Bible verses on Resting

But now the LORD my God hath given me rest on every side, so that there is neither adversary nor evil occurrent. (1 Kings 5:4)

 

Blessed be the LORD, that hath given rest unto his people Israel, according to all that he promised: there hath not failed one word of all his good promise, which he promised by the hand of Moses his servant. (1 Kings 8:56)

 

Therefore my heart is glad, and my glory rejoiceth: my flesh also shall rest in hope. (Psalm 16:9)

 

Rest in the LORD, and wait patiently for him: fret not thyself because of him who prospereth in his way, because of the man who bringeth wicked devices to pass. (Psalm 37:7)

 

Return unto thy rest, O my soul; for the LORD hath dealt bountifully with thee. (Psalm 116:7)

 

Thus saith the LORD, Stand ye in the ways, and see, and ask for the old paths, where is the good way, and walk therein, and ye shall find rest for your souls. But they said, We will not walk therein. (Jeremiah 6:16)

 

Come unto me, all ye that labour and are heavy laden, and I will give you rest. Take my yoke upon you, and learn of me; for I am meek and lowly in heart: and ye shall find rest unto your souls. (Matthew 11:28-29)

 

There remaineth therefore a rest to the people of God. For he that is entered into his rest, he also hath ceased from his own works, as God did from his. (Hebrews 4:9-10)

 

And I heard a voice from heaven saying unto me, Write, Blessed are the dead which die in the Lord from henceforth: Yea, saith the Spirit, that they may rest from their labours; and their works do follow them. (Revelation 14:13)

Advertisements

Resting in God

Mayroon pa ngang lungsod na tinatawag na “The City that Never Sleeps”—ang New York, USA. Sa totoo nga lang, kinekwenta ng maraming analysts ang pagiging abala ng isang lungsod o bansa sa pamamagitan ng kung ilang oras lamang natutulog ang mga tao sa espisipikong lugar. Mas matindi pa rito, ay sinusukat din ng ilang ekonomista ang kaunlaran ng isang bansa sa pamamagitan ng kung ilang oras patay ang ilaw—which means kung ilang oras tulog ang tao—mas kaunting oras, mas maunlad. Mas masipag, mas may mararating—ang mga bansa o lungsod na hindi natutulog, ika nga nila. At may katotohanan ito. Ang United States of America, isa sa mga pinaka-abalang bansa sa buong mundo, ang siya ring pinakamaunlad at pinakamakapangyarihan. Ako na ang magsasabi sa’yo, ang mga kompanyang may pinakamalalaking kita ay sila na gumagawa “round the clock,” tulad ng mga multinational companies tulad ng Procter & Gamble, Unilever, Coca-Cola, etc. Ang mga successful na artista ay puno ang schedule sa taping.

Pero ito rin ang isa sa mga nirereklamo nila—ang hindi makapagpahinga. Ang USA ay napagod na, at nasa daan na ng pagbagsak ng ekonomiya. Ang mga artista ay sinasamantala ang kaunting oras na walang schedule para matulog o makapagpahinga. Sa mga CEO o Manager o Supervisor ang makatulog lang ng isang oras ay isa nang pribilehiyo. Para sa kanila, ang kaunting sakit ay isang pagpapala. Anuman ang unlad nila, napagtatanto din nilang kailangan nila ng pahinga.

Ako, na tinagurian ng sinumang nakakakilala sa akin kahit ng aking pamilya na “busy man,” ay hindi maitatangging kailangan din ng tulog, ng pahinga—walang kaso kung ano ang posisyon, kung paano matulog, at gaano katagal—ang mahalaga, makapagpahinga. Ang “pagsusunog ng kilay” ay nawalan na ng appeal sa akin; bagaman nagpupuyat pa rin ako from time-to-time, hindi ko na ito nakikita bilang senyales ng pagiging masipag—nakikita ko na ito bilang isang pabigat na dapat alisin sa lalong madaling panahon. Kaya nga pag nakakaramdam na ako ng antok, hindi na ako magdadalawang-isip pa—magpapahinga na ako.

Bagaman ang Dios ay hindi natutulog, ang Dios ay sinasabi ng Biblia na nagpapahinga. Sabi sa Genesis 2:2-3, “At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa. At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka’t siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa.” Walang duda, ang Dios ay nagpahinga; at ang pagpapahinga, para sa Dios, ay isang banal na bagay (“ipinangilin,” ibig-sabihin ay ginawang banal). Kailan pa natin nakita ang pagpapahinga na “banal”? Yet God considered it such.

Nang alukin ni Abraham ang nagkatawang-tao na Dios na magpahinga at kumain, hindi ito tumanggi, bagkus ay inutusan pa siyang gawin ang sinasabi (Genesis 18:1-5). Hindi lamang ang mamamayan ng Israel ang binigyan ng Dios ng pahinga, maging ang lupa—sinabi sa Biblia na ang ikapitong taon ay taon ng pamamahinga ng lupa, kung saan hindi ito tataniman o bubungkalin (Exodus 23:10-11). Kahit ang mga pagmamay-aring hayop tulad ng baka o asno, o maging ang mga katulong o alipin, ay may karapatan at obligasyon na magpahinga (Exodus 23:12). Kung ito ay iniutos ng Dios sa bansa ng Israel, hindi kaya nakakabuti rin sa atin ang magpahinga? Ang hindi nauunawaan ng marami, ang utos ng Dios ay hindi para pahirapan ang tao kundi para bigyang-kaginhawahan ito. Ipinapakita din sa mga aklat ng kasaysayan ng Israel sa Biblia na isang pagpapala ang kapahingahan (cf. Judges, 1 and 2 Samuel, 1 and 2 Kings, etc.). Ayon sa Psalm 127:2, binibigyan ng Dios ang Kanyang iniibig ng pagtulog—sa ibang mga salita, pahinga.

Nakita natin na ang pagpapahinga (tulad ng pagtatrabaho) ay ginagawa ng Dios, nirerekomenda ng Dios, pinapayagan ng Dios, inuutos ng Dios, binibigay ng Dios—ngunit ang nakapagtataka, maraming tao, maging mga nagsasasabing nananampalataya sila kay Jesus bilang Tagapagligtas, ay hindi ito ginagawa. Pinipili nating magtrabaho nang Linggo at Huwebes kaysa makipagtagpo sa Panginoon—magtrabaho kaysa magpahinga. Pinipili nating sumuway kaysa sumunod—dagdag pasanin imbes na pahinga.

Nais ng Dios na bigyan tayo ng pahinga. Kaya sinabi ni Jesus, “Come unto Me, and I will give you rest” (Matthew 11:28-29). “[Cast] all your care upon Him; for he careth for you” (1 Peter 5:7). Isa sa mga dahilan kung bakit tayo gustong iligtas ng Dios ay dahil gusto Niya tayong bigyan ng walang-hanggang kapahingahan kapag pumanaw na ang ating buhay, isang bagay na mangyayari lamang kapag tayo’y nasa langit na. Ayaw Niya tayong maghirap, magtangis, magngalit ng ngipin—mga bagay na mangyayari sa sinumang mapunta sa walang-hanggang kaparusahan, ang impyerno. Ngunit alam ng bawat Cristiano na mas maraming tumatanggi sa kapahingahang ito kaysa tumatanggap rito.

Bakit hindi tayo magpahinga sa Dios? Bakit hindi natin ilagak ang ating mga problema, pasanin, kabalisahan, kalungkutan, lahat-lahat, sa Dios, na nais namang kunin ito—at dumalo sa simbahan, imbes na magtrabaho? Bakit hindi tayo sumandal sa Kanyang mga bisig, sumilong sa anino ng Kanyang mga pakpak, at magpahinga? Ibig-sabihin eh, makipag-usap sa Kanya sa pananalangin, magbasa at magbulay-bulay ng Kanyang Salita, makinig sa pangangaral, at makisama sa mga mananampalataya? Bakit hindi tayo magpahinga?

Sabi nga ng ating pastor, “Kawawa naman sila! Nagtatrabaho imbes na mag-church!” Oo nga naman. Kawawa nga sila. Puro sila nagtatrabaho; wala silang oras para magpahinga. At kawawa ka rin kung tumutulad ka sa kanila.

Bakit hindi natin tularan si Jesus? Siya ay nagpahinga nang apatnapung araw sa pag-aayuno (Matthew 4:1-2). Noong nandito pa Siya sa mundo, hindi Niya inisip na kasayangan ang magpahinga sa Dios sa pamamagitan ng panalangin gabi-gabi (Matthew 14:23; 26:36; Luke 5:16). Hindi Siya nagdalawang-isip matulog sa gitna ng bagyo—hindi Siya nabalisa, nanghinawa—nagpahinga Siya (Matthew 8:23-27; Mark 4:35-41). Bakit hindi mo rin ito gawin? Subukan mong magpahinga sa Kanya, at baka tulad Niya—magtagumpay ka laban sa diyablo, sa mga pagsubok, at “makapagpatigil” ng mga bagyong dumarating sa iyo.

Stopping and Contemplating

Para sa marami ang pagtigil ay isang kasayangan sa oras. Sa mga nagmamaneho, maaaring ito ay tingnan bilang dahilan upang mahuli sila sa kanilang destinasyon. Sa mga kasalukuyang nagte-test sa isang subject, ang pagtigil sa pagsasagot ay maaaring maging dahilan upang makalimutan nila ang kanilang ni-review o kaya ay hindi matapos ang exam. Para sa mga busy na tao, ang makakita ng isang tao na nakaupo sa bench ng isang pahingan o parke ay katamaran, to say the least. Ang pag-upo at pag-iisip para sa mga “goers” ay isang senyales ng kahinaan o kawalan ng ginagawa.

Ngunit ang pagtigil, para sa iba naman, ay kinakailangan. Sa ibang mga nagmamaneho, nakikita nila itong panahon para isipin kung ano ang kanilang gagamiting ruta o kung paano sila makakarating sa isang destinasyon. Maaaring ito lamang ang kanilang oras ng pahinga sa sobrang abala na schedule. Sa mga nagte-test, ang pagtigil sa pagsasagot ay panahon para makapag-isip sa mga items na medyo mahirap at maka-come-up sa tamang solusyon. Sa ibang mga busy na tao, ang makakita ng isang tao na nakaupo sa bench ng isang pahingahan o parke ay isang pribilehiyo, isang bonus. Ang pag-upo at pag-iisip para sa ibang mga “goer” ay isang senyales ng pagiging maingat at matalino sa bawat pagkilos.

Marami nang nakapagpatunay na ang pagkakasakit (na nangangahulugang pagkahimlay sa higaan) para sa marami ay panahon kung saan naging malinaw ang kanilang isip patungkol sa kung ano’ng mas mahalaga sa buhay.
Ito rin ang madalas na kaso sa mga “napapatigil” sa rehas ng kulungan.

At maaaring ito rin ang kaso para sa mga Kristiano.

Maaari nating makita ang pagsisimba (para sa mga hindi nagsisimba), o pagfa-fasting (para sa mga nagsisimba), ay pagsasayang lamang ng oras—na maaari nating gamitin sa “mas mahalagang” mga bagay o gawain. Ngunit marami ang nakapagpapatunay na ang mga uri ng pagtigil tulad nito ay naging mahalagang panahon upang ma-konsidera ang kanilang katayuan sa buhay at relasyon sa kapwa, pamilya, at sa Dios. Tumigil ka na ba ng kahit isang beses sa buhay mo at nag-isip?
Kung hindi pa, ito lang ang masasabi ko—kawawa ka naman.

Responding to Temptation Wisely

by Charles F. Stanley

There hath no temptation taken you but such as is common to man: but God is faithful,

who will not suffer you to be tempted above that ye are able;

but will with the temptation also make a way to escape, that ye may be able to bear it.

1 Corinthians 10:13

 

Ang tukso ay hindi maiiwasan.

 

Walang sinuman—kahit na isang malagong mananampalataya—ang ganap na hindi tinatablan ng pang-akit ng tukso. Paano ka kadalasang tumutugon sa tawag nito? Tumatawag ka ba sa Dios para sa Kanyang tulong? O palagi ka na lang bang nagpapatalo dito?

Maraming mga tao ang walang ideya kung paano tumugon sa pang-aakit ng kasalanan. Sinusubukan nilang tumindig laban dito ngunit bibigay din paglaon, at gumagawa pa ng mga palusot na “tao lang.” Nagdadala ang kanilang nagawa ng bigat ng pagkakasala at hiya, kaya ipinapahayag nila ito at nangangako sa Panginoon na sila ay magiging mas maayos na sa susunod. Sa kasamaang-palad, ang prosesong ito ng panunukso at pagkatalo rito ay madalas na nagpapatuluy-tuloy, paulit-ulit.

Hindi kailangang mabuhay ang isang mananampalataya nang ganito. Kahit na ang buhay na ito ay puno ng mga tukso, maaari tayong matuto na makatagal rito nang hindi sumusuko sa mga ito.

 

MGA PRINSIPYO NG KASULATAN

 

Ano ang kalikasan ng tukso?

Aking pinapakahulugan ang tukso bilang isang pang-aakit sa mga kagustuhan na ibinigay sa atin ng Dios na lumagpas sa mga binigay na limitasyon ng Dios. Kung tayo ay magpapailalim sa isang pang-aakit, naghahanap tayo ng isang bagay na ninanais Niya para sa atin, ngunit sinusubukan nating magkaroon nito nang mas maaga kaysa sa panahon na ninanais Niya, o kinukuha natin ito sa maling pamamaraan.

 

Mayroong tatlong pinagmumulan ang tukso. Sinasabi ng sulat ni Santiago, “But every man is tempted, when he is drawn away of his own lust, and enticed” (1:14). Nangangahulugan iyon na may tukso na nanggagaling sa ating mga sarili, o yung tinatawag ng Biblia na ating “laman.” Pangalawa, ang Diyablo ay dinadaya tayo (1 Thessalonians 3:5) tulad nung nagsinungaling siya kay Eba tungkol sa mga bunga ng rebelyon nito sa Dios (Genesis 3:1-5). Pangatlo, ang sistema ng sanlibutan ay isang pinagmumulan ng tukso. Halimbawa, pansinin mo na lamang kung paano tayo inaakit ng mga anunsyo na gastusin ang ating pera. At yung mga nananamit nang hindi mahinhin ay madalas na nakakapukaw ng kagustuhan (na bigay ng Dios) para makipagsiping—ngunit gawin ito sa maling paraan.

Ang tukso ay likas na pangkaraniwan at pangkalahatan. Ang tukso ay palaging may pang-akit, dahil kung hindi, ay hindi tayo mapapalapit dito. Ngunit alam natin na ang tukso ay isang pang-akit na gumawa ng kasamaan. Layunin ni Satanas para rito na guluhin tayo sa ating relasyon sa Ama. Kapag tayo ay nakatuon sa mga kagustuhang hindi makadios, ang ating buhay-panalangin ay nahahadlangan at hindi natin maintindihan nang mabuti ang Salita ng Dios.

Ang tukso (temptation) ay iba sa pagsubok (trial). Ang tukso ay isang panghikayat na gumawa ng kasamaan o sumuway sa Dios. Ang pagsubok ay panahon lamang ng kahirapan sa buhay ng isang tao. Nais ni Satanas na gamitin ito pareho para wasakin tayo. Ngunit hinahayaan ng Panginoon ang tukso at pagsubok upang palakasin ang ating pananampalataya at turuan tayo na umasa sa Kanya.

Ang mga Kristiano ay madalas na mayroong mga maling pagkaunawa tungkol sa tukso. Isa rito ay na ang tukso ay isang kasalanan. Ngunit ang tukso ay nagiging makasalanan lamang kung kumikilos tayo ayon dito. O, ang mga mananampalataya ay naniniwala na ang tukso ay nakaka-disappoint sa Dios. Walang alinlangan na ang Panginoon ay hindi natutuwa kapag tayo’y nahuhulog. Ngunit hindi natin kayang biguin Siya dahil alam na niya ang ating hinaharap. Maraming naniniwala na sila ay “nahuhulog” sa tukso. Ang katotohanan ay, ang mga mananampalataya ay sadyang pumapasok o nagpapasakop sa tukso. Ang Banal na Ispiritu ay nagpapatnubay sa atin ng kapangyarihan na labanan ang kasalanan. Ang mga hindi ligtas lamang ang “nahuhulog” sa tukso. Mayroon din namang iba na nag-iisip na ang pinakamainam na paraan upang tumugon sa tukso ay ang tumakbo mula dito. Oo, mayroong mga pagkakataon na ang pinakamatalinong bagay na magagawa mo ay ang tumakas (2 Timothy 2:22). Sa mga oras na hindi mo maiwan ang sitwasyon, kinakailangan na matutunan mo kung paano tumugon sa tukso nang matalino.

Kapag ang tukso ay nagreresulta sa kasalanan, ito ay palaging sumusunod sa parehong proseso. Nagsisimula ito kapag ang isang ideya ay naitanim sa pag-iisip. Pagkatapos ang imahinasyon ay naisasali—ang tao ay nangangarap na matupad ang isang klase ng kagustuhan. Sunod, ang tao ay magdidisisyon na magkasala sa Dios at gumagawa ng pagpili—kung saan ay ibinibigay niya ang kanyang pagsang-ayon sa ideya ng pagsuway sa Panginoon. Ang huling hakbang ay ang kasalanan.

 

Paano tayo tutugon nang may karunungan sa tukso?

 

Dapat tayong magsimula sa pamamagitan ng pagkuha ng responsibilidad para sa ating mga desisyon. Maging handa na harapin ang iyong mga pag-iisip, imahinasyon, at mga pagpili. Pagkatapos, maghanda para sa mga darating na tukso sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang sistema ng depensa. Paano?

 

  • Ilagay ang iyong pokus sa “big picture.” Gusto ni Satanas na paliitin ang iyong tuon sa pagtupad ng isang partikular na kagustuhan. Labanan ang kanyang mga pakana sa pamamagitan ng pag-iisip kung paanong ang pagpapatalo sa tuksong ito ay makaka-apekto sa iyong kalusugan, pinansyal, mga relasyon, at mga plano ng Dios para sa iyo. Maghanap ka rin ng makadios na paraan (kung mayroon) para tuparin ang kagustuhang iyon. Halimbawa, imbes na magnakaw, magtrabaho ka upang maipon mo ang salapi upang mabili mo ang iyong ninanais.

 

  • Alalahanin ang 1 Corinthians 10:13: “…God is faithful, who will not suffer you to be tempted above that ye are able; but will with the temptation also make a way to escape, that ye may be able to bear it.” Angkinin mo ang pangakong ito kapag sumasalakay na ang tukso.

 

  • Magtiwala sa kapangyarihan ng Banal na Ispiritu. Ang ating Ama na nasa langit ay nilagay ang Kanyang Ispiritu sa bawat isang mananampalataya upang bigyan tayo ng kakayahan na pangasiwaan ang bawat sitwasyon at pangyayari sa buhay (John 14:15-16). Bilang isang anak ng Dios, ikaw ay may kahanga-hangang kapangyarihan ng Ispiritu upang maiayos ang iyong pag-iisip, baguhin ang iyong pag-uugali, at bigyan ka ng kakayahan na magsabi ng hindi.

 

  • “Set your affection on things above, not on things on the earth” (Colossians 3:2). Sa ibang mga salita, maging determinado na lumakad ng isang matagumpay na buhay-Kristiano. Huwag mag-focus sa mga kagustuhan na maglalayo sa iyo mula sa Dios (1 John 2:15-17). Tumigil at magtanong, “Panginoon, paano ko matutugunan ang pangangailangang ito sa isang makadios na paraan?”

 

  • Kilalanin ang iyong mga kahinaan. Kung ikaw at ako ay nalalaman ang ating mga kahinaan, maaari tayong maging mas sensitibo sa paggabay ng Banal na Ispiritu sa bahaging iyon. Halimbawa, kung mayroon kang problema sa paggastos, iwasan ang pagpunta sa mall “para tumingin lang.”

 

  • Kilalanin ang mga oras ng kahinaan. Alalahanin ang HALT: huwag hayaan ang iyong sarili na maging sobrang gutom (hungry), galit (angry), nag-iisa (lonely), o pagod (tired). Kapag ang mga tao ay mahina sa pisikal o emosyonal na aspeto, sila ay mas madaling bumigay sa tukso.

 

  • Magtayo ng depensa sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Dios. Pag-aralan ang Biblia at hilingin sa Panginoon na buuin ang katotohanan sa iyong buhay bilang proteksyon laban sa tukso. Imbes na subukang makipagdahilanan sa diyablo, sabihin mo lamang ang katotohanan ng Bibliya. Alalahanin na sinagot lahat ni Jesus ang tatlo ng mga tukso ng Diyablo ng Salita ng Dios (Luke 4:1-12).

 

KONKLUSYON

 

Bakit kaya minsan ang mga mananampalataya ay paulit-ulit na sumusuong sa kasalanan? Ito ay kadalasan dahil hindi nila ginagawang prayoridad ang Biblia sa kanilang mga buhay. Pinapalakas ko ang loob ninyo na patuloy kayong dumalo sa mga pagtitipon ng iglesia, lalo na kung tinuturo talaga nito ang Salita ng Dios. Basahin ang mga Kasulatan at hayaan ang mga ito na baguhin ang iyong pag-iisip. Sila na tinatayo ang kanilang mga buhay sa pundasyon ng Aklat ay may abilidad na labanan ang tukso.

Siguro ay hindi ka pa isang Kristiano. Siguro ay pagod ka nang mabigo nang paulit-ulit—bumibigay sa tukso at winawasak ang iyong buhay. Hiwalay sa tulong ng Dios, hindi mo makakaya na makahanap ng tunay na kalayaan mula sa kasalanan. Sabihin mo sa Panginoon na nais mong patawarin ka Niya sa iyong mga kasalanan at maging Panginoon ng iyong buhay. Doon lamang, ikaw rin ay magkakaroon ng kakayahan na labanan ang tukso sa pamamagitan ng kapangyarihan, biyaya, at awa ng Dios.

 

Ang artikulong ito ay isinalin ni Elijah Abanto mula sa Ingles na artikulo ni Dr. Charles F. Stanley, Responding to Temptation Wisely, sa “Life Principles Notes,” In Touch Ministries®, www.intouch.org. All rights reserved.

 

Enduring Temptations

“Paano ka tumugon sa mga tukso?”

Iyan ang unang pangungusap na narinig ko nang i-play ko ang video ng pangangaral ni Dr. Charles F. Stanley (ng In Touch Ministries) na pinamagatang “Responding to Temptations Wisely” (written article sa susunod na pahina). At habang pinagninilay-nilayan ko ang tanong na iyon, at nakita ang aking sarili, nakita ko rin ang mga taong nasa paligid ko. Papanoorin ko lamang ang kanilang mga kilos, o papakinggan ko lamang ang kanilang mga sinasabi o mga sinasabi ng iba tungkol sa kanila, ay makikita ko na kung sila ay nagtatagumpay sa tukso o hindi. Sad to say, madalas ay hindi.

Paano ka nga ba tumugon sa tukso? May mga magsasabi na tao lang sila, hindi sila si Superman, o kaya si Jesus, kaya bumibigay na lang sila sa tukso. May mga magsasabi namang lumalaban naman sila, ngunit darating yung panahon na hindi na nila kaya kaya bibigay na sila. Meron naman ding mga tatawag sa Dios at hihingi ng lakas sa Kanya.

Nagtatagumpay ka man o bumibigay sa tukso, ito ang isang katotohanan: kailangan nating magtagumpay sa tukso. Kailangan. Kung nais mong maging isang Kristianong lumalago, tumitibay, at nagtatagumpay, dapat nating matiis ang mga tuksong dumarating sa atin. It’s just sad if we’re not. Ngunit napakaganda kung natitiis natin ang mga iyon!

Sana magsawa na tayong natatalo ng ating mga laman, Diablo, at sanlibutan sa tukso. Tumindig na tayo, ihanda ang ating baluti, at kasama ang Dios ay labanan ang tukso. Sa pagtatagumpay laban dito ay nagiging halimbawa ka sa iba—ikaw man ay bata, kabataan o matanda. Nagiging malapit pa tayo sa Dios.

Hindi naman tayo dapat maging Adan at Eba, o Cain, pwede nating alalahanin ang mga magagandang halimbawa ng Biblia—mga taong nagtagumpay laban sa tukso—at kunin mo ang kanilang mga halimbawa: si Joseph; si Daniel; sina Shadrach, Meshach, at Abednego; at higit sa lahat, ang Dios na nagkatawang-tao: si Jesus.

With All My Heart: Tips Upang Maging Tunay na Mapagbigay

Give to him that asketh thee, and from him that would borrow of thee turn not thou away.

Matthew 5:42, KJV

 

God is a Giver. Hindi ko man sabihin ang pangungusap na ito ay alam mo na siguro ang katotohanang iyon. Mapagbigay talaga Siya. Ang ating buhay, ang katawang may kakayahang makakita, magsalita, o gumawa. Ang hanging nalalanghap, ang pagkaing kinakain natin, ang kagandahan ng kapaligiran, katalinuhan, karunungan, pera, bahay, damit—lahat ng mga ito ay bigay ng Diyos. Mga kaibigan, iyong asawa, mga kapatid—sa Diyos lahat sila nanggaling. At kung ikaw ay tiyak nang pupunta sa langit, ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng kaligtasan. At ang kaligtasan na iyon ay dahil ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Anak. Kaya kung si Jesus ay miyembro ng isang iglesiya, Siya ang tunay na makatutupad sa responsibilidad na magbigay sa Gawain, dahil Siya, ang sarili Niya ang Kanyang inalay sa atin. Purihin ang Panginoon!

… Ngayon ay ikaw naman. Are you a giver? Nagbibigay ka ba? Oo, lahat tayo ay nagbigay na, sa ilang mga pagkakataon ng buhay. Kung may kakayahan nang magbigay ang isang taong wala pang Kristo sa puso, mas lalo na tayo, dahil nasa atin si Kristo. Malamang marami sa atin ang nakapagbigay na ilang beses sa ating buhay. Ngunit may mga pagkakataon (mas madalas na mga pagkakataon) ay mahirap magbigay. Minsan ang taong iyon ay alam nating hindi karapat-dapat, o kaya naman ay galit tayo sa kanya, o kaya iniisip mo ay baka maubos ang pera, o na baka para sa inyo na lamang ang bagay na pwede mong ibigay. Maraming mga rasonableng mga dahilan para hindi magbigay, at kahit sino, ay nagiging dahilan ang isa sa mga ito para hindi rin magbigay sa kung sino man, kasama na ang Diyos.

We all must learn to give. “It is more blessed to give than to receive,” sabi nga ng Kasulatan (Acts 20:35). Walang sinabi rito na mas mapagpalang magbigay sa partikular na klase na tao, tulad ng anak, kapatid, o kaibigan; o mas mapagpalang magbigay sa partikular na klase ng sitwasyon, tulad kung may sobrang pera, pag gusto mo, atbp. Tayo ay dapat na magbigay sa kahit anong klase ng tao, sa lahat ng klase ng sitwasyon. “…He maketh his sun to rise on the good and on the evil, and sendeth rain on the just and on the unjust,” sabi ni Jesus tungkol sa Ama (Matthew 5:45). Ang tunay na pagiging mapagbigay ay walang kondisyon.

So I will ask again, Are you a giver? Giver sa tunay na kahulugan ng salita? Ngayon ay kasama niyo na ako na magsasabi, “Ang hirap eh.” Ngayon ay malinaw na kung ano ang ibig-sabihin ng pagiging mapagbigay. Isa pang dahilan ng Panginoon kung bakit hindi ka masasabing mapagbigay kapag nagbigay ka sa partikular na tao o sitwasyon:

For if ye love them which love you, what reward have ye?

do not even the publicans the same? And if ye salute your brethren only,

what do ye more than others? do not even the publicans so? (Matt 5:46-47, KJV)

Kung magbibigay ka lamang sa karapat-dapat bigyan, ano’ng pagkakaiba mo sa mga hindi ligtas? Kung magbibigay ka lang kung “mayroon” ka, ano’ng pinagkaiba mo sa mga ordinaryong tao? Hindi ba ganun sila?

Paano ako matututong maging mapagbigay?

1) Magsisi at humingi ng tawad sa Panginoon. Aminin muna natin sa Diyos ang ating pagkakamali. Hangga’t hindi natin naaamin ang isang kasalanan, ay hindi natin magagawan iyon ng solusyon. Sabihin natin sa Diyos, “Patawad, Panginoon, dahil hindi po ako nagiging mapagbigay, tulungan Niyo po akong maging mapagbigay.” That would be great start toward becoming a giver.

2) Laging magdala ng bagay na maaari mong maibigay. There are many times na kaya ako hindi nakapagbigay ay dahil wala akong dala. Siguraduhing magdala ng isang bagay, hindi naman laging pera, na maibibigay mo. Mas mahirap hindi magbigay kung may laman ang bulsa. Isa pa, ang paghahandang magbigay ay hindi lamang sa panlabas, kundi sa loob. Maging determinado sa iyong puso na ikaw ay magbibigay sa oras na ito.

3) Tingnan ang lahat ng sitwasyon na pare-pareho. Ibig-sabihin, huwag mong isipin kung may pera ka o wala, kung dapat ba siyang bigyan o hindi. Isipin na ang bawat sitwasyon ay isang oportunidad para ikaw ay magbigay. Maaaring wala ka ngang pera sa oras na may nangangailangan, ngunit kung nakikita mo itong oportunidad, ay gagawa ka ng paraan para magawang magbigay. Si Jesus, noong may limang libo, dahil wala Siyang salaping maibibigay pambili ng tinapay, ay gumawa ng himala.

4) Umibig ka. Alam mo ba ang dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak? Iyon ay dahil sa pag-ibig. (John 3:16) Paano mo magagawa na batuhin ng tinapay ang bumabato sa iyo ng bato? Ibigin mo ang iyong kaaway, di ba? (Matthew 5:43-44) “You can give without loving,” sabi nga ng isang kasabihan, “but you cannot love without giving.” Magmahal ka. Don’t get me wrong! Hindi romantic love ang tinutukoy ko rito, kundi ang pag-ibig na tinutukoy ng 1 Corinthians 13—unconditional love. Kapag minahal mo ang sinuman na lumalapit sa iyo, you cannot help but give.

5) Ilagay mo ang iyong sarili sa sitwasyon ng nangangailangan o humihingi. Baligtarin mo ang sitwasyon—matutuwa ka ba kung hindi ka nabig yan? Alam mo na hindi. “Therefore all things whatsoever ye would that men do to you, do ye even so to them: for this is the law and the prophets” (Matthew 7:12). Kung gusto mong bigyan ka, magbigay ka rin.

6) Magpasalamat sa Panginoon sa pagkakataon na ikaw ay nakapagbigay. “In everything give thanks: for this is the will of God in Christ Jesus concerning you,” sabi ng 1 Thessalonians 5:18. Kapag nagawa mo ito, maiisip mo na isang pribilehiyo ang magbigay, hindi isang kawalan.

 

As you do these things, ipinapanalangin ko na dalhin ka nito sa punto na magiging tunay kang mapagbigay. Yung walang reserbasyon, walang panghihinayang. Nawa dumating tayo sa panahong mag-aabot tayo sa Panginoon at sa kapwa at masasabi natin, “With all my heart.”

You Should Realize This

Ang kaalaman sa pagkakasala o guilt ay isang positibong bagay kapag dinadala tayo nito sa posisyon ng pagsisisi at paghingi ng tawad sa Diyos. Ang pagkakaalam sa kasalanan ang nagdala sa atin sa pagsisisi at pagtanggap kay Jesus bilang Tagapagligtas at Panginoon natin. At sa totoo lang, kapag tayo’y Kristiano na, tulad ng sinabi ni Pablo, “Ako’y namamatay araw-araw,” mayroon tayong mga kasalanang nanggaling sa ating makasalanang kalikasan na dapat nating pagsisihan at palitan ng isang bagong katangian sa bunga ng Ispiritu.

Ngunit kung ang iyong guilt ay hindi nagbubunga ng pagsisisi, at bagkus ay dinadala ka pa nang mas malalim sa hukay na iyong kinasasadlakan, ay hindi ito magandang senyales. Nakakasama ito sa ating pisikal na kalagayan, dahil sinisira nito ang nervous system, ang sistema ng katawan kung saan tayo ay nakakapag-isip. Higit pa rito, ang iyong relasyon sa Diyos ay hindi nagiging maayos, tinanggap mo man si Jesus bilang Tagapagligtas. Ang guilt na ito ay maaari ring makasama sa iyong relasyon sa iba.

Mayroon akong nakilalang isang lalaking Kristiano na hindi pa rin makapagtagumpay sa pagtingin at panonood ng mga sekswal na lalaki sa Internet. Alam niyang dapat niyang itigil ito, at alam niyang kasalanan ito. Ngunit imbes na makatulong ang pagkakaalam na ito upang makalaya siya sa kasalanang ito, lalo pa siyang nalulubog rito, at naikwento niyang hindi siya masyadong makapag-pray, makapagbasa ng Bible, o makapaglingkod sa Panginoon dahil dito. Dagdag pa rito, ang kanyang pakikitungo sa kapwa kalalakihan ay hindi rin nagiging maayos. Mas gusto na lamang niyang umiwas, o kung kausapin man niya, ay madali siyang mapikon o magalit.

Ang guilt ay kadalasan ding dala, hindi lang pagkaalam ng kasalanan, kundi pag-iisip na dahil dito ay may mangyayaring masama.

Kung nasa ganitong sitwasyon ka, kapatid, ikaw na isang Kristiano, ay mayroon kang apat na bagay na dapat mapagtanto upang makalaya ka sa kasalanang mayroon ka at ang kakabit nitong pagkabagabag.

 

1) You’re saved. (Romans 10:13) Nung ikaw ay tumawag sa pangalan ng Panginoon, nanampalataya sa Kanya, at tinanggap Siya bilang Tagapagligtas ng iyong kaluluwa, ay ligtas ka na. Anumang oras na dumating sa iyo ang kamatayan, ay sa langit ka pupunta, sa piling ng Ama. Minsan ay dapat itong ipaalala sa atin upang maisip natin na ang ating mga nagawa, ginagawa, at magagawa pang mga kasalanan ay hindi matutumbasan ang katubusang nilaan para sa atin ni Jesus sa krus nang dumanak ang Kanyang dugo roon. Kapag atin ding pinagnilay-nilayan ang katotohanang ito ay maiisip nating isa tayong makasalanan na kinaawaan lamang ng Diyos at iniligtas Niya mula sa kapahamakan. Hindi tayo naging banal dahil sa mga nagawa natin, kundi dahil sa nagawa ni Jesus. Naging anak tayo ng Diyos hindi dahil sa pagsisikap natin, ngunit dahil sa pagpupunyagi ni Jesus dito sa lupa hanggang sa Kanyang kamatayan. Hindi nawala ang ating makasalanang kalikasan, bagkus, nadagdagan lamang tayo ng isa pang kalikasan—ang dibino o banal na kalikasan. Kaya magkakasala pa rin tayo, ngunit nandyan ang banal na kalikasan upang kumastigo sa atin. Ang kaalamang ito ang dapat na tumulong sa atin upang tuluyan nang magsisi at magdesisyon na sumunod sa Kanya.

2) You’re accepted. (Ephesians 1:6) Kadalasang naiisip natin kapag tayo’y nagkakasala (maaaring ito ay isang bagay na nagawa o bagay na hindi natin nagawa), ay iniisip natin, “Hindi na nila ako tanggap.” Ang malimit na pumipigil sa ating i-confess ang ating kasalanan ay ang pag-iisip natin na baka tanggihan na tayo ng kapwa natin Kristiano—minsan ay iniisip natin ito kahit sa Diyos. Ngunit, alalahanin mo, tinanggap ka na ng Diyos—hindi Niya tinanggap ang nakaraan mo, ang buhay mo ngayon, o ang buhay na iyong hinaharap—tinanggap Niya ang iyong kabuuan. Alam Niyang madadapa ka nang ilang beses, ngunit hindi iyon magre-resulta sa pagtanggi Niya sa iyo. Kahit kailan. At ako, bilang isang Kristiano, ay hindi rin dapat na ikaw ay aking iwasan, tanggihan, pag nalaman ko ang iyong kasalanan, dahil tulad mo, naligtas din lang ako, tinanggap, at nagkakasala pa rin.

3) You’re forgiven. (Colossians 2:13) Pinatawad ka na kapatid! Alam kong dala na tayo na hindi napapatawad ang ating mga kasalanan ng mga tao. Nakikita natin ito sa media, kung saan ang mga drama ay ipinapakita na kapag may nagawa ang isang tao, ay madalas sabihin ng nasaktan, “Hindi kita mapapatawad.” Naranasan natin ito sa isang kaibigan, na noong may nagawa tayong pagkakamali, ay bigla na lamang umiwas at hindi na nakipagkasundo. O tayo mismo, nung tayo’y magawan ng pagkakamali, ay hindi natin mapatawad sa una ang taong iyon. Kaya naman naiisip natin na baka hindi tayo mapatawad kapag nalaman ng iba ang nagawa natin. Well, we should know better—we are forgiven already! Ang nakalipas, ang kasalukuyan, at hinaharap natin ay napatawad na ng Diyos. Walang kasalanan na napakalaki na hindi mapapatawad at hindi pinatawad ng Diyos. Alam kasi ng diyablo na ang susi para patawarin tayo ay ang aminin ito (1 John 1:9), kaya naman lahat na ng maling kaisipan ay nilalagay niya sa atin. Ngunit, kapatid, napatawad ka na!

4) You’re loved. (1 John 4:10-11, 19) Ito naman lagi ang ating hinihintay, na pagkatapos tayong magkasala, at ipagtapat ito, ay mahalin pa rin tayo. Yun lang naman eh! If we just realized that we are still loved, still cherished, hindi tayo matatakot na ipagtapat ang ating nagawa at makalaya sa guilt na nasa pag-iisip natin. And it’s true, God still loves us! Hindi ba ang Diyos ang nagsabing, “I have loved thee with an everlasting love” (Jeremiah 31:3, emphasis added)?

 

Friend, you should realize this. You’re saved, you’re accepted, you’re forgiven, you’re loved—still, anuman ang nagawa mo o hindi mo nagawa sa kapwa o sa Diyos. It may seem too amazing, but, alam mo, noon pa kahanga-hanga ang Diyos sa mga bagay na ito. Yes, alam ko, alam ko, sa pagsusulat ng article na ito ay parang binibigyan ko pa ng lisensya ang isang Kristiano na gumawa pa nang gumawa ng kasalanan dahil ligtas pa rin naman siya, tanggap pa rin, pinatawad na, at mahal pa rin. Ngunit ito ang katotohanan. Maging ang Diyos ay kumuha ng risk na ihayag sa ating papatawarin Niya tayo sa kasalanan dahil maaari nga nating abusuhin ito, ngunit ginawa Niya pa rin.

Ngunit ito nga ba ang dapat nating maging reaksyon dito. Sabi sa Romans 3:31, “Do we then make void the law through faith? God forbid: yea, we establish the law.” Hindi dapat mabalewala ang batas ng Diyos dahil dito; dapat ito pa nga ang maging dahilan upang mas lalo natin Siyang sundin. Sabi pa sa Romans 6:15, “What then? shall we sin, because we are not under the law, but under grace? God forbid.” At sa Romans 6:1-2, “What shall we say then? Shall we continue in sin, that grace may abound? God forbid. How shall we, that are dead to sin, live any longer therein?” Ang ating kaligtasan, pagiging tanggap, kapatawaran ng kasalanan, at pagmamahal ng Diyos ay dapat na magdala sa atin sa pagsisisi at pagdedesisyong sumunod sa Kanya. Sa pamamagitan nito, ang guilt na bumabalot sa atin ay mawawala at tunay tayong magiging malaya. Malayang-malaya.

The Horror Stories of Envy

Inggit. Envy.

Ang envy o inggit ay, sabi sa Merriam-Webster’s Dictionary, “a painful awareness of anothers possessions or advantages and a desire to have them too.” Ibig-sabihin, kapag ako ay naiingit, iniisip ko na ang isang partikular na tao ay mayroon ng isang bagay, ugali, kaibigan, minamahal, atbp., na wala ako, na mas maswerte siya dahil mayroon siya noon, at aba ako na wala noon, at iniisip ko na dapat na mayroon ako noon, at gusto ko na nasa akin iyon.

Inggit ang isa sa mga pangunahing tema ng mga drama sa telebisyon. Sa inggit ng kontrabida sa bida umiikot ang istorya. Inggit dahil “mahal siya ng mahal ko,” “ako ang dapat na may pera hindi siya,” at “makukuha ko ang posisyon na mayroon siya.” Doon nagre-resulta ang samu’t saring kasamaan na nangyayari sa bida at sa mga taong nasa paligid niya. Hindi ba tama?

Kapatid, may inggit ba sa puso mo? Ang masasabi ko lamang ay, hindi tama iyan. Mabuti pa ay mabilis mo nang talikuran ang kasalanang iyan bago pa mahuli ang lahat at ikaw ay magsisi sa bandang huli.

Minsan ay nagba-browse ang isa kong schoolmate sa Youtube at may ipinakita sa kanyang video si Micah ng isang Pantene commercial sa Indonesia. Tungkol ito sa isang pipe’t bingi na babae na nais matuto ng violin, ngunit may isang babae na galit sa kanyang ginagawa at sinisira ang kanyang ispiritu sa pagpupunyagi. Dahil rito ay naawa sa sarili ang babae at natanong niya sa isang matandang kaibigan sa paraang sign language, “Bakit ba ako iba sa kanila?” binabanggit ang tungkol sa kanyang kapansanan. Sagot ng kaibigan, “Bakit mo kailangang maging tulad nila?”

Ang isang dahilan ng pagkainggit ay dahil “hindi mo sila katulad.” Kaya naiinggit ang isang tao dahil wala siya nung mayroon ang iba. Atin dapat alalahanin na ito ay isang senyales na hindi tayo masaya sa kung ano’ng ibinigay sa atin ng Panginoon. “Bakit mo kailangan maging tulad nila?” You don’t have to be! Ikaw ay unique, walang katulad, at ikaw ang the best na maging ikaw. No one could be you but you only. Dapat ay maging masaya ka!

Marami sa malulungkot na istorya ng Biblia ay hindi na dapat nangyari kung hindi dahil sa inggit. Hindi man ito nakakatakot tulad ng Philippine Ghost Stories at ng mga horror movies, ay tatawagin ko pa rin ang mga ito na the horror stories of envy.

Horror Story #1: The Fall of Lucifer. Siya na ang pinakamagandang anghel sa lahat ng mga nilikha ng Diyos (Col. 1:16; Ezekiel 28:12-14), magaling sa musika, at nababalot ng mga mahahalagang bato sa katawan. But through that splendor, through that glory, ay nakita niya ang Diyos na higit na mas maganda, mas magaling, at mas maluwalhati sa kanya. Nainggit siya, at inisip na dapat sa kanya ang kagandahang iyon, ang galing na iyon, at luwalhati na iyon (Ezekiel 28:15, 16; Isaiah 14:13). Kaya naman nag-rebelde siya kasama ang ikatlong bahagi ng lahat ng mga anghel, iniisip marahil na kaya nilang talunin ang lumikha sa kanila. Dahil sa diyablo, patuloy tayong nakikipaglaban sa tukso, humaharap sa mga pag-uusig, gumagawa ng kasalanan.

Horror Story #2: The Fall of Man. Sa lahat ng nilikha ng Diyos sa mundo, ang tao ang binigyan Niya ng espesyal na atensyon. Nilikha Niya ito sa Kanyang wangis, hindi tulad ng mga hayop, halaman, at iba pang nilikha. Ngunit nang tuksuhin ni Satanas si Eba, nasabi ng tao, “Bakit Diyos lang ang dapat makaalam ng mabuti at masama?” Nais nilang maging tulad ng Diyos, at ang naging kapalit ay kamatayan.

Horror Story #3: Cain and Abel. (Genesis 4) Dumating ang panahon na sila ay maghahandog na sa Diyos—tinanggap ang kay Abel, tinanggihan ang kay Cain. Alam na alam ni Cain kung bakit tinanggihan siya ng Diyos, ngunit nangibabaw sa kanyang isip na nasapawan siya ng kanyang matuwid na mas-batang kapatid na si Abel, at hindi niya iyon matanggap. Dapat sa kanya ang tinanggap, sa tingin niya, kaya naman sa galit niya ay pinatay niya si Abel. At alam niyo na ang mga sumunod na nangyari.

Horror Story #4: Isaac. (Genesis 26:12-17) Si Isaac, anak ni Abraham, ay naka-tira sa lugar ng mga Filisteo, at nakikita ng mga ito ang pagpapala sa kanya ng Diyos, sa mga pag-aari niya at kayamanan. Kaya naman ang lahat ng balon na hinukay para sa kanya ng mga lingkod ng kanyang ama ay pinuno ng lupa ng mga Filisteo. Hindi pa ito sapat, dahil, imbes na humingi sa kanya ng tawad ang hari, si Abimelech, ay pinalayas pa siya sa kanyang tinitirhan.

Horror #6: Jacob and Esau. (Genesis 25:26-34) Bilang panganay sa dalawa, si Esau ang may karapatang matanggap ang pinakamalaking mana mula sa kanyang ama. Ngunit, sa isip ni Jacob, sa kanya dapat mapunta ang karapatan ng isang panganay, kaya pinilit niyang ibenta ni Esau ang kanyang pagkapanganay kapalit ng pagkaing niluto niya. Later on, ay nagawa pa niyang dayain si Isaac na siya ang panganay para siya ang bigyan ng pagpapala. Dahil rito ay nasira ang buhay ni Esau sa galit sa kanya. Siya rin ay dinaya ng kanyang biyenan na si Laban.

Horror Story #7: Joseph. (Genesis 37) Paboritong anak si Joseph sa labindalawang mga lalaki ni Jacob, at dahil doon ay galit na ang sampu sa kanya. Nanaginip pa siya na yumuyuko sa kanya ang kanyang mga magulang at mga kapatid, kaya naman tumindi ang inggit sa kanya. Nakakuha ang sampu ng pagkakataon nang pumunta si Joseph sa kanila nang mag-isa. Inihulog nila siya sa balon, at ibinenta sa mga Chaldeans. Nagsinungaling pa sila sa kanilang ama na pinatay ng mabangis na hayop si Joseph.

Horror Story # 8: Moses. (Psalm 106:16-18) Bilang masunurin, mababang loob at malapit sa Diyos na lider ng bansang Israel, ay kinainggitan siya ng mga ma-harlika, at maging ng kanyang mga kapatid. Kinwestiyon ang posisyon niya at kung bakit karapat-dapat siya sa liderato. Hinamon nila si Moses.

Horror Story #9: Jesus. (Matthew 27:18; Mark 15:10) Inggit ang nagtulak sa mga Fariseo, Saduceo, at mga iskriba, upang magkaisa na hulihin si Jesus at ipako sa krus. Inggit dahil simula nung dumating si Jesus sa eksena ay sa Kanya na sumunod ang karamihan, at dahil sa Kanya ay nakita ang kanilang kasamaan at ka-ipokritohan. Ito ang dahilan upang maging takda na ang tiyak na kapahamakan nila sa impyerno.

Horror Story #10: The Early Church. Hindi natapos ang pag-uusig nila kay Jesus, dahil, tulad ng ginawa ni Jesus, ang unang mga iglesiya ay nahihikayat din ang mga tao papunta rito, hindi sa kanilang mga Judyo. Ginawa nila ang kanilang makakaya upang masira ang mga ito sa tao, upang sila ay patayin.

Marami pang mga istorya ng inggit ang mababasa sa Biblia, ngunit, kuku-langin ang papel na ito upang ilathala ang lahat at, makikita natin, ang resulta ng bawat sitwasyon ng pagkainggit sa taong nagdadala nito ay negatibo—laging kasiraan ng kinaiinggitan ang ginagawa. Ang inggit ay hindi bumubuhay; ito ay pumapatay. Nahihirapan ang kinaiingitan—ngunit higit sa lahat, hindi nagiging payapa ang buhay nung naiinggit. Kapag kasi mukhang nakuha na niya ang gusto niya, hindi pa rin siya nasisiyahan, dahil lagi siyang balisa, hindi mapalagay, at puno ng galit.

Ngunit higit sa lahat, inggit din ang nagsasabing hindi ka talaga magtatagumpay. Sa sampung istorya ng inggit na natunghayan mo, sino sa mga nainggit ang nagtagumpay? Wala, sa totoo lang. Ang mga kinainggitan sa bandang huli, ang sila pa ring nagtagumpay. Dahil, tinanggap nila kung ano ang binigay sa kanila ng Diyos, inisip na sila ay iba sa lahat ng Kanyang nilalang, at kung ano sila ngayon, yun ang tunay na “the best.”

Kapatid, naiinggit ka pa rin ba? Sana ay maisip mo na mahal ka ng Diyos sa kung sino ka, kahit ano pang isipin ng tao. Oo, dapat tayong magsikap na maging tulad ni Jesus, ngunit, hindi ibig-sabihin noon ay ang maging tulad ng iba.

Nawa, sa biyaya ng Diyos, ay hindi ka na maging isa sa mga gumawa ng “horror story” dahil sa inggit.

What the Left Hand is Doing

by Ruth Bell Graham

“Ayaw niya na malaman ng kanyang kanang kamay na walang ginagawa ang kanyang kaliwang kamay,” sinabi sa akin ng isang kaibigan tungkol sa maramot niyang kamag-anak, kung saan ngiwi niyang binaligtad ang payo ni Jesus na huwag ipaalam sa kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng kanang kamay.

Yung mga taong naka-apekto nang malalim sa aking buhay para sa ikabubuti ay bihira, kung mayroon man, na alam ang katotohanan na iyon. Sa kabilang dako, yung mga nag-iisip na sila’y pagpapala sa akin ay hindi naman talaga.

Sinabi sa atin ni Jesus sa Mateo 25 na sa huling paghatol, ay Kanyang paghihiwalayin ang mga tao sa isa’t isa, tulad ng isang pastol na hinihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, ang tupa sa kanan at sa kaliwa naman ang mga kambing.

“Halina, kayong mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian,” sasabihin Niya sa mga tupa. “Sapagkat ako’y nagutom, at binigyan ninyo ako ng pagkain: Ako’y nauhaw, at binigyan niyo Ako ng inumin: Ako’y isang estranghero, at pinapasok niyo Ako: hubad, at dinamitan ninyo Ako: Ako’y nasa kulungan, at kayo’y lumapit sa Akin” (Mateo 25:34-36).

Ngunit sa mga kambing Kanyang sasabihin ang kabaligtaran, na nag-uutos, “Lumayo kayo sa Akin, kayong mga isinumpa, sa walang-hanggang apoy, hinanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel” (Mateo 25:41). Ang mga kambing ay babalewalain ang bawat Kanyang pangangailangan, na, Kanyang ipinaliwanag, ay mga pangangailangan ng mga pinakamaliliit sa Kanyang mga kapatid.

Sila na mga naglingkod sa Kanyang mga pangangailangan ay walang kamalay-malay sa kanilang kabutihan at kabaitan, katulad na ang mga walang pakielam ay walang kamalay-malay sa kanilang kawalang-pakielam.

Siguro ito ang dahilan kung bakit nagbababala si Jesus tungkol sa pagbibigay ng limos sa harap ng mga tao. At ang tungkol sa hindi pagpapaalam sa kanang kamay kung ano ang ginagawa ng kaliwa.

Mula sa Decision magazine, June 2005, sa “Especially for You” section ni Ruth Bell Graham.

Lakad Tayo!

daily walk

by Elijah Abanto

Lahat na siguro tayo nakipag-usap—kahit nga sanggol nakikipag-usap na, kahit utal-utal pa ang pananalita! Oo, nakaranas na tayong lahat makipag-usap.

Ano nga ba ang pakikipag-usap? Ito ang pakikipagpalitan ng dalawa o higit pang mga persona ng mga salita tungkol sa isang pangkaraniwang paksa. Kaya sa pakikipag-usap hindi pwedeng mag-isa ka lang, bukod na nga lang kung kinakausap mo ang iyong sarili—in a way, parang dalawang tao din iyon!

With that in mind, imagine-in niyo ang dalawang taong naglalakad sa daan. Karaniwan ay ganito ang eksenang ating kinabibilangan kapag tayo ay may visitation o soul winning. Ano bang ginagawa niyo habang kayo ay naglalakad-lakad sa daan? Wala bang imikan? Walang salita, lakad lang? Siguro napapasabi ka, “Siyempre naman hindi! Nag-uusap kami—nakaka-boring kaya ang walang kausap!” Tama. At tsaka kung gusto mong mapalapit sa taong iyon, hindi mo siya susupladuhan. Tama?

Dalhin natin ang ganyang kaisipan sa relasyon natin sa Diyos.  Simula nang tayo’y magsisi sa ating mga kasalanan, naniwala sa Kanyang ginawa sa krus ng Kalbaryo, at tinanggap Siya sa ating mga puso bilang Tagapagligtas, nagkaroon na tayo ng relasyon sa Diyos: Siya ang ating Ama, at tayo nama’y Kanyang mga anak. At simula nang maging Kristiano ka, ay lagi na tayong lumalakad na kasama Niya. Mayroon na tayong daily walk kasama Siya.

Ngunit nakikipag-usap ka ba sa Kanya? Para alalahanin kung ano ang ibig-sabihin ng pakikipag-usap, bumalik ka sa unang pahina. “Pakikipagpalitan.” In some way, “mahiyain” ang ating Ama, at nais Niya na ikaw ang magsimula ng usapan—ayaw ka Niyang pilitin sa usapang hindi mo naman gustong gawin.

Nalaman natin na tayo ay nagsasalita sa Ama sa pamamagitan ng prayer, o pananalangin. Ang Diyos naman ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng pag-aaral natin ng Biblia, o Bible study. (Bible study, dahil, kung babasahin lamang, at hindi natin iintindihin, hindi iyon pakikipag-usap.)

Ano’ng ginagawa natin pag nanalangin? Sinasabi natin lahat (lahat, dapat) sa Kanya—ating mga kasalanan (pag-amin),  ating mga pagpapala at biyaya (pagpapasalamat), at ating mga kailangan (paghiling). Sa paraang ito ay nagsasalita tayo sa Kanya. At karamihan sa atin ay hindi nabibigo sa bahaging ito—kahit iilang minuto lamang (ngunit hindi naman din dapat ganon lang kaikli), ay nagagawa nating magsalita sa Kanya. (Pansinin niyo na laging “magsalita” ang ginagamit ko, hindi “makipag-usap.”) Ngunit paano ang Bible study? Marami sa atin ang nabibigo sa bahaging iyan. At parang wala lang sa atin kung mapag-aralan natin ang Biblia o hindi sa buong araw.

Ngunit isipin mo na lamang kung sa usapan ay yung kasama mo lang ang salita-ng-salita at hindi ka niya binibigyan ng pagkakataon na magsabi ng kahit isang salita lang. Naiinis ka. Nababagot ka. Baka hindi ka na makapagpigil at magsabi ka, “Ano ka ba, bakit ayaw mo akong pagsalitain? Gusto mo ikaw lang ang nagsasalita?” At ikaw, galit, ay mas mamabutihin pa iwan na lang siya, at maghanap na lang ng ibang bubuwisitin niya.

Ngayon balik tayo sa Diyos. Kinakausap Niya tayo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Biblia. (“Kinakausap” ang aking ginamit dahil bago ka kausapin ng Diyos, ikaw muna ang dapat lumapit sa Kanya at magsalita. Ipapaliwanag ko maya-maya.) Ibig-sabihin, kung hindi tayo nagbabasa at nag-aaral ng Biblia, parang tayo yung taong ayaw pasalitain yung kausap. Nakuha niyo ba? At dahil doon, “iiwan” Niya tayo at hindi na pakikinggan ang ating panalangin—bagaman, dahil mapagpasensya ang Diyos ay matagal pa bago Niya gawin ’yon. Pero isipin mo na lang kung ano’ng nararamdaman Niya sa ating ginagawa pag walang Bible study. Parang tinatakpan natin ang bibig Niya nang sapilitan.

Dahil ang Diyos ay “mahiyain,” lumapit ka sa Kanya at sabihin mong kausapin ka Niya. “Ano po bang gusto Ninyong sabihin sa akin?” Lumapit ka sa Bible mo at buksan sa Scripture reading, at sabihin mo, “Ano po ang gusto Niyong ipaunawa mula dito?” At kakausapin ka Niya nang buong puso, at pakikinggan Niya rin kung ano ang sinasabi mo sa Kanya. Di ba ganon ang magandang pakikipag-usap? Titibay ang inyong relasyon ng Diyos; nasisiyahan Siya, at natutuwa ka rin.

Bakit hindi mo iyon gawin simula ngayon? Tama na ang walang imikan! Tama na ang ikaw lang ang salita nang salita! Isaayos mo na ang paglakad mo kasama Siya.

Maglaan ka ng takdang oras. 6 AM. 12 NN. 3 PM. 9 PM. Kahit ano’ng oras basta magtakda ka. At sundin mong palagi. Huwag kang mahuhuli—dahil hindi nahuhuli ang Diyos sa iyo. At kung sakaling mabigo ka ng isang beses, ‘wag kang manghina—hingin mo lang ang Kanyang tawad, at magsimula kang muli nang panibago. At kung ano’ng sabihin Niya sa iyo, huwag magdalawang-isip na sundin iyon. At sinasabi ko sa iyo, mas malamang ay “susundin” Niya rin ang sinasabi mo sa Kanya!

“Lakad tayo!” sabi ng Diyos. At sa paglakad na iyon ay titindi lamang ang inyong relasyon ng Diyos kung mag-uusap kayong dalawa. Di ba ang ganda? Kung mapagtatanto lang natin.