita. Hawak-hawak mo. Binabasa mo. Pinag-aaralan mo. Isinasabuhay mo. Itinuturo mo. Araw-araw. Sa salita, at maging sa mga kilos mo.
Dumaranas ka rin ng pag-uusig, paghihirap. Akala kasi nila pera-pera lang ang habol mo. Akala nila, kapag nawala sila, ikaw ang nawalan. Hindi nila alam, sila ang nawalan. Sinasabi nila sa’yong bakit hindi umuunlad ang buhay mo, ganyan ka pa rin, kung totoong mayroon kang Diyos. Ang hindi nila alam, ang umuunlad sa’yo, higit sa lahat, ay ang iyong ispiritu, nagpapanibago sa bawat araw. At tsaka, mayroon bang aliping higit sa kanyang amo? Kung si Jesus ay ganoon ang naranasan, bakit hindi ikaw? Bakit hindi ako? Kaya huwag mong intindihin ang mga sinasabi nila.
Alalahanin mo na lang ang mga bunga mo. Hindi lamang mga kaluluwang nadala mo sa Panginoon, kundi ang mga bunga ng Ispiritu na nakikita na sa iyo—pag-ibig, ligaya, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagtitimpi. Higit pa ang mga ito kaysa sa mga bunga ng pagpapagal ng sanlibutan—kalayawan, makalupang kapangyarihan, kayamanang materyal, kasikatan.
Maghintay ka lang. Kung kaya ko lang bayaran ang lahat ng mga nagawa mo para kay Jesus, pero hindi ko kaya. Pero higit pa sa inaasahan mo ang kayang ibigay ng Panginoong Jesus sa’yo. Huwag kang mainip. Magpatuloy ka lang. Kaunti lang ang mga gaya mo. Kasama ka sa mga Biblia na binabasa ng tao at nasisiyahan sila sa nababasa nila sa’yo.
—mula sa isang kapatid na nais kang tularan

Advertisements

Dear Long-Time Attender

old camel

Ito po ang sinabi ko patungkol sa inyo dahil bukod pa doon, nahihirapan na po akong magsabi ng anumang mas positibo patungkol sa inyo bilang Kristiano.

Isa po kayo sa mga pinakamatagal na miyembro ng iglesyang ito. Ilang taon na po ba kayong miyembro? Anim? Pito? Hindi ko na po masyadong matandaan, ang alam ko lang isa po kayo sa mga nananatili sa medyo matagal na ring panahon.

Gayunpaman, bukod pa po roon, wala na akong masabing iba pa. Mabait po kayo kung sa mabait (hindi ba natural namang nagiging mabait ang sinumang na kay Kristo na?), ngunit palagay ko po ay yun na lang ang senyales ng inyong pagiging Kristiano.

Hindi naman po ako nagsasabing hindi kayo Kristiano, kundi, hindi po kayo lumalago. Sa tagal niyo pong pag-a-attend, hindi po kayo nagpapakita ng mga senyales sa paglago. May mga pagkakataong masasabi ko pong Kristiano kayo—sa ilang mga aktibidades ng iglesya, sabihan lamang po kayo ay tumutulong naman kayo sa maliit na paraan. Alam niyo naman po yung libreng serbisyo niyo sa mga full-time workers sa church. Yung pagtulong niyo po sa construction kahit papano dahil sinabi ni pastor. Yung pagbibigay niyo kahit maliit para sa commitment. Yung pagti-text sa mga nanghihinang miyembro na manumbalik na sila sa Diyos. Mga tanda na kayo’y Kristiano at tunay na kapatid.

Ngunit ang ganitong mga bagay ay inaasahan na rin sa mga mas bago pong Kristiano. Sa ganito niyo pong pagtatagal sa church hindi na lang po ganito ang inaasahan sa inyo bilang miyembro.

SA PAGDALO. Kailan po kayo dumalo nang lahat ng pagtitipon? Tuwing umaga ng Linggo ko lang po kayo nakikita sa pagtitipon, mas madalas ay late pa. Bukod pa po roon, dumating man kayo sa church, doon niyo pipiliin talaga sa likod o sa labas kung saan hindi kayo mapapansin ng Pastor. Madalas ding hindi ninyo madala ang mga anak niyo sa church, at hinahayaan niyo po ang kulto na iyon na sunduin ang anak ninyo para doon um-attend. Mahina din po kayo sa inyong asawa na miyembro rin ng kulto. Paano po sila maliligtas kung ganyan po kayo? Tapos kung a-attend po kayo, mauuna pa po kayong umuwi, hindi man lang kayo nagpapaiwan para makipag-fellowship nang kaunti, kahit hindi kayo makadalo ng hapon o gabi. Wala rin po kayo sa Prayer Meeting, bukod na nga lang kung sa bahay ninyo tayo magtitipon. Bukod pa po rito, mas pipiliin niyo pang huwag dumalo nang Linggo basta may “mas” mahalagang lakad. Iyon na nga lang po ang araw ng inyong pagdalo, papabayaan niyo pa? At mas mahalaga pa ba ang kamag-anak niyo kaysa sa Diyos? Ganyan lang po ang halaga ng Diyos sa inyo?

PAGLILINGKOD SA IGLESYA. Likas na pong dahil hindi kayo dumadalo, wala rin kayong nagiging involvement sa church. Walang visitation. Walang soul winning. Walang choir. Walang ministry sa church. Noong minsang binigyan kayo ng preaching schedule, pinili niyo pang huwag na lang um-attend. Ilang taon na po ba uli kayo sa church? Anim? Pito?

PAMILYA AT PAGPAPALAKI SA ANAK. Marami nang preaching, marami nang sermon patungkol sa pamilya at pagpapalaki ng anak, gayunpaman hindi po ito makikita sa inyong aksyon at desisyon. Nagsasabi pa po ang inyong anak na pinagbabawalan niyo pa siya na dumalo sa church dahil “walang bantay sa bahay.” Bakit po ganoon? Bakit po?

PAGSUBOK O PALO. Dito po papasok ngayon kung talagang pagsubok o palo ang nangyayari sa inyo. Sinasabi niyo po na pagsubok ang nangyayari sa inyo. Pero sa mga ginagawa niyo pong pagsuway sa mga utos ng Diyos, matatawag nga po bang pagsubok ang nangyayari sa inyo? Ang sigurado ko lang po, palo ang dumarating sa sinumang sumusuway; mapapatunayan ko po iyan sa inyo dahil ako rin po nakakaranas ng palo kapag sumusuway sa Kanya. Di po kaya ay pinapalo kayo?

Dahil kung ganito nga po ang kaso, parang nagbubulag-bulagan po kayo sa inyong sitwasyon. Ayaw niyo pong tingnan ang nangyayari sa inyo bilang palo, kaya iniisip niyo na iyon ay pagsubok. Pero oras na po upang maging tapat sa sarili.

Isipin niyo po kung ano ba ang ginawa para sa inyo ni Jesu-Kristo. Naging tao po Siya para sa inyo. Namatay po Siya para sa inyo. Ibinuhos Niya po ang Kanyang dugo para sa inyo. Nabuhay po Siyang muli para sa inyo. Tapos itanong niyo po sa inyong sarili, “Sapat na ba itong ginagawa ko para sa kung ano’ng ginawa Niya para sa akin?” Maaari niyo pong sabihin na kahit buhay pa ninyo ay hindi sapat, pero mas lalo na po ang ginagawa niyo ngayon. Mas mabuti pa po na ibigay ninyong lahat kahit hindi sapat kaysa iyan lang ang ilaan niyo para sa Kanya.

—Isang naiinis, naaawa, at nagmamahal na kapatid niyo sa Panginoon

 

The Sunday Morning Christian

morning

Sa lahat ng mga pagtitipon ng isang iglesya, hindi maitatanggi na ang pinaka-pinaghahandaan ay ang Linggo ng umaga. Alam iyan ng pastor, asawa ng pastor, mga anak ng pastor, mga manggagawa, mga aktibong mga miyembro, at maging ng hindi aktibong mga miyembro. Alam ko mismo na ito ang kaso. Biruin mo, gumugugol kami ng limang araw na pagbibisita at pag-aakay ng kaluluwa para lamang ang mga ito ay mapadalo namin ng Linggo ng umaga. Ang mga espesyal na awitin ng koro/choir (o mga awit na unang beses pa lamang aawitin o pinag-ensayuhan nang matindi) ay inaawit sa Linggo ng umaga. Inaayos nang matindi ang pinagtitipunan Sabado ng gabi, at maaga ng Linggo ng umaga. Naka-pwesto ang Sunday School sa Linggo ng umaga. May espesyal na binibigkas nang sabayan (“Three Keys to Success,” “Why Are We Here?”, “Pledge of Allegiance to the Bible”) kapag Linggo ng umaga. Mas malaki ang mga handog kapag umaga. Ang mga panauhing tagapagsalita ay nangangaral ng Linggo ng umaga. Ang pastor lamang (o kasunod niya kapag siya’y wala) ang nangangaral sa Linggo ng umaga. Kaya para sa marami, ang Linggo ng umaga ay mas espesyal kumpara sa iba pang mga pagtitipon.

Hindi ngayon nakapagtataka kung mas maraming mga miyembro ang dumadalo kapag Linggo ng umaga.

Dito ngayon may nabubuong isang grupo ng mga Kristiano na tinaguriang “Sunday Morning Christians.” Mga taong naligtas ng dugo ng Panginoong Jesus, nabautismuhan sa isang partikular na iglesya, ngunit sa di-maipaliwanag na paraan ay nagsisimula at nagtatapos rin ang pagiging Kristiano nila sa Linggo ng umaga.

Sa pagdalo nila ng Linggo ng umaga at wala nang iba pa, ipinapakita nila na tanging Linggo lamang ng umaga tunay na makikinabang ang isang Kristianong katulad nila. Mas maraming tao, mas enggrandeng mga pagtitipon (espesyal na koro at mga binibigkas at Sunday school), mas magaling na mensahe (dahil pastor o panauhing tagapagsalita ang nangangaral), mas maayos at organisado— “tiyak na dito ako talagang makikinabang.” Pinapaandar ang mga ganitong klase ng Kristiano ng isip na kung may pakinabang, sige; kung walang pakinabang, huwag na lang. O kay pangit na pag-iisip! Walang iniisip ang mga ganitong klase ng Kristiano kundi pakinabang. Kaya hindi dadalo ng Linggo ng gabi kasi may gagawin; may pasok pa bukas; walang masyadong tao; may pupuntahang “mas mahalaga.” Naiinis ako sa mga magulang na hindi lang pinagbabawalan ang kanilang sarili, kundi pati mga anak na dumalo sa gabi at pagtitipon para sa panalangin. Ang isang “Sunday Morning Christian” ay isang “profit-driven Christian.”

Sa pagdalo nila ng Linggo ng umaga at wala nang iba pa, ipinapakita nila na ang buhay-Kristiano ay isa lamang aspeto ng kanilang buhay, hindi mismong buhay nila. Dumadalo sila ng pagtitipon dahil kailangan—sino ba naman ang magsasabing Kristiano siya tapos hindi naman siya dumadalo? Kaya para walang masabi ang ibang tao sa kanya at para patunayan na isa nga siyang Kristiano, ay dadalo siya ng Linggo ng umaga. Hindi nila ibinibilang na ang pakikisama o fellowship (na nangyayari sa panggabing pagtitipon at sama-samang pananalangin) ay parte pa rin ng buhay-Kristiano kundi extra. Ang isang “Sunday Morning Christian” ay isang “hypocritical Christian.”

Sa pagdalo nila ng Linggo ng umaga at wala nang iba pa, ipinapakita nilang sila ang mga tipo ng Kristiano na walang hilig sa pananagutan. Marami sa mga personal na bagay sa isang iglesya ay nangyayari, hindi sa Linggo ng umaga, kundi sa gabi at sama-samang panalangin. Hindi ka masyadong makakamusta kapag Linggo ng umaga dahil maraming tao; hanggang kamayan lamang, at tsaka uwian. Ang kailangan mo lamang gawin kapag umaga ay makinig, maghulog ng handog, makipagkamay at ngumiti, at pwede ka nang umuwi. Ngunit ang Linggo ng gabi at pagtitipon para sa panalangin ay kinakailangan ng bukas na puso, nagsasalitang bibig, lumuluhang mata, maunawaing tainga, at higit na mapagbigay na kamay. Mas marami kang kailangang ibahagi tungkol sa iyong sarili, mas marami kang kailangan tanggapin tungkol sa iyong kapatid; mas marami kang malalaman, mas marami kang ipapaalam. Hindi nakapagtataka na tunay na ang Hapunan ng Panginoon ay talagang gabi, dahil dito mo naibubuhos nang tunay ang lahat-lahat mo kay Jesus. Ngunit para sa isang Kristianong Linggo lamang dumadalo, hindi niya kaya ang lumagpas sa panlabas niya ang kanyang ipapakita. Ang isang “Sunday Morning Christian” ay isang “skin-deep Christian.”

Sa pagdalo nila ng Linggo ng umaga at wala nang iba pa, pinapatunayan nilang hindi nila kayang lumago bilang isang Kristiano. Alam nila na hindi nga enggrande ang Linggo ng gabi at pagtitipong pampanalangin, ngunit alam din nila na ang mga mensahe, ang mga hamon, ay mas matindi kaysa Linggo ng umaga—mga mensahe na itutulak talaga upang maging tunay na seryosong Kristiano—naglilingkod, nag-aaral na Kristiano. Mas marami silang maririnig na salita mula sa Biblia na patuloy na babatok at kukurot at papalo at susuntok sa kanilang mga tulog na mga ispiritu, at alam nilang kung hindi sila tatalikod sa iglesya at kailangan nilang sumunod sa ipinag-uutos ng Diyos. Ngunit dahil natatakot sila na ito’y mangyari, hindi na lamang sila dadalo ng anupamang pagtitipon kundi Linggo ng umaga. Ang isang “Sunday Morning Christian” ay isang “dwarf Christian.”

Ngunit ayaw ng Diyos na ang isang Kristiano ay isang “Sunday Morning Christian”; ang pagbabasa lamang ng aklat ng Mga Gawa ay malinaw na ipinapakita ito. Ang nais ng ating Ama ay isang Kristiano na buong buhay niya ang pagiging Kristiano at hindi lang maliit na bahagi; isang Kristiano na hindi nabubuhay sa pakinabang na makukuha niya kundi sa pakinabang na maidudulot niya sa ibang Kristiano at mga di-ligtas; isang Kristiano na handang ipakilala ang kanyang buong pagkatao at handang makilala ang buong pagkatao ng kanyang kapatid sa Panginoong; isang Kristiano na lumalaki, tumatangkad, lumalago sa kanyang ispiritwal na buhay. At alam ng Dios, alam ko, at alam mo na hindi mangyayari ang mga bagay na ito kung ikaw ay isa lamang na tagadalo sa Linggo ng umaga—kung ikaw ay isa lamang na “Sunday Morning Christian.”

Oras na para tapusin ang mga araw ng pagiging Sunday Morning Christian.

How Faith Functions

by Charles R. Swindoll, with Lee Hough

Sa unang labing-isang mga kabanata ng Romans, nilalatag ni Apostol Pablo ang mga haliging katotohanan ng ebanghelyo—kasalanan, pagpapaging-matuwid (justification), pagpapaging-banal (sanctification), pagpapaging-maluwalhati (glorification), at ang dakilang kapangyarihan ng Dios. Sa mga huling kabanata ng sulat na ito, itinutuon naman ni Pablo ang kanyang paningin sa paglilingkod. Binibigyan niya tayo ng mga batayan mula sa Dios sa pagsasabuhay ng ating Kristianong pananampalataya. Kung nais natin ang Dios na gamitin tayo sa ating buong potensyal, dapat ay bigyan natin ng tamang atensyon kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito (Romans 12:1-8). Kaya isuot na natin ang ating mga panglakad na mga sapatos at maghanda sa isang paglalakbay. Matututunan na natin kung ano ang nais ng Dios kung paano tayo makikipag-ugnay sa iba sa pag-ibig.

 

PAGTINGIN SA KALOOBAN (Romans 12:1-3)

Sa pakikipag-usap niya sa mga Kristiano, nagsabi si Pablo ng tatlong bahagi ng dedikasyon sa Dios. Ang bawat isa ay kinakailangan para magkaroon ng isang buhay-Kristiano na puno ng buhay.

Pagtatalaga, o consecration (v1). Binubuksan ni Pablo ang ikalabindalawang kabanata nang may isang panawagan, na siyang nagsisilbing pangatlo sa mga konklusyon sa aklat (tingnan ang Romans 5:1 at 8:1). Pansinin ang kanyang tagubilin: “I beseech you therefore, brethren, by the mercies of God, that ye present your bodies a living sacrifice, holy, acceptable unto God, which is your reasonable service.” Tinatawagan rito ang mga mananampalataya na italaga ang kanilang sarili sa Dios. Nararapat na naisin ng mga Kristiano na ilaan ang kabuuan ng kanilang mga buhay para sa mga mabubuting layunin ng Panginoon. Gayunpaman, dahil ang mga mananampalataya ay buhay at hindi mga patay na  mga handog, mayroon silang inklinasyon na gumapang palayo sa altar. Kaya nga ang kusang pagdidisisyon na ilagay ang sarili sa kamay ng Dios ay dapat gawin nang paulit-ulit, hindi lang isang beses.

Pagbabago, o transformation (v2). Sa talatang ito ay nagbibigay si Pablo ng dalawang utos. Ang una ay, “And be not conformed to this world.” Ang salitang conformed ay nangangahulugan na “maglagay ng isang panlabas na ekspresyon na hindi nanggagaling mula sa loob.” Kapag ating itinutulad ang ating mga sarili sa hulma ng sanlibutang itong hindi maka-Dios, nagpapakita tayo sa labas ng mga katangian na nabibigong ipakita ang ating bagong buhay kay Kristo. Sa ibang mga salita, nagsisimula tayong ibagay sa atin ang mga hindi maka-Kristianong ugali at alalahanin imbes na mga maka-Kristiano. Samakatwid, nananawagan sa atin si Pablo na tumigil na gayahin ang sistema ng mundo at magsimula nang ma-“transformed by the renewing of your mind.” Ang salitang transformed ay nangangahulugan na “maglagay ng isang panlabas na ekspresyon na nagpapakita kung ano ang nasa loob.” Sinasabihan tayo na patuloy na payagan ang ating panlabas na pamumuhay na ipakita ang isang panloob, at ligtas, na kondisyon. Ang susi sa prosesong ito ay ang ating pag-iisip, sapagkat ang ating buhay-pag-iisip ang nagkokontrol sa ating mga ugali, damdamin, at mga aksyon. Sa ibang mga salita, ating hahayaan ang ating mga buhay na maiba mula sa loob palabas. Ang Banal na Ispiritu ang gumagawa ng proseso ng pagbabagong ito sa pamamagitan ng muling paghuhulma ng ating pag-iisip. Ang huling resulta ng Kanyang gawain at ating pagpapasakop rito ay ang ating pagsunod sa sakdal na kalooban ng Panginoon—sa ibang salita, ang pagbabago ng bawat isa sa atin patungo sa wangis ng Anak ng Dios (Romans 8:29, 12:2; 2 Corinthians 3:18; Colossians 3:10-11).

Paghusga, o evaluation (v3). Ang tungkulin na ating gagampanan sa proseso ng pagbabago ay may kasamang paghusga sa sarili nang tama. Pinapayuhan tayo ni Pablo sa kung paano tayo makakapag-isip nang tama patungkol sa ating mga sarili. Ang kanyang unang piraso ng instruksyon ay negatibo: “For I say, through the grace given unto me, to every man that is among you, not to think of himself more highly than he ought to think.” Hindi tayo dapat na maging mayabang o mapagmataas sa ating pagtingin sa sarili. Sa positibo, gayunpaman, ay sinasabi sa atin ni Pablo na, “to think soberly, according as God hath dealt to every man the measure of faith.” Kailangan nating magkaroon ng isang tama, at totoong pagtingin sa ating mga sarili. Ang prosesong ito ay sinasakop ang pagdating sa isang makatotohanang konklusyon tungkol sa ating mga kalakasan at kahinaan, mga binigay na talento ng Dios at mga kakulungan bilang tao. Sa maikling salita, hindi natin titingnan ang ating mga sarili bilang napakahalaga o kaya naman ay napakawalang-kwenta. Imbes, tayo ay tinatagubilinan na magkaroon ng isang tamang pagtasa ng ating sarili at maging kuntento sa ating lugar sa programa ng Dios.

 

PAGLILINGKOD SA IBA (Romans 12:4-8)

Pagtatalaga, pagbabago at paghusga ang tatlong unang kailangan sa paglilingkod-Kristiano. Ngunit sa oras na matingnan na atin ang ating mga kalooban at nakita na nang tama kung nasaan na tayo, tayo ay handa nang tingnan ang labas ng ating sarili at hanapin kung saan tayo nais gamitin ng Dios. Habang ito’y nasa pag-iisip natin, inilalagay naman ni Pablo ang tuon sa iglesya at inihahayag kung paano tayo makakapaglingkod sa loob nito.

Ang Katawan ni Kristo (vv4-5). Sa mga talatang ito ay ikinukumpara ni Pablo ang iglesya sa katawan ng tao: “For as we have many members in one body, and all members have not the same office: So we, being many, are one body in Christ, and every one members one of another.” Sa mga salitang ito ay may dalawang mahahalagang katotohanang ipinapakita tungkol sa Iglesya. Una, ang Iglesya ay binubuo ng maraming mga miyembro. Tulad na ang isang katawan ng tao ay may iba’t ibang bahagi ngunit may iba’t iba at mahahalagang gawain, kaya ang mga maraming indibidwal na bumubuo sa Katawan ni Kristo ay may walang katulad at kinakailangang mga tungkulin. Pangalawa, ang miyembro ng Iglesya ay magkakaugnay. Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay dumidepende sa bawat isa para sa maayos na paggawa ng katawan sa kabuuan. Sa parehong paraan, ang tanging daan para ang Katawan ni Kristo ay makaranas ng sigla, kalusugan, at balanse ay sa pamamagitan ng mga miyembro nito na gumagawa para sa kapakinabangan ng lahat. Sa gayon, ang Iglesya ay dapat na maging isang ekspresyon ng iba’t ibang tao na gumagawa nang may pagkakaisa.

Ang Mga Mananampalataya sa Katawan (vv6-8). Ang lokal na iglesya ay nakakaranas ng paglago na pinapaunlad ng pagkakaisa kapag ang mga mananampalataya ay ginagamit ang kanilang mga ispiritwal na kaloob nang maayos. Gumawa si Pablo ng tatlong punto na mahalaga para sa tamang pag-unawa ng katotohanang ito. Ang una ay na lahat tayo ay may mga kaloob. Walang sinuman ang nagiging mananampalataya nang hindi rin nakakatanggap ng isa o higit pa na mga talentong mula sa Dios. Higit pa rito, ang mga kaloob na mayroon tayo ay iba-iba. Hindi tayo lahat binibigyan ng Panginoon ng magkakaparehong abilidad. Kung ganon ang ginawa Niya, ang Katawan ni Kristo ay hindi makakagawa sa isang malakas, at balanseng paraan. At panghuli, dapat natin gamitin ang ating mga kaloob para sa kapakinabangan ng Katawan. Inilalarawan ni Pablo ang puntong ito sa pamamagitan ng pagtukoy sa pitong kapuri-puring mga kaloob: “whether prophecy, let us prophesy according to the proportion of faith; Or ministry, let us wait on our ministering: or he that teacheth, on teaching; Or he that exhorteth, on exhortation: he that giveth, let him do it with simplicity; he that ruleth, with diligence; he that sheweth mercy, with cheerfulness” (vv6b-8). Minsang matuklasan natin kung anong mga kaloob ang ibinigay sa atin ng Dios, malalaman din natin kung sa anong mga lugar tayo inaasahan ng Dios na gumawa ng malalaking kontribusyon. Siyempre, hindi tayo maglilingkod para sa layunin na maitaas ang sarili, kundi tayo ay umabot para sa layunin ng pagpapatibay sa iba sa pananampalataya (ikumpara sa 1 Corinthians 12:4-7, 25; Ephesians 4:11-16; 1 Peter 4:10-11).

 

PAGSASABUHAY NG MENSAHE

Ang payo sa mga talatang ito ay nakaka-apekto sa atin sa pansarili at pangkabuuan na paraan. Totoo, pinakamainam nating makikita ang aplikasyon ng instruksyong ito sa pamamagitan ng (1) pagtuon sa ating mga sarili at (2) pagtuon din sa ating mga relasyon sa ibang mga mananampalataya.

Sa Relasyon Natin sa Ating Mga Sarili. Dalawang mga prinsipyo ang lumalabas habang ating pinagninilay-nilayan ang ating relasyon sa Dios at kung paano ito nakaka-apekto sa ating mga relasyon sa mga Kristiano.

Ang pagtanggap sa ating sarili ay nauuna sa pagbibigay ng ating mga sarili. Ang mga pakiramdam ng pagiging walang halaga at pagiging walang gamit ay pinaparalisa lamang tayo. Hindi tayo makakapaglingkod sa iba hanggang makakuha tayo ng tamang larawan ng ating halaga kay Kristo.

Ang pagbibigay ng ating sarili ay nangangahulugang pagtanggap sa iba kung sino sila. Gaanuman kalaki ang kapasidad na ibinigay sa atin ng Dios para sa paglilingkod, ito ay dinisenyo upang magamit sa pagpapatibay ng iba, hindi para ibaba sila.

Sa Relasyon Natin sa Iba. Mula sa bahaging ito ng Romans, ating matutuklasan ang tatlong mga katangian ng isang malusog na lokal na iglesya.

Totoong Ispiritwalidad. Ang isang matagumpay na iglesya ay nagpapakita ng daloy ng mapananaligan at puspos ng Ispiritu na Kristiyanismo mula sa mga miyembrong ito.

Positibong Pagkukusa. Ang kalusugan ng isang lokal na iglesya ay maaaring masukat sa pamamagitan ng pagtingin kung gaano ka-willing ang mga miyembro nito na maging involved sa ministeryo nang hindi na nangangailangan pa ng patuloy na pag-udyok ng mga pinuno nito, o ng pastor.

Sakripisyong Nagbibigay-Buhay. Ang masiglang komunidad ng mga mananampalataya  ay nagpapakita ng hindi mahahadlangang pagbibigay ng kanilang mga sarili at kanilang mga kaloob nang hindi tinitingnan ang mga pansarili nitong kapalit.

 

Ito ay isang Tinagalog at in-edit na bersyon ng Ingles na sulatin na pinamagatang “How Faith Functions,” mula sa Relating to Others In Love: A Study of Romans 12-16 ni Charles R. Swindoll, kasama si Lee Hough, pp. 1-4. © 1977, 1985 Charles R. Swindoll. Inilathala ng Insight for Living. All rights reserved.

 

I Am the Preacher’s Wife

by Diane Pellin
I am the woman who proudly sits in the shadows as her husband stands in the light.  I am the one who knows her husband is a gift from God, and so I give him back to my Lord through his full-time service.   Often times, I am so lonely for him because I share him with others.

 

But I am also pleased that he gives of himself so unselfishly. I am the one who encourages the preacher when others sometimes fail to. I am the one who listens to his dreams for the church and helps him look into the future and see his dreams become a reality.

 

And when others wonder if he really cares, I am the one who sees him on his knees, shedding tears for the future of the Lord’s church.

The Preacher’s Wife (A Poem)

In the shadow of the parsonage
Stands a figure oft obscure.
Just behind the faithful pastor
Is his wife, devout and pure.
She is with him every moment
Helping make his work progress,
And you can’t discount her portion
In the measure of success.
Oft behind the scene of action,
Often never seen or heard,
Yet she stands forever ready
Just to give a helping word.
It is not in active service
That her worth is really shown,
But in the bearing heavy burdens
That to others are unknown.
With encouragement and vision
She must urge God’s servant on,
When the shadows are the darkest
And his courage’s almost gone.
With her home forever open
And her work quite never done,
She is ever his lieutenant
In the battles fought and won.
– T. R. Buzzard

Being a Church

We tend to be very secretive. Kapag may problema tayo, lalo na kung mabigat, ay iniisip natin “pampamilya” lamang ito at hindi na kailangan pang malaman ng ka-miyembro sa church. Iniisip natin kung ano ang iisipin ng mga ka-miyembro natin kapag nalaman nila ang ating problema o kasalanan. Baka taasan tayo ng kilay, pag-isipan ng masama, talikuran, ipahiya, at lahat ng negatibong naiisip natin—at minsan ay totoo naman ngang ganito.

Ngunit nakakalimutan natin kung ano ang iglesya—ito ay pamilya. Kung sinasabi nating “pampamilya” ang ating mga problema, dapat ay maisip natin na ang iglesya ay pamilya; at kung pamilya, at nagtitiwala ka sa pamilya mo, hindi ka matatakot na sabihin ang problema mo. Minsan sa isang tao lang; ngunit mas dapat mo itong ilapit sa pinuno.

Mahalaga ang komunikasyon sa isang pamilya. At kung hindi alam ng mga miyembro ng pamilya ang lakas at kahinaan nung isa, mga tagumpay at kabiguan nung isa, ay hindi titibay ang relasyon. At isa yun sa mga problema ng maraming iglesya—tuwing dadalo ng pananambahan ay nakapaglagay muna ng maskara ang bawat isa upang matakpan ang mga emosyong “hindi dapat” makita. Malalaman mo na lamang na may problema kapag hindi um-attend.

Ang iglesya ay isang katawan. At sa isang katawan, damay-damay ang lahat ng bahagi. Magkasakit ka sa puso, damay ang kilos ng katawan. Ang pagiging maginhawa ng isang bahagi ay nangangahulugan na maginhawa ang buong katawan. Kapag maginhawa, lahat ng parte na nakikinabang, “nakikisaya.” Kapag may isang bahagi na may sakit, ang ibang mga parte ay tutulong upang matalo ang sakit na iyon, dahil alam nilang kapag hindi sila nagtulung-tulong, mamamatay silang lahat. Ngunit, para matulungan ang parte na iyon, kailangan munang malaman ng lahat ng parte.

Ang iglesya ay ganoon. Damay-damay tayo rito. Kapag masaya ang isa, nakikisaya ang lahat. Ngunit kapag may nagka-problema, naapektuhan ang kabuuan ng iglesya, alam man natin ito o hindi. Lahat ay nakikinabang kapag nagtatagumpay ang isa. Ngunit pag may nabibigo, nararapat lamang na tulungan natin ito sa lahat ng ating makakaya, dahil alam nating kapag hindi, masisira tayong lahat. Ngunit, para matulungan ang may problema, kailangan munang ipaalam sa lahat ng parte.

Ganito ang pagiging iglesya. Pamilya. Katawan. At kapag hindi natin nagawa ito, huwag na nating asahan pa na magiging matibay tayo laban sa dagok ng buhay.

 

Rejoice with Them That Rejoice (How True Friendships Develop)

As unusual for a man it may be, noong kabataan ako ay mahilig ako sa drama sa telebisyon. Kasama ang aking ina, sinusubaybayan namin ang mga ito palagi at kadalasan ko pang naikukwento sa iba. Alam natin na kadalasan ang mga dramang ito ay puro mga love stories, o mga kwento daw ng pag-iibigan ng isang lalaki at isang babae at mga taong humahadlang o sumasang-ayon rito. Ang punto ko rito ay, sa inyong obserbasyon, paano sumisibol sa mga bida ang sinasabi nga nilang “pag-ibig”? Simple lamang ang sagot: kasi nung masaya yung isa ay nakisaya rin ang isa; at nung malungkot tong si isa ay dumamay yung isa. Hindi ba, tama?

Sino ang mga naging kaibigan ni Jang-geum sa Jewel in the Palace? Si Yeon-Sang, si Jang-Deok, si Shin-Bi, … si Kapitan Min. Iniisip ko kung ano ang dahilan? Si Yeon-Sang dahil, nung malungkot at masaya siya, nandyan si Jang-geum sa tabi niya. Si Jang-Deok, dahil naiintindihan niya ang galit ni Jang-geum sa mga umapi sa kanya. Si Shin-Bi, dahil naniniwala siya kay Jang-geum kahit na ang paligid niya ay suspisyoso sa motibo ng ginagawa nito. At si Kapitan, dahil kapag malungkot o masaya si Jang-geum, ay ganun din siya … sa ibang salita, nakikiramay siya. Ang ganitong senaryo ay hindi na kakaiba kahit sa ibang mga drama, Tagalog o English o Korean o Japanese o Mexican man yan. At hindi na rin ito kakaiba sa totoong buhay.

Kaya nagtataka ako kung bakit kaya sa ngayon ay hindi ganito ang ginagawang prinsipyo sa mga magkakaibigan. May alam akong mag-asawa kung saan ang lalaki ay wala nang ginawa sa kanyang asawa kundi gawing katatawanan sa harap ng ibang tao, habang ito’y kitang-kitang naiirita at nagagalit. May alam akong magkaibigan na kapag lumapit yung isa at sinabi na mayroon siyang problemang mabigat, ay sasabihin nung kaibigan, “Ano ba yan, huwag mo nang intindihin yan!” at sasamahan pa ng biro na hindi ikinatutuwa nung may problema. O kaya naman ay aasarin sa harap ng ibang tao. O kaya naman ay kapag masaya yung kaibigan dahil mataas yung exam niya ay lolokohin at sasabihan ng, “Eh, nangopya ka lang kasi!” kaya sira na agad ang ispiritu niya. Iniisip ko kung saan sa Bible nila nakuha ang ugaling iyon.

Ang nakakatawa pa rito (tinatawanan ko na lang dahil hindi ko naiintindihan kung bakit ganito) ay ang dahilan kung bakit na-in-love yung babae dun sa kanyang asawa ay dahil ipinagtanggol nito siya nung may nang-away sa kanya; kaya naging magkaibigan yung dalawa ay dinamayan yung isa noong malungkot ito. Kaya naging kaibigan ng isa ang kanyang kaibigan dahil noon ito lamang ang taong hindi nang-aasar sa kanya. At dahil na rin kapag masaya yun isa, tanging yung taong ito ang nakisaya sa kanya. Nakalimutan na kaya nila ang nakaraan?

Isa sa mga unang talatang nalaman ko mula sa Biblia ay ang Romans 12:15: “Rejoice with them that do rejoice, and weep with them that weep.” I know that deep within me (at alam ko sa loob-loob niyo rin) that this command is right, pero iniisip ko kung bakit ito iniutos ni Jesus sa atin. Kung babasahin mo ang kasulatan, almost always kabaligtaran ng natural na reaksyon ang utos ng Panginoon. Tingnan mo na lamang yung naunang talata, verse 14: “Bless them which persecute you: bless, and curse not.” Kapag inuusig ka, dapat ay pagpalain mo sila. Sa verse 12, “patient in tribulation”—maging pasensyoso sa gitna ng pighati. “Love your enemies.” Basahin niyo ang buong chapter 5 ng Matthew at makikita niyo ang mga “bali-baligtad” na prinsipyo ng Salita ng Diyos. Ngunit pagdating sa talatang binasa natin kanina, ay iba ang utos—kung ano ang nararamdaman nung isa, yun din dapat ang nararamdaman natin: makisaya sa mga masaya, at makiiyak sa mga umiiyak. Siguro ay nasanay na tayo sa “bali-baligtad” ng Kasulatan at nakakaligtaan na natin ang mga “pare-pareho” nito. Mas madaling mainis o magalit kapag may masaya, at mas madaling mang-asar at magpatawa kapag may malungkot. Ngunit ang kasulatang ito ang nagsasabing, “Mali ang reaksyon mo! Nakita mong masaya, maging masaya ka rin! Nakita mong malungkot, bakit hindi ka rin maging malungkot para sa kanya?” Kakaunti lamang ang tao (maaari ko pa ngang sabihing Kristiano) ang sumusunod sa prinsipyong ito. Para sa inyo na ginagawa ito, saludo ako sa inyo, at alam kong saludo din sa inyo ang Diyos!

Sa kabila ng ating pagkukulang (o pagtupad), mahalaga pa ring maunawaan at sundin natin ang sinasabi ng talatang ito:

 

Rejoice with them that do rejoice, and weep with them that weep.

 

“Rejoice with them that do rejoice.”

 

Hindi ko na kailangang sabihin ito (alam na alam niyo na ang sitwasyong sasabihin ko), ngunit para sa kapakanan ng nais kong ipunto, ay babanggitin ko na rin. Naranasan mo na bang “tablahin,” “soplahin,” kapag masaya ka? Pagdating mo sa eskwelahan ay kitang-kita sa mukha mo ang sigla, ang aliwalas sa iyong mukha—halatang masaya ka. … Hanggang sa may magsalitang kaklase mo at magsasalita ng, “Wala na bang bukas? Bakit ngiting-ngiti ka diyan?” At kahit na hindi naman seryoso ang pagkakasabi nito, ay hindi ito nakakatuwang pakinggan. Kaya naman ang sayang nararamdaman natin ay mapapalitan ng walang kapantay na inis kung saan sisigaw ka nang malakas, “Bakit! Ano’ng pakielam mo?!” Kung saan tutugon ang nang-asar at doon na magsisimula ang walang mintis na awayan.

It’s because ang isang mahalagang prinsipyo ng Biblia ay hindi nasunod: kung masaya ang isang tao, dapat tayong makisaya. Mahirap ba yon? Sasabihin natin, “Hindi.” Aminin na natin, sa totoo lamang ay mahirap. Yun ang natural na maging reaksyon ng makasalanan nating laman na nagnanais na idamay ang ibang tao sa kamiserablehan natin. Dagdag pa ang simple at maliit na inggit sa ating puso.

Resulta din ito ng pamilyaridad. Alam na alam nating ganitong bagay ang nagpapasaya sa kanya, at dahil sa makasalanan nating laman na nagtutulak sa ating sirain ang magandang sitwasyon, ay ibubulalas na natin ang walang kapantay na matatatalas at nakakainis na salita. Ito kasi ang nasa isip natin: Kaya lang naman siya masaya kasi ganito, at pag ginanito ko na yan, wala na. Kaya tinetesting natin, at nagtatagumpay tayo!

Kaya siguro maraming gustung-gustong lumapit kay Jesus: dahil kaya Niyang makisimpatya. Nung inutusan Niya ang pitungpu na humayo at mangaral (Luke 10:1), at nung bumalik ito nang may kasiyahang nagsasabing, “Panginoon, sa inyong pangalan ay nakapagpapalayas kami ng dyablo at nakapagpapagaling kami nang may sakit!” (v.17) Kung tayo malamang si Jesus, isasagot natin, “Ows, baka kunwari lang yun!” (Ilan sa inyo ay natatawa na, dahil totoo. Kahit ako, natatawa rin!) Ngunit, hindi. Ano ang sinagot ni Jesus? “I beheld Satan as lightning fall from heaven.” (v.18) Pinalakas Niya ang loob ng mga ito! Tingnan pa natin ang idinagdag Niya: “Behold, I give unto you power to tread on serpents and scorpions, and over all the power of the enemy: and nothing shall by any means hurt you.” (v.19) Aba, ang taas-taas na siguro ng mga ispiritu ng Kanyang mga alagad! Ngunit may idinagdag Siya: “Notwithstanding in this rejoice not, that the spirits are subject unto you; but rather rejoice, because your names are written in heaven.” (v.20) Alam niya kung saan dapat Niyang ilagay ang isang paalala, o kung kailan Niya ipupunto ang ‘maliit’ na mali sa kasiyahan ng mga ito. Pagkatapos makikita mo rito ang personal na pagtulad ni Jesus sa damdamin ng Kanyang alagad: “In that hour Jesus rejoiced in spirit, and said, I thank thee, O Father, Lord of heaven and earth, that thou hast hid these things from the wise and prudent, and hast revealed them unto babes: even so, Father; for so it seemed good in thy sight” (v.21, sa akin ang emphasis). Naging masaya rin Siya, at nagpasalamat pa ang ating Panginoon sa Ama para sa mga alagad Niyang ito. Kung ganito lamang tayo!

 

“Weep with them that weep.”

 

Kung mahirap na siguro ang pakikisaya sa isang taong masaya, higit pa ang makilungkot. … Teka … hindi lang pala makilungkot. Ano’ng sabi? Weep. Alam niyo ba ang ibig sabihin ng weep? Lumuha. Hindi, higit pa roon, umiyak. Hindi, higit pa roon, tumangis. Tumangis. Hindi lamang ito pagiging malungkot ng hitsura, hindi lamang pagluha, hindi lamang pag-iyak, … kundi pagtangis. Ang ibig-sabihin, ay gawin mong damdamin mo rin ang lungkot na nasa puso noong tao.

Oo, alam ko, punung-puno na nga ng kalungkutan ang mundong ito, sasali pa ako? May sarili na nga akong mga problemang iniiyakan ko, kukunin ko pa ang kabigatan ng iba? Alam ng bawat isa iyon. Ngunit, alam niyo bang dito pumapasok ang tinatawag na pagse-share ng burden? Kapag sinabi niya ang kanyang problema, what should you do? I-share mo rin ang kabigatan mo! Nagre-resulta ito sa isang myutwal na damdamin—nadarama mo na rin (sa wakas!) ang kalungkutan ko. Maiisip ko, May nakakaunawa pala sa akin. May nagmamahal pala sa akin. Hindi pala ako nag-iisa. At kaya, ang mga relasyon ay tumitibay, ang pagiging totoo sa iba at sa sarili ay umiigting, ang mga ispiritu ay gumagaling.

Isa sa mga kapansin-pansing talata sa Bagong Tipan ay ang pinakamaikli nito: “Jesus wept.” (John 11:35) At alam niyo ba kung ano ang naging epekto nito sa paligid Niya? We could just imagine: hindi sila makapagsalita! Hindi nakapagsalita ang mga apostol, hindi nakapagsalita ang mga kapatid nung namatay na si Lazarus (sina Mary at Martha). Guess what, sino ang nakapagsalita? Ang mga Judio! “Then said the Jews, Behold how he loved him!” (v.36) Sigurado ako na bawat isa na nakakita sa eksenang ito ay hindi mapigilang matuwa (o ma-touch) sa ginawa ni Jesus. Pwede naman Niyang sabihin, “Para namang kayong ano! Hindi niyo ba alam na kaya Ko Siyang buhayin!” Kahit ipinaliwanag Niya rin ang Kanyang kayang gawin, hindi naman ito sa tonong ibinababa ang kalungkutan noong namatayan, kundi sinabi ito nang mapanalangin, at nakikiramay, nagbibigay-pag-asa. Bagay na nagtulak sa Kanyang maramdaman ang bigat ng loob ng Kanyang paligid at tumangis para kay Lazarus at sa mga taong kinapapagitnaan Niya. Dahil sa pangyayaring ito, nakita natin ang Jesus na kayang makisimpatya sa kalungkutan nating mga tao. Maiisip nating kung iiyak si Jesus para lang sa isang tao, hindi kaya posible rin na mamatay Siya para sa akin?

 

“Rejoice with them that do rejoice, and weep with them that weep.” Ito ang nag-iisang sikreto sa paglinang ng pagkakaibigan. Mahirap ba? Nothing is hard if brought to the hands of our God. Bibigyan Niya tayo (kung hihingi lamang tayo) ng lakas sa Kanyang maging masaya pag may masaya, at malungkot pag may malungkot. At pangako, ang pagkakaibigan ng bawat isa ay titibay, lalago, sisigla.

Visitor Consciousness

by David W. Cloud

Karamihan sa mga miyembro ng iglesiya ay hindi napapansin ang mga bisita. Likas na sa atin ang makipag-usap sa ating mga kaibigan at kakilala at maging abala sa mga inatas na gagawin sa church at kalimutan na maglingkod sa mga bisita. Napapansin ko rin sa mga iglesiya na kapag oras na para magkamayan tuwing service, marami sa mga miyembro ang nakikipagkamay lamang sa isa’t isa at hindi nakikipagkilala o nakikipagkaibigan sa mga bisita.

Ilang beses din naming dinala ang unsaved na stepfather ng aking asawa sa iglesiya noong taglamig, at ang mga miyembro ay hindi gumawa ng kahit anong pagsubok na kaibiganin siya bukod sa kaunting nakasanayan nang pagkamay at “salamat sa pagdating.” Sa isang iglesiya, nagtanong pa kami kung mayroong mga lalaki na gustong isama siya sa pangingisda (buong taglamig ay namalagi siya sa amin) at kaibiganin siya at siguro ay magkaroon ng oportunidad na makipag-usap sa kanya tungkol kay Kristo, ngunit kahit tinanong na namin ang pastor at ilan sa mga lalaki tungkol dito at kahit dumadalo na siya rito nang paminsan-minsan sa loob ng apat na buwan, walang kahit isa na sinubukan siyang kaibiganin. Ito ay kahit hiniling na namin sa iglesiya na ipanalangin siya kada Miyerkules ng gabi at alam ng mga miyembro ang kanyang pagdalo at kanyang sitwasyon.

Kailangan nating alalahanin na sa kabuuan ay isang napakahirap na bagay para sa isang tao na dumalo sa isang iglesiya na walang siyang kilala kahit isa. Hangga’t hindi umaabot ang mga miyembro sa mga bisita at gumagawa talaga ng pagsisikap na makipagkilala sa kanila at manalangin para sa kanila at gumawa nang higit pang pakikipag-ugnayan sa kanila sa loob ng linggo, madalas ay hindi na sila bumabalik pa.

Ang 1 Corinthians 14:23-26 ay naglalarawan ng isang church service kung saan ang bawat miyembro ay naghahayag. Ang resulta ay ang kaligtasan ng mga makasalanan. Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng mga miyembro ay tumatayo at nangangaral. Ang ibig-sabihin nito ay na ang bawat miyembro ay naroroon upang maglingkod sa iba gamit ang kanyang sariling kaloob. Ang musika ay maaaring maging paraan ng paghahayag kung ito ay ginagawa nang tama (1 Chronicles 25:1-3). Kahit na ang buong-pusong pagsali sa pag-awit ng kongregasyon ay halimbawa ng paghahayag.

Ngunit ang mga pagtitipong pang-iglesiya ngayon, kahit na sa mga iglesiyang naniniwala sa Biblia, ay higit na mukhang nakakaaliw na mga programa kaysa sa kung paano ito inilarawan ng apostol sa 1 Corinthians. Nagmumukha tuloy na ang isang miyembro ay dumadalo sa iglesiya hindi para makapaglingkod, kundi para maaliw at mapaglingkuran. Ang musika ay maaaring maganda ngunit bihira itong mamunga ng kombiksyon at kabanalan. Ang lahat ay ginagawa nang ayon sa ritwal, ayon sa iskedyul, ngunit kaunti lamang ang kapangyarihang ispritwal. Hindi ito dapat maging kaso, at ang parte ng problema ay pumupunta ang mga tao sa iglesiya sa maling kadahilanan. Sinasabi ng Hebreo 10:25 na tayo ay magsasama-sama sa isang pagtitipon upang “tagubilinan ang bawat isa,” hindi basta matagubilinan lang.

Ang kaso ni Philip Mauro, isang Kristiano na naging mahalaga sa kasaysayan ng Kristiyanismo, ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pag-abot sa mga bisita. Dating abogado si Mauro at nakapaglaban na ng maraming kaso sa Korte Suprema ng Amerika. Pinalaki siyang Episcopalian, ngunit sa edad na 45 ay isa siyang skeptiko. Sa tagsibol ng taong 1903 ay dumalo siya sa iglesiya nang hindi sinasadya, at ito ang nagbago ng kanyang buhay. Ang mga sumusunod ay ang kwento sa salita mismo ni Mauro:

“Noong mga panahong iyon ay hindi ako kuntento, walang kasiyahan, at mas nagiging madaling biktima ng malulungkot na isipin at malalabo, hindi maipaliwanag na mga pangamba. … Ang buhay ay walang kahulugan, patutunguhan, layunin, o katwiran; at ang mga kapangyarihan ng hambog na talino ay mukhang hindi pantay sa solusyon ng mga pinakapayak na mga misteryo. Ang aking hinaharap ay napakadilim at hindi kaaya-aya.

“Sa pangkaraniwan ko nang pag-iisip na hindi masaya ay namasyal ako, naghahanap ng mapagkakaabalahan sa teatro. Ang layuning ito ang nagdala sa akin sa lobby ng isang teatro sa Broadway at nagpadpad sa akin sa linya ng mga mamimili ng ticket. Ngunit may isang hindi nakikitang kamay na humila sa akin mula roon, at ang sunod kong naalala ay isang mahinang tunog ng pag-awit na dumating sa aking mga tainga sa gitna ng mga ingay sa Eighth Avenue, malapit sa 44th Street, may isang milya ang layo mula sa teatro.

“Wala akong masabing paliwanag sa pagkaakit ko, o pagsunod, sa tunog na iyon. Gayunpaman, pumunta ako sa gusaling iyon (isang napakapayak at hindi nakakaakit na lugar, na may karatulang ‘Gospel Tabernacle’) [pinagpastor-an ni A.B. Simpson, pangulo ng Christian and Missionary Alliance], kung saan nanggaling yung tunog na iyon, at natagpuan ko ang aking sarili sa isang prayer-meeting. Umupo ako sa isang bangko roon at nanatili sa buong pagtitipon.

“Hindi naman ako masyadong namangha sa kanilang ginagawa, at sa totoo lang ay wala ang aking simpatya sa kung ano ang nangyayari. Ang tumatak sa akin, gayunpaman, ay yung pagkakataon na, habang naglalakad na ako papuntang pintuan pagkatapos ng pagtitipon, ay may mga taong binati ako kasama ang magandang salita at pagkamay, at may nagtanong tungkol sa ispiritwal kong kalagayan” (“The Story of Philip Mauro” by Gordon P. Gardiner).

Dahil sa pagiging palakaibigan ng mga tao roon, nagpabalik-balik si Mauro nang ilang beses at siya’y naligtas sa pamamagitan ng pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa Panginoong Jesu-Kristo. Pagkatapos ng kanyang pagbabagong-loob si Mauro ay naging matapang na Kristiano at nagsulat ng maraming mga aklat tungkol sa Biblia. Isa sa mga ito ay ang “Which Version?” kung saan kanyang pinaglaban ang King James Bible laban sa tekstwal na teorya nina Wescott at Hort. Siya rin ang nagsulat ng isang maikling pambatas na sulatin na ginamit ni William Jennings Bryan upang ipaglaban ang batas ng Tennessee na nagbabawal ng pagtuturo ng evolution sa mga pampublikong eskwelahan sa Amerika. Ito yung kilalang “Scopes Trial.” Nanalo si Bryan sa kaso laban sa abogadong si Clarence Darrow. Nagkaroon din ng pagkakataon si Philip Mauro na magpatotoo sa mga kilalang indibidwal, kabilang si Thomas Edison.

Ang mga sumusunod ay ilang suwestiyon sa pakikitungo sa mga bisita.

1) Magkusa na maging isa sa mga bumabati at kumakaibigan sa mga bisita. Tulungan sila sa pagpunta sa tamang Sunday School class, paghahanap ng CR, atbp. Sikapin na sila’y mapalagay. Mas maganda kung kapwa babae o kapwa lalaki ang iyong babatiin o tutulungan. Gawin ito nang totoo sa iyong sarili.

2) Laging alalahanin ang kahalagahan ng bagay na ito. Mag-isip ng mga paraan kasama ang kapwa mo miyembro para mas lalong maramdaman ng mga bisita na sila’y welcome.

3) Kung kakamayan mo sila o babatiin, gawin ito nang buong puso o hindi lang dahil sa dapat, dahil pangkaraniwan ay nakikita ito ng mga bisita, at maaari pa itong maging dahilan para hindi na sila bumalik pa. Dagdag pa rito, huwag mong hayaan na matapos ang inyong ugnayan sa oras ng church. Sikapin na mag-hanap ng oras na pwede mo siyang makaibigan.

4) Huwag mong hayaan na basta na lamang silang pumasok o umalis. Natural na para sa ilang bisita na pumunta sa church at pagkatapos ng service ay mabilis na aalis. Kamustahin sila bago sila umalis ng church building. bdj

 

Ang artikulong ito ay isinalin mula at ibinase sa sinulat ni David Cloud, “Visitor Consciousness,” O Timothy, published by Way of Life Literature, September 2009, pp. 9-11. Si David Cloud ay isang Baptist evangelist na kilala sa pagsusulat ng libro at articles na pumupuna sa mga maling doktrina o gawa sa Kristiyanismo.

 

I’m Going to Church If…

Isa nang karaniwang tanong para sa atin ang, “Bakit hindi ka naka-attend nung Sunday?” At siyempre karaniwan na rin ang litanya ng mga paliwanag na “Ganito kasi” o “Kasi ganito” kung saan ang tao ay walang magawa kundi sa bandang huli ay itango na lamang ang kanyang ulo. Thankfully, I’m the one who asks and not the one who’s being asked. Salamat sa aking upbringing, wala akong matandaan na naka-miss ako kahit isang service. Ngunit kakabit nito ay ang pag-aalala sa mga taong dahilan nang dahilan kapag hindi naka-attend.

May kondisyon ka ba muna bago ka um-attend ng church? Hindi man natin aminin, ang mga paliwanag na ibinibigay natin ay isang maingat na paglalatag ng ating kondisyon sa Diyos para tayo’y maka-attend. “May pasok kasi ako eh,” para mo na ring sinabi na aattend ka lamang pag walang pasok sa trabaho o school. “Walang sasakyan eh,” para mo na rin sinabi na aattend ka lamang pag may nanundo. “Nagbakasyon kasi ako,” parang sinabi mo na rin na makaka-attend ka lamang kapag hindi bakasyon. “May problema kasi ako sa pamilya ko,” sinabi mo rin na kapag walang problema, doon ka lamang dadalo sa church.

That’s not good. Humingi ba ng kondisyon sa’yo ang Panginoon nang iligtas ka Niya? Sinabi ba Niyang ililigtas ka lamang Niya kung ganito, kung ganyan ka? Alam mong hindi. Sa sinumang tatanggap sa Kanya, ay ibinibigay Niya nang walang-bayad ang kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus. Kaya naman hindi ko maiwasang mamangha sa aking puso sa mga tao kapag may lakas pa ng loob magdahilan kung bakit hindi naka-attend. Never did I once hear, “Walang karapat-dapat na dahilan sa hindi ko pag-attend; pinili kong huwag um-attend.” No one.

—Bro. Elijah Abanto