The Joy of Walking with God

joyful colors

by Elijah Abanto

Lunes. Nagising ako. Lumabas ako sa kwartong aking tinutulugan at tumingin sa orasan. Alas-kwatro. Maaga pa. Imbes na matulog uli, naisip kong manalangin. Medyo nakakapagod noong nakaraang araw, araw ng Linggo—hinanda namin ng mga workers ang lugar ng pananambahan, namlantsa ng damit, naligo, nagbihis, at pagdating 8:30 ay nagpakanta na, nanalangin ng isang oras, kumanta sa choir, nakinig sa pangangaral, namigay ng BDJ, at pagkatapos ng isang oras na break (fasting nung araw na ito, kaya tuluy-tuloy ang service hanggang alas-singko ng hapon), ay nagpakanta uli, nagbigay ng patotoo ng pasasalamat, nanalangin ng isang oras, kumanti muli sa choir, nakinig muli sa mensahe, nag-practice para sa choir, at hinatid si Jepoy sa kanilang tirahan sa Bagtas. Pagdating ko sa bahay, ay saktong hapunan na, pagkatapos ay pinablish ko na sa internet ang BDJ. Bukod sa iba ko pang ginawa, natulog ako nang 10:30 ng gabi. Ngunit masaya ako; hindi ko maintindihan ang nasa puso kong kasiyahan. Wala akong pera. Ngunit masaya ako.

So nanalangin nga ako. Naalala ko ang mga bagay na aking ipinanalangin kahapon, at yun muli ang sinabi ko—sana mag-devotion na ang lahat ng pamilya sa church, maging maayos na ang relasyon ng mga mag-asawa at pamilya, yung lupa at building ng ating church, yung aming pagvi-visitation sa darating na mga araw—na bigyan kami ng lakas ng loob, lalo na ako at ang aking partner na si Ejie. Umaasa ako sa Dios na matutupad ang aking mga hiniling. Kahit papaano ay may naiwan sa aking puso na kasiguraduhan na tinugon na ng Dios ang aking kahilingan. Day-off sa araw na ito, kaya naging busy ako sa paggawa ng lessons sa Bible study para bukas at lessons na ituturo sa mga bata. Nandoon din ako sa computer room, nagpi-print at nagse-xerox na sinumang magpapagawa nito. Naglinis rin ako rito, tapos nanood ako ng isang wholesome movie, Monsters, Inc., kung saan marami akong natutunan patungkol sa pagmamahal at kung paanong higit ang kapangyarihan nito sa pananakot. Naiyak pa nga ako. Pagkatapos noon ay naligo ako, nagbihis, bumabang muli at nagbasa. By 7:00 ng gabi, devotion na at marami akong natutunan sa Leviticus 8-9, bukod sa aking natutunan na dati sa paggawa ng BDJ Devotions, dahil sa mga naituro ng aking ina tungkol dito. Kain ng hapunan. Inaantok na ako. Kaya pagkatapos manalangin, natulog na ako sa dating pwesto. Hindi ko alam na nag-aabang pa pala ang pinakamagandang araw sa buhay ko.

Martes. Past 5:00. 15 minutes lamang ako nakapag-pray, ngunit doon ay in-stress ko ang aking hiling na maging matagumpay ang aming visitation ni Ejie ngayong araw. Pagkatapos noon ay nag-init na ako ng tubig. Naligo. Nagbihis na rin ako. Pagdating ng 6:30, devotion. Past 7:00, almusal. Pagkatapos noon ay nag-print ako ng tracts, at kasama ko sina Alvin at Ejie sa paggupit at pagtupi ng mga ito. Habang papalapit nang papalapit ang oras na lalabas na kami, maraming nilalagay sa aking isip na mga negatibong bagay ang diyablo—takot ng kabiguan na walang makausap, walang tumanggap sa amin, takot na baka manghina kaming kumatok, at marami pang iba. Patuloy lang akong nagtiklop ng babasahin. Nag-pray na ako, sabi ko sa aking sarili. Nang matapos ang pagtikop, 8:45 na yata iyon. Nagsapatos na ako. “’Lika na,” tawag ko kay Ejie, at paglabas namin ng pintuan ng computer room at nagpaalam na kay Pastor, nanalangin ako nang matindi, at alam kong pareho kami ni Ejie ng kahilingan sa Panginoon. “Alisin niyo po ang aming takot, maging matapang po nawa kami. Maabot po namin ang goal na ibinigay sa amin. Basbasan niyo po kami. Sa pangalan ni Jesus, Amen.” Lakad, lakad. Nararamdaman ko na ang kapangyarihan ng Dios na magiging daan para makapag-akay ng kaluluwa. Pakiramdam ko mawawala ito kung hindi ko pa sisimulang magbahay-bahay kaya nasa highway pa lang kami ng Paradahan, ay pumunta na agad ako sa isang bahay at namigay ng babasahin at nagtanong kung maaari silang makausap nang sandali. “Naglalaba kasi ako,” at tumanggi ang matandang babae. ‘Kala ko madi-discourage ako, ngunit hindi. Patuloy lang kami sa paglalakad at sinubukang makipag-usap sa dalawa pang may-bahay, ngunit, wala rin. Nakarating na kami sa Camp Riego. Pagkatapos ay sa kalsada na tapat ng Paradahan Elementary. Unang bahay. “Hindi ako mahilig diyan.” Ngunit sa ikalawang bahay ay pinatuloy kami. Nagsimula ang sigla sa aking puso, hanggang sa susunod na bahay, kung saan may tatlo kaming nakausap.  Hanggang sa ikatlong bahay. Binabalot ako ng tuwa sa bawat nakakausap at nababahaginan ng Salita ng Dios. “Masaya talaga kapag ginagawa mo ang kalooban ng Dios!” Lagpas na ng alas-diyes, at naalala namin ni Ejie na may dalawa kaming Bible study ngayong umaga. Sa dulo pa iyon ng Bahay Katuparan Subd. sa Bagtas, kaya madali kaming naglakad. Pagdating ay inaabangan na pala kami. Pagkatapos ng isang magandang lesson sa bahay na iyon, pinameryenda kami, at nakakwentuhan pa namin ang prospect. Magtatanghali na noon, ngunit pinuntahan na rin namin ang susunod. Nagtipun-tipon ang mga ina at tinuruan din namin sila. Nagustuhan nila ang lesson at sa susunod ay babalik kami. 1:30 na ng hapon nang makatigil kami sa bahay ni Ejie at doon kumain. Mag-a-alas dos y medya nang makaalis kami uli. Sa isang oras na ito ay nakapag-schedule kami ng apat na bibisitahin bukas. 3:30 ay pinahayo ko na si Ejie para maghanda sa pagpasok sa Bible school by 4:30 ng hapon.

By 4:30 ng hapon ay nagturo ako ng isang grupo ng mga bata. Lakad pagkatapos. Lagpas alas-singko ay mayroon uli akong tinuruang grupo. Ang saya! Mag-a-ala-sais ako nakaalis ng Bagtas. Pagkasakay ko sa jeep, naisip ko ang lahat ng nangyari sa araw na iyon. Ngumiti ako. Alam ko na ang Dios ang gumawa ng lahat ng ito. Alam ko rin na Siya ang nagbigay sa akin ng saya.

Ang sarap palang lumakad kasama ang Dios. Masaya. Mayroong kokontra. May diyablo. May anak ng diyablo. Aking laman. Ngunit dahil kasama ko ang Dios at sa Kanya ako umaasa, makakaasa ako na makakalampas at magtatagumpay ako.

Mahirap pag hindi mo kasama ang Dios sa mga ginagawa mo. At malungkot. Mahirap pa rin pag kasama mo ang Dios sa mga ginagawa mo. Ngunit maligaya. Masaya.

Bakit hindi ka rin lumakad kasama Niya?

Advertisements

Blending Two Spiritual Lives

red tulip

by Susan Mathis

Malungkot siyang napailing habang pinapag-usapan namin ang tungkol sa kinabukasan ng aming buhay-mag-asawa at mga naiisip ko tungkol sa ispiritwal na relasyon. “Hindi ako sigurado kung sapat ang aking nalalaman para maging ispiritwal na partner na kailangan mo akong maging,” sabi ni Dale. “Mas alam mo ang Biblia higit sa akin. Kristiano ka na ng ilang dekada bago pa ako maligtas.”

Habang kami ay nag-uusap, napagtanto ni Dale na ang plano ng Dios para sa aming ispiritwal na relasyon ay hindi naka-depende sa kung gaano karaming oras ang naigugol namin sa isang iglesya—o kung gaano kalaki ang pang-unawa namin pagdating sa mga ispiritwal na bagay. Parehong malalim ang aming pag-ibig sa Dios, at iyon ay maganda nang lugar upang magsimulang magtayo ng ispiritwal na pundasyon.

Dahil pareho kaming naging single nang napakaraming taon, sanay na kami na palalimin ang aming relasyon kay Kristo sa sarili lamang namin. Natutunan namin kung paano ibahagi ang aming malalim na pansariling ispiritwal na buhay at lumagong magkasama bilang mag-asawa. Habang kami’y gumagawa para palalimin ang aming ispiritwal na relasyon, may ilang bagay kaming natutunan sa daan.

Palayain ang Sarili Mula sa Maling Opinyon

Ang mga hakbang ni Dale sa paglikha ng isang tahanang naka-sentro kay Kristo ay hindi ang kung ano’ng inaasahan ko, ngunit ang buhay naming magkasama ay naging mas maganda kaysa sa anupamang aking pinlano. Ang istilo at ugaling kanyang ipinagtibay ay nagsaayos ng isang matibay na pundasyon para sa aming buhay mag-asawa.

Maaaring inasahan ko sa aking pag-iisip na magpapakasal ako sa isang lalaking parang pastor. Hindi umabot si Dale sa mga hindi makatotohanan kong inaasahan, ngunit totoong tinupad niya ang role na ibinigay sa kanya ng Dios sa aming buhay-mag-asawa. Kahit na hindi siya umupo gabi-gabi kasama ako para sa isang oras ng panalangin at pag-aaral ng Biblia, isinabuhay naman ni Dale ang 1 Corinthians 13. Kanyang isinama ang bunga ng Ispiritu sa pang-araw-araw na buhay, at iginigiya niya ang marami sa aming mga pag-uusap papunta sa kung ano ang sasabihin ni Jesus o gagawin.

Sa ganitong klase ng paligid, imbes na manghawak sa aking mga iniisip kong inaasahan mula sa kanya, aking in-enjoy ang paglalakbay ng paglago nang magkasama spiritually.

Palakasin ang Loob ng Isa’t Isa

Isa sa mga pinaka-produktibong mga bagay na nakita kong magagawa ko ay ang palakasin si Dale sa pamamagitan ng tunay na pag-ibig at pagpapahalaga. Kapag nakikita ko siyang kumukuha ng isang positibong ispiritwal na hakbang, ang simpleng pagkilala doon ay nagbibigay sa kanya ng lakas-ng-loob na magpatuloy sa pagtatayo ng aming ispiritwal na relasyon.

Nag-aabang ako para sa ganoong mga sandali—kapag kinukuha niya ang pagkakataon upang manalangin sa isang grupo o nagbibigay ng komento tuwing kami nagba-Bible study. Sinisigurado kong naipapaalam ko sa kanya kung gaano ko siya ipinagmamalaki at kinikilala ang kanyang pangunguna. Habang aking pinupuri ang kanyang mga pagpupunyagi sa paghahanap sa Dios, ang aming ispiritwal na relasyon ay lumalago mas matibay kada araw.

Tanggapin ang Isa’t Isa

Likas na paminsan-minsan ay hinihiling ko na sana magbago ang asawa ko sa ilang mga paraan, ngunit alam kong walang maidudulot na maganda ang mangyamot at mamuna. May isa akong kaibigang iniisip na kung magiging sapat lamang ang pagyamot niya sa kanyang asawa, gagawin na nito ang nararapat bilang isang asawang Kristiano. Ang nangyari pa tuloy, nagtayo pa siya ng isang pader ng kritisismo na nagpanatili sa kanyang asawa kahit na sa pagsubok na gawin ito. Ngayon, ilang taon paglaon, sila ay ispiritwal na estranghero na sa isa’t isa.

Habang dinadala ko ang aking mga alalahanin sa Dios, tinuturuan Niya akong maging pasensyoso at ipagkatiwala ang aking asawa sa Kanya. Sa parehong oras, kailangan akong magpatuloy na itaguyod ang sarili kong paglago nang hindi nag-aalala na baka maiwan ang aking asawa. Hindi kami tumatakbo ng isang karera kundi naglalakbay nang magkasama sa isang panghabang-buhay na lakbayin; ang progreso ng bawat isa sa amin ay parehong nagbebenepisyo sa amin.

Gumawa Bilang Isang Koponan

Lagi naming isinasaisip ni Dale na kami ay isang koponan. Kaya kami ay nagpa-plano nang magkasama patungkol sa aming ispiritwal na buhay: pagiging involved sa church, mga layunin sa panalangin, pag-aaral ng Biblia, pag-iikapu at iba pang mga gawain. Aming tinitingnan ang lahat ng mga bagay na ito bilang mag-asawa, kahit na kung kaming dalawa ay hindi makasali sa lahat ng mga ito sa isang panahon.

Bagaman ang bawat isa sa amin ay lumalago sa magkakaibang aspeto sa magkakaibang panahon, mananatili kaming konektado spiritually hangga’t gumagawa kami bilang isang koponan at nananalangin para sa isa’t isa. Ang pananalangin araw-araw ay mahalaga para sa amin—mapa-magkasama kami o mag-isa. Habang kami’y nananalangin para sa isa’t isa, ang aming mga puso at isip ay likas na dumarating sa isang lugar ng pag-ibig at kagustuhan na makita ang Dios na gumagawa sa bawat isa sa amin.

Habang aming pinapalakas at tinatanggap ang isa’t isa, at nagtitiwala sa Dios sa mga aspeto na kami’y nagkukulang, natatagpuan namin ang aming ispiritwal na relasyon bilang isa sa mga pinakamagandang aspeto ng aming buhay-mag-asawa.

 

Ang artikulong ito ay isang isinaling bersyon ng Ingles na artikulo sa Couples Edition ng May, 2007 issue ng Focus on the Family® magazine. Copyright © 2007, Focus on the Family. All rights reserved.

 

Fasting the Right Way

What is the right way to fast? Ang Capitol Bible Baptist Church ay ilan taon na ring nagfa-fasting, ngunit, ang fasting ba natin ay yung tama at katanggap-tanggap sa Dios? Para malaman natin kung katanggap-tanggap ang ating pag-aayuno sa Dios ay tingnan muna natin ang ating sariling disposisyon pagnag-fa-fasting. Kung sa tingin mo ang pagfa-fasting ay ang hindi lang pagkain, nagkakamali ka. Higit pa roon. At hangga’t hindi mo nauunawaan ang tamang attitude ’pag nagfa-fasting, ay baka nakikipaglaro ka lang sa Dios.

Ang pagfa-fasting ay panahon ng pagpapakumbaba. Naranasan mo na bang magpakumbaba? Then you should know how to fast. Nung oras na nagpakumbaba ako, dati, ang tangi ko lang ginawa ay ang umupo, yumuko, tingnan ang sarili ko sa kung sino ako (isang taong nakakagawa ng kasalanan), at kinakausap nang mahinahon at mapanalangin ang sinumang kinapapakumbabaan ko ng loob.

Ang fasting ay pagtanggi sa anumang bagay na gusto ng aking katawan. Hindi ito kailangan na maging masamang pita, kundi kahit yung mga hindi naman masama. Kasama na rito ang pagkain, ngunit hindi lamang iyon. Paglalaro at pakikipagkwentuhan. Alam mo na kung ano pa ang mga iba. Higit na mahalaga ang Dios kaysa sa mga bagay na ito.

Ang fasting ay panahon ng pananalangin. Ano ang gawaing kumukonsumo sa iyong oras ng fasting? Kung mayroon mang dapat na mas maraming oras, yun ay panalangin dapat. Ang fasting ay paglalapit ng iyong sarili sa Panginoon, at pakikipag-usap at pakikinig sa Kanya ang paraan para magawa mo ito.

Ang fasting ay panahon para sa pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Dios. Upang mailapit ang ating sarili sa Kanya, kinakailangan din nating bigyan ng malaking panahon ang Kanyang Salita at kung ano ang nais Niyang ipahatid sa Salitang ito. Kulang ang isang fasting kung wala nito. Paano mo malalaman ang kalooban ng Dios kung wala ang Kanyang Salita?

Ang fasting ay panahon ng pagsamba. Minsan ay daig pa tayo ng mga kulto at pagano sa pagsamba. Buo ang kanilang katahimikan, paggalang, at atensyon sa kung sinuman ang kanilang sinasamba. Ngunit sa atin, napakadaling umuwi sa ating tahanan at kumain ng tanghalian, maglaro, makipagkwentuhan, at makalimutan nating sumasamba pala tayo sa Dios. Buong puso ba ang ating pag-awit? Pagbibigay? Pakikinig ng Salita ng Dios?

Ang fasting ay panahon ng pagbabago. Kada tapos ng ating fasting, may pagbabago ba sa buhay mo? Ang pagiging malapit sa Dios ang nagtutulak sa ating alisin ang karumihan sa ating mga sarili at lumakad nang masunurin sa Kanya. Ito ay panahon ng paglaya mula sa kasalanang gumagapos sa atin. Ito ay panahon ng pagdi-desisyon para itama ang ating buhay sa Kanyang harapan.–Elijah Abanto