Back to the Basics

by Charles R. Swindoll

Ang yumao nang stratehista sa football, si Vince Lombardi, ay isang panatiko pagdating sa mga saligan. Sila na mga naglaro sa ilalim ng kanyang pamumuno ay madalas na magsabi ng tungkol sa kanyang sidhi, kanyang pwersa, kanyang hindi nawawalang sigasig para sa laro. Regular siyang bumabalik sa mga pangunahing pamamaraan ng blocking at tackling. May isang pagkakataon kung saan ang kanyang pangkat, ang Green Bay Packers, ay natalo sa isang mas mahinang koponan. Masama na ang matalo … ngunit ang matalo sa koponan na iyon ay hindi mapapasubalian. Tumawag ng pagsasanay si Coach Lombardi noong sumunod na umaga. Tahimik na nakaupo ang mga kalalakihan, na mas mukhang hinagupit na mga tuta kaysa isang koponan ng mga kampiyon. Wala silang ka-ide-ideya kung ano ang aasahan mula sa lalaking kanilang pinakakinatatakutan.

Nagtitimpi at tumititig sa bawat isang atleta, nagsimula si Lombardi:

“Okay, babalik tayo sa simula ngayong umaga. …”

Hawak-hawak ang isang football sa taas na makikita ng lahat, patuloy siyang sumigaw:

“… mga ginoo, ito ay isang football!”

Tingnan mo naman kung gaano ka-basic iyon! Ang mga lalaking nakaupo doon ay naglalaro na ng football nang labinlima hanggang dalawampung taon … sila na mas alam ang opensa at depensa higit sa mga pangalan ng mga anak nila … at ngayon ay ipinapakilala niya ang football sa kanila! Para iyong pagsasabi, “Maestro, ito ay isang gabilya.” O, “Librarian, ito ay isang aklat.” O, “Marine, ito ay isang rifle.” O, “Ina, ito ay isang kawali.” Halatang-halata naman kung ano iyon!

Bakit naman sa tanang mundong ito makikipag-usap ang ekspertong coach na ito sa mga propesyunal na atleta sa ganoong paraan? Pero gumana naman iyon, sapagkat walang sinuman ang nagdala sa isang koponan sa tatlong magkakasunod na kampyonato sa buong mundo kundi siya. Ngunit—paano? Gumawa lamang si Lombardi sa isang simpleng pilosopiya. Naniwala siya na ang kagalingan ay pinakamainam na nakakamit sa pamamagitan ng pagma-master ng mga basics ng isang laro. Ang panlilito, pagpapasaya sa madla, at larong pakikipagsapalaran ay pupuno ng stadio (nang pansamantala) at maaaring makapagpanalo ng ilang mga laro (paminsan-minsan), ngunit sa huling pag-aanalisa ang mga palaging nananalo ay mga koponan na naglalaro nang matalino, taas-noo, at matigas na football. Kanyang stratehiya? Alamin ang iyong posisyon. Matuto kung paano ito gawin nang tama. Pagkatapos ay gawin ito nang buo mong lakas! Ang ganoong kasimpleng plano ang naglagay ng Green Bay, Wisconsin, sa mapa. Bago dumating si Lombardi, ang Green Bay ay isa lamang tigilan sa pagitan ng Oshkosh at Iceland.

Ang gumaganang stratehiya sa laro ng football ay gumagana rin sa iglesya. Ngunit sa mga ranggo ng Kristiyanismo, medyo mas madaling malito. Ah, hindi lang medyo: sobrang daling malito. Kapag sinasabi mong “church” sa ngayon, para lamang itong pag-order ng mainit na inumin … mayroon kang tatlumpu’t-isang klase ng mga lasa na pagpipilian. Maaari mong piliin ang mga madidiskarte, o mga humahawak ng ahas, o mga positibo mag-isip. Mga bandang may makukulay na ilaw, mga nakadamit na “pari” na may madudugong mga patalim, mga inahit na ulo na may magagandang mga bulaklak, at sumisigaw na mga showman na may mga nagpapagaling na mga linya ay mayroon din. Kung hindi pa iyon sapat, hanapin mo ang paborito mong “ismo” at magiging okay na: humanismo, liberalismo, matinding Calvinismo, politikal na aktibismo, antikomunismo, supernatural na spiritismo, o lumalabang pundamentalismo.

Pero teka! Ano ba talaga ang mga basics ng “iglesya”? Ano ang pinakapangunahing Gawain ng isang iglesyang naniniwala sa Biblia? Kung aalisin ang lahat ng mga hindi kinakailangan, ano ang matitira? Makinig tayo sa ating Coach. Sinasabi Niya sa atin na mayroon tayong apat na pangunahing prayoridad kung nais nating matawag na isang iglesya:

katuruan … pagsasama-sama … pagpuputul-putol ng tinapay … pananalangin (Mga Gawa 2:42).

Sa apat na ito tayo ay dapat na “patuloy na igugol ang ating mga sarili.” Ang mga matitibay, balanse, at “nagwawaging” mga iglesya ay sila na mina-master ang mga basics na ito. Ang mga ito ang bumubuo ng aspeto ng ano ng iglesya.

Ang paano ay pareho lamang na mahalaga. Muli, ang Coach ay sinasabihan ang ating koponan. Sinasabi Niya na ang iglesya na ginagawa ang kanyang trabaho ay ang iglesya na:

… nagsasanay sa mga banal para sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Kristo … (Efeso 4:12).

“Aba, ang dali naman pala,” sasabihin mo. “Napaka-simple naman yata?” itatanong mo. Handa ka na ba sa isang panggulat? Ang pinakamahirap na trabaho na maaari mong maisip ay ang pagpapanatili ng mga pangunahing gawain na ito. Maraming mga tao ang walang ideya kung gaano kadaling iwanan ng mga kinakailangan at mapasali sa ibang mga gawain.

Maniwala ka—mayroong tuluy-tuloy na daloy ng mga hiling mula sa mabubuti, at nakatutulong na sources na gamitin ang pulpit bilang isang plataporma para sa kanilang agenda. Inuulit ko, mabubuti at nakakatulong na sources, ngunit hindi kinakailangan … hindi direktang may kaugnayan sa ating pangunahing layunin. Ang layunin ng iglesya ay ang interpretasyon, eksposisyon, at aplikasyon ng Banal na Kasulatan.

Ngunit ang ganoong iglesya ay napakabihira sa ating lupain, parang gusto mong tumayo at magsabi:

“Mga Kristiano, ito ay Biblia!”

 

Pagpapalalim ng iyong mga ugat: Acts 2:42-47; Ephesians 4:12-16; Ephesians 2:19-22

Pagsasanga: Gawin ang mga sumusunod na basics: 1) matuto sa mga tinuturo; 2) makipag-fellowship sa kapwa mananampalataya; 3) sumama sa mga activities ng church; 4) manalangin.

—Mula sa Growing Strong in the Seasons of Life ni Charles R. Swindoll, pp. 372-375.

Advertisements

A Costly Move

Bawat galaw natin ay may presyo. Ang isang simpleng hakbang ng iyong paa ay kumukunsumo ng karampatang enerhiya mula sa iyong katawan. Kahit ang pagpikit-bukas ng iyong mata ay gumagastos ng lakas kahit paunti-unti. Alam natin na ang kasalanan ay may presyo: kamatayan. (Romans 3:23) At kung gaano kasigurado na mababawasan ka ng lakas sa pagtatrabaho ay ganun din kasigurado na mamamatay tayo dahil sa kasalanan. At ngayong Kristiano na ang karamihan sa nakakabasa ng mga salitang ito, ang pagsunod natin sa Diyos ay may halaga—may kabayaran, may presyo. Kaya kaibigan, kung ang pagsunod mo sa Panginoon ay halos wala, kaunti, o walang kapalit na halaga, ay wala ka pa talaga sa tunay na pagsunod sa Kanya—nasa “comfort zone” ka pa. Baka sumusunod ka pa sa Panginoon sa mga panahon at sitwasyon na hindi ka masyadong nababawasan.

Nitong mga nakaraang linggo, ay naranasan kong magbayad ng malaki para sumunod sa Panginoon. Una ay nung hamunin ako ng kaklase ko tungkol sa aking paniniwala tungkol sa kaligtasan. (Ito yung nakwento nung nakaraang linggo.) Hindi niyo alam kung gaano kalaking oras at lakas at karunungan ang iginugol ko para lamang masagot ang kanyang mga katanungan. Ngunit gagawin ko ito dahil inutos ng Diyos (1 Peter 3:15; Jude 3). Ang pagtuturo sa mga bata ng Salita ng Diyos, maliit na bagay man sa iba, ay ibinibigay ko ang buong araw ng Sabado, na kailangang gumamit ng lakas, talino, at sigasig (minsan ay pera pa). Ginagawa ko ito dahil pagsunod ito sa Diyos (Matthew 19:14). Ang pag-aayuno ay may presyo—isang mag-hapon na walang pagkain ang tiyan. Ngunit ito’y para sa Diyos, kaya gagawin ko. Nitong nakaraang limang araw, mula umaga hanggang hapon, ay nagbahay-bahay kaming mga kabataan upang mag-akay ng kaluluwa, at bukod sa lakas, oras, at kaalaman, ay kailangan naming tiisin at harapin, ang pagtanggi, pagbalewala, at mga matitigas na mukha ng tao sa paligid. Ngunit ito ang tamang gawin (Proverbs 11:30), at pagsunod ito sa Panginoon (Matthew 28:19). At para matapos ang mga papel na ito ay kailangan ko ring gumugol ng lakas at talino. Ngunit pagsunod ito sa Panginoon, kaya ginagawa ko ito (1 Corinthians 14:26; Acts 13:49).

May presyo ba ang pagsunod mo sa Panginoon? Kung sumusunod ka sa Panginoon sa mga bagay na maliliit lamang na halaga, ay hindi pa ganap ang pagsunod mo sa Panginoon. Kapag may negosyo o trabaho, at dahil doon ay hindi ka na dadalo sa pagtitipon, ay hindi ka pa sumusunod nang may presyo para sa Panginoon. Kung iniisip mo na kailangan pang maglakad papuntang church at dahil ito ang presyo na kailangan para sumunod sa Panginoon, ay hindi ka na a-attend. Pag ang soul winning ay hinahadlangan ng mga dahilan na dahil nakakapagod, may negosyo ako, o natatakot ako sa tao, ibig-sabihin niyon ay hindi pa ako handang magbayad ng malaking halaga para sa pagsunod sa Diyos.

Ang mga nauna sa atin ay nagbayad ng malaking halaga para masunod lamang ang Panginoon: si John the Baptist, ang ating Panginoong Jesus, ang mga apostol, ang mga unang iglesiya, ang mga iglesiya sa Dark Ages, at mga iglesiya natin ngayon na nasa mga Komunista, at muslim—buhay. Ang pagsunod nila sa Panginoon ay hanggang kamatayan. Nahihiya ako sa mga ninuno nating ito dahil hindi pa ako dumarating sa ganoong sitwasyon. Ang malaking naranasan ko ay kahihiyan sa harap ng mga tao nang gawin ko ang ginawa ko noon sa harap ng bahay na iyon na binabastos ang ating pananambahan sa Diyos. But that was just a little thing compared to what my Savior has done for me. Ngunit naranasan mo na rin ba ito—kahihiyan sa ngalan ni Jesus? Mas mamatamisin ko pa ito kaysa naman sa pagharap ko sa Diyos ay sasabihin niya, “You haven’t given much.” – Bro. Elijah Abanto

That Oh, So Precious Trust

“You can’t afford to lose it! narinig ko sa isang English drama. Madalas ko rin itong mabasa sa mga nobela, kahit non-fiction. Kapag naaalala ko ang mga katagang ito, kadalasang sumasagi sa aking isip ang tiwala. Trust. That oh, so precious trust. I can’t afford to lose it!

Mahalaga sa bawat relasyon ang tiwala. Sa pagitan ng mag-asawa. Sa pagitan ng magulang at anak. Sa pagitan ng magkaibigan. Sa pagitan ng employer at ng employee. Sa pagitan ng lider at ng mga tagasunod. Ang tiwala ay isang bagay na hinding-hindi mo kakayaning mawala. Kung walang tiwala sa magkaparehong kampo, hindi magtatagal at ang kaugnayan sa isa’t isa ay masisira, mawawasak. Kailangan lamang ng panahon, matatapos sa kalunus-lunos na hinaharap ang isang relasyong walang tiwala bilang sangkap.

Kung nais mong mapanatili mo ang tiwala sa’yo ng mga taong nakapaligid sa’yo, mayroon lamang mga kaunting payo ang Salita ng Diyos:

1) Magtiwala ka muna sa Panginoon. (Proverbs 3:5)

Kung akala natin ang kawalan ng tiwala ay nangyayari lamang nang tao sa tao, ay nagkakamali ka. Minsan ay dumarating din tayo sa punto na hindi na tayo nagtitiwala sa Diyos. Hindi natin maintindihan ang mga nangyayari, ang mga dumarating sa ating buhay, kaya naman nawawalan din tayo ng tiwala sa Kanya. Ngunit hindi ito dapat.

Kapag nawalan na tayo ng tiwala sa Panginoon ay hindi magiging kataka-taka kung gagawin na natin ang mga bagay ayon lamang sa ating pananaw at kalooban. Alam naman natin siguro kadalasan na ang ating sariling opinyon  o pag-iisip o kalooban ay hindi magdadala sa atin ng magandang resulta kundi, mas masaklap pa. Alalahanin mo si Adan at Eba. Si Cain. Si Abraham. Si Sarah. Si Pedro. Alam mo kung ano ang kapalit ng walang pagtitiwala sa Panginoon.

Madalas ang kawalan natin ng tiwala sa Diyos ay dala lamang ng hindi natin lubos na pagkaunawa sa mga pangyayari at mga bagay. Magtiwala pa rin tayo sa Panginoon. At kung ginagawa natin ang mga bagay ayon sa Kanyang kalooban, mas madalas na makukuha natin ang tiwala ng iba.

2) Huwag kang magtiwala sa iyong sarili. (Proverbs 28:26)

Ang mundo ngayon ay binibigyan ng kagandahan ang pagtitiwala sa sarili, ngunit, gaano man nila ito pagandahin, sa loob ay may kapangitan ito na hindi dapat pang makita. “The heart is deceitful above all things,” kaya hindi tayo nararapat tumingin sa sarili.

Madalas ang tiwala natin sa ating sarili ang nagdadala sa atin sa mga maling konklusyon at desisyon.

3) Magtiwala ka rin sa iba. (1 Corinthians 13:7)

Hindi ito ang pagtitiwalang tulad ng hinihingi ng Diyos mula sa iyo kundi tiwala, na, umaasa kang gagawin ng tao ang iyong sinabi, pinangako sa’yo o inaasahan mula sa kanila. Maaaring nasaktan ka, siniraan ka, halos winasak na ang buhay mo, hinayag ang iyong mga sikreto, binalewala ka, tapos biglang darating ang sinumang taong iyon at bigla na lamang hihingi ng tawad, ng dispensa… at ng tiwala.

Oo, mahirap, mahirap. Ngunit ang susi upang magawa mo ito ay asahan na may pagkakataon talagang hindi niya ito matutupad, dahil nga tao lamang ito at isang makasalanan. Kapag lagi mo itong isinasaisip ay hindi ka na madaling madi-disappoint sa mga pagkukulang o pagkakamaling magagawa nung taong pagtitiwalaan mo.

Alalahanin mo rin na nagtitiwala din sa’yo ang Diyos. Higit sa lahat, ang Diyos ang nakakaalam na maaari mo Siyang biguin sooner or later, ngunit, narito pa rin Siya, handa pa ring magtiwala.

4) Gumawa ka ng higit sa inaasahan sa’yo. (Ecclesiastes 9:10)

Kung inaasahan niya na magbibigay ka ng card, dagdagan mo ng rosas. Kung umaasa siya na pupurihin mo siya sa kanyang ginawa, bakit di mo pa siya i-treat? Do more than what is asked and expected, and you can be sure you will be trusted by that person sometime.

Hindi ba ganun ang ginagawa ng Diyos sa atin? Sa oras na ang inaasahan natin ay parusa, ay binigyan Niya tayo ng biyaya. Gumawa Siya nang higit sa inaasahan natin, kaya naman ganon na lamang ang tiwala natin sa Kanya.

 

That oh, so precious trust. Gustung-gusto natin ng tiwala, yan ay katotohanan. But, you know it really costs something. Sometimes, it costs everything. Pero it’s worth it.

Para lang makuha ang ating tiwala, God gave all, even His own precious Son. And what He got was worth it. Our trust.

What is Truth?

 

 

What-is-truth (Koshercaffeine.blogspot.com)

We hate liars. (Well, other than ourselves.)

Wala ni isa akong kilala na natutuwa kapag niloko siya. Sa mga drama na lang, makikita natin na sentro ang pagsasabi o pagkakaila o pagbabaligtad ng katotohanan sa mga kwento. Wala akong nakitang tauhan, na noong malaman niyang nagsinungaling sa kanya ang isang tao, ay natuwa siya, bagkus ay nabubuo ang kanyang galit. “Bakit nagsinungaling ka sa akin? Bakit hindi mo sinabi ang katotohanan?” paboritong mga linya ng mga tauhan sa istorya kapag nalaman ang ginawa sa kanila.

At kahit na mapaniwalain ang mga tao sa tsismis, nagagalit sila kapag nalaman nilang ito’y kasinungalingan lamang. Maingat ang mga naghahatid ng balita, sa telebisyon, radyo o dyaryo; at malaking batikos agad ang aabutin ng mga ito kung magkamali sila ng impormasyong ibinigay.

Siyempre, nagagalit rin ang isang estudyante kapag mali ang nakopya niyang sagot sa exam. “Papakopya ka pa, mali naman pala!” panaghoy ng miserableng cheater.

At hindi natutuwa ang gobyerno kapag nagsa-submit ang mga mamamayan nito ng mga pekeng birth certificate, pekeng lisensya, pekeng medical, pekeng school certificate. At ayaw natin ng kahit anong peke: pekeng pera, pekeng cellphone, pekeng bigas!

Kaya nga sa korte, laging pinanunumpa ang mga nasa witness stand, ang kamay nasa ibabaw ng Biblia, na siya’y magsasabi ng “katotohanan, tanging katotohanan, at pawang katotohanan lamang.”

Bakit nga ba mahalaga ang katotohanan? Kung hindi umiiral ang katotohanan, maraming mga tao ang masisira ang buhay dahil sa bulaang tsismis. Maraming mga tao ang maaaring mapahamak dahil sa maling impormasyon. Naluluklok ang maling tao sa gobyerno dahil sa dinayang eleksyon. Bumabagsak ang mga estudyante sa exam. Napaparusahan ang walang kasalanan, at lumalaya ang mga may-sala. Mahalaga ang katotohanan.

Gayunpaman, dahil sa ating pagiging makasalanan, may tendency tayong itago ang katotohanan. At madalas, kakabit ito ng mga kasinungalingan. At dahil sa pagiging makasarili natin, nagpapakalat tayo ng mga kasinunalingan para sa ating kalamangan at kapakanan. Kaya ngayon, ang isang bagay na ninanais natin ay nagiging malabo na at mahirap nang abutin.

Kaya marami pa ring umiikot na tsismis, marami pa ring mga tiwaling mga tao ang naluluklok sa pwesto, at marami pa ring kriminal ang nakakalakad nang malaya. Kaunting kaso lamang ang mga naisasara, at maraming mga nasa kulungan ay walang kasalanan dahil patuloy na tinatabunan ang katotohanan. Maraming mga buhay na pariwara, dahil hindi nila nalalaman ang katotohanan sa tunay na layunin at kahulugan ng kanyang buhay.

Hindi ngayon kataka-taka na patuloy na tinatanong ang tanong na ito sa pagdaan ng panahon, na sa Biblia ay sinalita ng isang di-mananampalataya, si Pilato: “Ano ang katotohanan?” (Jn. 18:38)

Pasarkastiko man o seryoso niya man ito sinabi, ang tanong na ito ay napakahalaga sa ating panahon. Dapat itong masagot. At masagot nang tama. Ayon kay John MacArthur, ang mga tao ay may tatlong maling paniniwala ukol sa katotohanan: (1) na ito’y mga salitang ginagamit ng mga piling tao upang kontrolin ang mga ignoranteng madla; (2) na ito’y pansariling bagay lamang, binubuo ng ating mga opinyon at kagustuhan; at (3) na ito’y paghatol ng karamihan, produkto ng pagkakasundo ng mga tao ukol sa mga bagay-bagay. Mayroon pa ring mga taong ikinakaila ang konsepto ng katotohanan.

Ngunit ano nga ba ang tamang kahulugan ng katotohanan? Ang katotohanan ay anumang sumasang-ayon sa isip, kalooban, karakter, kalualhatian at kabuuan ng Dios. Kung wala ang Dios, wala ang katotohanan. Ang katotohanan ay katotohanan dahil iyon ang sinabi ng Dios na totoo. Ang Dios ang nagsimula, pinanggagalingan, tagapagtakda, batayan at huling hukom ng lahat ng katotohanan.

Sinasabi sa Lumang Tipan na ang Panginoon ay “Dios ng katotohanan” (Dt. 32:4; Psa. 31:5; Isa. 65:16). Sinabi ni Jesus sa Bagong Tipan na “Ako ang … katotohanan” (Jn. 14:6). Sinasabi ni Jesus na Siya ang buong kapahayagan ng kung ano ang totoo. Kung naghahanap ka ng katotohanan na naging Persona, Siya iyon. Ang Panginoong Jesus ang Buhay na Katotohanan. Walang kasinungalingan kay Jesus; Siya mismo ang katotohanan. Hindi alam ni Pilato noon na nasa harapan na niya ang katotohanang hinahanap niya! Kung titingnan niya lamang pala si Jesus nang maigi, makikita niya kung ano ang totoo at bulaan, ang tama at ang mali. Kaya walang katapusan ang pag-hahanap ng tao sa katotohanan, dahil hindi nila hinahanap si Jesus, at maraming mga taong hindi naniniwalang may katotohanan, dahil kapag naniwala sila, kailangan nilang tanggapin si Jesus, at hindi nila iyon kayang gawin.

Sinabi rin ni Jesus na ang nakasulat na Salita ng Dios ay katotohanan (Jn. 17:17). Hindi ito mababali (Jn. 10:35), at mananatili ito magpakailanman (1 Pet. 1:23). Hindi ngayon kataka-taka kung bakit maraming mga tao ngayon ang nalilito at naliligaw, ang tanong nang tanong kung ano ang katotohanan, dahil lahat na tinitingnan nila, ngunit hindi ang Salita ng Dios. Ang Biblia naaagiwan na lang sa mga cabinet. Kaya hindi malaman ang tunay na iglesya, hindi nagbabasa at nagpapaturo ng Salita ng Dios. Kaya hindi malaman kung paano maliligtas, kaya walang katiyakan. Kaya hindi malaman ang tamang doktrina. Kaya marami pa rin ang nadadaya, naloloko. Kaya patuloy na nasa kadiliman. Dahil sa simpleng dahilan na hindi nila pinapansin ang nasusulat na katotohanan. At sa iba na narinig na na ang Salita ng Dios ay katotohanan, hindi nila ito matanggap, dahil kapag tinanggap nila ito, tatanggapin nila ang Dios, tatanggapin nila si Jesus, dahil Siya ang katotohanan, at ayaw nila itong gawin.

Hindi nagkokontrahan ang Buhay na Katotohanan at Nakasulat na Katotohanan. Sila ay nagsasang-ayon. Hindi maaaring kontrahin ng katotohanan ang kanyang sarili. Sa Colossians 3:16 tinawag ang Biblia na “word of Christ.” Kung magiging Libro si Jesus, magiging Biblia Siya. Kung magiging Persona ang Biblia, magiging si Jesus ito. Pareho sila ng karakter, kaya hindi sila maaaring magsalungatan.

Ang buhay na walang Kristo at walang Biblia ay buhay na walang katotohanan. At patuloy na mabubuhay ang isang tao sa kasinungalingan kung hindi niya tatanggapin si Jesus at ang Salita ng Dios sa kanyang buhay. Ang mga pangungusap na ito ay iskandaloso sa lipunang ito na maraming kasinungalingang pinapaniwalaan. Ngunit ang katotohanan ay katotohanan. Anumang tanggi ng tao rito, mananatili itong totoo.

Kaya nalalaman nating mali ang kasalanan, dahil sa Salita ng Dios. Kaya alam nating krimen ang isang krimen, dahil sinabi iyong krimen ng Dios. Hindi natin pwedeng ihiwalay ang katotohanan sa Dios. Anumang nalalaman nating realidad ay nanggagaling sa Kanya. Anumang hindi galing sa Kanya ay kasinungalingan.

Nawa ay tanggapin natin ito at huwag tayong matulad kay Pilato na natapos na lamang sa tanong ang pag-hahanap niya ng katotohanan.

Malaking tulong ang article ni John MacArthur na “What is Truth?” sa pagsusulat ng article na ito. © 2008 John MacArthur. All rights reserved. www.gty.org.