Lakad Tayo!

daily walk

by Elijah Abanto

Lahat na siguro tayo nakipag-usap—kahit nga sanggol nakikipag-usap na, kahit utal-utal pa ang pananalita! Oo, nakaranas na tayong lahat makipag-usap.

Ano nga ba ang pakikipag-usap? Ito ang pakikipagpalitan ng dalawa o higit pang mga persona ng mga salita tungkol sa isang pangkaraniwang paksa. Kaya sa pakikipag-usap hindi pwedeng mag-isa ka lang, bukod na nga lang kung kinakausap mo ang iyong sarili—in a way, parang dalawang tao din iyon!

With that in mind, imagine-in niyo ang dalawang taong naglalakad sa daan. Karaniwan ay ganito ang eksenang ating kinabibilangan kapag tayo ay may visitation o soul winning. Ano bang ginagawa niyo habang kayo ay naglalakad-lakad sa daan? Wala bang imikan? Walang salita, lakad lang? Siguro napapasabi ka, “Siyempre naman hindi! Nag-uusap kami—nakaka-boring kaya ang walang kausap!” Tama. At tsaka kung gusto mong mapalapit sa taong iyon, hindi mo siya susupladuhan. Tama?

Dalhin natin ang ganyang kaisipan sa relasyon natin sa Diyos.  Simula nang tayo’y magsisi sa ating mga kasalanan, naniwala sa Kanyang ginawa sa krus ng Kalbaryo, at tinanggap Siya sa ating mga puso bilang Tagapagligtas, nagkaroon na tayo ng relasyon sa Diyos: Siya ang ating Ama, at tayo nama’y Kanyang mga anak. At simula nang maging Kristiano ka, ay lagi na tayong lumalakad na kasama Niya. Mayroon na tayong daily walk kasama Siya.

Ngunit nakikipag-usap ka ba sa Kanya? Para alalahanin kung ano ang ibig-sabihin ng pakikipag-usap, bumalik ka sa unang pahina. “Pakikipagpalitan.” In some way, “mahiyain” ang ating Ama, at nais Niya na ikaw ang magsimula ng usapan—ayaw ka Niyang pilitin sa usapang hindi mo naman gustong gawin.

Nalaman natin na tayo ay nagsasalita sa Ama sa pamamagitan ng prayer, o pananalangin. Ang Diyos naman ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng pag-aaral natin ng Biblia, o Bible study. (Bible study, dahil, kung babasahin lamang, at hindi natin iintindihin, hindi iyon pakikipag-usap.)

Ano’ng ginagawa natin pag nanalangin? Sinasabi natin lahat (lahat, dapat) sa Kanya—ating mga kasalanan (pag-amin),  ating mga pagpapala at biyaya (pagpapasalamat), at ating mga kailangan (paghiling). Sa paraang ito ay nagsasalita tayo sa Kanya. At karamihan sa atin ay hindi nabibigo sa bahaging ito—kahit iilang minuto lamang (ngunit hindi naman din dapat ganon lang kaikli), ay nagagawa nating magsalita sa Kanya. (Pansinin niyo na laging “magsalita” ang ginagamit ko, hindi “makipag-usap.”) Ngunit paano ang Bible study? Marami sa atin ang nabibigo sa bahaging iyan. At parang wala lang sa atin kung mapag-aralan natin ang Biblia o hindi sa buong araw.

Ngunit isipin mo na lamang kung sa usapan ay yung kasama mo lang ang salita-ng-salita at hindi ka niya binibigyan ng pagkakataon na magsabi ng kahit isang salita lang. Naiinis ka. Nababagot ka. Baka hindi ka na makapagpigil at magsabi ka, “Ano ka ba, bakit ayaw mo akong pagsalitain? Gusto mo ikaw lang ang nagsasalita?” At ikaw, galit, ay mas mamabutihin pa iwan na lang siya, at maghanap na lang ng ibang bubuwisitin niya.

Ngayon balik tayo sa Diyos. Kinakausap Niya tayo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Biblia. (“Kinakausap” ang aking ginamit dahil bago ka kausapin ng Diyos, ikaw muna ang dapat lumapit sa Kanya at magsalita. Ipapaliwanag ko maya-maya.) Ibig-sabihin, kung hindi tayo nagbabasa at nag-aaral ng Biblia, parang tayo yung taong ayaw pasalitain yung kausap. Nakuha niyo ba? At dahil doon, “iiwan” Niya tayo at hindi na pakikinggan ang ating panalangin—bagaman, dahil mapagpasensya ang Diyos ay matagal pa bago Niya gawin ’yon. Pero isipin mo na lang kung ano’ng nararamdaman Niya sa ating ginagawa pag walang Bible study. Parang tinatakpan natin ang bibig Niya nang sapilitan.

Dahil ang Diyos ay “mahiyain,” lumapit ka sa Kanya at sabihin mong kausapin ka Niya. “Ano po bang gusto Ninyong sabihin sa akin?” Lumapit ka sa Bible mo at buksan sa Scripture reading, at sabihin mo, “Ano po ang gusto Niyong ipaunawa mula dito?” At kakausapin ka Niya nang buong puso, at pakikinggan Niya rin kung ano ang sinasabi mo sa Kanya. Di ba ganon ang magandang pakikipag-usap? Titibay ang inyong relasyon ng Diyos; nasisiyahan Siya, at natutuwa ka rin.

Bakit hindi mo iyon gawin simula ngayon? Tama na ang walang imikan! Tama na ang ikaw lang ang salita nang salita! Isaayos mo na ang paglakad mo kasama Siya.

Maglaan ka ng takdang oras. 6 AM. 12 NN. 3 PM. 9 PM. Kahit ano’ng oras basta magtakda ka. At sundin mong palagi. Huwag kang mahuhuli—dahil hindi nahuhuli ang Diyos sa iyo. At kung sakaling mabigo ka ng isang beses, ‘wag kang manghina—hingin mo lang ang Kanyang tawad, at magsimula kang muli nang panibago. At kung ano’ng sabihin Niya sa iyo, huwag magdalawang-isip na sundin iyon. At sinasabi ko sa iyo, mas malamang ay “susundin” Niya rin ang sinasabi mo sa Kanya!

“Lakad tayo!” sabi ng Diyos. At sa paglakad na iyon ay titindi lamang ang inyong relasyon ng Diyos kung mag-uusap kayong dalawa. Di ba ang ganda? Kung mapagtatanto lang natin.

Nagbabasa Ako…

by Elijah Abanto

Hindi karaniwang ugali ng Pilipino ang magbasa. Bunga ito ng mga pagano nating simula bilang mga Indones at nagpatuloy sa pananakop ng mga Español na kung saan ay ginawa pa lalo tayong mga ignorante na dapat “sumunod na lang at huwag nang magtanong” sa loob ng 333 taon. Naibalik lang ang ating kamalayan sa pananakop ng mga Amerikano nang 77 taon kung saan nabigyan tayo ng tamang edukasyon. Ngunit ang 77 taong ito ay hindi sapat upang tablan ang 333 taong impluwensiya ng Romano Katoliko sa ating buhay—isa na ang pagiging walang tiyaga sa anumang uri ng kaalaman, bukod nga lang sa tsismis. Ngunit salamat na nga lamang dahil higit pa sa edukasyon, hinatid din sa atin ng Amerika ang totoong Mabuting Balita, kung saan tayo naligtas ng dugo ng Anak ng Ama na si Jesu-Kristo, at nabuksan ng Banal na Ispiritu ang ating isip sa pang-unawa. Ang malungkot lang ay hindi natin mapagtagumpayan ang katamaran nating magbasa.

Nakita ko na ito agad sa ating iglesiya. Sa biyaya ng Panginoon ay naging mahilig akong magbasa (para sa akin ay isang pagpapala ang mahilig sa pagbabasa, lalo na ng nakakaluwalhati sa Kanya), at lahat ng aking natututunan ay gusto kong ibahagi sa inyo. Ito nga ang nagdulot upang kilusin ako ng Panginoon upang simulan ang CYPA Paper Ministries kasama ang Baptist’s Digest bilang isa sa mga publikasyon. (Mapapansin niyo siguro na karaniwan na napa-publish sa BD ay mga isinalin na mga articles sa Ingles, dahil marami kaming librong Ingles.) Bukod pa roon, nakahiligan ko rin na mamigay ng mga sobrang libro o booklets mula sa aming tahanan sa bawat pamilya ng mga miyembro. Ang ikinalulungkot ko nga lang, madalas ay hindi ito binabasa. (Hindi kasama rito ang mga alam kong talagang binabasa ang anumang makita niyang interesante, kabilang ang BD.) Isang halimbawa na lamang ay sa tuwing araw ng Linggo na namimigay ako ng Baptist’s Digest sa mga miyembro, kadalasan ay makikita ko na iniwan sa mga song book, Bible (!), at mga upuan ito pagkatapos ng service. Minsan ay nakikita ko pang lukot at punit-punit o puro lupa. Ang masama pa, malalaman ko kung sino ang taong iyon na nang-iwan dahil sinusulat ko ang pangalan ng binibigyan ko! (Hindi para manghuli kundi para maibahagi ko nang tama sa mga miyembro ang BD.) Isa pang patunay ay ang mga Bibliyang nakikita kong naiiwan sa church. Naisip ko, Paano nga namang magbabasa ng BD ang mga ito kung mismong Bibliya nila ay hindi nila binabasa? Harapin natin ang katotohanan: Hindi tayo mahilig magbasa.

Ngunit iba ang sinasabi ng Biblia. Gusto ng Diyos na tayo’y nagbabasa. Bakit? Unang-una ay dahil binigyan Niya tayo ng isang Bibliya. Susulat ba ang Diyos ng libro na hindi naman babasahin? Pangalawa, ayaw tayong maging ignorante ng Diyos. Tingnan mo kung ano ang nagiging bunga ng kawalang-kaalaman: “Ang aking bayan ay nawasak dahil sa kakulangan sa kaalaman” (Hosea 4:6). Pangatlo, paulit-ulit na binanggit ng Bibliya ang pagbabasa. Ang salitang “read” at lahat ng anyo nito ay 76 na beses na ginamit sa Biblia (KJV). Kadalasang ginagamit ng Diyos ang pag-uulit ng isang salita upang ipakita ang kahalagahan nito. Pang-apat, binibigyan ng Diyos ng pagpapala ang sinumang nagbabasa at naghahanap ng kaalaman. (Pahayag 1:3; Kawikaan 3:13). Sa totoo lang, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos ang mag-uudyok sa’yong magkaroon ng kaalaman (Kawikaan 1:7).

Nagpapasalamat ako sa Diyos na napalaki ako ng mga magulang ko na may kagustuhang magkaroon ng kaalaman. At gusto ko maranasan niyo rin ang pagpapapala na dulot ng pagbabasa. Make it a commitment to God to start reading this year. Una basahin mo ang Bible mo, at pagkatapos ay iba pang mga libro o babasahin na tutulong upang lumago ka bilang Kristiano.

So paano! Magbabasa pa ako!