For Love of the Lord

Sino ang Ilan sa mga Cristiano na Nagpakita ng Paninindigan para sa Panginoon?

by Elijah Abanto

Tuwing nasa oras ako na nag-iisa at walang kasama, aside from assessing myself at ang relasyon ko sa Diyos, ay naiisip ko ang mga taong nanindigan para sa Panginoon at iniisip ko kung maaari akong maging tulad nila. Mapagpakumbaba akong humahanga sa mga taong ito na binigyan ng kakayahan ng Diyos upang ilagay ang kanilang tiwala sa Kanya at mula sa kanilang pag-ibig para sa Panginoon, ay manindigan para sa Kanya. Maraming hamon, maraming banta, ngunit nariyan sila, hanggang sa kamatayan ay tatayo para sa Panginoon. Hayaan niyong ipakilala ko sila sa inyo.

Hindi ko maaaring i-enumerate ang ibang Kristiano sa kanilang paninindigan hangga’t hindi ko binabanggit ang pangalan ng aking ama at pastor, si Pastor Felizardo Abanto. Hindi man siya nakasulat sa Biblia at di kilala ng Baptist world tulad ng ibang Filipino pastors, ay kinikilala ko siya bilang isang Kristianong naninindigan para sa katotohanan. He knows what he believes, and he stands up for it. Hindi siya nanahimik sa gitna ng tahasang paggawa ng mali ng mga pastor na nasa paligid niya, kahit na ang kapalit nito ay kawalan ng financial support at pagputol ng pagkakaibigan. Marami sa atin ang nakakaalam ng kanyang pag-walk out kasama ang Capitol BBC bilang protesta sa pagbalewala ng standard pagdating sa musika. It almost endangered his fellowship with the pastors, ngunit hindi siya natakot. Sa kanyang pagiging director ng isang Family Camp, ay hindi maitatanggi ang kanyang commitment sa pagtuturo at pagpapatupad ng katotohanan ayon sa Biblia. Alam niyang hindi ito ganun kasimple, dahil kailangan niyang harapin nang mukhaan ang mga pastor at ituro ang kanilang pagkakamali kapag kailangan. Kaunting mga pastor ang maihahambing sa kanya pagdating sa bagay na ito.

 

BIBLICAL EXAMPLES

 

Maraming mga halimbawa ang Biblia, ngunit ang mga babanggitin ko rito ay yung mga taong consistent sa kanilang paninindigan para sa tama, tulad nina, Joseph, Jeremiah, Daniel, at Stephen.

Joseph. (Genesis 37, 39-41) Ang lalaking ito ay lumaking matapang sa gitna ng kanyang mga kapatid, at hindi siya na natatakot na sumunod sa kanyang amang si Jacob ukol sa pagsasabi ng mga kalokohan ng kanyang mga kapatid, kahit na ito pa ang naging dahilan upang ibenta siya ng mga ito sa pagkaalipin ng Ehipto. Patuloy siyang naging matapat, tumaas ang katungkulan, ngunit dumating ang tukso sa kanya ng asawa ng kanyang amo na sipingan ito. Ang pagmamahal niya sa Panginoon at sa kanyang amo ang nagtulak sa kanyang tumakbo mula rito kahit na ang kapalit ay ang pagkakakulong sa maling akusasyon ng babaeng iyon. Sa mga pangyayaring masaklap sa kanyang buhay ay iisipin mo siguro na maaari na sana niyang sisihin ang Panginoon at sirain na ang kanyang buhay, ngunit hindi niya ito ginawa. Patuloy niyang ginawa ang nararapat bagaman hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan ng lahat.

Jeremiah. (Book of Jeremiah) Tinawag siya ng Panginoon sa isang batang edad upang maging propeta sa panahon na nasa tahasang pagrerebelde sa Panginoon ang kaharian ng Judah. Nakakatakot maging propeta ng Diyos sa panahon na iyon, dahil kapag hindi nagustuhan ang mga sinasabi mo ay maaari kang pahirapan o patayin ng mga mamamayan doon. Ngunit, hindi siya natinag, at kasama ang Panginoon, buong tapang niyang ipinangaral ang kasamaang ginagawa ng mga Judio at pagsamba nila sa diyus-diyosan imbes na sa tunay na Diyos, at hinulaan ang nakatakda nitong pagkagapi sa kamay ng mga taga-Babylon, na nakapagpantig ng mga tainga ng mamamayan. Paulit-ulit siyang ikinulong, itinapon sa balong puno ng putik, at hindi pinakain. Sinabi sa kanyang maaari siyang makalaya kung ititigil na niya ang “kahibangan” na ito ngunit, hindi siya papayag. He loved God more than his own life.

Daniel. (Daniel 1-2, 4-6) Nagsimula sa pagkabata ang kanyang pagtindig para sa Panginoon. Nasa panahon siya kung saan ang kanyang mahal na bayang Israel ay nasa ilalim ng rehimen ng Babylon, at maaari niyang idahilan na wala na siyang magagawa kundi sumang-ayon sa mga paganong kasanayan ng mga tao rito, kabilang na ang pagkain ng karneng inihain sa diyus-diyosan. Magalang siyang tumanggi kasama ang tatlo niyang kaibigan, at bagaman alam niyang malalagay sa panganib ang buhay ng eunuko na nag-aalaga sa kanila bukod pa sa kanya, ay hindi siya umurong sa kanyang paninindigan. Hindi rin siya natakot sa mga hari ng emperyo na dumaan sa kanyang panahon, upang sabihin ang mga naka-ambang parusa ng Diyos sa mga ito. Hindi siya natakot na maitapon sa kulungan ng mga leon, bilang parusa sa mga mananalangin sa ibang Diyos bukod sa hari. Mas mahal niya ang Diyos kaysa sa buhay at karangyaan na maibibigay ng emperyong kanyang kinaroroonan.

Stephen. (Acts 6-7) Siya ay isa sa mga diyakonong pinili ng iglesiya ng Jerusalem upang pakainin ang libu-libong mga Kristianong mahihirap dahil sa kapuspusan sa Ispiritu at kalaguan sa pananampalataya sa Panginoon. At hindi maitatanggi ng mga taong laban sa kanyang pananampalataya na siya ay puno ng Ispiritu at karunungan sa kanyang mga sinasabi. Dahil sa kanilang inggit at galit, ay inakusahan siya ng mga ito ng kung anu-ano, inaresto at dinala sa konseho sa harap ng mga pekeng testigo. Kung iisipin, sa ganitong pagkakataon, kung saan ikaw ay mag-isa lamang sa gitna ng mga nagugutom na leon, ay manginginig ka sa takot at susuko na lamang sa kanila. Ngunit hindi natinag si Stephen, buong tapang niyang itinuro ang kasalanan ng mga taong iyon, at bilang kapalit, ay hinatulan siya ng pagbabato hanggang kamatayan. Mas matamis para sa kanyang mamatay na lamang kaysa ikaila ang Kanyang Tagapagligtas.

 

THOSE BEFORE US

Bukod sa mga halimbawa ng Biblia, may mga Kristiano na nabuhay bago ang ating panahon na nanindigan at tumayo sa para katotohanan. Bawat isa ay hindi walang oposisyon, ngunit hindi ito naging dahilan para hindi ipaglaban ang Salita ng Diyos. Sila sina Francis Schaeffer, Charles Spurgeon, at C.S. Lewis. Kilalanin natin ang bawat isa.

Francis Schaeffer. Tinagurian siya na “Rebel for Truth,” dahil na rin sa kanyang katapangan na ituro ang moral na paglihis at doktrinal na kompromiso na unti-unting pumapasok sa mga iglesiya upang wasakin ang pinakapundasyon ng Kristiyanismo—ang Salita ng Diyos sa mga isinulat Niyang aklat. Sinabi niya na ang “iglesiya ay nasa matinding panganib.” Ayon sa kanya, ang mga pakikiayon ng mga iglesiya sa sanlibutan ay binabalewala ang mga ipinaglaban ng mga Kristiano noon at “pinagmumukha lamang itong away lamang ng mga bata.” Sumulat si Schaeffer ng 24 na aklat na tumatalakay sa lahat ng problema ng mundo mula sa abortion at euthanasia hanggang sa pagpatay ng mga sanggol at pagbagsak ng modernong iglesiya. Madalas siyang punahin, hindi lamang ng mga sekular na madla, kundi mismo rin ng mga Kristiano na hindi maintindihan ang hindi niya nababaling tindig para sa kawalang-pagkakamali ng Biblia. Sinabi niya na ginagawa niya ito “para sa ating mga sarili at para sa ating ispiritwal at bayolohikal na mga anak. Kung wala tayong matibay na pagtingin sa Salita ng Diyos bilang pundasyon, ay hindi tayo magiging handa para sa mahihirap na araw na parating…” Iniisip niya ang mangyayari sa susunod na henerasyon kung hindi tayo maninindigan para sa Banal na Kasulatan, kaya madalas niyang inilalagay ang kanyang reputasyon para ipaglaban ang Biblia.

Charles H. Spurgeon. Sa kilalang lungsod ng London, noong 1854, ay tinawag ang Baptist na ito upang mag-pastor sa isang iglesiya roon. Ngunit mula noong kunin niya ang posisyong iyon, ay lumaganap sa bansa ang epidemya ng cholera, na kumitil ng buhay ng maraming mamamayan noong panahon na iyon. Imbes na mawalan ng loob, ay buo ang kanyang katauhan sa pagtulong sa mga may sakit, at araw-araw siyang tumatayo upang mangaral sa mga burol ng mga namatay. Bukod pa roon, dahil sa kanyang mga biblikal na mga sermon, ay maraming mga nangaligtas na mga kaluluwa at naidagdag sa iglesiya. Libu-libo ang nakikinig sa kanyang pangangaral. Bukod pa roon, noong panahon niya, ang Baptist fellowship na kanyang kinabibilangan ay unti-unting sumunod sa kompromiso ng pagtanggi sa awtoridad ng Kasulatan, dahilan upang punahin niya ito sa kanyang mga sulatin at sa bandang huli ay humiwalay sa fellowship na ito. Maraming sumisira sa kanyang repustasyon resulta nito, ngunit nanatili siyang matatag at di natitinag.

C.S. Lewis. Kilala si Clive Staples Lewis sa mga isinulat niyang mga aklat, kabilang ang The Chronicles of Narnia at The Screwtape Letters. Ang mga ito ay mga alegorya na pinapakita ang mga malalalim na katotohanan ng Kristiyanismo, at maraming kumi-criticize sa kanyang mga gawa dahil sa paggamit niya ng satiro at mga ideya na abstrak upang ipahatid ang mga katotohanang ito. Sinabihan pa siya ng isang kilalang awtor na “wala kang karapatan na sumulat ng ganyang mga aklat dahil hindi ka naman na-ordinahan at hindi ka naman estudyante ng Biblia.” Ngunit hindi siya natinag sa mga salitang ito dahil, “hangga’t hindi nangangaral ang estudyante ng Biblia at mga taong naordinahan sa wikang maiintindihan ng mga ordinaryong tao, ay hindi ako titigil na magsulat ng ganitong mga aklat.” Sumulat din siya ng isang matinding aklat bilang depensa laban sa mga hindi naniniwala sa Kristiyanismo, ang Mere Christianity, na naging best-seller.

 

Ang oras at espasyo ay limitado para akin pang ilahad ang iba’t ibang mga halimbawa ng Biblia (tulad nina Abraham, Moses, Joshua, Samuel, David, Paul, Peter, John, etc.) at ng ating nakalipas at kasalukuyang kapanahunan (mga AnaBaptists, David Cloud,  etc.) ng mga tao na nanindigan para sa katotohanan ng Bibliya at dahil sa kanilang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.

Ngunit umaasa ang inyong lingkod na gamitin Niya ang mga halimbawang nabanggit upang ikaw din ay buong tapang at buong lakas at tiwala na tumindig para sa Diyos at Kanyang Salita. May isang dahilan na nagtulak sa kanilang gawin ang mga ito: for love of the Lord—ang pag-ibig para sa Panginoon. bdj

 

Ang mga impormasyong nakasulat sa section ng “Those Before Us” ng artikulong ito ay kinuha sa artikulong Ingles na isinulat ni Creston Mapes, ang “Aflame for His Glory” ng In Touch® magazine, January 2003, pp. 10-13.

 

Advertisements

A Costly Move

Bawat galaw natin ay may presyo. Ang isang simpleng hakbang ng iyong paa ay kumukunsumo ng karampatang enerhiya mula sa iyong katawan. Kahit ang pagpikit-bukas ng iyong mata ay gumagastos ng lakas kahit paunti-unti. Alam natin na ang kasalanan ay may presyo: kamatayan. (Romans 3:23) At kung gaano kasigurado na mababawasan ka ng lakas sa pagtatrabaho ay ganun din kasigurado na mamamatay tayo dahil sa kasalanan. At ngayong Kristiano na ang karamihan sa nakakabasa ng mga salitang ito, ang pagsunod natin sa Diyos ay may halaga—may kabayaran, may presyo. Kaya kaibigan, kung ang pagsunod mo sa Panginoon ay halos wala, kaunti, o walang kapalit na halaga, ay wala ka pa talaga sa tunay na pagsunod sa Kanya—nasa “comfort zone” ka pa. Baka sumusunod ka pa sa Panginoon sa mga panahon at sitwasyon na hindi ka masyadong nababawasan.

Nitong mga nakaraang linggo, ay naranasan kong magbayad ng malaki para sumunod sa Panginoon. Una ay nung hamunin ako ng kaklase ko tungkol sa aking paniniwala tungkol sa kaligtasan. (Ito yung nakwento nung nakaraang linggo.) Hindi niyo alam kung gaano kalaking oras at lakas at karunungan ang iginugol ko para lamang masagot ang kanyang mga katanungan. Ngunit gagawin ko ito dahil inutos ng Diyos (1 Peter 3:15; Jude 3). Ang pagtuturo sa mga bata ng Salita ng Diyos, maliit na bagay man sa iba, ay ibinibigay ko ang buong araw ng Sabado, na kailangang gumamit ng lakas, talino, at sigasig (minsan ay pera pa). Ginagawa ko ito dahil pagsunod ito sa Diyos (Matthew 19:14). Ang pag-aayuno ay may presyo—isang mag-hapon na walang pagkain ang tiyan. Ngunit ito’y para sa Diyos, kaya gagawin ko. Nitong nakaraang limang araw, mula umaga hanggang hapon, ay nagbahay-bahay kaming mga kabataan upang mag-akay ng kaluluwa, at bukod sa lakas, oras, at kaalaman, ay kailangan naming tiisin at harapin, ang pagtanggi, pagbalewala, at mga matitigas na mukha ng tao sa paligid. Ngunit ito ang tamang gawin (Proverbs 11:30), at pagsunod ito sa Panginoon (Matthew 28:19). At para matapos ang mga papel na ito ay kailangan ko ring gumugol ng lakas at talino. Ngunit pagsunod ito sa Panginoon, kaya ginagawa ko ito (1 Corinthians 14:26; Acts 13:49).

May presyo ba ang pagsunod mo sa Panginoon? Kung sumusunod ka sa Panginoon sa mga bagay na maliliit lamang na halaga, ay hindi pa ganap ang pagsunod mo sa Panginoon. Kapag may negosyo o trabaho, at dahil doon ay hindi ka na dadalo sa pagtitipon, ay hindi ka pa sumusunod nang may presyo para sa Panginoon. Kung iniisip mo na kailangan pang maglakad papuntang church at dahil ito ang presyo na kailangan para sumunod sa Panginoon, ay hindi ka na a-attend. Pag ang soul winning ay hinahadlangan ng mga dahilan na dahil nakakapagod, may negosyo ako, o natatakot ako sa tao, ibig-sabihin niyon ay hindi pa ako handang magbayad ng malaking halaga para sa pagsunod sa Diyos.

Ang mga nauna sa atin ay nagbayad ng malaking halaga para masunod lamang ang Panginoon: si John the Baptist, ang ating Panginoong Jesus, ang mga apostol, ang mga unang iglesiya, ang mga iglesiya sa Dark Ages, at mga iglesiya natin ngayon na nasa mga Komunista, at muslim—buhay. Ang pagsunod nila sa Panginoon ay hanggang kamatayan. Nahihiya ako sa mga ninuno nating ito dahil hindi pa ako dumarating sa ganoong sitwasyon. Ang malaking naranasan ko ay kahihiyan sa harap ng mga tao nang gawin ko ang ginawa ko noon sa harap ng bahay na iyon na binabastos ang ating pananambahan sa Diyos. But that was just a little thing compared to what my Savior has done for me. Ngunit naranasan mo na rin ba ito—kahihiyan sa ngalan ni Jesus? Mas mamatamisin ko pa ito kaysa naman sa pagharap ko sa Diyos ay sasabihin niya, “You haven’t given much.” – Bro. Elijah Abanto

The Right Anger

If I will consider myself, I would say na ako ay isang 50-50 person pagdating sa galit. You would see me very patient with other people—at hindi ako plastik noon, ganoon ang tunay kong reaksyon—what I mean is, yung mga hindi ko kapamilya. But kapag tungkol na sa aking mga magulang at kapatid ko sa laman—madalas kong natatagpuan ang aking sarili na madaling mairita at magalit. And I really don’t understand myself why. Minsan nga ay nagagalit na rin ako sa sarili ko kung bakit ganito ang disposition ko pagdating sa galit. I really need the grace of God para maggawa ko rin ito pagdating sa aking pamilya.

Anyway, sinabi nga ng ating pastor na hindi lahat ng galit ay masama. May tamang galit. May maling galit. Ngunit ano na nga ba ang tama? Pag nalaman natin kung ano ang tamang galit, malalaman din natin agad kung ano ang mali.

Kung dahil sa ginawa sa atin kung bakit tayo nagagalit, I think that’s the wrong kind of anger. Never did Jesus became angry because of what everybody did to Him; yun ay kung ano ang ginawa nila sa Diyos at sa ibang tao. Nagalit Siya sa mga negosyante sa temple dahil sa pagsira nila sa dapat na ispiritu ng temple bilang bahay ng panalangin ng Diyos. Nagalit Siya sa mga Fariseo dahil sa pagsira nila sa utos ng Diyos at pagpapahirap sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang mga tradisyon. Nagalit Siya sa mga apostol dahil sa pagmamataas nila sa isa’t isa.

Ngunit may gawin sa Kanyang masama, hindi Siya nagalit. Hindi Siya nagalit sa mga tao nang Siya’y palayasin mula sa kanilang lugar. Hindi Siya nagalit nang hindi sila tanggapin ng mga Samaritano sa kanilang nayon. Hindi Siya nagalit nung Siya’y ipagkanulo ni Judas at ikinaila ni Pedro at tinakbuhan ng mga disipulo. Hindi Siya nagalit sa mga Fariseo nang magkaisa silang ipako Siya sa krus, ganundin sa mga sundalong nagsagawa nito. Hindi Siya nagalit dahil sa ginawa sa Kanya; nagalit Siya dahil sa ginawa sa Diyos at sa ibang mga tao.

Kapag nagalit na siguro tayo sa ating anak, na hindi dahil sa pagsuway at kawalang-paggalang nila sa atin, ngunit higit pa doon, ay dahil sa pagsuway niya at paglapastangan sa utos ng Diyos, yun ang tamang galit. Kung nagalit tayo sa kapatid dahil sa paninira nito sa iba at hindi sa atin, yun ang tamang galit. Ang tamang galit ay nangyayari kapag iniisip natin, hindi ang ating mga sarili, kung ang iba at ang Diyos.

I pray na maging ganun din ako. Tulad ni Jesus.

No Energy, No Desire

(written 2010)

by Elijah Abanto

I sat in front of the computer. Tuesday. Wednesday. Yung mga papers sa church, yung lesson mo sa Sunday School, yung lesson mo sa Good News, yung ituturo mo sa elementary school, yung projects mo sa Bible school—malapit mo nang ipasa yun, birthday pa ni ano sa… “Ahh!! Bakit ganito!” naibulalas ko at tumayo. Si Micah ay nasa kabilang computer, at nagtanong din siya sa akin kung bakit. “Wala akong gana!” nasabi ko na lang. Gusto ko nang umiyak sa nangyayari sa akin—ngawa ako nang ngawa, kailangan ko itong gawin, pero bakit ayaw gumalaw ng daliri ko? I was almost thinking what this implied: hindi ako makakapagturo sa elementary, hindi ako makakapagturo sa Good News, hindi ako maka-kapagturo sa Sunday School, hindi maipa-publish ang mga papers—as in nothing!

I looked at my brother and sighed, Buti na lang siya walang ganitong burden. Pumalit ang isa ko pang schoolmate na si Nicko, and he was busy chatting and doing Facebook. Buti pa siya, walang ganitong problema. May games dock sa aking Google Desktop kaya naglaro muna ako ng Tetris at ng Pacman. Lumipas lang ang sinayang kong oras. Lalong napalakas ang ngawa ko. Nag-isip pa ako ng ibang pwedeng gawin. Binuksan ko ang Ya-hoo! Messenger at Windows Live Messenger accounts ko at tiningnan kung mayroon akong makakausap. Naka-online si Tatay (si Pastor) at si Pastor Charlie. Una kong chinat si Tatay at sinabi ang aking nararamdaman. Ang sinabi niya, “Sige rest ka na lang muna.” When I read that, at first, ito na lang ba lagi? Sinabi na rin sa akin ito ni Ate Joy, 4th year kong schoolmate at kaibigan sa Bible school at Ate Jean, secretary ng BS. Nung nasa ba-hay ako laging sinasabi sa akin ni Tatay at ni Mommy, “Hindi ka kasi natutulog nang maa-ga eh; nagpupuyat ka kasi eh. Hindi ka pa maayos matulog!”

Then I thought, “Rest?!” at ang iniisip ko nung time na iyon ay wala akong ginagawa, and then, “Rest?!” But then, I realize, Siguro nga. So I replied, “Siguro nga po dapat lang akong magpahinga, hehe.”

Nung Huwebes tinry kong gawin yung publications to no avail. Wala akong gana nung araw na iyon. I shared my burden with my beloved boys and they prayed for me. Biyernes. “I need to do something!” Kaya pagkatapos kong maghugas at magluto para sa umaga, wala pa rin akong gana. I slept. Pagkagising ko ay medyo masakit ang ulo, but, I need to work. So I did. Habang tina-type ko ito, ay tapos na ang ibang publications at kaunti na lang ang gagawin ko sa BDJ. There are still more to do, but, at least, I’ve done something.

Have you come to this stage? You’re not alone. And don’t envy others—they have their own burdens. And, hey, God is with you. He will help you get through. 😉

What the Left Hand is Doing

by Ruth Bell Graham

“Ayaw niya na malaman ng kanyang kanang kamay na walang ginagawa ang kanyang kaliwang kamay,” sinabi sa akin ng isang kaibigan tungkol sa maramot niyang kamag-anak, kung saan ngiwi niyang binaligtad ang payo ni Jesus na huwag ipaalam sa kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng kanang kamay.

Yung mga taong naka-apekto nang malalim sa aking buhay para sa ikabubuti ay bihira, kung mayroon man, na alam ang katotohanan na iyon. Sa kabilang dako, yung mga nag-iisip na sila’y pagpapala sa akin ay hindi naman talaga.

Sinabi sa atin ni Jesus sa Mateo 25 na sa huling paghatol, ay Kanyang paghihiwalayin ang mga tao sa isa’t isa, tulad ng isang pastol na hinihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, ang tupa sa kanan at sa kaliwa naman ang mga kambing.

“Halina, kayong mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian,” sasabihin Niya sa mga tupa. “Sapagkat ako’y nagutom, at binigyan ninyo ako ng pagkain: Ako’y nauhaw, at binigyan niyo Ako ng inumin: Ako’y isang estranghero, at pinapasok niyo Ako: hubad, at dinamitan ninyo Ako: Ako’y nasa kulungan, at kayo’y lumapit sa Akin” (Mateo 25:34-36).

Ngunit sa mga kambing Kanyang sasabihin ang kabaligtaran, na nag-uutos, “Lumayo kayo sa Akin, kayong mga isinumpa, sa walang-hanggang apoy, hinanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel” (Mateo 25:41). Ang mga kambing ay babalewalain ang bawat Kanyang pangangailangan, na, Kanyang ipinaliwanag, ay mga pangangailangan ng mga pinakamaliliit sa Kanyang mga kapatid.

Sila na mga naglingkod sa Kanyang mga pangangailangan ay walang kamalay-malay sa kanilang kabutihan at kabaitan, katulad na ang mga walang pakielam ay walang kamalay-malay sa kanilang kawalang-pakielam.

Siguro ito ang dahilan kung bakit nagbababala si Jesus tungkol sa pagbibigay ng limos sa harap ng mga tao. At ang tungkol sa hindi pagpapaalam sa kanang kamay kung ano ang ginagawa ng kaliwa.

Mula sa Decision magazine, June 2005, sa “Especially for You” section ni Ruth Bell Graham.

Sincerely Yours, Job (Part 2)

by Bro. Elijah E. Abanto

Base sa sermon ni Charles R. Swindoll, What Job Teaches Us About Ourselves

Isa sa mga bagay na ayaw-na-ayaw (kung hindi man pinaka-ayaw) nating maranasan ay ang paghihirap. Mas gugustuhin nating mamatay na lamang kaysa dumaan pa sa serye ng mga pagkawala—ng pag-aari, pamil-ya, kalusugan, o kaibigan. Ngunit kung mayroon mang dapat makaranas nito, tayo iyon, mga Kristiano—at ito rin ang nangyari sa buhay ni Job na tatalakayin natin ngayon. May pitong prinsipiyo na nais ituro sa atin ni Job (ng kwento ni Job) patungkol sa ating mga sarili, at titingnan natin ngayon ang unang apat sa mga iyon.

Basahin natin ang Job 1:6-19:

Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila. 7 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo’y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon. 8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan. 9 Nang magkagayo’y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios? 10 Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa’t dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain. 11 Nguni’t pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan, 12  At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo’y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon.

13  At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay. 14  Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila: 15  At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. 16  Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. 17  Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. 18  Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay: 19  At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila’y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

Mula sa mga magandang katayuan sa buhay ni Job, ay biglang lalapit si Satanas sa Diyos upang akusahan siya. Alam nating lahat na si Satanas ang ating taga-akusa, at kahit ang ating mga mabubuting intensyon ay lalagyan ng ibang kulay sa harap ng Diyos para tayo’y saktan lang. At mababasa natin na, yun, pinayagan ng Diyos na mangyari kay Job ang nangyari. Unang prinsipiyo: Hindi natin alam ang mga plano ng Diyos para sa atin. Hindi natin masisigurado na dahil naglilingkod tayo sa Kanya ay pagpapala ang darating sa atin, o hindi natin masasabi na parusa ang darating sa kanila na sumusuway. Mula na lamang sa kawalan ay binagyo ng samu’t saring delubyo ang buhay ni Job—sa isang iglap. Kaya isang aral: Laging maging handa sa kahit-anong bagay, pagpapala man o pagsubok, dahil hindi natin alam. Hindi natin alam.

Mula sa reaksyon ni Job ay malalaman natin ang ikalawang prinsipiyo:

20 Nang magkagayo’y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba; 21  At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nag-alis; purihin ang pangalan ng Panginoon. 22  Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.

Ang bertikal na perspektibo ay nakakapigil sa horizontal na pagkataranta. Sa lahat ng pwedeng maging reaksyon ni Job sa sunud-sunod na mga pangyayaring ito, ay pagsamba pa at pagpuri sa Diyos ang kanyang ginawa. Mauunawaan siguro ng Diyos kung magalit si Job sa Kanya, dahil alam naman Niya kung ano’ng klaseng mga bagay ang nangyari, ngunit, heto si Job, nagpupuri at sumasamba! Bakit? Dahil nakita niya ang perspektibo ng Diyos, na ang lahat ay pwede Niyang ipalaganap, masaya man o malungkot—dahil Siya ang Tagapaglikha ng lahat, at kabilang siya roon.

Pagpunta natin sa ikalawang kabanata ng Job ay makikita na naman natin si Satanas na lumapit sa Diyos at nagbigay na naman ng reklamo kay Job. Ang resulta: bibigyan ng sakit si Job, ngunit hindi papatayin. At yun nga. At para sa asawa niya, husto na. Hindi na niya makaya ang dinaranas ni Job, kaya:

Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka. (2:9)

Isang makatwirang payo mula sa isang mahal sa buhay, at lahat na ng dahilan ay mayroon si Job para “itakuwil ang Diyos”—besides, asawa na niya ang maysabi! Ngunit sa sumunod na talata:

Nguni’t sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi. (v. 10)

Kahit sinong nag-iisip nang tama ay alam na mali ang payong ito—pero pag naroon na sa ganoong sitwasyon, paano na? Ikatlong prinsipiyo: Matinding pag-intindi ang kailangan para matutop ang maling payo mula sa taong malapit sa’yo. Masakit siguro para kay Job na sabihin ito sa kanyang asawa, ngunit dahil nanatili siya sa tamang pag-iisip, nagawa niyang makita ang mali nito.

Pang-apat: Kapag ang mga pangit na bagay ay naging mas masahol pa, ang malalim na teolohiya ay gagawin kang marangal at matibay. Kung walang alam sa doktrina itong si Job, hindi niya magagawang maging matibay sa gitna ng pagsubok. Tayo, bilang mga Kristiano, ay dapat na maalam pagdating sa Biblia at doktrina, dahil maaari natin itong panghawakan pagdating ng tamang panahon, tulad ni Job.

Sincerely Yours, Job (Series Part 1)

by Bro. Elijah E. Abanto

Base sa sermon ni Charles R. Swindoll, What Job Teaches Us About Ourselves

 

Sabik-na-sabik ka na. Pinagpapawisan ka na. Ano kaya ang sasabihin niya sa akin? naiisip mo. Sa iyong nanginginig na kamay ay sulat mula sa isang Bible character—personal na sulat! Hindi ka na makapaghintay pa na basahin ang sulat na iyon.

Isipin mo na ang nagpadala ng sulat ay si Job—ang isa sa mga pinakatinatangi na mga karakter ng Biblia—siya ang sumusulat sa iyo. At sa aklat niya ay mayroon siyang tinuturo sa bawat isa sa atin. Kung babasahin natin ang Aklat ni Job, makikita natin ang kwento ng isang mananampalataya na dinatnan ng matitinding pagsubok at kung ano’ng reaksyon niya at ng mga taong nasa paligid niya. At mula sa kwentong iyon ay may mga prinsipyo tayo na matutunan at maisasagawa sa ating mga buhay—lalo na sa mga Kristiano na ngayon ay dumadaan sa matinding paghihirap at pagdurusa—sa maikling salita, pagsubok.

Basahin natin ang Job kapitulo 1:1-5:

May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan. At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae. Ang kaniyang pag-aari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa’t ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan. At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa’t isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila’y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila. At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka’t sinabi ni Job, ‘Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso.’ Ganito ang ginawa ni Job na palagi.

Kung aalalahanin natin ang buong kwento ng Job, makikita natin na si Job ay dumanas ng matinding pagsubok. Ngayon, mula sa mga talatang ating binasa, makikita nating dumarating din ang mga matitinding pagsubok sa mga pinakamatatapat na Kristiano. Iniisip natin na si Job ay lagpas-lagpas ang pagka-maka-Diyos niya sa atin, ngunit siya pa ang nakaranas ng pinakamatinding pagsubok sa buong Biblia. Tinuturo nito sa atin na hindi lang masasama at suwail ang may ganitong klaseng pagdurusa. Mula sa mga talatang iyon ating ilarawan si Job:

1) Si Job ay “sakdal at matuwid, at natatakot sa Diyos, at humihiwalay sa kasamaan.” (v. 1) Ang halimbawang ito ni Job ay hindi maitatangging huwaran para sa ating lahat: walang-kapintasan, may takot sa Diyos at lumalayo sa masama.

2) Si Job ay mayaman at pinagpala. (vv. 3-6) Pinagpala siya ng maraming anak; pinagpala siya ng maraming pag-aari, na malamang ay dahil sa kanya ring mga pagsusumikap; at pinagpala siya ng karunungan, dahilan para siya’y kilalanin na “pinakadakila sa lahat ng mga anak ng Silanganan.” Makikita natin dito na maaaring maging maka-Diyos ang pinakamayamang tao sa mundo.

3) Si Job ay may maayos na pamilya. (vv. 4-5) Hindi natin maitatanggi na matindi ang bonding ng mga magkakapatid—lagi silang nagsasama-sama para magsalu-salo. Ang mga lalaking anak ay may pagkilala sa kanilang babaeng kapatid, na bihirang makita sa mga pamilya ngayon—bihira ang close na magkapatid na babae at lalaki. Hindi marahil ito mangyayari kung hindi naging mabuting magulang si Job at kanyang asawa. At totoong iniisip ni Job ang ispiritwal na kalagayan ng mga anak niya—dahilan para ipaghandog ang kanyang mga anak para sa kanilang mga kasalanan, maging sikreto man ang mga ito. Naipanalangin na ba natin ang bawat isa sa ating mga anak, iniisip na hindi lang ang kanilang pisikal na pangangailangan kundi, ang ispiritwal din?

Panginoon, nakita po namin ang buhay ni Job. Pwede pala po! Pwede pala na mabuhay nang walang-kapintasan, banal, at may-takot sa’yo! Nalaman din po namin na pinagpapala niyo po ang mga nananampalataya sa Inyo. Nawa po ay tulungan niyo po kami na bigyang-pansin, hindi lamang ang pisikal na kalusugan ng aming mga anak, kundi pati ang kanilang ispiritwalidad. Patawarin Niyo po kami sa amin pong pagkukulang sa mga ito. Tulungan Niyo po kami. Amen.

Strength and Beauty

strength and beauty

by Sis. Olivia E. Abanto

Ang “lakas” (strength) ay pangkaraniwang nakikita sa katauhan ng mga lalaki, lalo’t kung ang pagbabatayan ay lakas ng pangangatawan at aspetong emosyonal. Ang “ganda” (beauty) ay pangkaraniwang nakikita sa pagkagawa sa mga babae. Ngunit ang dalawang katangiang ito ay kapwa ko nakita sa ating Panginoon. Sa Awit 96:6b ay sinasabi, “Ang lakas at ganda ay nasa iyong santwaryo.” Kahit sa aking personal na karanasan napatunayan ko na ang Diyos ay malakas at makapangyarihan sa lahat ng aspeto. Siya ay nagpamalas din sa akin ng kakaibang ganda sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at pagpapatawad at iba pang katangian. Binibilang ko itong kagandahan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Tayo ay nilalang ng Diyos sa Kanyang wangis, kaya ako’y naniniwalang ang dalawang katangian na ito ay nasa atin din na Kanyang mga anak.

Strength and beauty—dalawang katangian na tila mahirap at bihirang matagpuan sa lalaki at babae sa magkasabay na pagkakataon. Nais ko pa ring panghawakan ang hamon ng Salita ng Diyos sa sulat ni Pablo para sa mga Taga-Filipos 4:13: “Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa akin.” Mayroon akong pitong (7) pinagsamang katangian ng “lakas at ganda” upang ang biyaya ng Panginoon ay maipamuhay at maipamalas natin para sa kapurihan ng ating Diyos:

1) Lakas para ipakita ang Kagandahan ng Pagiging Mapag-asikaso o Hospitality (1 Pedro 4:9). Hindi madaling ipakita ang kagandahan ng bukas na tahanan, ngunit kung mauuna tayong buksan ang ating mga puso para sa nangangailangan ng karamay at pagmamahal ay kasunod ding lalabas ang lakas na maipakita ang ganda ng bukas na tahanan na may galak at taos-pusong pagtanggap sa sinumang nangangailangan nito.

2) Lakas para ipakita ang Kagandahan ng Pananampalataya. Kailangan ng lakas para tumayo nang matatag upang makayang pagtagumpayan at lampasan ang samu’t saring krisis ng buhay, kung may pagtitiwala o pananampalataya sa ating Diyos. Sapagka’t nangako Siya na “ang sinumang nagtitiwala sa Kanya ay hindi mapapahiya.” Naalala ko pa nang ako ay bago pa lamang na Kristiano. Isang taong malapit sa aking puso ang agad na humamon sa aking pananampalataya sa Diyos. Napatunayan kong may lakas na ibinigay sa akin ang Diyos upang tumindig nang matatag para makita ng taong ito na ang pagtitiwala sa Diyos kailanman ay hindi pagkukulangin.

3) Lakas para Sabihin ang Katotohanan sa Kagandahan ng Karunungan. Mga Kawikaan 31:26—“Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang batas ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.” Mas madaling isara na lamang ang bibig upang maiwasan ang anumang hindi pagkakasundo, lalo na kung ang pinag-uusapan ay katotohanan. Ngunit hindi makakatulong sa bawa’t isa kung ang katotohanan ay natatakpan at nananatiling nakatago. Ang lakas o tapang upang ihayag ang katotohanan ay mabuti lalo’t kung ito’y sasamahan ng karunungan na sabihin ito sa tamang panahon, paraan at lugar. Marami ring mabilis magsalita ngunit kulang ng karunungan, at ito’y nagdudulot ng pagkasira ng ispiritu ng sasabihan. Ngunit kung may karunungan, ito may makabasag man ng pansariling-kalooban, ay hindi ang ispiritung maselan.

4) Lakas na Gumawa upang ang iba ay maranasan ang Kagandahan ng Pag-ibig. Kung ang ating Panginoon ay hindi kinaya ang magpagal ng hirap at pasakit sa krus, hindi rin natin mararanasan ang ganda ng pag-ibig ng Diyos upang tayo ay mabuhay nang walang-hanggan sa piling Niya sa tinakdang panahon. Maraming pagkakataon sa mga karanasan ng ating buhay na kung walang lakas upang maghirap o magtiis ng hirap, ang ganda ng pagbubuklod nang may pagmamahal sa loob ng tahanan ay hindi mararanasan: ang pangakong “kamatayan ang magpapahiwalay sa atin” ay mapapako. Ang katagang “kaibigan magpakailanman” ay mapapalitan ng “walang permanenteng kaibigan.” Nagawa ito ng ating Panginoon kaya’t makakaya rin natin.

5) Lakas para Itaas ang Kagandahan ng mga Pamantayan (Awit 29:2). Laging may dulot na ganda ang “standards” o pamantayan sa pagiging Kristiano sapagka’t ang Diyos ang nagtakda nito, ngunit sa bawat lakad ng panahon maraming pagsubok upang ito’y sirain o pababain. Kaya’t kailangan ng lakas upang ito’y panatilihing pinanghahawakan natin at ipinapamuhay sapagka’t ang ating Diyos kailanma’y hindi nagbago o nang-hina sa Kanyang mga pamantayan, kabanalan, kalinisan, at kaayusan—mananatili itong kalikasan ng ating Diyos, sapagka’t Siya’y hindi nagbabago kahapon, ngayon at magkailanman. (Hebreo 12:3)

6) Lakas para Makapagbuo sa Kagandahan ng Pusong Nagpapatawad (Colosas 3:13). Dahil sa pagpapatawad ng Panginoon ay maraming buhay ang muling naitatag, maraming buhay ang muling nabuo. Ito ay nasaksihan ko sa maraming pamilya at indibidwal sa buhay. Napakabuti at kay-gandang pagmasdan ang mga buhay na muling binuo sa biyaya ng Diyos kung tayo ay isa sa mga ginamit Niya at binigyan ng lakas upang magbuo sa pagpapatawad na ibinigay natin sa kanila na nagkasala sa atin.

7) Lakas na Mamuno sa Kagandahan ng Isang Halimbawa o Modelo. Kung walang lakas, hindi magagawang pangunahan ang anumang gawain. Katulad ng sinabi ni Pablo, “Sumunod kayo sa akin tulad na ako ay sumusunod kay Kristo.” Una niyang nakita ang pangunguna ng Panginoon bilang halimbawa ng pagsunod sa Ama. Kung kaya’t nasabi niya ang mga katagang ito, “Sundin niyo ako katulad ng pagsunod ko kay Kristo.” Tunay ngang kailangan ng lakas makapanguna upang sumunod at upang maipakita ang kagandahan ng isang modelo o halimbawa. Pangkaraniwang sinasabi ng anak sa magulang na nagsasabi ng “Sumunod ka sa ama mo,” ay “Bakit ako susunod sa kanya, ikaw nga hindi sumusunod sa kanya?” Hindi binibigyang katwiran ang anak sa pagkakataon na ito ngunit ito ay katotohanan na nagaganap sa kahit anong relasyon kung ang kagandahan ng isang pagiging modelo ay hindi natin naipapamalas kahit tayo’y may lakas upang manguna.

Maaaring ang pitong pinagsama-samang katotohanang ito ay hindi pa ang lahat upang ipamalas ang buong katangian ng “lakas at kagandahan” ng ating katauhan, ngunit naniniwala akong ito’y sapat upang mapatunayan na ang kalakasan at kagandahan na ito sa ating buhay ay makakapagpamalas ng kapangyarihan at kagandahan ng Diyos sa bawa’t buhay. Higit Siyang may kakayahang magtanggol, magpanatili, manguna, bumuo at magtaas sa atin. Ang Kanyang maingat na kamay, pag-ibig, kahabagan, biyaya, laging pagpapatawad, pagtanggap sa akin ay ang nagpapanatili sa akin upang mabuhay nang may lakas at ganda sa bawa’t araw.

Fear (A Poem)

by Elijah Abanto

I tremble, I shake, sometimes I break

I think, “This is more than I can take,”

Here he comes, oh here he comes

FEAR, with his ugly, big thumbs.

 

He prowls, he prowls, shout does He

Insults, revilings, or threats they may be.

And insult, revile, threaten he did—

All I could do is watch while I hid.

 

But then I realized, there’s still one bigger Giant

“I’m more powerful, more strong,” He did grant

So why should I tremble, shake, or break

When God, my Savior, is the Refuge I take?

 

Now O Fear, how I know to defeat you, my dear!

I’ll just listen to the voice of God, I now hear

And follow what He says, and do what He wills

And I will take COURAGE, and kill you, you Fear!

Walong Bagay na Ginagawa ng mga Mapayapang Tao

  1. Lumalayo sila sa mga baliw. Proverbs 14:7; 7:20
  2. Hangga’t posible, hindi sila nagpupumilit na maging numero uno. Pag gusto mo laging maging numero uno, nagiging seloso ka. Nagiging mag-isa ka na lang. pansinin mo ang agila, mag-isa lang lumilipad. Bakit? Napakataas niya kasi, kumpara sa mga maya na mababa-baba lang ang lipad kaya marami siyang kasama. Itanong sa sarili, “Mahalaga bang maging number one ako sa bagay na ito?” Hangga’t maaari nga, si Jesus ayaw nang masyadong kilala. Tuwing nagpapagaling siya, nagsasabi siya ng istriktong utos, “Huwag na huwag mong sasabihin kahit kaninuman” (Mark 1:45) Iniiwasan nila ang pagiging masyadong mataas. Sabi nga ni Rizal, “Ang mga matatayog na puno ang nang-aakit ng kidlat.” (Genesis 11:4-8, tungkol sa Tore ng Babel)
  3. Nagsasabi sila ng “Hindi” kapag kailangan. Titus 2:11-12
  4. Binabantayan nila ang kanilang mga emosyon. Titus 2:3
  5. Nagtatanim sila ng mabubuting binhi, kaya makakaasa sila ng magandang ani. Proverbs 11:18; Galatians 6:7
  6. Nagtatabi sila, gumagawa, at nag-iingat ng ipon. Proverbs 6:6-8-mga langgam; Proverbs 31:25-babaeng pinagpala: bakit siya tatawa sa darating na araw?; Ecclesiastes 10:19—pera ang sagot
  7. Ginagamit nila ang kanilang oras nang tama. Nag-i-schedule sila at nag-lo-long at short term goal sila. Psalm 90:12; Eccl. 3:17
  8. Tanggap nila ang mga bagay hindi na mababago. Ang halimbawa ay si Pablo, na binigyan ng thorn in the flesh (2 Corinthians 12:7),

 

Mula sa mensahe ni Pastor Ed Lapiz, Day by Day, 702-DZAS, AM Radio.