The Thriving Family

by Elijah Abanto

Mag-isip ka ng isang pamilya. Magigising ang mga anak,  hindi dahil sa tawag ng kanilang ina, o amoy ng masarap na almusal, ngunit dahil sa ingay ng pag-aaway ng kanilang tatay at nanay. Magmamadaling umalis ang tatay; ipapasa naman nung nanay ang kanyang galit sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng bulyaw at masamang tingin. Dahil doon, isa sa mga anak ang sasagot nang pabalang sa kanyang ina.Yung isa pang anak, na mas matanda sa kanya, ay papagalitan siya dahil sa kanyang ugali at manghahamon ng away. Aalis ang mga anak sa eskwela nang mapait at galit.

Walang may gusto ng ganoong pamilya. Ngunit madalas ay makikita natin ang ganitong uri ng eksena sa halos bawat pamilya—baka nga maging sa pamilya mo.

“Ano’ng gagawin namin ngayon?” itatanong mo. Huwag kang mag-alala; may pag-asa. Nagbibigay ang Biblia nang malinaw na mga instruksyon para magkaroon ng isang maka-Dios, lumalago, at nagtatagumpay na pamilya. Apat ito. Anu-ano ang mga ito?

 

Let’s start listening.

James 1:19—Wherefore, my beloved brethren, let every man be swift to hear, slow to speak, slow to wrath:

Proverbs 4:1—”Hear, ye children, the instruction of a father, and attend to know understanding.”

Ang salitang “listen,” noong tingnan ko sa Merriam-Webster Dictionary, ay may apat na ibig-sabihin kung gagamitin ito bilang isang action word. Lahat ay laging may karugtong na pagdinig, tulad ng iyong iniisip marahil. Ang isa ay isang makaluma o archaic na ibig-sabihin: “to give ear to,” paglalaan ng iyong tainga sa isang salita—parang yung ginagawa mo kapag may bumubulong sa iyo. Nagagawa mo na ba ito minsan sa iyong tahanan? Kung ikaw yung ama o ina, nagawa mo na ba ito sa iyong asawa o anak? O kung ikaw ay anak, sa iyong mga magulang? Ang nakakalungkot, ang  pakikinig ay isa sa mga malaking “kapanasanan” ng maraming indibidwal kasama mga Kristiano.

Mas madali tayong magsalita kaysa makinig. Ayon nga sa mga statistics, sa isang grupo na nag-uusap, kailangan lang magsalita ng isang tao ng labindalawang salita para automatic na magsalita ang isa pa. Kahit nagsasalita pa yung isa, awtomatiko, pagkaabot niya ng labindalawang salita, magsasalita na yung iba.

Marami sanang hindi na kinakailangang problema ng pamilya na naresolba kung ang pakikinig lamang ay kasama sa ating pag-uugali.

Ang salitang “hear,” kasama ang lahat ng anyo ng salitang ito, ay nababanggit sa Biblia ng higit sa 810 na beses. Kung paulit-ulit na binabanggit, ibig-sabihin mahalagang-mahalagang ito. Dapat tayong makinig kung magtatagumpay ang isang pamilya.

Heto ang ilang mungkahi na pwede mong gawin kung gusto mong malinang ang pagiging palamakinigin:

  • I-break mo ang statistics! Huwag kang sasabay na magsalita sa nagsasalita. Hintayin mo siyang matapos.
  • Huwag ka agad mag-react.
  • Hayaan mong may makipag-usap sa’yo ngayong lingo at huwag kang magsalita hangga’t hindi niya hinihiling sa iyong magsalita ka.

 

Let’s talk spiritual.

Ephesians 5:19—Speaking to yourselves in psalms and hymns and spiritual songs, singing and making melody in your heart to the Lord;

Philippians 1:27—For unto you it is given in the behalf of Christ, not only to believe on him, but also to suffer for his sake;

Nasa panahon na tayo kung saan ang “pakikipag-usap nang ispiritwal” ay pinagtatawanan o nililibak. Subukan mong magsabi ng “The Lord be with you” bilang pagbati kung hindi ka asarin. Pero mukhang hinulaan na ito ng Hosea 9:7, dumarating na raw ang panahon na ang propeta ay tinatawag nang baliw, ang ispiritwal na tao ay ulol.

Ngunit may isang bagay tungkol sa pagsasalita nang ispiritwal na nagpapakalma sa isang tao. May epekto pa nga na parang binabantayan nila ang kanilang aksyon o sinasabi.

Isang magandang halimbawa ng ganitong klase ng pag-uusap ay makikita kina Boaz, kanyang mga manggagawa, Ruth, at Noami. (hal., Ruth 2:4)

Maaari na nating simulan na makipag-usap nang ispiritwal, sundin mo lang ang mga mungkahing ito:

  • Panatilihin mo ang salitang “Dios” sa iyong pakikipag-usap nang hindi bababa sa 7 beses isang araw.
  • Subukan mong huwag matawa o mang-asar sa taong nagsalita ng ispiritwal. Tanggapin mo ito nang normal at may paggalang.

 

Let’s submit to one another.

Ephesians 5:21—Submitting yourselves one to another in the fear of God.

1 Peter 5:5—Likewise, ye younger, submit yourselves unto the elder. Yea, all of you be subject one to another, and be clothed with humility: for God resisteth the proud, and giveth grace to the humble.

Isipin mo na lang ang isang anak na lalaki o babae na nagpapasakop na lamang sa mga ipinag-uutos ng kanyang mga maglang. Wala ditong kaso kung anong klaseng magulang, kahit stepfather o stepmother iyan, masama o mabuting magulang—mas maganda kung nagpapasakop na lamang ang anak.

Isipin mo na lamang ang isang asawang babae na handang magpasakop sa kanyang asawa.

At isipin mo rin ang isang lalaki na binibigyang-konsiderasyon ang mga mungkahi ng kanyang asawa at anak at nagpapasakop rito kung ito naman ay tama.

Ang laki ng kaibahan, tama?

Maraming mga maliliit na bagay ang nagiging “iceberg” dahil sa kakulangan sa pagpapasakop. Ngunit marami din namang mga “icebergs” ang nawawala kapag may submission.

Paano mo lilinangin ang ganitong klase ng attitude? Try these two steps:

  • Ikaw na ang magtanong, “Mayroon po kayong ipapagawa?” “May kailangan ka ba?” “Ano sa tingin mo?” Mas madali na magpasakop kapag ikaw na ang nauunang mag-alok.
  • Planuhing sabihing “Oo,” kapag may nag-utos sa’yo, o nagbigay ng suwestiyon—basta alam mo namang tama at hindi naman nakakasama.

 

 

Let’s praise each other;

let’s pray for each other.

Philippians 2:3—Let nothing be done through strife or vainglory; but in lowliness of mind let each esteem other better than themselves.

1 Timothy 2:8—I will therefore that men pray every where, lifting up holy hands, without wrath and doubting.

James 5:16—Confess your faults one to another, and pray one for another, that ye may be healed. The effectual fervent prayer of a righteous man availeth much.

 

Patawarin niyo ako sa pagiging negatibo ko, ngunit, sa totoo lang, sa bawat panahon na ako ay napapadaan sa mga tahanan, kahit na sa mga Kristiano, bihira akong makarinig mula sa magulang ng mga positibong bagay tungkol sa kanilang mga anak. (Aminin!) Sa bawat mabuting ginawa, mayroon naman tayong itutumbas na sandaang masamang bagay tungkol sa tao. Sa mga anak, tuwing Mother’s Day o Father’s Day lang yata nakakapagsalita nang positibo! (Siguro pag may Children’s Day na rin ay magkaroon ng positibong masasabi ang mga magulang sa anak!) Madalas din sa pagitan ng mag-asawa ang ganitong klase ng eksena—pintasan, simangutan.

Ngunit alam mo, at alam ko, na mas nakakatulong ang mga positibong salita kaysa negatibo. Kahit kailan ay ganun na iyon. Mas mahirap tanggapin ang negatibo. Hindi naman dapat mawala ang negatibo, lalo na kung totoo at karapat-dapat namang banggitin; ngunit lalong hindi dapat kung walang positibo.

Ang resulta tuloy ay mga mabababa, imbes na naitataas, na ispiritu. Galit, at hindi kabaitan ang karaniwang resulta ng puro na lang pintas. Bakit hindi purihin ang mga nagawang tama ng isa’t isa? Kung may mali, ipanalangin natin nang taimtim sa Dios; kung kailangang kastiguhin, gawin mo, ngunit hindi dapat nawawala ang pagpansin ng tama.

 

Ilang mga suwestiyon:

  • Purihin agad-agad ang nagawang tama at huwag nang ipagpaliban pa. Mas madali itong gawin nang “on-the-spot” kaysa maghintay ka pa ng “tamang” panahon. Hindi na iyon darating.
  • Ipag-pray siya kung may nagawa siyang mali.

 

Mag-isip ka uli ng isang pamilya. Gigising ang mga anak—dahil mayroon silang morning devotions. Babati ang mga anak, “Magandang umaga po.” Pagkatapos ay mananalangin sila. Nakahanda ang masarap na almusal. Mukhang masaya si Ama. Maaliwalas ang mukha ni Ina. Ang lalaki, bago umalis, ay magtatanim ng halik ng pagmamahal sa kanyang asawa, na nagsasabing, “Gabayan ka ng Panginoon sa ating mga anak.” “Pagpalain ka ng Dios,” sasagot ang asawa nang pagkatamis-tamis. Ang mga anak? Nakangiti, halos-mangiyak-ngiyak na sa ligaya, at nagsasabing, “Ba-bye.” At mula doon ay magpapasalamat sila sa Dios para sa araw na iyon at sa mga magulang habang papunta sa school.

Ang lahat ay nagnanais ng ganoong klase ng pamilya. Pero, huwag kang mag-alala; hindi lang ito posible sa fairy tale—pwede rin itong mangyari sa totoong buhay. Sa tulong ng Dios, pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita, at patuloy na pananalangin sa Kanya, ang pamil-ya mo’y magiging maka-Dios, lalago, at magtatagumpay.

Nagsisimula iyon—sa’yo.

Advertisements

Thriving Families

Kung mayroon mang panahon na higit na kailangan ang mga pamilyang makadiyos, lumalago, at nagtatagumpay—ngayon iyon. Ipinapakita ng Biblia sa pamamagitan ng mga halimbawa nitong mga karakter—ang kahalagahan ng isang pamilya. Hindi naman kinakailangan ang isang perpektong pamilya, ngunit isang pamilya na may takot sa Dios—sapagka’t sa ganoong paraan, ang isang pamilya ay magtatagumpay.

Sa ngayon ay maraming bigong pamilya—mga pamilya natatapos sa kahihiyan, kasiraan, paghihiwalay, kawalan ng pagtitiwala, at poot. Malulungkot ka na lamang kung makakarinig ka ng mga ganoong balita—dahil mahirap, kung gusto mo man, na ayusin ang ganitong klase ng trahedya. Minsan ay imposible pa nga.

Ngunit ang lahat ng bagay ay may pag-asa pa. Basta’t umasa ka lamang sa Dios at magpatuloy sa pagsunod sa mga utos Niya, ang pamilya mo ay magtatagumpay. Ang pagbabasa ng mga kwento ng mga pamilya sa Biblia ay makapagbibigay sa’yo ng lakas ng loob para magpursige. Mayroon sa kanilang dumaan sa mga pagsubok, ngunit nagtagumpay; mayroon namang ding nabigo.

  • Adam (Genesis 3-4)
  • Noah (Genesis 6-9)
  • Abraham (Genesis 12-25)
  • Isaac (26-28)
  • Jacob (29-50)
  • Amram (Exodus 2:1-10)
  • Elkanah (1 Samuel 1-2: 11, 18-26)
  • Eli (1 Samuel 2:12-17, 27-36; 3-4)
  • David (2 Samuel)
  • Joseph and Mary (Matthew 1-2; Luke 2)
  • Eunice (2 Timothy 1:5)

Kailangan ng henerasyon na ito ng mga pamilyang makadiyos, lumalago, at nagtatagumpay. Ngunit kung magiging ganito ang iyong pamilya, kailangan muna na una ay nais mo talaga ng ganitong klaseng pamilya, pangalawa ay determinasyon na ipursige ito, at pangatlo Dios na iyong pinaniniwalaan at sinusunod.

How to Love Your Mother

by Charles F. Stanley

Mahal mo ba ang iyong ina?

Alam ba ng iyong ina na mahal mo siya? Mayroon ka na bang ginawa para ipakita sa kanya na mahal mo siya? Sinabi mo lang ba sa kanya? Kung mayroon bang lumapit sa’yo at tinanong kung bakit mo mahal ang iyong ina, ano’ng sasabihin mo? “Ah, kasi, eh…, nanay ko siya eh.” Hindi iyon isang magandang sagot. Maraming mga tao ang iniisip na mahal nila ang kanilang ina, ngunit hindi naman—hindi nga nila alam kung paano.

Ipinapakita mo ba ang iyong debosyon sa kanya at iyong pagiging mapagpasalamat para sa lahat ng nagawa niya para sa iyo? Isang bagay ang pagsabi na mahal mo ang iyong ina, ngunit isang bagay rin ang gustuhin na ibigay ang kinakailangan upang siya’y igalang at magmalasakit para sa kanya. Malamang ang pinakadakilang halimbawa nito ay pinakita mismo ni Jesus habang Siya’y nakapako sa krus.

Sinasabi sa atin ng John 19:26-27, “Nang makita ni Jesus ang Kanyang ina, at ang alagad na Kanyang iniibig na nakatayo malapit sa Kanya, sinabi Niya sa Kanyang ina, ‘Babae, masdan ang iyong anak!’ at pagkatapos ay sinabi Niya sa alagad, ‘Masdan ang iyong ina!’ Mula noong oras na iyon ang alagad na iyon ay dinala siya sa sariling tahanan nito.” Kahit sa mga oras ng Kanyang kamatayan, ay inisip ni Jesus ang Kanyang ina at gumawa ng paraan upang ito’y maalagaan.

Tinatrato mo ba ang iyong ina nang may kaparehong pag-ibig at respeto na ipinakita ni Kristo? Kahit na ikaw ay tumira na malayo sa iyong ina o kung hindi na siya nabubuhay, ang paraan kung paano mo siya pag-usapan sa harap ng ibang tao at kung paano ka mabuhay ay nagsasabi ng maraming bagay sa kung ano ang iyong ugali sa iyong ina. Narito ang sampung paraan na mamahalin at igagalang mo ang iyong ina sa paraan na nakalulugod sa Diyos.

  1. Ibigin mo ang iyong ina sa salita. Kailangan ng isang babae na marinig na siya ay mahal, kaya sabihin sa iyong ina na nagmamalasakit ka para sa kanya araw-araw, hangga’t maaari. Ipakita ang iyong paghanga para sa kanyang mga magagandang katangian, at huwag mo siyang pupunahin sa paraan na masasaktan siya. Alalahanin, sinasabi ng Exodus 20:12, “Igalang ang iyong ama at iyong ina, upang ang iyong buhay ay humaba.” Kung kailangan mong komprontahin ang iyong ina tungkol sa isang bagay, gawin ito nang magalang na may pag-ibig at respeto. Ipinapangako ng Diyos na kapag ginawa mo ito, ang buhay mo ay magiging buo.
  2. Ibigin ang iyong ina sa pisikal na paraan. Ang iyong ina ang unang humawak at kumalong sa’yo. Siya ang nagpakain sa’yo, nagdamit sa’yo, at nagtatag ng iyong karakter sa paraan na hindi magagawa ng kahit sino. Kailangan niya ng mapagkalinga mong haplos. Samakatwid, yakapin ang iyong ina nang madalas. Kahit na kung hindi niya alam kung paano ibabalik ang iyong pagmamahal, yakapin pa rin siya kapag may pagkakataon. Gagawa ito ng malaking pagkakaiba sa kanyang buhay—at maging sa iyo.
  3. Ibigin ang iyong ina nang mapagpasensya. Walang tao na perpekto, ngunit kung may isang tao na karapat-dapat para sa ating pang-unawa, yun na ang iyong ina. Bagaman totoo na ang ating mga ina ay nakakapagsabi minsan at nakakagawa ng mga bagay na hindi natin gusto, dapat nating alalahanin na sila ay nagpapagal sa ilalim ng isang malaking responsibilidad. Ito ay talagang totoo kapag iniisip natin ang mga nag-iisa sa buhay na mga ina na pinapalaki ang kanilang mga anak sa kanilang sarili. Hindi lamang nila dinadala ang bigat ng pagpapakain at pagdadamit sa kanilang pamilya, kundi pati ng pagpapaaral sa kanila, pagtuturo sa kanila na hanapin ang Diyos, at paggabay sa kanila na mabuhay sa moral na paraan. Imbes na magreklamo, dapat natin silang ipanalangin nang madalas.
  4. Ibigin ang iyong ina nang mapagpasalamat. Anumang klase ng paraan ka pinalaki ng iyong ina, siya ang nagbigay sa iyo ng buhay at ginawa ito sa pinakamainam na paraang alam niya. Mapagpasalamat ka ba sa kanyang mga pagpupunyagi? O malamang ay hinahatulan mo siya sa pamamagitan ng isang hindi makatwirang pamantayan? Mayroon mga alaala sa kanyang puso na hindi mo na malalaman kung ano. Sa totoo lang, kung alam mo lang ang lahat ng mga pangyayaring naka-impluwensya sa kung paano ka niya pinalaki, baka magulat ka sa kung paano niya nagawa ito. Samakatwid, humanap ng mga paraan upang ipakita ang iyong pagpapasalamat para sa lahat ng ginawa ng iyong ina para sa iyo. Itaas mo siya sa pamamagitan ng pamumuhay ng isang maka-diyos na buhay at pagpasa ng pag-ibig at mga prinsipyo na itinuro niya sa iyo sa iyong mga anak.
  5. Ibigin ang iyong ina nang mapagbigay. Kailan ang huling pagkakataon na gumawa ka ng isang bagay para sa iyong ina upang ipakita ang iyong pag-ibig para sa kanya? Inisip mo ba kung ano ang pwede mong gawin para maging madali ang pamumuhay ng iyong ina? Ano ang bagay na gusto o kailangan niya? Panatilihing bukas ang iyong mga tainga at mata para sa mga bagay na maibibigay mo sa kanya. Palaging tandaan, hindi nakakalugod sa Panginoon na ang isang mananampalataya ay nagpapayaman at iniiwan ang kanyang ina sa kahirapan. Huwag mo siyang kalimutan. Imbes, ibigay sa kanya ang anumang kailangan niya nang mapagmahal at nagsasakripisyo.
  6. Ibigin ang iyong ina nang magiliw. Maging bukas at sensitibo sa mga damdamin ng iyong ina. Sa kabuuan, ang mga ina ay natural na emosyonal (ganoon ang pagkakagawa sa kanila ng Diyos), at ang lahat na talagang kailangan nila bilang balik ay para sa atin na pansinin sila at makinig sa kanilang mga iniisip at mga damdamin. Sa totoo lang, habang tumatagal ang buhay ng iyong ina, palaki nang palaki ang oras na gusto niyang makasama ka. Siyempre, kailangan nito ng iyong maingat na atensyon at pasensya. Ngunit kapag iyong mapagtanto na hindi mo laging mararanasan ang kasiyahan na makasama siya, makikita mo kung gaano kahalaga ang mga sandaling iyon.
  7. Ibigin ang iyong ina nang mapagpatawad. Ang katotohanan ay, walang lehitimong rason para ikaw ay magpanatili ng tampo laban sa iyong ina. Sa Ephesians 4:32, itinuturo ng apostol Pablo, “Maging mabait sa isa’t isa, may malambot na puso, nagpapatawad sa isa’t isa, tulad na ang Diyos alang-alang kay Kristo ay pinatawad din kayo.” Kung may pagkakataon na nagsisimula kang magalit tungkol sa nakalipas na sakit, alalahanin ang maraming mga pagkakataon na pinatawad ka niya at ng Diyos. Isipin mo ang tungkol sa lahat ng mga pagkakataon na siya ay nagsakripisyo para sa iyo, at pagdaka’y magpakita sa kanya ng pagpapatawad at awa.
  8. Ibigin ang iyong ina nang mapamintuho (devotedly). Kailan ang huling pagkakataon na nanalangin ka kasama ang iyong ina? Tumindig ka na ba para sa kanya nitong huli, sinisiguradong naiisip niya na ikaw ay nasa kanyang panig? Kahit na ano ang mangyari, kailangan ng iyong ina na malaman na nasa kanya ang iyong suporta. Kaya siya’y ipagtanggol, protektahan, at aliwin mo. Magbigay-atensyon sa kung ano ang kanyang inaalala at kung ano ang kanyang mga interes. At siguraduhin mong alam niya na nandyan ka para sa kanya, anuman ang dumating.
  9. Ibigin ang iyong ina nang may kasiyahan. Sa maraming mga pagkakataon ay dinadala natin ang ating mga alalahanin sa ating mga ina, at nakakalimutan na dalhin ang ating mga ligaya at tagumpay sa kanila nang katulad. Kailangan ng ating ina ng pampalakas—na malaman na tayo’y nasa mabuting kalagayan. Kaya dapat nating siguraduhin na manatiling positibo, patawanin sila, at alalahanin ang lahat ng mga magagandang pagkakataon na mayroon kayo nang magkasama.
  10. Ibigin ang iyong ina nang may paggalang. Nabubuhay ka ba sa paraan na ang iyong ina ay matutuwa sa iyo? Wala nang ibang nakapagpaparangal sa iyong ina kaysa ang makita ka at iyong mga anak na nagiging makadiyos na mga mananampalataya na buo ang debosyon kay Jesu-Kristo. Ipakita sa kanya na ang mga binhi ng pag-ibig na itinanim niya sa iyo ay nagresulta sa isang kamangha-manghang pag-ani ng bunga para sa kaharian ng Diyos.

 

KONGKLUSYON

Mahal mo ba ang iyong ina? Alam ba niyang nagmamalasakit ka sa kanya? Paano mo siya napapalakas at naipapakita ang iyong debosyon sa kanya? Wala nang ibang mas mahalaga sa mundo tulad ng isang makadiyos na ina, at malaking bagay na ito’y iyong mapagtanto. Kaya ibigin ang iyong ina sa salita, sa pisikal na aspeto, nang mapagpasensya, mapagpasalamat, mapagbigay, magiliw, mapagpatawad, mapamintuho, may kasiyahan, at magalang. Magsimula ka na ngayon. Nabubuhay man siya nang malapit sa’yo o kasama na ng Panginoon, ipagdiwang ang kanyang buhay sa pamamagitan ng kung paano ka mabuhay.

Ang artikulong ito ay ibinase sa pangangaral, at Life Principles Notes ni Dr. Charles R. Stanley, In Touch Ministries, www.intouch.org. Na-access May 13, 2010. Isinalin sa Tagalog ni Elijah Abanto.

 

Are You Like Jesus?

Madalas, tayong mga kabataan ay magaling sa maraming mga bagay bukod nga lang sa kung paano natin ipapakita ang ating pagmamahal sa ating magulang, partikular sa ating mga ina. Kapag tatanungin tayo kung mahal natin ang ating ina, kadalasan ay sasabihin nating “Oo,” pero nabibigo tayong ipakita ito. And every time we try, we always end up disappointing them. Pagkayakap natin sa ating ina pagkauwi galing sa eskwela, ay bigla naman tayong makikipagsagutan sa ating kapatid, na alam nating sisira sa araw ni nanay.

Mayroon pa sa ating nagtatago ng tampo o maging galit sa ating ina, at maaaring lehitimo ang dahilan—ngunit alam naman nating hindi tama. May ilan pang nagbabalak maglayas. We’ve willingly done almost every thing para sila’y i-disappoint.

Pero kung sakaling nais mong itama na ang lahat, una mong tingnan si Jesus. Siya ang the best na naging anak sa Kanyang ina dito sa lupa. Masunurin Siya (Luke 2:19) at hindi Siya sakit ng ulo ng Kanyang pamilya at lipunan (v. 20). Ayon sa kasaysayan at tradisyon, maagang namatay si Joseph, at bilang panganay ay tinupad ni Jesus ang kanyang katungkulan na tumayo bilang breadwinner hanggang dumating Siya sa tamang edad. Kahit na alam Niyang hindi pa oras, ay sumunod Siya sa hiling ng Kanyang ina (John 2:1-11). At kahit sa oras ng Kanyang kamatayan, inisip Niya pa rin ang magiging kalagayan ng Kanyang ina (John 19:25-27). Jesus is the best example of a son we ought to follow.

—Bro. Elijah Abanto

 

A Mother’s Greatest Gift

by Dr. Charles F. Stanley

Bilang mga magulang, nais natin na ang ating mga anak ay maglaan ng oras kasama natin, makipag-usap sa atin, at manatiling malapit sa atin habang buhay. At mas mahalaga, nais natin silang gustuhin din ang kaparehong bagay. Ngunit kung hindi natin sila iibigin nang walang pasubali o kondisyon ngayon, malamang ay hindi nila gugustuhin na maging malapit sa atin sa darating na panahon.

“Ngunit hindi ba ako ang responsible para tulungan silang malinang tungo sa kanyang pinakamataas na potensyal?” maaari mong itanong. “Wala bang mga pagkakataon na kailangan kong itulak pa sila nang kaunti?”

Tumpak! Sa totoo lang, ang pagmo-motivate sa ating mga anak patungo sa kagalingan at pag-unlad ay bahagi ng pagpapakita ng walang-pasubaling pagmamahal at pagtanggap sa kanila. Kapag hinahayaan natin ang ating mga anak na basta na lamang makasabay sa buhay, ito ay isang anyo ng hindi-direktang pagtanggi.

Kung nais mong ma-motivate ang iyong mga anak nang hindi nagpapakita ng kahit anong ugali ng pagtanggap na may hinihinging kondisyon, dalawang mga bagay ang dapat na maging totoo:

Una, ang lahat ng iyong pagtulak at pagtatagubilin ay dapat na unahan ng pagpapakita ng walang-kondisyong pagmamahal sa kanila. Nararapat na magkaroon ng mga alaala ng kanilang pagiging karapat-dapat sa iyong mga mata. Sa mga alaala, ang ibig kong sabihin ay mga naunang pangyayari o pakikipag-usap na malinaw na nagpakita ng iyong pagmamahal.

Ang mga alaala ay nakakatulong dahil nagbibigay ang mga ito sa iyong mga anak ng mga bagay na maaalala para mapaalalahanan kapag tinutulak mo silang gumawa. Minsan ang iyong mga inaasahan ay magiging napakataas, at sila’y mabibigo. Kapag walang mga paalaala ng iyong walang-pasubaling pagtanggap, maaaring katakutan ng mga anak ang iyong pagkadismaya at pagtanggi.

Ang mga alaala ay maaaring maisagawa sa anyo ng isang regalo o kahit na pagbibigay ng ilang mga pribilehiyo. Sa pagbibigay ng regalo, idiin na iyon ay hindi konektado sa anumang partikular na okasyon o aksyon sa kanilang bahagi; binibigyan mo sila dahil mahal mo sila.

Pangalawa, upang maayos mong ma-motivate ang iyong anak, dapat mo siyang sukatin sa pamamagitan ng kanyang kakayahan, hindi sa kakayahan ng iba. Ang pagkukumpara ng nagagawa ng isang anak sa nagagawa ng iba pagdaka ay nakasisira ng tamang pagtingin sa sarili, pagpapahayag ng indibidwalidad, at pagiging malikhain.

Ang tunay na susi rito ay ang tingnan ang bawat isa sa iyong mga anak bilang isang indibidwal na unique, o walang katulad. Ang bawat bata ay pinagkalooban sa isang partikular na paraan. Ang iyong layunin bilang isang magulang ay ang makita ang kalakasang ito at idiin ito habang ang iyong anak na lalaki o babae ay lumalaki,  sapagka’t sa lugar ng talento ng iyong anak ay nakahimlay ang pinakamalaking potensyal para sa kagalingan. Sa pamamagitan ng paglilinang ng mga kalakasang ito, ikaw ay makakagawa din ng mga dakilang bagay para sa tamang pagtingin ng iyong mga anak sa kanilang sarili.

Nung ako’y lumalaki, hindi ako naging mahusay sa high school. Naging okay naman ang lahat, pero hindi ako nagkaroon ng magandang simula. Bilang resulta, hindi ko sinabi sa aking mga anak na inaasahan ko silang makakuha ng mga A o B habang sila’y nasa eskwela. Hindi ko sinabi sa kanila na kailangan nilang makasali sa baseball team o maging pinaka-popular. Imbes, ang aking tanong ay, “Ginawa mo ba ang the best mo?”

Isang magandang paraan upang malaman kung nakakaramdam ang iyong mga anak nang walang-pasubaling pagtanggap o hindi ay sa pamamagitan lamang ng pagtatanong sa kanila, “Ano sa tingin mo ang kailangan mong gawin para maipagmalaki ka ni Nanay at Tatay?”

Limiin ang sagot nang maingat. Ito ba ay may kaugnayan sa ginawa? Nararamdaman ba nila na kailangan muna nilang gawin ang lahat ng mga gawain araw-araw o maging estudyante na puro A? Pakiramdam ba nila na sila’y obligado na makasali sa isang grupo, o makagawa ng isang gawain upang makuha nila ang iyong pagtanggap?

Marahil ang sagot ay mas may-kaugnayan sa karakter. Naniniwala ba ang iyong mga anak na ang paggawa ng kanilang pinakamagaling sa bawat gawain na mayroon sila ay ang siyang magpapasaya sa’yo? Alam ba nila na maipagmamalaki mo sila sa pagsunod sa Diyos, anuman ang kapalit?

Ang kanilang sagot ay magbibigay sa’yo ng kaalaman sa kung ano talaga ang iyong naiparating, anuman ang iyong nasabi. Ang naitatag mong sistema ng pagpapahalaga ang magsisilbing basehan kung saan matatanggap nila ang kanilang mga sarili at ibang tao.

Ang pagsasabi sa iyong mga anak na tinatanggap mo sila nang walang kondisyon ay hindi sapat. Sumulat ang apostol Juan, “Mga maliliit kong mga anak, huwag tayong umibig sa salita o dila lamang, ngunit sa gawa at sa katotohanan” (1 John 3:18). Ang walang-kondisyon na pagmamahal at pagtanggap ay naipaparating nang mas malinaw sa pamamagitan ng ating ginagawa at kung paano natin ito gawin kaysa sa kung anong sinasabi lamang natin.

Ang ating mga anak ay dapat na magkaroon ng nakatabing mga alaala upang mapanatili ang kanilang paniniwala na tunay natin silang minamahal, anuman ang mangyari. Ang ganitong klase ng pag-ibig ay sinasabi sa ating mga anak na tinatanggap natin sila sa kung sino sila—anuman ang kanilang nagagawa. O anong klase ng seguridad at pagtanggap ang naibibigay nito sa kanila!

Pinapalakas mo ba ang loob ng iyong mga anak upang magtagumpay? Hindi mo kailangang magtulak ng mga ekspekstasyon sa kanila. Kung ating ide-derekta ang kanilang tuon sa Panginoon, ay gugustuhin nilang maging masunurin at gawin ang kanilang pinakamagaling para sa Kanya.

Huwag mong baliwalain ang impluwensya na mayroon ka sa buhay ng iyong mga anak. Tandaan, ang paraan kung paano ka kumilos sa harap nila ngayon ay nakaka-impluwensya nang malaki sa paraan kung paano sila tutugon sa’yo bukas.

 

Ang artikulong ito ay ibinase sa aklat ni Dr. Charles R. Stanley na, “How to Keep Your Kids on Your Team” (1986) at nakuha sa www.intouch.org, May 13, 2010. Isinalin sa Tagalog ni Elijah Abanto.

 

Jesus Loves You, Mother!

Madalas ay hindi mahusay ang mga anak sa pagpapatunay ng kanilang pagmamahal sa kanilang mga magulang, partikular na sa mga ina. Maaari mang wala lang ito sa mga ama, ngunit napakahalaga nito para sa mga ina. Tulad na nais niyang ipakita ng kanyang asawa ang pagmamahal nito sa kanya, nais din ng isang ina na mahalin siya ng kanyang mga anak at ipakita ito sa kanya. But kids always fall short. Madalas pagkatapos ng isang mahigpit na yakap sa ina pagkagaling sa school ay makikita naman ni nanay na nakikipagsigawan sa kapatid. At alam ng lahat ng mga anak na sira na ang araw ni mommy dahil doon.

Maraming nagbabasa nito ay isang ina. Ina, kamusta na? Nanay, isa na naman bang araw ng pagtitiis? Mommy, okay ka lang ba ngayon? May mga magsasabi po siguro sa inyo, “Okay na sana, kung hindi lang sa mga pasaway kong anak.” Iniisip niyo na ginagawa niyo nang lahat para sa kanila, pero, parang walang epekto—walang pinatutunguhan. Araw-araw ay dinadalaw kayo ng takot, “Maglalayas din kaya siya? Magrerebelde?” at kakabit noon ay isang panalangin, “Sana’y hindi. Sana’y hindi.” But there’s more than that. Ang isang anak na tulad ko ay hindi rin kayang maarok ang pag-ibig para sa akin ng aking ina. At dahil doon ay nakakagawa ako ng mga bagay na nakakasakit sa kanya.

Pero buti na lang, magkulang man kaming mga anak, may isang tunay na nagmamahal sa inyo—si Jesus. Naging anak din Siya ng isang ina, ngunit, hindi Siya nagkulang. Hanggang sa kamatayan sa krus, ay hindi Niya nakalimutan ang kalagayan ng kanyang ina. Siniguro niyang may mag-aalaga at magkakalinga rito bago Siya mamatay. (John 19:25-27) At kung parang hindi man nararamdaman ng inyong mga anak ang bigat na inyong pinapasan, sigurado, naramdaman Niya iyon. (Luke 23:27-29)

Mga ina, mahal kayo ni Jesus! Mahal na mahal kayo ni Jesus na pinili Niya ring mamatay para sa iyong mga kasalanan. At handa Siyang tanggapin ang lahat ng kabigatan mo, ibigay mo lamang sa Kanya. “Casting all your care upon Him; for He careth for you” (1 Peter 5:7).

—Bro. Elijah Abanto

 

Who Can Measure A Mother’s Love?

Susannah Wesley

MRS. SUSANNAH WESLEY & HANNAH—A STRIKING SIMILARITY

Ilang anak ang mayroon sa iyong pamilya—isa… dalawa… apat… labing-siyam? Ano kaya ang pakiramdam ng may 18 kapatid na lalaki at babae? Imposible ba?

Si Susannah Wesley ay may 19 na anak, kabilang si John (isang kilalang mangangaral) at si Charles (isang kilalang manunulat ng awit). Para ma-manage niya nang maayos ang kanyang malaking pamilya, sinunod niya ang mga pamantayang ito.

1) Ang pagkain sa pagitan ng kainan ay bawal (snacks).

2) Natutulog na ang mga bata nang alas-otso nang gabi.

3) Uminom dapat sila ng gamot nang walang reklamo.

4) Turuan agad ang anak na mag-pray kapag nakakapagsalita na.

5) Patahimikin ang lahat kapag nasa church o may devotion.

6) Huwag ibigay ang gusto kapag umiiyak, yung lang hinihingi nang magalang.

7) Para maiwasan ang pagsisinungaling, huwag parusahan ang pagkakamaling inamin at pinagsisihan.

8) Huwag hahayaang hindi maparusahan ang kasalanang ginawa.

9) Huwag parusahan ang anak ng dalawang beses para sa isang pagkakamali.

10) Itaas at parangalan ang maayos na ugali.

11) Bawat pagsubok ng anak na makalugod, kahit na hindi masyadong nagawa nang maayos, ay dapat na purihin.

12) Panatilihin ang karapatan sa pag-aari (toothbrush, tuwalya), kahit na sa maliliit na bagay.

13) Gawing totoo ang lahat ng mga ipinangako.

14) Huwag sapilitang pagtrabahuhin ang anak na babae hangga’t hindi pa nakakabasa nang maayos.

15) Turuan ang mga anak na matakot sa Panginoon.

  • TAKE A LOOK/ 1 Samuel 1:21-28; 2:18-21

Kagaya ng sinumang ina, concerned si Mrs. Wesley sa pisikal, mental, emosyonal, at ispiritwal na paglago ng kanyang mga anak. Kahit na ang mga eksperto ngayon sa pagpapalaki ng anak ay hindi kayang pantayan ang mga pamantayang kanyang sinunod 300 na taon nang nakalilipas para mapantayan ang mga goals na iyon! Ang First Samuel 1:21-28 at 2:18-21 ay nagsasabi din ng isa pang kakaibang ina. Paano niya napakita ang pag-ibig para sa kanyang anak?

  • TAKE A STEP

Nalaman ni Hannah kung anong pinakamaganda para sa kanyang anak na si Samuel:

“For his whole life he will be given over to the Lord(1 Samuel 1:28).

Parehong kagustuhan nina Hannah at Mrs. Wesley na kumilala at sumunod ang kanilang mga anak sa Panginoon. Paano sa tingin mo natulungan ng mga rules ni Mrs. Wesley na matutunan ng kanyang mga anak na mahalin ang Panginoon? Bakit hindi mo idikit ang mga ito sa iyong pader at subukang sundin simula ngayon?

 

Translated from Family Walk, published by Walk Thru the Bible Ministries and Zondervan.