The Thriving Family

by Elijah Abanto

Mag-isip ka ng isang pamilya. Magigising ang mga anak,  hindi dahil sa tawag ng kanilang ina, o amoy ng masarap na almusal, ngunit dahil sa ingay ng pag-aaway ng kanilang tatay at nanay. Magmamadaling umalis ang tatay; ipapasa naman nung nanay ang kanyang galit sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng bulyaw at masamang tingin. Dahil doon, isa sa mga anak ang sasagot nang pabalang sa kanyang ina.Yung isa pang anak, na mas matanda sa kanya, ay papagalitan siya dahil sa kanyang ugali at manghahamon ng away. Aalis ang mga anak sa eskwela nang mapait at galit.

Walang may gusto ng ganoong pamilya. Ngunit madalas ay makikita natin ang ganitong uri ng eksena sa halos bawat pamilya—baka nga maging sa pamilya mo.

“Ano’ng gagawin namin ngayon?” itatanong mo. Huwag kang mag-alala; may pag-asa. Nagbibigay ang Biblia nang malinaw na mga instruksyon para magkaroon ng isang maka-Dios, lumalago, at nagtatagumpay na pamilya. Apat ito. Anu-ano ang mga ito?

 

Let’s start listening.

James 1:19—Wherefore, my beloved brethren, let every man be swift to hear, slow to speak, slow to wrath:

Proverbs 4:1—”Hear, ye children, the instruction of a father, and attend to know understanding.”

Ang salitang “listen,” noong tingnan ko sa Merriam-Webster Dictionary, ay may apat na ibig-sabihin kung gagamitin ito bilang isang action word. Lahat ay laging may karugtong na pagdinig, tulad ng iyong iniisip marahil. Ang isa ay isang makaluma o archaic na ibig-sabihin: “to give ear to,” paglalaan ng iyong tainga sa isang salita—parang yung ginagawa mo kapag may bumubulong sa iyo. Nagagawa mo na ba ito minsan sa iyong tahanan? Kung ikaw yung ama o ina, nagawa mo na ba ito sa iyong asawa o anak? O kung ikaw ay anak, sa iyong mga magulang? Ang nakakalungkot, ang  pakikinig ay isa sa mga malaking “kapanasanan” ng maraming indibidwal kasama mga Kristiano.

Mas madali tayong magsalita kaysa makinig. Ayon nga sa mga statistics, sa isang grupo na nag-uusap, kailangan lang magsalita ng isang tao ng labindalawang salita para automatic na magsalita ang isa pa. Kahit nagsasalita pa yung isa, awtomatiko, pagkaabot niya ng labindalawang salita, magsasalita na yung iba.

Marami sanang hindi na kinakailangang problema ng pamilya na naresolba kung ang pakikinig lamang ay kasama sa ating pag-uugali.

Ang salitang “hear,” kasama ang lahat ng anyo ng salitang ito, ay nababanggit sa Biblia ng higit sa 810 na beses. Kung paulit-ulit na binabanggit, ibig-sabihin mahalagang-mahalagang ito. Dapat tayong makinig kung magtatagumpay ang isang pamilya.

Heto ang ilang mungkahi na pwede mong gawin kung gusto mong malinang ang pagiging palamakinigin:

  • I-break mo ang statistics! Huwag kang sasabay na magsalita sa nagsasalita. Hintayin mo siyang matapos.
  • Huwag ka agad mag-react.
  • Hayaan mong may makipag-usap sa’yo ngayong lingo at huwag kang magsalita hangga’t hindi niya hinihiling sa iyong magsalita ka.

 

Let’s talk spiritual.

Ephesians 5:19—Speaking to yourselves in psalms and hymns and spiritual songs, singing and making melody in your heart to the Lord;

Philippians 1:27—For unto you it is given in the behalf of Christ, not only to believe on him, but also to suffer for his sake;

Nasa panahon na tayo kung saan ang “pakikipag-usap nang ispiritwal” ay pinagtatawanan o nililibak. Subukan mong magsabi ng “The Lord be with you” bilang pagbati kung hindi ka asarin. Pero mukhang hinulaan na ito ng Hosea 9:7, dumarating na raw ang panahon na ang propeta ay tinatawag nang baliw, ang ispiritwal na tao ay ulol.

Ngunit may isang bagay tungkol sa pagsasalita nang ispiritwal na nagpapakalma sa isang tao. May epekto pa nga na parang binabantayan nila ang kanilang aksyon o sinasabi.

Isang magandang halimbawa ng ganitong klase ng pag-uusap ay makikita kina Boaz, kanyang mga manggagawa, Ruth, at Noami. (hal., Ruth 2:4)

Maaari na nating simulan na makipag-usap nang ispiritwal, sundin mo lang ang mga mungkahing ito:

  • Panatilihin mo ang salitang “Dios” sa iyong pakikipag-usap nang hindi bababa sa 7 beses isang araw.
  • Subukan mong huwag matawa o mang-asar sa taong nagsalita ng ispiritwal. Tanggapin mo ito nang normal at may paggalang.

 

Let’s submit to one another.

Ephesians 5:21—Submitting yourselves one to another in the fear of God.

1 Peter 5:5—Likewise, ye younger, submit yourselves unto the elder. Yea, all of you be subject one to another, and be clothed with humility: for God resisteth the proud, and giveth grace to the humble.

Isipin mo na lang ang isang anak na lalaki o babae na nagpapasakop na lamang sa mga ipinag-uutos ng kanyang mga maglang. Wala ditong kaso kung anong klaseng magulang, kahit stepfather o stepmother iyan, masama o mabuting magulang—mas maganda kung nagpapasakop na lamang ang anak.

Isipin mo na lamang ang isang asawang babae na handang magpasakop sa kanyang asawa.

At isipin mo rin ang isang lalaki na binibigyang-konsiderasyon ang mga mungkahi ng kanyang asawa at anak at nagpapasakop rito kung ito naman ay tama.

Ang laki ng kaibahan, tama?

Maraming mga maliliit na bagay ang nagiging “iceberg” dahil sa kakulangan sa pagpapasakop. Ngunit marami din namang mga “icebergs” ang nawawala kapag may submission.

Paano mo lilinangin ang ganitong klase ng attitude? Try these two steps:

  • Ikaw na ang magtanong, “Mayroon po kayong ipapagawa?” “May kailangan ka ba?” “Ano sa tingin mo?” Mas madali na magpasakop kapag ikaw na ang nauunang mag-alok.
  • Planuhing sabihing “Oo,” kapag may nag-utos sa’yo, o nagbigay ng suwestiyon—basta alam mo namang tama at hindi naman nakakasama.

 

 

Let’s praise each other;

let’s pray for each other.

Philippians 2:3—Let nothing be done through strife or vainglory; but in lowliness of mind let each esteem other better than themselves.

1 Timothy 2:8—I will therefore that men pray every where, lifting up holy hands, without wrath and doubting.

James 5:16—Confess your faults one to another, and pray one for another, that ye may be healed. The effectual fervent prayer of a righteous man availeth much.

 

Patawarin niyo ako sa pagiging negatibo ko, ngunit, sa totoo lang, sa bawat panahon na ako ay napapadaan sa mga tahanan, kahit na sa mga Kristiano, bihira akong makarinig mula sa magulang ng mga positibong bagay tungkol sa kanilang mga anak. (Aminin!) Sa bawat mabuting ginawa, mayroon naman tayong itutumbas na sandaang masamang bagay tungkol sa tao. Sa mga anak, tuwing Mother’s Day o Father’s Day lang yata nakakapagsalita nang positibo! (Siguro pag may Children’s Day na rin ay magkaroon ng positibong masasabi ang mga magulang sa anak!) Madalas din sa pagitan ng mag-asawa ang ganitong klase ng eksena—pintasan, simangutan.

Ngunit alam mo, at alam ko, na mas nakakatulong ang mga positibong salita kaysa negatibo. Kahit kailan ay ganun na iyon. Mas mahirap tanggapin ang negatibo. Hindi naman dapat mawala ang negatibo, lalo na kung totoo at karapat-dapat namang banggitin; ngunit lalong hindi dapat kung walang positibo.

Ang resulta tuloy ay mga mabababa, imbes na naitataas, na ispiritu. Galit, at hindi kabaitan ang karaniwang resulta ng puro na lang pintas. Bakit hindi purihin ang mga nagawang tama ng isa’t isa? Kung may mali, ipanalangin natin nang taimtim sa Dios; kung kailangang kastiguhin, gawin mo, ngunit hindi dapat nawawala ang pagpansin ng tama.

 

Ilang mga suwestiyon:

  • Purihin agad-agad ang nagawang tama at huwag nang ipagpaliban pa. Mas madali itong gawin nang “on-the-spot” kaysa maghintay ka pa ng “tamang” panahon. Hindi na iyon darating.
  • Ipag-pray siya kung may nagawa siyang mali.

 

Mag-isip ka uli ng isang pamilya. Gigising ang mga anak—dahil mayroon silang morning devotions. Babati ang mga anak, “Magandang umaga po.” Pagkatapos ay mananalangin sila. Nakahanda ang masarap na almusal. Mukhang masaya si Ama. Maaliwalas ang mukha ni Ina. Ang lalaki, bago umalis, ay magtatanim ng halik ng pagmamahal sa kanyang asawa, na nagsasabing, “Gabayan ka ng Panginoon sa ating mga anak.” “Pagpalain ka ng Dios,” sasagot ang asawa nang pagkatamis-tamis. Ang mga anak? Nakangiti, halos-mangiyak-ngiyak na sa ligaya, at nagsasabing, “Ba-bye.” At mula doon ay magpapasalamat sila sa Dios para sa araw na iyon at sa mga magulang habang papunta sa school.

Ang lahat ay nagnanais ng ganoong klase ng pamilya. Pero, huwag kang mag-alala; hindi lang ito posible sa fairy tale—pwede rin itong mangyari sa totoong buhay. Sa tulong ng Dios, pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita, at patuloy na pananalangin sa Kanya, ang pamil-ya mo’y magiging maka-Dios, lalago, at magtatagumpay.

Nagsisimula iyon—sa’yo.

Advertisements

Thriving Families

Kung mayroon mang panahon na higit na kailangan ang mga pamilyang makadiyos, lumalago, at nagtatagumpay—ngayon iyon. Ipinapakita ng Biblia sa pamamagitan ng mga halimbawa nitong mga karakter—ang kahalagahan ng isang pamilya. Hindi naman kinakailangan ang isang perpektong pamilya, ngunit isang pamilya na may takot sa Dios—sapagka’t sa ganoong paraan, ang isang pamilya ay magtatagumpay.

Sa ngayon ay maraming bigong pamilya—mga pamilya natatapos sa kahihiyan, kasiraan, paghihiwalay, kawalan ng pagtitiwala, at poot. Malulungkot ka na lamang kung makakarinig ka ng mga ganoong balita—dahil mahirap, kung gusto mo man, na ayusin ang ganitong klase ng trahedya. Minsan ay imposible pa nga.

Ngunit ang lahat ng bagay ay may pag-asa pa. Basta’t umasa ka lamang sa Dios at magpatuloy sa pagsunod sa mga utos Niya, ang pamilya mo ay magtatagumpay. Ang pagbabasa ng mga kwento ng mga pamilya sa Biblia ay makapagbibigay sa’yo ng lakas ng loob para magpursige. Mayroon sa kanilang dumaan sa mga pagsubok, ngunit nagtagumpay; mayroon namang ding nabigo.

  • Adam (Genesis 3-4)
  • Noah (Genesis 6-9)
  • Abraham (Genesis 12-25)
  • Isaac (26-28)
  • Jacob (29-50)
  • Amram (Exodus 2:1-10)
  • Elkanah (1 Samuel 1-2: 11, 18-26)
  • Eli (1 Samuel 2:12-17, 27-36; 3-4)
  • David (2 Samuel)
  • Joseph and Mary (Matthew 1-2; Luke 2)
  • Eunice (2 Timothy 1:5)

Kailangan ng henerasyon na ito ng mga pamilyang makadiyos, lumalago, at nagtatagumpay. Ngunit kung magiging ganito ang iyong pamilya, kailangan muna na una ay nais mo talaga ng ganitong klaseng pamilya, pangalawa ay determinasyon na ipursige ito, at pangatlo Dios na iyong pinaniniwalaan at sinusunod.

Dad, I Love You

by Charles R. Swindoll

Sa panahon kung saan binibigyang-diin ang pantay na mga karapatan at pantay na oras, tama lamang na bigyan ng tamang atensyon ang mga ama. Nitong nakaraang buwan ang mga ina ang nakatayo sa entablado. Alis, mga kababaihan … bigyang-daan ang mga kalalakihan, o piling grupo ng mga kalalakihan—mga ama. Tama lamang na ito’y gawin dahil ang panahong ito ay para sa Araw ng mga Ama.

Para namang hindi mo alam! Bawat pamilihan, bawat diyaryo, at pambansang magazine sa bansa ay may parada ng mga ideya para sa ireregalo nitong nakalipas na buwan. Nag-iisip ang mga pamilya kung bibigyan tayo ng bagong damit, bubusugin tayo sa pagkain, sosorpresahin tayo ng mga espesyal na bagay, kikilitiin tayo ng mga bagong kagamitan, o basta babalutin na lang tayo ng mga halik. Kung kilala ko ang mga ama, karamihan sa kanila ay mamumula ang pisngi anuman ang gawin mo para sa kanila. Nasanay na sila sa pagbibigay, kaya ang pagtanggap mula sa iba ay wirdo para sa kanila. Minsan pa nga eh, sobra pa silang nahihiya! Karamihan sa mga ama ay mabilis na magsabi sa kanilang mga pamilya (na may mapapatawad namang “ere”):

Teka—umupo lang kayo diyan at mag-relax … bayaan niyo na sa amin ang pagtatrabaho!

Isipin mo ang iyong ama ngayon, okay? Pagbulay-bulayan mo kung ano ang naibahagi ng nag-iisang taong iyan sa iyo. Isipin mo ang kanyang impluwensya sa iyo, kanyang na-invest sa iyo, mga kaalamang naibahagi sa iyo. Pag-aralan mo ang kanyang mukha … ang mga linya na nakatatak na sa iyong isip. Makinig kang muli sa kanyang boses … sa kanyang nakakahawang tawa … yung mga kakaibang ekspresyon sa kanyang bibig na natatandaan mo. Hawakan mo ang kanyang kamay … ramdamin mo ang malakas at matibay na braso sa iyong mga balikat. Ang hawak na iyon na nagpapahatid ng kakaibang pagsasama ng kabaitan at determinasyon … kasidhian at kalakasan … “Nauunawaan ko” at “Tumayo ka na!” Panoorin mo ang kanyang paglalakad. Mayroon bang katulad ang kanyang paglalakad? Mga siguradong hakbang. Ang mga hindi magagayang paghakbang.

Ngunit higit sa lahat, alalahanin mo ang matutularang katangian niya. Maaaring isa roon ay ang integridad. Habang binabasa mo ito, tumigil at alalahanin ang kahit isa lang o dalawang mga pagkakataon sa iyong nakaraan kung saan siya’y nakatindig lang nang mag-isa … nang tumayo siya sa tabi mo … sa panahon ng bagyo. Nung protektahan ka niya mula sa mapait na hampas ng malulupit na dagok ng buhay. Nung sabihin niyang, “Pinapatawad na kita,” imbes na, “Mahiya ka naman!”

Sa lahat ng iniwan sa iyo ng iyong ama na hindi kayang maagaw ng panahon, magpasalamat ka sa Diyos. Yun lang. Magpasalamat ka sa Tagapagbigay ng bawat mabuti at sakdal na kaloob para sa mga makabuluhang marka na itinatak sa iyong karakter ng iyong ama … ang mga magagandang kaugalian na inihabi niya sa iyong laman. Habang ikaw ay naglalakbay sa gitna ng gubat ng pagiging sentimental, tumigil ka sa harap ng isang malaking puno na nagngangalang Proverbs at pagbulay-bulayan ang mga salita na iniukit ng marunong lalaki sa balat nito tatlumpung sentenaryo nang nakakaraan:

The just man walketh in his integrity: his children are blessed after him. (Proverbs 20:7)

O gaano ito katotoo!

Hindi siya perpekto. Siya malamang ang mauunang magsasabi nito. Ni hindi siya walang mali, isa sa mga ikinadidismaya din niya. Hindi rin siya talaga pantay sa kabuuan … ni palaging tama. Ngunit may isang bagay na isa siya—palagi at sa kabuuan—siya ang iyong ama … ang nag-iisang amang mayroon ka. At sa totoo lang, isang bagay din lang ang kanyang kailangan sa Araw ng Mga Ama—simple lang—kailangan niyang marinig na sabihin mo ang tatlong salitang ito:

Tatay, mahal kita.

Iyon ang pinakamagandang maireregalo mo sa kanya. Kung ibibigay mo sa kanya ang iyong pagmamahal, kahit wala nang iba pang mga regalo. Isipin mo, ito ang pinakamahalagang regalo sa lahat. bdj

 

Palalimin ang Iyong Mga Ugat

Exodus 20:12; Ephesians 6:1-4; Hebrews 12:7-11; 1 Kings 2:1-4; 1 Kings 3:3-15

 

Pagsasanga

  1. Sulatan ang iyong ama ng isang note at ipaalala mo sa kanya ang isang personal na alaala na ibinigay niya sa iyo na nagpapakita kung gaano kalalim ang kanyang pag-ibig para sa iyo.
  2. Magsulat ng sampung bagay tungkol sa iyong ama na maipagpapasalamat mo sa Diyos. Sige na … magpasalamat ka sa Diyos!
  3. Imbes na bilhan mo ang iyong ama ng isang regalo, gawan mo na lamang siya o kaya gumawa ng isang espesyal na bagay para sa kanya na lagi niyang sinasabing gusto niyang gawin, ngunit wala naman siyang oras para gawin ito. Gumawa ka ng alaala ninyong magkasama.

 

Ang article na ito ay isinalin ni Bro. Elijah Abanto mula sa ingles na article na “Fathers,” ng aklat na Growing Strong in the Seasons of Life, ni Charles R. Swindoll, published by Multnomah Press, pp. 219-20.

 

Dads, Front & Center

by Charles R. Swindoll

Sa libro ni Charlie Shedd, Promises to Peter, ay sinasabi niya kung paanong ang pamagat ng kanyang mensahe sa pagmamagulang ay nagbago nang maranasan niya ang pagiging ama. Noong mga unang taon ng kanyang pangangaral, bago siya maging ama, tinawag niya itong, “Paano Palalakihin ang Iyong Mga Anak.” Maraming mga magulang ang dumayo para mapakinggan ito. Nang magkaroon ng isang anak si Charlie, may kaunting panahon bago niya ibinigay ang mensaheng iyon uli. Nang ginawa niya, may bago na itong pamagat: “Ilang Mga Suwestiyon sa Mga Magulang.” Nadagdagan pa ng dalawa ang kanyang mga anak at ilang taon pagkatapos, tinatawag na niya itong “Mahihinang Paalala sa Mahihinang Magulang.” Ilang taon pa ang lumipas at ilang anak pa, bihira na niyang ibigay ang mensaheng iyon. Ngunit kapag ginawa niya, ang pamagat na ay “Mayroon ba ritong may kaunting mga salita ng karunungan?”

Mahirap maging isang ama. Halos imposible na maabot ang ating mga sariling mga pamantayan, bukod pa ang pamantayan ng Diyos. At ang pinakamahirap sa lahat ay, sa loob-loob natin, alam nating nag-iiwan tayo ng isang hindi mabuburang marka sa buhay ng ating mga anak. Mula sa simple at praktikal na ama hanggang sa komplikado at maraming ideya na ama; mapatigasin at agresibo o mahina at pasibo; siya man ay lulong sa trabaho o lulong sa alak—walang ama na hindi alam na ang kanyang mga “fingerprint” ay nasa kanyang mga anak habang sila’y kanyang hinuhugis patungo sa katandaan.

Paano ito magagawa ng mga ama nang maingat at may karunungan? Sa araling ito ay kukuha tayo ng kaunting tips sa pagmamagulang mula kay apostol Pablo. Hindi natin alam kung si Pablo ay naging ama nang literal. Ngunit sa kanyang sulat sa mga taga-Tesalonika ay makikita natin ang ilang katangiang pang-ama na dapat tularan.

 

A LITTLE BACKGROUND

Ang unang dalawang iglesiyang naitatag sa Europa at nasa Filipos at Tesalonika. Nang maglakbay si Pablo papuntang Tesalonika, nakita niya ang potensyal ng lungsod na iyon at nagnais na manatili roon, kahit na siya’y hinahabol at inuusig ng mga hindi mananampalataya (tingnan ang 1 Thessalonians 2:1-2). Sa loob ng anim na linggo ay ibinuhos ni Pablo ang kanyang sarili sa mga mananampalataya rito, nagtatrabaho nang umaga’t gabi upang patibayin ang mga ito sa bago nitong pananampalataya. Bagaman hindi na makakabalik si Pablo para sa isa pang malalim na pagbisita, ay nahuli ng mga mananampalataya ng Tesalonika ang kanyang puso. Kaya noong marinig niya ang tungkol sa mga hampas ng pag-uusig na nagbabantang lunurin ang pananampalataya ng mga ito, ay hinagisan niya ang mga ito ng dalawang “life preservers.”

Pinadala niya si Timoteo sa kanila. Dahil hindi kaya ni Pablo na pumunta roon sa kanyang sarili, ay pinadala niya ang kanyang kaibigan si Timoteo dala ang mga salita ng pag-asa at pampalakas ng loob (3:2).

Nagpadala siya ng isang sulat. Nang bumalik si Timoteo kasama ang isang masamang balita, ay sumulat si Pablo ng isang masidhing sulat ng pagtatagubilin. At ang bumubuhos sa pamamagitan ng kanyang panulat ay isang bukal ng pag-ibig mula sa puso ng isang ama.

“But we were gentle among you, even as a nurse cherisheth her children: … and charged every one of you, as a father doth his children.” (2:7, 11b)

Bilang isang ina, bilang isang ama—ang mga salitang ito ay hindi mo makikita sa iba pang mga sinulat ni Pablo. At sa konteksto ng mala-amang puso ni Pablo tayo kukuha ng ilang mga prinsipyo ng pagmamagulang.

 

FIVE GUIDELINES FOR GOOD DADS

Ang mga talatang 8-12 ng kabanata 2 ay nagpipinta ng isang inspiradong larawan ng isang ama kasama ang kanyang mga anak, isang larawan na karapat-dapat na gayahin.

Magiliw na nasasabik. Ang unang katangian na inilalarawan ni Pablo ay pagkagiliw: “So being affectionately desirous of you” (v. 8a). Mayroon naman sa dulo ng kanyang mga daliri na anim na terminong Griego na pwede niyang magamit sa pagsusulat nito ngunit, pinili niya ang terminong isang beses lamang makikita sa buong Bagong Tipan—isang terminong nangangahulugan “na maramdaman ang sarili na malapit sa isang bagay o tao.” ito’y isang termino ng pagmamahal … isang termino na parehong mariin at malambot, ang larawan ng isang amang maingat na dinuduyan ang kanyang maliit na anak. Ngunit gaano natin kadalas talagang naipapakita ang ganitong klase ng “magiliw na pagkasabik”? Napakadaling yumakap at humalik ng isang sanggol, kahit na isang bata. Ngunit habang lumalaki ang isang bata, ang pisikal na pagkagiliw ay madalas na napapalitan ng pisikal na paglayo. Sa kanyang aklat na The Effective Father, ay nagsama si Gordon MacDonald ng isang kabanata na may pamagat na “Please Show Me That You Care.” Doon ay isinulat niya:

Ang pisikal na ekspresyon ng ating pagkatuwa ay may malaking kahalagahan. Ating pinapatibay kung ano ang isang tao, at ating pinapahalagahan kung ano ang ginagawa niya. Ngunit ang katiyakan na ito ay dapat na maibigay nang higit sa mga salita. Pagkagiliw, ang paraan ng pagpapahayag ng pagiging malapit na hindi gumagamit nang salita, paghawak at pagpisil ay isa sa mga pinakamahalagang karanasan na ibinabahagi natin sa isa’t isa.

Ipinapakita sa ilang mga pag-aaral na ang pagiging mahilig sa sex sa isang babae ay madalas na nag-uugat sa kakulangan ng pagkagiliw ng isang ama sa kanyang pagkabata at kabataan (Dan Benson, The Total Man, [Tyndale House Publishers], p. 178). Mga ama, ipakita ang iyong pagmamahal—ngayon, bago pa ito hanapin ng iyong anak sa ibang lugar.

Isang bukas na pagkatao. Ang talatang 8 ay nagpapatuloy na ilarawan ang ikalawang gabay: isang bukas na pagkatao.

So being affectionately desirous of you, we were willing to have imparted unto you, not the gospel of God only, but also our own souls, because ye were dear unto us.

Hindi ba mahalaga ang ebanghelyo? Siyempre mahalaga! At hindi ba ito sapat? Siyempre hindi! Kinakailangan na marinig ng iyong mga anak ang ebanghelyo para makilala din nila ang Tagapagligtas na iyong iniibig; at lalong mas maganda kung ang Mabuting Balita ay nagmumula mismo sa iyong mga bibig. Ngunit higit pa roon. Kailangan nila ng pagtuturo tungkol sa buhay, at kailangan nila ng isang ama na hinahayaan silang makita siyang  ipinapamuhay ito, mga pagkakamali at lahat. Kailangan nilang makita kung paano mo hawakan ang iyong pera, kung paano ka gumagawa ng mga desisyon, kung ano ang iyong mga pinapahalagahan, at kung ano ang nagpapatawa sa iyo. Kailangan nilang marinig mula sa’yo na inaamin mo kung ikaw ay mali at makita ka na tumatayo para sa iyong pananampalataya. Kailangan nilang makilala ka “from the inside out”—at maramdaman ang iyong interes at paniniwala sa kanila. Ang salitang “impart” ay nangangahulugang “pagpapakita, pagbabahagi, pagbibigay nang buo” sa mga anak na alam nang walang pag-aalinlangan na sila’y mahal sa iyo.

Isang hindi maramot na pagsusumikap. Sa talatang 9, si Pablo ay gumuguhit ng isang larawan ng matinding paggawa, ng isang ama na inilalagay ang kanyang sarili sa gawaing nasa kamay.

For ye remember, brethren, our labour and travail: for labouring night and day, because we would not be chargeable unto any of you, we preached unto you the gospel of God.

Ito ay isang detalyadong larawan ng pinansyal na responsibilidad at pagtitiis sa ilalim ng mga pangangailangan. O anong halimbawa na dapat makita ng iyong mga anak! Hindi nila kailangan ng mga materyal na mga bagay kapalit ng iyong panahon. Hindi nila kailangan na makita ang bunga ang pagpapagal ng kanilang ama imbes na kanilang ama mismo. Ngunit kailangan din nilang makita na ang kanilang ama ay nagtatrabaho talaga ng walong oras para sa walong oras na sweldo; kailangan din nila ng mga oportunidad na kumita sa kanilang paraan.

Pagiging totoo sa ispiritwal na aspeto. Ginamit ni Pablo ang mga talata 9b-10 na binibigyang diin ang dalawang mahalagang aspeto ng ispiritwal na responsibilidad ng isang ama: pananampalataya at pag-uugali.

We preached unto you the gospel of God. Ye are witnesses, and God also, how holily and justly and unblameably we behaved ourselves among you that believe:

Napakaraming mga ama ay hinahayaan na ang ispiritwal na aspeto ng pagpapalaki ng anak sa ina—kung tinuturo man si Kristo, ay kadalasang galing iyon sa ina. Ngunit ipinapakita rito ni Pablo na ang mga ama ay dapat rin na ituro si Kristo … at pagkatapos ay kanilang mga buhay sa paraan na ito’y sinusuportahan.

Isang positibong impluwensya. Ang huling pagguhit sa pagpinta ni Pablo ng pagmamagulang ay isang positibong impluwensya.

As ye know how we exhorted and comforted and charged every one of you, as a father doth his children, That ye would walk worthy of God, who hath called you unto his kingdom and glory. (vv.11-12)

Si Dan Benson, sa kanyang aklat na The Total Man, ay sinasabi ang mga resulta isang nakakabahalang pag-aaral: sa bawat isang positibong pangungusap na sinasabi sa isang ordinaryong tahanan, ay may sampung negatibong pangungusap. Napakahirap na maging positibo habang ang iyong mga anak ay lumalaki. Ngunit ang mga anak na puno ang mga tainga ng mga salitang “Hindi” at “Huwag” at “Itigil mo yan!” ay natututong huwag magtiwala sa kanilang mga kilos at gawi. Ang mga anak na naririnig ang “Ang galing!” at “Kaya mo yan!” na kasindalas ng “Hindi magandang ideya iyan” ay haharap sa mga bagong hamon nang may tiwala sa sarili at tuklasin ang kanilang potensyal nang walang takot.

 

Ang article na ito ay isinalin ni Bro. Elijah Abanto mula sa ingles na article na “Dads, Front and Center,” ng aklat na Growing Wise in Family Life, ni Charles R. Swindoll, published by Insight for Living and Multnomah Press, pp. 16-19.

 

Before It’s Too Late

father

Spiritual leadership in the home starts now.

by Joe White

Kaunting gawain lamang ang mas fulfilling kahit na challenging, mas thrilling kahit na mas demanding, mas rewarding ngunit mas exasperating kaysa sa pagiging ama at ang responsibilidad ng pagiging ispiritwal na pinuno ng tahanan.

Para sa akin, ang pagiging spiritual leader ko ay nagsimula sa kawalan ng kaalaman. Nang iuwi namin ang una sa apat naming baby sa bahay, wala akong ni isang clue kung gaano kalaki ang magiging gawain ko o kung paano simulan ang aking paglalakbay. Kamalian ang nagmarka sa mga unang taon ng trabaho kong ito.

Ang pinakamatanda kong anak, si Brady, ay lumaking may malaking ngiti at sensitibong disposisyon na naging dahilan para magtrabaho ako nang maigi sa aking magas-pang na ugali. Ang kauna-unahang niyang matagumpay na pagba-bike nang walang training wheels ay dumating noong siya ay 5 years old sa kainitan ng pagpapatakbo ko ng mga summer camp. Excited siya; busy naman ako sa trabaho (as usual).  Nahuli niya ako noong lunch at ipinahayag ang magandang balita.

“Tatay, hulaan mo kung anong nagawa ko ngayon.”

“Sabihin mo na, Anak!”

“Natutunan ko nang mag-bike—walang helper wheels!”

“Wow, ang galing! Dapat makita ko yan. Mamayang hapon pakita mo akin.”

“Hindi po, Tay, pagkatapos na ng summer.”

“Bakit pagkatapos pa ng summer?”

Ibinaba niya ang kanyang mga mata. “Nagtatrabaho po kayo tuwing summer, eh.”

 

Ang mga salitang iyon ay patuloy akong ginugulo. Ang totoo, nagtatrabaho ako tuwing taglagas, tuwing taglamig, at tuwing tag-ulan din—hindi lamang ako available para sa aking mga anak.

Noong summer din na iyon ang aking 6-year-old na anak, si Courtney, ay inilaan ang isang linggo sa aming nalalapit na maiksing camp. Nagkasundo kami na huwag magkita nang isang linggo. Ang hirap noon!

Sa panglimang araw niya sa camp, na-home sick si Courtney. Nagsimula na siyang umiyak, at ang kanyang tagapayo ay pumunta sa tabi ng kanyang higaan para bigyan siya ng mga yakap.

“Huwag ka nang umiyak. Makakauwi ka rin pagkatapos ng dalawang araw, at makikita mo na uli si Tatay.”

“Hindi ko na siya makikita!” protesta niya.

Pagkatapos ng summer, pumunta ang camp director sa aming tirahan. “Umupo ka,” bigla niyang sinabi. Umupo ako. Sinabi niya ang kwento tungkol sa pag-uusap ni Courtney at ng counselor nito. Nadurog ang puso ko.

Pagkatapos ay nagsabi siya, “Ano ang gagawin mo tungkol dito?”

Napaisip ako. Tumingin siya nang malalim sa aking mga mata. Tumunog ang telepono at habang sinasagot ko iyon, tumunog naman ang intercom. Pagkatapos ay dumating sa pintuan at may emergency. Umupo akong muli. Tumitingin pa rin siya sa akin.

“Tinanong kita, ano ang gagawin mo tungkol dito?” pilit niya.

“Hindi ko alam… Ang hirap… Napakaraming pangangailangan.”

“Joe, sino ang pinaka-importanteng mga tao sa buhay mo?”

“Ang pamilya ko.”

“Hindi mo pinapakita iyon!”

Umupo lamang siya roon at hindi pinalampas ang sitwasyon. Pinwersa niya ako na gumawa ng mga commitments para sa aking pamilya na gagawin ko ngayon. Nandiyan pa rin ang mga pangangailangan, pero nagbago ang aking mga prayoridad.

 

Maliwanag ang Kasulatan. Ang mga prinsipiyo ng Dios para sa success at fulfillment ay hindi nagbabago. Alam ng Dios ang bawat hininga na ating kukunin at nakikita ang bawat hibla ng buhok na nahuhulog mula sa ating mga bubunan. Ang kanyang walang sukat na karunungan ay tumatawag sa mga ama na mamuno spiritually sa ating mga tahanan kagaya ng ginawa ng Karpintero mula sa Nazareth sa mga nakapaligid sa Kanya. Ang pamumuno ay nangangahulugang paghuhugas ng mga paa, paghuhuwaran ng walang kapintasang integridad at pagkuha ng ating mga krus para sumunod kay Kristo.

Kailangan kong matutunan ito sa mahirap na paraan 25 taong nakalilipas nang ang aking apat na anak ay sumigaw para sa aking spiritual leadership sa aking tahanan. Aking nadiskubre na hindi pa huli ang lahat para magsimula, ngunit laging napakaaga para tumigil.

 

Translated from the article of the same title of Focus on the Family magazine, June 2006, ©2006 Focus on the Family. http://www.family.org.

 

Fathers: Thy Rod and Thy Staff… They Comfort Me?

sinturon

Bakit ako ang may pinakamaliit na kwarto sa bahay?” reklamo ng trese-anyos na si Terry sa kanyang ama. “Lahat ng kaibigan ko anlalaki ng kwarto, samantalang ako naiipit na sa cabinet na ito!”

“Manatili kang mag-reklamo nang ganyan, anak, at matutuwa kaming ilagay ka talaga sa totoong cabinet,” sagot ng kanyang ama. “Sa kabila nga ng lahat, kung paanong ang pagne-negosyo ay bumaba sa ngayon, dapat ka pang magpasalamat na may bubongan yang ibabaw ng ulo mo, pagkain para makain, at damit para maisuot.”

Noong kinagabihan, pumunta si Terry sa kanyang ama. “’Tay, paumanhin po at nagreklamo ako kanina. Siguro naiingit lang ako sa kung anong meron si Jason—DVD player, laptop, swimming pool, at lugar para paglagyan noon lahat. Pero naisip ko: Maraming pera ang tatay ni Jason, pero mayroon kang binibigay sa akin na hindi niya binibigay kay Jason.”

“Ano `yon, anak?” tanong ng kanyang ama, halatang interesado.

“Binibigyan mo ako ng mga patakaran. Parang corny, pero yon ang nagsasabi sa akin na concerned ka sa akin. Marami akong alam na hindi masasabi iyon tungkol sa tatay nila.”

 

  • TAKE A LOOK/Luke 11:11-13

Sinasabi ng 1 Thessalonians 2:11-12, na isang bagay na ginagawa ng isang mabuting ama ay ang aliwin ang kanyang anak. Kadalasan ay iniisip natin na ang pang-aaliw ay pagpapasaya sa atin tuwing tayo’y nasasaktan o nalulungkot. Ngunit iyon ay nangangahulugan din na gawing komportable ang isa sa pamamagitan ng pagpuno sa mga pangunahing pangangailangan ng taong iyon. Ginagawang komportable ng mga ama ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagpapatnubay ng tirahan, pagkain, damit, pamasahe, at gamot. At kung kaya nila, magbibigay pa sila ng higit pa rito.

Basahin ang Luke 11:11-13. Paano inihahambing ni Jesus ang iyong makalupang ama sa iyong makalangit na Ama? Ano’ng sinasabi nito tungkol sa Dios?

 

  • TAKE A STEP

Ang mga patakaran ng ama ay mga ‘comforts’ din. Hindi lang meron nito para ilayo ka sa kasiyahan, kundi para protektahan ka mula sa mga panganib na hindi mo maiisip na nandoon. Kapag nabali ang mga patakarang ito, kahit na ang disiplina ay bahagi pa rin ng “comfort” na ibinibigay ng ama.

“…Tayo ay nagkaroon ng mga ama sa ating laman na nagwawasto sa atin, at binigyan natin sila ng pitagan…” (Hebrews 12:9).

Nasa tamang edad na si Terry para maunawaan ang “comfort” sa kanya ng ama sa pamamagitan ng gabay, patakaran, at disiplina. Umisip ng tatlong patakaran na ginawa ng iyong mg magulang. Paano kang napoprotektahan ng bawat isa? Sa anong mga paraan ka pa binibigyang-aliw ng iyong ama?

 

From More Family Walk, ©1992 Walk Thru the Bible Ministries, published by Zondervan.

 

Great Quotables: Fathers

The best fathers not only give us life—they teach us how to live.

Our heavenly Father longs to spend quality time with His children.

 

The best thing a father can spend on his children is his time.

 

A heart filled with praise brings pleasure to God.

 

In prayer, God hears more than words; He listens to your heart.

 

Spoiled children are given what they want; wise parents give them what they need.

 

All quotations from Our Daily Bread.

 

No one understands like Jesus.

Praying for Dad (A Story)

praying for Dad

Father’s Day na. Iyon ang realisasyong pumasok sa isip ni Cristine ng idilat niya ang kanyang mga mata. Pinatay niya ang alarm clock na kanina pa kumikiriring, at tumayo at binuksan ang switch ng ilaw sa kanyang kwarto.

5:30 na. Pinlano nila ng kanyang kapatid na si Calvin na gumising nang ganito kaaga. May mahalaga silang dapat gawin.

May narinig siyang katok mula sa labas. Walang-duda, si Calvin ang kumakatok. Pinagbuksan niya ito. “Pasok.”

Nakangiti itong pumasok at umupo sa sahig kagaya niya. Sa loob ng sampung minuto ay nagtitigan sila. Unang nagsalita si Cristine. “Kuya, ano’ng pagpe-pray natin for Daddy?”

“Iniisip ko pa nga rin eh,” sagot ni Calvin, halatang balisa na sa pag-iisip.

“Kuya, isipin natin kung ano ang mga ginagawa niya,” suwestiyon niya kay Calvin.

“Oo, nga,” sagot nito, at kumuha ng papel at ball pen mula sa kanyang study table. “Sa pamamagitan nito, malalaman natin kung ano’ng pagpe-pray.”

“Pumapasok si Dad sa trabaho,” una niyang banat.

“Pag-pray natin na bigyan siya lakas at kalusugan sa pagtatrabaho, pati wag siyang matanggal.”

“Nagde-date sila ni Mommy,” dagdag pa ni Cristine.

“Pag-pray natin na lalo pang maging close sina Daddy at Mommy at wag laging mag-away,” tugon naman ni Calvin.

“Hinahatid niya tayo sa school,” sabi pa ni Cristine.

“Sana magkaroon siya lagi ng oras para gawin iyon, at tsaka sana laging may pang-gas.” Bigla siyang may naisip. “Yung church!”

“Oo nga, pag-pray din na lagi tayong makapag-church kasama si Daddy at Mommy, at matuto siya at tayo sa mga preaching ni pastor at sa turo sa Sunday School.” Kumikislap na ang mga mata ni Cristine sa mga ideyang pumapasok sa kanilang isip.

“Devotion,” nasabi ni Calvin.

“Sana lagi tayong mag-devotion,” naikomento ni Cristine.

“Tinuturuan at pinapalo niya tayo.”

“Sana lagi siyang bigyan ng katalinuhan sa pagtuturo sa atin—teka—ano’ng pagpe-pray natin sa pagpapalo ni Daddy sa atin?” Hindi niya alam. Siguro ang ipapag-pray niya ay huwag na silang paluin.

“Kaya tayo pinapalo ni Daddy dahil may ginawa tayong mali,” sagot ni Calvin. “Mahal niya tayo kaya ganon. Yon ang sabi niya sa atin.”

“So?”

“Sana paluin o disiplinahin niya tayo kapag nagkakamali tayo—” nakita niya ang pagkurba paibaba ng bibig ni Cristine. “At bigyan ng reward kapag gumagawa tayo ng tama.”

Umaliwalas uli ang mukha ni Cristine. “Tama ka nga, Kuya. Kaya tayo pinapalo dahil sa kasalanan natin. Mahal tayo ni Daddy. Sige, yun ang ipag-pray natin.”

“So tapos na ang listahan.”

“Pray na tayo. Sino ang una?”

“Ikaw. Mas bata ka.”

Sa sagot ng kanyang kapatid ay ipinikit na niya ang kanyang mga mata at pinagsama ang dalawang palad. Magsisimula na siyang mag-pray.

Pagpe-pray nilang dalawa ang kanilang Daddy—ang ever-loving nilang Daddy. Pagpe-pray nilang manatiling may takot sa Dios ang kanilang ama.

Ito ang pinakamagandang regalong maibibigay nila sa kanilang Daddy—ang panalangin na maririnig at sasagutin ng Dios sa langit.

A Father’s Greatest Gift by Charles F. Stanley

father and child

Maraming klase ng regalo ang binibigay ng mga ama sa kanilang mga anak. Bilang mga Cristiano, alam natin na ang pinakamahalagang regalo sa lahat na ibinigay ng ating makalangit na Ama ay pagpapadala ng Kanyang Anak na si Jesu-Kristo: ang Kanyang pagkamatay sa krus ay nagbigay ng kaligtasan para sa buong sangkatauhan. (Romans 6:23) Samantalang importante para sa atin na ipakilala sa ating mga anak ang Tagapagligtas o ang ipaliwanag kung paano magkaroon ng walang-hanggang relasyon sa Dios, hindi natin pwedeng gawin ang desisyong ito para kaninuman—hindi maging para sa ating mga anak. Ngunit patungkol naman sa mga kaloob na kayang ibigay nating mga makalupang ama sa ating mga anak, ang pinakadakilang bagay na pwede nilang ihandog na isang bagay na kailangan at gusto ninuman, ang isang bagay na gusto rin ng Dios para sa ating lahat na magkaroon: ang walang pasubali at magpagmahal na pagtanggap.

May ilang mga ama sa kasamaang-palad na naiuugnay sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagmamahal na may pasubali, na nagsasabing, Mahal kita kung…, kapag…, o ngunit… Ang walang pasubaling pagmamahal, sa kabilang dako, ay nagsasabi, Wala akong pakielam kung ano ang iyong nagawa o gaano kadalas ka gumawa ng maling desisyon, basta mahal kita. Kahit na hindi tayo sang-ayon sa ugali o hairstyle, ang ating pag-ibig ay hindi nagbabago.

Ang nakakalungkot, maraming mga bata ang lumalaki na dumaranas ng kabaligtaran: di-pagtanggap. Pag-abuso sa bata, isang malaking problema ngayon, ay dumarating sa iba’t ibang anyo, kasama ang maling pagtrato, pisikal man o emosyonal. Ang pinakasumisira at karaniwan ay verbal abuse, na sumisira ng tamang pagtingin sa sarili.

 

Subtle and

Not-so-subtle Rejection

May ilang magulang na sinasaktan ang kanilang anak sa pamamagitan ng pagsasabi ng, “Hindi ka namin gusto” o “Wala kang mararating.” May hindi masyadong halatang klase ng rejection (subtle), tulad ng pagde-desisyon para sa anak. Nagbibigay ito ng isang masakit na mensahe, “Wala ka pang kakayahan, sobrang bata mo pa. Wala akong tiwala sa’yo.”

Kailangan nating maging maingat na ang ating disapproval ay iniisip na rejection. Dapat nating alalahanin na sa loob natin ay may nabubuhay na pagiging bata natin. Lahat nang naranasan natin nung unang bahagi ng ating buhay ay dala-dala natin hanggang sa ngayon, at nakaka-impluwensiya ito sa kung paano natin harapin ang buhay.

May naalala akong middle-aged na lalaki na nabibigatan sa mga pagsubok na dumarating na nag-resulta ng kapaitan sa kanyang buhay. Nang tanungin ko siya tungkol sa panahon noong bata pa lamang siya, sinabi niya, “Lagi kong naalala noong bata lang ako, na narinig ko na nag-aaway ang mga magulang ko, at si tatay na sabi, ‘Hindi naman natin siya gusto eh.’” Ang kanyang utak ay parang may tape recorder na hanggang sa maging 35 years old na siya ay nagpe-play pa rin. Basahin ang Ephesians 4:29.

Ang pagmamahal ng isang magulang ay binalangkas para maging wangis ng agape love ng makalangit na Ama. Tinatanggap Niya ang Kanyang mga anak kung ano sila, kahit ano pa sila—na nagbibigay sa atin ng dahilan para maging tiwala at magkaroon ng katiwasayan.

Gusto kong ibahagi ang limang resulta ng isang maka-Dios na pagmamahal ng isang magulang:

  1. Ang mapagmahal na pagtanggap ang naglalaan ng tamang biblikal na imahe ng Dios. Ang unang titingnan ng anak na representasyon ng Panginoon ay tayong mga ama. Kapag tama ang pakita ng isang ama sa kanyang anak, iisipin ng anak na ang Dios-Ama ay ganun din. Kaligtaran naman kung hindi.
  2. Ang unqualified love ay nagbibigay-daan para ang isang bata ay magtiwala kay Kristo bilang Tagapagligtas nang maaga sa buhay. Medyo naiilang ako kapag may lima o anim na taong gulang na bata na lumalapit para tanggapin si Kristo, pero natutunan ko na ang tamang pagpapalaki ng ama ay nagpapadali sa anak na magtiwala sa Dios para sa kanyang kaligtasan.
  3. Ang walang-pasubaling pagtanggap ay nagtataguyod ng malusog na pagtingin sa sarili. Noong tawagin ni Jesus sina James at John para maging mga tagasunod Niya (Matthew 4:21-22), pwede nilang nasabi, “Jesus, tinatawag mo kami? Mga hamak lang kaming mga mangingisda na walang pinag-aralan. Gusto sana naming sumunod sa Iyo, pero wala kami, at ikaw ay Messiah—hindi Mo gugustuhin na makita kang may kasama kang tulad namin.” Pero hindi. Imbes ay agad nilang iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Lumaki sila sa pagmamahal ng kanilang amang si Zebedee, na hinubog ang kanilang magandang pagtingin sa sarili.
  4. Ang maka-Dios na pagmamahal ay nagpo-protekta sa mga anak mula sa paghuhubog ng mapang-rebeldeng ugali. Alam natin na may panahong sinasagot ng mga anak ang kanilang magulang. Alam natin na kapag nabig-yan ng proper training ang ating mga anak, hindi nila iyon lilisanin hanggang sila’y tumanda. (Proverbs 22:6)
  5. Ang pagtanggap sa ating mga anak kung sino sila ay hinahanda sila para makahubog ng mga magandang pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Kapag naramdaman ng isang anak ang init ng pagmamahal ng isang ama, lumalaki silang may pakiramdam na sila’y mahal at tanggap. Sa ganoong paraan, kaya nilang maka-relate sa mga kaibigan nang hindi nagiging critical at kagustuhang mabago sila. Ang mga lalaki at babae na lumaking mahal at tanggap, mas nagiging maganda ang pagsasama.

Children: God’s gift to you

Tinatawag ng Psalm 127:3 ang mga anak na “kaloob ng Panginoon”; dapat nating pahalagahan ang mahalagang biyayang ito mula sa kamay ng Dios. Hindi mo kailangan gumastos ng pera para mahubog ang tamang pagtingin sa buhay ng iyong anak. Pero may mas malaking presyong kasama: Kailangan mong ipuhunan ang iyong buhay. (1 John 3:16) Bigyan mo ang iyong mga anak ng oras, hindi lang kapag libre ka, kundi tuwing kapag alam nilang ikaw ay nagsa-sakripisyo para sa kanila. At magpakita ng interes sa mga bagay ay binibigyan ka nila ng kahalagahan, kahit na kumukuha iyon ng pagsisikap natin. Siguro iniisip mo, Paano ko ito magagawa? Kapag sinusunod mo ang gabay ng Banal na Ispiritu, ang iyong mga kilos, ugali, at nakatuong atensyon ay magpapakita ng walang-pasubaling pag-ibig—ang pinakadakilang regalo na maibibigay ng isang ama.

Translated from the article of the same title of In Touch magazine, June 2006, ©2006 In Touch Ministries. Website: http://www.intouch.org.

Children are Fragile–Handle with Care (for Fathers)

words

Translated from Family Walk, published by Walk Thru the Bible Ministries and Zondervan.

Kahit ngayong siya ay binata na, naaalala pa rin ni Ray Marshall ang masasakit na salita ng kanyang ama. Napagtanto niya ngayon na hindi ibig ng kanyang ama na saktan siya, ngunit ramdam pa rin ni Ray ang sakit na kanyang naranasan labinlimang taon na ang nakakaraan.

Si Ray ay limang taon noon. Siya at  ang kanyang ate ay nagmamaneho kasama ang kanilang magulang para bisitahin ang kanilang tita Judy, tito Vaughan, at ang bago nitong baby – isang lalaking nasama sa isang pamilya ng tatlong babae. Ang buong pamilya—mga abuelo’t abuela, tito’t tita, kahit kanilang mga pinsan—ay sabik na makita ang bagong dating. Habang nasa biyahe sinubukang isipin nina Ray at kanyang ate kung gaano kasabik ang lahat nung sila’y ipinaganak. Si Mr. Marshall, na nakatuon ang pansin sa pagmamaneho sa gitna ng malakas na ulan, ay hindi masyadong nakikinig sa usapan.

Bigla na lang ay sumandig paharap si Ray at binalot ang kanyang mga braso sa leeg ng kanyang ama. “Pustahan napakasaya niyo po na magkaroon ng anak na lalaki, hindi ba, ’Tay?”

“Ano ba, Ray!” sigaw ni Mr. Marshall. “Hindi, hindi namin iniisip kung babae ka o lalake; masaya na kami ng Nanay mo at buhay ka.”

  • TAKE A LOOK

Proverbs 1:8-9; 2:1,5; 3:1-2; 4:1-6

Gusto ni Ray na marinig mula sa ama kung gaano kasaya ito na magkaroon ng anak na lalaki. Sa halip, parang walang pakielam ito. Ngunit ang nasa isip ni Mr. Marshall ay ukol sa mahirap na pagbubuntis ng kanyang asawa bago ipanganak si Ray. Agad na ipinaliwanag ni Mr. Marshall na mas nag-aalala siya sa maayos na pagluwal sa sanggol kaysa kung babae ito o lalaki. Pero ang paliwanag niyang ito ay hindi nag-alis ng sakit sa kanyang mga salita.

Ang mga salita ay may napakalaking epekto—pwede itong makatulong o makasakit. Ang mga salita ng ama na nakapagpapalakas ng loob ay nagsasabi sa anak kung gaano siya nito kamahal. Nakakatulong ito upang gawin ng kanyang pinakamahusay sa anumang ginagawa nito. Si Haring Solomon, ang sumulat ng libro ng Proverbs, ay isang marunong na ama. Basahin ang mga talata. Ano’ng masasabi mo kay David, ang kanyang ama?

  • TAKE A STEP

He taught me also, and said unto me, Let thine heart retain my words: keep my commandments, and live (Proverbs 4:4, KJV).

Ang mga nakapagpapalakas-ng-loob na salita ng isang ama at kung paano siya nabubuhay ay nagtuturo sa kanyang anak kung paano haharapin ang mga pangyayari sa buhay sa paraang maka-Dios. Mapa-matanda o bata ka man, isipin mo kung paano ka in-encourage ng iyong ama. At pagkatapos ay ikaw naman ang mag-encourage sa kanya!