They Gave

by Elijah Abanto

Pagbibigay. Isang napakagandang salita, hindi ba? Oo, lalong-lalo na kung ikaw ang nabigyan. Right. (Pangiti-ngiti ka na siguro. Dahil siguro alam niyo na kung ano ang mga susunod na salita.) Pero kung ikaw kaya ang magbibigay? What do you think? Hindi siguro maipinta ang ating mga mukha kapag ganon ang sitwasyon—lalo na kung mayroon kang maibibigay.

Naranasan ko rin ang naranasan niyo. Minsan kasi bago maligo si Kuya Israel ay nanghingi siya ng shampoo sa akin. “Pahingi naman ng shampoo, ’Loy,” sabi niya. At alam niyo kung ano’ng naging itsura ng mukha ko. “Eh…” sambit ko pa, ngunit sa bandang huli ay binigyan ko rin siya. Parang ang hirap kong magbigay, samantalang kakarampot na shampoo lamang ang hinihingi.

Kaya hindi ako magtataka kung maging kayo ay nahihirapan din. Pero nagawa niyo na bang magbigay nang walang sakit sa dibdib? Yung masaya ka pa? Well, hayaan niyong magbigay ako ng halimbawa ng mga ganon.

Si Mommy, si Ate, si Bunso. Ang tatlong pinakainiibig kong mga babae sa buhay ko ang nagpakita ng ganitong kabaitan. Si Mommy, hangga’t may ibibigay, magbibigay. Makikita ko na lang na ilalabas niya pati ang mga mahahalaga niyang mga ipon at ibibigay kapag kailangan namin ng pera. Yes, si Ate Abigail rin. Mula noon, hanggang ngayon, hindi siya nagsawa na ibigay ang mayroon siya. Mapamayroon (noong nagko-kolehiyo siya marami siyang pera) o Mapawalang pera (ngayon), hindi niya kami pinagdamutan. Si Olivette, na kapag mayroong sitsirya ay lalapit at magse-share. I love these three people. Because they gave.

Yung babaeng balong may dalawang barya at yung isang batang may limang tinapay at dalawang isda. Ang bawat isang taong ito mula sa Biblia ay binigay lahat ng mayroon sila, hindi iniisip kung may babalik pa sa kanila. Mga simpleng tao, mga dukhang tao—pero nagkaroon sila ng kabuluhan. Because they gave.

Si Hadassah. Well, piksyunal lang ang taong ito, mula sa nobela ni Francine Rivers, A Voice in the Wind. Isa siyang alipin na Kristiano, at nakakatanggap lamang siya ng kaunting barya mula sa may-ari sa kanya. Ngunit imbes na impukin, ay ibinigay niya sa isang Romanong babae, ina ng isang sundalo na nagpapaalala ng malagim na sinapit ng kanyang pamil-ya sa Jerusalem. Nang tanungin siya kung bakit binigay pa niya ang kaunting perang iyon, sagot niya, “May pagkain ako. May tinutulugan ako. May damit ako. Ngunit siya wala ni isa sa mga ito. Mas kailangan niya iyon kaysa sa akin.” Napamahal ako kay Hadassah. Because she gave.

Ang Diyos. Siya ang Pinakamataas na Halimbawa ng pagbibigay. Binigyan tayo ng Diyos-Ama ng kalayaan, at mga pagpapala na hindi natin dapat tamasahin, dahil tayo ay mga makasalanan. Bumaba ang Diyos Anak na si Jesus para mamatay lang para sa ating kasalanan; binigay Niya ang Kanyang sarili. Ang Salita ng Diyos, sa pamamagitan ng Banal na Ispiritu, upang malaman natin kung paano mabuhay sa sanlibutan. At dahil doon, we are destined to have heaven for our home. Because He gave.

Naalala ko yung favorite verses ni Ate sa Proverbs 3 sa scripture reading noong Lunes, “Withhold not good from them to whom it is due, when it is in the power of thine hand to do it. Say not unto thy neighbour, Go, and come again, and to morrow I will give; when thou hast it by thee” (vv. 27, 28). And surely, these people lived up to that verse. Nagbigay sila nang walang reserbasyon. Dapat tayong sumbatan at hamunin ng mga halimbawang ito. Simula ngayon, magbibigay na ako—nang buong-puso. Ikaw—kailan ka magbibigay nang buong-puso?

Tunay na Pag-ibig

by Elijah Abanto

Kakatapos ko lang magbasa ng isang article tungkol sa isang 12-year old girl, at hindi ko mapigilang mapaluha sa balitang ito.

Medyo may interes ako sa mga nangyayari sa Amerika ngayon dahil nakikita ko na ang struggle ng mga American Christians para patuloy na manindigan para sa Panginoon. Kung hindi niyo nalalalaman, ang Obama na mukhang nakakatuwa sa TV dahil siya ang kauna-unahang pangulong itim sa bansa ay siya ring presidente na salungat ng ating pinaninindigan, kasama na ang tungkol sa abortion (pagpapalaglag ng sanggol) at gay marriage (pagpapakasal ng parehong kasarian). Laban tayo dito, ngunit siya ay hindi. At maraming pag-uusig ang ginagawa sa mga Kristiano ngayon ng administrasyon ng Amerika para gawing ligal ang mga hindi legal at gawing iligal ang legal (pagpe-pray, pagbabasa ng Bible). Kaya naman naglalaan ako ng oras upang magbasa ng mga balita tungkol sa kalagayan ng Kristianismo sa Kanluran.

Ang labindalawang-taong gulang na batang babaeng ito ay si Lia, isang elementary student na planong gawing contestant sa isang speech competition o pananalumpati. Anak ng isang Kristiano, alam niya ang kalagayan ng kanyang bansa patungkol sa abortion, at nais niya na magtalumpati laban sa gawaing ito. Isa pa, siya mismo ay isang Kristiano at mahal niya ang Diyos at ang Kanyang Salita. Ang problema ay talagang dine-discourage siya ng mga gurong nakakabasa ng kanyang essay, bagaman hindi maitatanggi ang galing sa pagkakasulat ng talumpating ito ng kanyang adviser. Nagbanta pa ang mga husgado na i-de-disqualify siya sa contest kapag hindi niya binago ang kanyang topic. Pero nanatili siyang matatag, at kahit na hindi siya tanggapin bilang contestant ay pinili pa rin niyang italumpati ang essay at pinablish sa Youtube.* Dahil nagustuhan ng kanyang adviser ang kanyang gawa, ay hinayaan pa rin siyang magtalumpati.

Nang magtalumpati na siya, sinabi ng school principal at mga guro na obvious na siya ang winner ngunit dinisqualify siya ng mga judges dahil sa isyu na kanyang tinalakay. Ngunit noong sumunod na araw ay nalaman na umalis ang judge na nag-disqualify sa kanya at ang mga natira ay binago ang desisyon at siya nga ang nanalo. Naka-schedule siya na dalhin sa regional level. May 130,000 na ring nakapanood ng kanyang video.

Dapat itong humamon sa atin. Isang bata (kadalasan kasi namamaliit natin ang mga mas bata sa atin) ang nagpakita ng tunay na pag-ibig sa Diyos at tao na sa kabila ng lahat ng maaaring mangyari, ay nagdesisyon siyang magsalita! Dahil mahal niya ang Diyos at tao. May ganito ka na bang pagmamahal sa Kanya?

Ang I Corinthians 13 ay isang sikat-na-sikat na kabanata sa Biblia tungkol sa pag-ibig. Isa sa mga sinabing katangian nito ay na ang pag-ibig ay “binabata ang lahat ng bagay, pinapaniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig din ay “nagsasaya hindi sa kasalanan, kundi nagsasaya sa katotohanan.” Si Jesus ay tiniis, pinaniwalaan at inasahan ang lahat ng bagay para itanghal ang katotohanan at ibigay sa atin ang kaligtasan. Hindi Siya nanatiling tahimik nang makita Niya ang kamalian sa kanyang paligid, kundi nagsalita Siya.

Dumating na ba sa atin ang pagkakataon kung kailan ipinaglaban natin ang katotohanan kahit na may nagbabantang hindi maganda? O ang ginagawa natin ay hinahayaan na lamang ito at iniisip na, “Sila na ang bahala sa Diyos”? Nakakalungkot. Nakikipag-kompromiso tayo para huwag na tayong pagdiskitahan; ngunit hindi natin iniisip na nasasaktan ang Diyos doon.

Sa huling Linggo ng Building in the Power of Love, ine-encourage ko kayo na tumayo para sa Kanya dahil sa pag-ibig natin sa Kanya. Sana kung kailangan tayong hindi pumasok sa school o trabaho, o huwag munang gumawa, o masaktan ng magulang, o bumaba ang grades, o mapagtawanan, hayaan na natin–tulad ng babaeng ito–at least, alam ng Diyos na mahal natin Siya.

Takot at Pag-ibig

by Elijah Abanto

“There is no fear in love; but perfect love casteth out fear: because fear hath torment. He that feareth is not made perfect in love” (1 John 4:18).

February 10. Martes. Gabi. Nag-good night na ako kina Tatay, Mommy, Ate, at Micah na nasa pastor’s lounge ng Bible School. Umakyat na ako patungo sa Boys’ Dorm. Pagkatapos mag-tooth brush, pumunta na ako sa higaan. Bigla kong naalala ang BDJ at natanong ang aking sarili kung, Ano kayang isusulat ko na article? Tamang-tama pagluhod ko para manalangin biglang may pumasok sa ulo ko: There is no fear in love. Natigilan ako. Matagal ko nang hindi nababasa ang passage na iyon ngunit iyon ang biglang dumaan sa isip ko—Diyos malamang. ‘Thank you’ agad ako!

Tamang-tama yung passage dahil kakapakinig ko lang ng Christian radio kagabi na nangaral tungkol sa pagiging takot at pag-ibig ng Diyos sa atin.

Mula sa nakaraan na article ay may makikita tayong hindi maitatangging katotohanan: Pag-ibig sa Diyos ang nag-aalis ng takot. Naalala niyo kung paano ibinahagi ng Rusong Judio ang kanyang kaligtasan? Kung paano siya namatay? Dahil sa kanyang pag-ibig sa Diyos nawalan na siya ng takot—takot maging sa kamatayan.

Basahin mong muli ang 1st John 4:18. Basahin mo pa uli sa Tagalog para lalo mong maintindihan. “Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.” Ganap ka na ba sa pag-ibig mo sa Diyos? Ganon mo na ba kamahal ang Diyos at hindi ka na natatakot? Hindi pa marahil.

Unang-unang halimbawa ay ang mga takot sa multo, ipis, daga, o iba pang maliliit na bagay. Pakiramdam natin lagi tayong may katabing ispiritu, nakatinging multo, na maya-maya ay tatakot nang maigi sa atin at hindi na tayo makapaglakad pauwi at iiyak na lang tayo sa isang tabi. Sa ipis o daga—kamusta ka naman! Bakit ka nagtatatalon kapag may ipis na dumaan? Pag may itim na dagang cute na gumagala? Pag may gagamba? Bakit? I’m serious. Masyado na tayong natatakot sa maliliit na bagay, paano pa ang malalaki? Huwag nating sabihin, “Talagang ganito na ako, eh.” “For God hath not given us the spirit of fear; but of power, and of love, and of a sound mind” (2 Timothy 1:7).

Pangalawa sa pamumuhay bilang Kristiano. Maraming mga Baptist ang natatakot na makilalang Baptist dahil baka kantiyawan sila, baka lokohin sila, o baka tanungin sila ng tanong na hindi masasagot. Kaya nakikisama tayo sa marumi nilang gawain. Ganito ba natin kamahal ang Diyos?

Pangatlo, sa pagso-soul winning. Sinabi ng Mark 16:15: “Go ye into all the world and preach the gospel to every creature.” ‘All the world,’ ngunit tayo, takot na witness-an ang ating pamilya. Wala pa tayo sa mundo, nasa bahay pa lang. Much more sa labas. Lumalagpas tayo sa mga bahay sa house-to-house kasi baka tanggihan tayo o deboto sa relihiyon. Ngunit kung ganoon na lang ang pag-ibig natin sa Diyos, hindi tayo papayag na hindi ma-witness-an ang lahat ng dumadaan sa landas natin. And yet, when recording visitation hours, ang naririnig ko “Zero,” binilog na daliri, tangong pakanan-kaliwa, o kamay na kumakampay. Bakit tayo natatakot? Dahil hindi pa ganap ang pag-ibig natin sa kanya.

Pang-apat, sa pang-uusig ng mga hindi Kristiano. Marami sa mga kabataan, tumigil na sa pagdalo sa iglesiya dahil—takot sa magulang. Maraming tumatakas sa magulang—dahil sa takot sa kanila. Ganito ba natin kamahal ang Diyos, na kailangan pa natin silang nawala bago tayo umalis? O magsinungaling? Why? Alam naman natin ang verse na “All that will live godly shall suffer persecution,” ngunit sa takot na maranasan ito ay tinatakasan natin. Alam niyo bang nagsaya pa ang mga apostol dahil naging “karapat-dapat sila na maghirap para kay Kristo”? Hinagupit ang mga iyon—ikaw, nagahupit na ba? Ganyan ba ang pagmamahal mo sa Diyos? Ganyan ba, na kapag may trabaho ka, ay hindi ka a-absent doon kahit may Prayer Meeting, Fasting, o soul winning—dahil takot ka na baka tanggalin ka? Ganito ba natin kamahal ang Diyos? Bakit tayo natatakot? Bakit?

Lahat tayo dumaan diyan. Kahit ako—kala niyo siguro dahil matapang akong magsalita laban dito wala akong takot? Ngunit naisip ko, Ang Diyos—ang Diyos, ang kasama ko, pero bakit ako natatakot, bakit? Dahil hindi pa ganap ang pag-ibig ko sa Kanya. Kung mahal ko Siya talaga, hindi ako matatakot—hindi ka matatakot, na sumunod sa Kanya—anuman ang kapalit. Kailan mo gagawing ganap ang pag-ibig mo sa Kanya? Ngayon na, kapatid—ngayon na. Mayroon pa namang panahon eh. Buhay ka pa.

Pag-ibig sa Diyos

by Elijah Abanto

Ang salitang love at lahat ng anyo nito ay nabanggit nang 310 na beses sa Biblia, at kasama sa mga bagay na tinatalakay nito ay ang pag-ibig sa Diyos. Magtabi ng ilang sandali upang basahin at limiin ang mga talatang ito: Deuteronomy 6:5; Joshua 23:11; Psalm 31:23; Matthew 22:37; Mark 12:30; Luke 10:27. Sa mga talatang ito ay makikita natin ang iisa nitong sinasabi: Mahalin ang Panginoon mong Diyos. Ang mga talatang ito ay kabilang sa mga pinakamadadaling kabisaduhin—at mahirap gawin—o hindi natin talaga alam kung paano gagawin.

Noong January 22, Huwebes, ay nagkaroon kami ni Pastor ng pagkakataon na makadalo sa isang pagtitipon kung saan ay may pribilehiyo kang makakuha ng mga libreng aklat na galing sa Canada. Kagagaling ko lang noon sa Bible School kaya medyo mahina pa ang katawan ko sa pagod. At dahil dalawa lamang kami ni Tatay, dalawang kahon, isang plastic, at hawak-kamay lamang ng mga aklat at magazine ang aming nakuha, pero okay na rin—at least mayroon. Nang tinitingnan-tingnan ko ang mga aklat habang naghahanap kami na magsasakay sa amin (dahil wala kaming sasakyan, at nasa Calamba kami), nakita ko ang isang aklat na pinamagatang LOVING GOD, isinulat ni Charles Colson, isang politikong Amerikano na naging Kristiano. Nabasa ko na ang dalawa pa sa kanyang mga libro at na-challenge ako sa kanyang mga sinabi. Babasahin ko ito, nasabi ko sa aking sarili. Wala sa isip ko na ang February theme ng church ay “Building in the Power of Love.”

January 31 ko lang naitabi ang libro. Unang Martes ng Pebrero ko ito sinimulang basahin. Sa mga unang pahina pa lang ay natagpuan ko ang aking sarili na natamaaan at lumuluha. Natamaan dahil natutunan ko ang isang katotohanang hindi ko napansin sa buhay-Kristiano ko: karamihan sa atin ay alam na dapat nating mahalin ang Diyos, ngunit hindi natin alam kung paano mamahalin ang Diyos. Ano ang itutugon mo kapag tinanong ka ng ganito, “Paano mo ba minamahal ang Diyos?” Tinanong ito ni Colson sa mga kapwa niya Kristiano at ito ang sagot: “Ah—mamahalin ko Siya, … nang buong puso, ng buong kaluluwa, at ng buong lakas,” na sa tingin ko ay pag-quote sa isang Scripture na nabanggit ko sa itaas. Ang isa naman ay mabilis na sumagot, “Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pusong mapagsamba, at pag-aalay ng sarili bilang katanggap-tanggap na handog.” Nang magtanong si Colson ng mga halimbawa, sinabi nito ang tungkol sa pagbabasa niya ng Biblia at pananalangin—sa gitna ng kanyang pagsasalita ay natigilan siya—“Teka, pag-iisipan ko muna.” Marami pang tugon na sa huli ay napapatigil dahil mukhang mali ang kanilang pakahulugan ng “pag-ibig sa Diyos.”

Ikaw, ano’ng isasagot mo? Paano mo maipapakita sa iyong buhay na iniibig mo ang Diyos? Sa pag-attend? Sa pagkakaroon ng matinding damdamin? Sa pagtigil sa paggawa ng isang kasalanan? Kung ganito ang mga sagot mo, mababaw pa ang pagkakaintindi mo kung paano mahalin ang Diyos. At nakita kong ganito rin ako kababaw.

Naluha din ako. Naluha nang malaman ko ang isang totoong pangyayari na nagpakita ng kung paano mahalin ang Diyos. Kinwento ni Colson ang tungkol sa isang Rusong Judio na doktor na nasa ilalim na pahirap na rehimen ng Russia na komunista noong panahon ng World War. Nakakilala siya sa Panginoong Jesus at nakita niya ang kasamaan at kawalang-pag-asa ng kanyang paligid. Ngunit nakakilala na siya sa Panginoon, at ang kalayaan na naranasan ng kanyang ispiritu ang nagbigay din sa kanya ng kalayaan upang ipahayag ang kanyang naranasan—bagaman alam niyang ang pagbabahagi ng Biblia at pamumuhay ng bagong-buhay ay maaaring pagbayaran niya ng kanyang buhay. Ang siguradong kamatayan ay hindi pumigil sa kanya na ibahagi ang kanyang kaligtasan sa isang inmate na nagkasakit at napunta sa kanyang pangangalaga. Nakakilala ito sa Panginoon, at maligaya siyang nakatulog noong gabing iyon—ngunit hindi niya alam na ito na pala ang katapusan ng kanyang buhay—may pumalo sa kanyang ulo nang walong beses noong gabing iyon. Pero hindi ito naging walang-kabuluhan: ang pasyenteng ito na kanyang nadala sa Panginoon ang siya pa lamang gagamitin Niya upang dalhin ang Ebanghelyo sa Western World: si Alexander Solzhenitsyn.

Ito at ang mga halimbawa ng Biblia ang nagpapakita kung paano mo dapat mahalin ang Panginoon: pagsunod at pagtitiwala sa Kanyang Utos kahit na ang kapalit ay iyong kaginhawahan, materyal na pag-aari, pagkilala ng mga tao, trabaho, pamil-ya—maging ang sarili mong buhay. Ganito ba ang pag-ibig mo sa Diyos? Siyasatin mo ang iyong sarili at sikapin na magawa mo ito sa iyong buhay.