What Rulers Must Be

4763_og_1

Nitong mga nakaraang araw ay nanood ako ng ilang episodes ng “PiliPinas Debates,” isang serye ng mga presidential at vice presidential debates, hosted by Commission on Elections at mga pinakakilalang TV networks sa bansa: GMA Network, TV5, CNN Philippines at ABS-CBN. Huling nagkaroon ng ganitong uri ng debate 24 na taon nang nakararaan, kaya naman talagang malaki ang naging sigla at paghihintay ng mga Pilipino para sa kaganapan na ito. Binubuo ito ng apat na debate, tatlo para sa mga presidential candidates, at isa para sa vice-presidential candidates. Trending ang apat na debate na ito sa Twitter nationwide at worldwide, at pinagmulan ng samu’t saring mga usapan sa social media at mga balita sa telebisyon. Dahil rito ay mas lumaki ang kamalayan ng mga Pilipino ukol sa paghalal ng tamang kandidato sa posisyon sa gobyerno, at nakapagdulot rin ng malaking epekto sa pagpapasya ng mga botante ukol sa kanilang ibinoto o iboboto para sa eleksyon ngayong taon.

Ginamit ng mga kandidato ang mga debateng ito upang ipakita na sila ang karapat-dapat na iboto para sa posisyon na kanilang tinatakbuhan—pagiging pangulo at pangalawang pangulo. Ilan sa mga tumatak sa isip ko ang mga plano nila kung sila ay maluklok; mga kataga tulad ng “we need a decisive leader,” “gagawin ko kung ano ang sinabi ko,” “huwag puro pangako, aksyon ang kailangan,” “malinis dapat ang track record,” with all of them saying that they are the fitting people for the leadership position. But while their words and platforms and plans and promises are hopeful, as Christians we should know that these things should not be our bases for voting for these people. As we should always do, ang dapat maging batayan sa kung sino ang dapat iboto ay kung ano ang sinasabi ng Biblia.

Nitong isang Linggo si Pastor Felizardo Abanto ay nagbigay ng ilang mga punto sa isa sa aming mga pagtitipon ukol sa kung anong uri ng pinuno ang karapat-dapat sa posisyon sa gobyerno. Napakaganda ng mga puntong ito kaya naisip kong ito’y bigyang-pansin sa article na ito at palawigin pa upang mas lalo nating maintindihan ano nga bang mga lider ang gusto ng Dios para sa ating bayan.

Ang pinuno sa gobyerno ay dapat na matuwid (2 Samuel 23:3a). Ang unang pamantayan na ito ay sinabi ng malapit nang lumipas na haring David, sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Ispiritu. Ang karapat-dapat na pinuno ay isang matuwid na tao. Sa Biblia, ang pagiging matuwid ay may  ispiritwal na aspeto at may praktikal na aspeto.

Sa ispiritwal, ang “just” ay tumutukoy sa mga taong ligtas na, o anak na ng Dios. Si Lot, bagaman isang compromiser, ay nananampalataya sa Dios, kaya tinawag pa rin siyang “just” (2 Pet. 2:7). Ang mga taong nasa langit ay tinawag na “just men made perfect” (Heb. 12:23), ipinapakita na ang pagiging “just” ay hindi nangangahulugang “perfect” na (ngunit patungo doon). Ang “just” ay nabubuhay sa pananampalataya (Heb. 10:38a; Gal. 3:11; Rom. 1:17; Hab. 2:4). Ibig-sabihin, ang pinakamahalagang criteria ng pinunong karapat-dapat ay na siya ay ligtas na. Ito ang una nating alamin kapag pumipili tayo ng taong nais nating ilagay sa posisyon. Believe me, this is the most important qualification.

Gayunpaman, sa mundong ito, ang unang kwalipikasyon ay bihira mong mahanap sa mga kumakandidato, dahil pangkaraniwan ay mga unsaved sila, may relihiyon man sila. Ang praktikal na aspeto naman ng pagiging “just” ang dapat nating tingnan. Ang matuwid ay sinumang tao na patas at maayos ang pamumuhay sa lipunan. Hindi man nakikita ang buong katangian ng isang tao, dapat nating piliin ang mga taong nagkaroon ng matuwid na pamumuhay sa lipunan (Lev. 19:36; Prov. 10:20, 31; 20:7; Isa. 26:7). Mga taong nakikita nating lumalakad nang may integridad, karunungan ang lumalabas sa mga labi, at hindi kwestiyonable ang mga aksyon—mahalagang katangian ang mga ito upang maging karapat-dapat na pinuno ng bansa.

Ang pinuno sa gobyerno ay dapat na may takot sa Dios (2 Samuel 23:3b). May kontrol sa’yo ang sinumang kinatatakutan mo. Kung takot ka sa sinumang tao, gagawin mo ang gusto niya dahil natatakot ka sa kung ano ang maaari niyang gawin sa’yo. Mapanganib na pinuno ang sinumang natatakot sa tao, dahil kung masama ang kanyang kinatatakutan, ay hahayaan niya lamang ang kasamaan na ginagawa nito. Kung natatakot ka sa Dios, iisipin mo kung ano ang magagawa sa’yo ng Dios kapag gumawa ka ng hindi naaayon sa Kanyang kalooban. Ang taong walang takot sa Dios at wala ring takot sa tao ang pinakamapanganib na uri ng pinuno, dahil gagawin niya lamang ang lahat ng naisin niya, sinuman ang masaktan o matapakan niya sa kanyang daan. Tingnan na lang natin ang nagawa ng mga Komunistang pinuno tulad nina Hitler, Stalin, at Mao Tse-tung.

Ang pinuno sa gobyerno ay hindi dapat na maging kilabot sa mga gumagawa ng mabuti, kundi tagapaggantimpala nito (Romans 13:3). Naihalimbawa nga ni Pastor Abanto na may isang lugar kung saan talamak ang ilegal na droga, ngunit suportado ito ng pinuno ng kapulisan at ng alkalde. Kaya ang mga baguhang pulis ay pinapagalitan kapag mga shabu lab ang kanilang ni-raid. Kung sa paggawa ng mabuti ay nanganganib ang buhay mo dahil sa pinuno sa lugar, ang pinunong iyon ay hindi karapat-dapat.

Naging isang nakakatakot na gobyerno ang Amerika nang ipagbawal ng Korte Suprema nila ang pananalangin sa mga gusali ng gobyerno. Ang mga pinunong nag-uutos na hulihin at ipakulong ang mga Kristianong nangagaral ng Salita ng Dios ay mga hindi karapat-dapat na pinuno. Kung paparusahan ng pinuno ang mabuti, hindi ito ang tamang pamumuno para sa bansa.

Ang pinuno sa gobyerno ay dapat na maging kilabot sa mga masasama at mga gumagawa ng masama (Romans 13:3, 4). Nagkwento sa akin ang isang kapatid sa Panginoon tungkol sa naganap na pakikipag-usap niya sa isang jeepney driver na nangangampanya para sa isang kandidato para sa pagkapangulo. Kwento raw nito, “Napatira ako ng ilang taon doon sa lugar kung saan siya pinuno, at maayos doon. Hindi pwede drugs doon at mga kriminal. Patay sila! Tama lamang naman sa kanila iyon eh. At tsaka masama naman ang pinapatay, hindi yung mabuti.” Tama, ang isang pinuno ng gobyerno ay dapat na kinatatakutan ng masama, hindi minamaliit, at lalong hindi kaibigan ng mga ito.

Ibig-sabihin rin nito ay handa siya na parusahan, o patayin, kung kinakailangan, ang mga taong ito. Ang mga taong hindi pabor sa death penalty ay kumakalaban sa mismong utos ng Dios sa Biblia. “He beareth not the sword in vain,” sabi sa Romans 13:4. Para saan ba ginagamit ang tabak? Pambuhay? Pampatay, mga kapatid. “Whoso sheddeth man’s blood, by man shall his blood be shed” (Genesis 9:6). Ang mga relihiyosong nagsasabing hindi dapat ang death penalty ay mga walang alam at hindi sumusunod sa Salita ng Dios.

Ang pinuno sa gobyerno ay hindi dapat nangingialam sa mga iglesya at relihiyon, ngunit nakikinig sa mga payo nito. Ang Biblia ay puno ng mga halimbawa ng prinsipyong ito. Mabuting hari si David, dahil nakikinig siya sa propeta at hindi nakikielam sa mga gawain ng mga saserdote. Masamang pinuno si Uzziah, dahil kinuha niya ang trabaho ng mga saserdote at Levita. Mabuting mga hari sina Jehoshaphat Hezekiah at Josiah, dahil sinuportahan at itinaguyod nila ang gawain ng mga saserdote at Levita, at pinalaganap ito. Masamang hari si Manasseh, dahil pinagpapatay niya ang mga propeta. Masamang hari si Jehoiakim, dahil hindi niya pinakinggan ang propetang si Jeremiah at sinunog pa ang rolyo ng Salita ng Dios. Hindi mabuting pinuno si Herod, dahil hindi niya pinakinggan ang pangangaral ni John the Baptist at pinugutan pa ito. Hindi mabuting pinunong sibil ang Sanhedrin dahil inusig nito at pinatay si Jesus, at inusig ang iglesya ng Panginoon. Ang mabubuting pinuno ay nakikita ang halaga ng relihiyon sa bansa, at hindi ito inaapi at winawasak. Gayunpaman, hindi rin sila nakikielam sa mga gawain nito.