Strength and Beauty

strength and beauty

by Sis. Olivia E. Abanto

Ang “lakas” (strength) ay pangkaraniwang nakikita sa katauhan ng mga lalaki, lalo’t kung ang pagbabatayan ay lakas ng pangangatawan at aspetong emosyonal. Ang “ganda” (beauty) ay pangkaraniwang nakikita sa pagkagawa sa mga babae. Ngunit ang dalawang katangiang ito ay kapwa ko nakita sa ating Panginoon. Sa Awit 96:6b ay sinasabi, “Ang lakas at ganda ay nasa iyong santwaryo.” Kahit sa aking personal na karanasan napatunayan ko na ang Diyos ay malakas at makapangyarihan sa lahat ng aspeto. Siya ay nagpamalas din sa akin ng kakaibang ganda sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at pagpapatawad at iba pang katangian. Binibilang ko itong kagandahan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Tayo ay nilalang ng Diyos sa Kanyang wangis, kaya ako’y naniniwalang ang dalawang katangian na ito ay nasa atin din na Kanyang mga anak.

Strength and beauty—dalawang katangian na tila mahirap at bihirang matagpuan sa lalaki at babae sa magkasabay na pagkakataon. Nais ko pa ring panghawakan ang hamon ng Salita ng Diyos sa sulat ni Pablo para sa mga Taga-Filipos 4:13: “Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa akin.” Mayroon akong pitong (7) pinagsamang katangian ng “lakas at ganda” upang ang biyaya ng Panginoon ay maipamuhay at maipamalas natin para sa kapurihan ng ating Diyos:

1) Lakas para ipakita ang Kagandahan ng Pagiging Mapag-asikaso o Hospitality (1 Pedro 4:9). Hindi madaling ipakita ang kagandahan ng bukas na tahanan, ngunit kung mauuna tayong buksan ang ating mga puso para sa nangangailangan ng karamay at pagmamahal ay kasunod ding lalabas ang lakas na maipakita ang ganda ng bukas na tahanan na may galak at taos-pusong pagtanggap sa sinumang nangangailangan nito.

2) Lakas para ipakita ang Kagandahan ng Pananampalataya. Kailangan ng lakas para tumayo nang matatag upang makayang pagtagumpayan at lampasan ang samu’t saring krisis ng buhay, kung may pagtitiwala o pananampalataya sa ating Diyos. Sapagka’t nangako Siya na “ang sinumang nagtitiwala sa Kanya ay hindi mapapahiya.” Naalala ko pa nang ako ay bago pa lamang na Kristiano. Isang taong malapit sa aking puso ang agad na humamon sa aking pananampalataya sa Diyos. Napatunayan kong may lakas na ibinigay sa akin ang Diyos upang tumindig nang matatag para makita ng taong ito na ang pagtitiwala sa Diyos kailanman ay hindi pagkukulangin.

3) Lakas para Sabihin ang Katotohanan sa Kagandahan ng Karunungan. Mga Kawikaan 31:26—“Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang batas ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.” Mas madaling isara na lamang ang bibig upang maiwasan ang anumang hindi pagkakasundo, lalo na kung ang pinag-uusapan ay katotohanan. Ngunit hindi makakatulong sa bawa’t isa kung ang katotohanan ay natatakpan at nananatiling nakatago. Ang lakas o tapang upang ihayag ang katotohanan ay mabuti lalo’t kung ito’y sasamahan ng karunungan na sabihin ito sa tamang panahon, paraan at lugar. Marami ring mabilis magsalita ngunit kulang ng karunungan, at ito’y nagdudulot ng pagkasira ng ispiritu ng sasabihan. Ngunit kung may karunungan, ito may makabasag man ng pansariling-kalooban, ay hindi ang ispiritung maselan.

4) Lakas na Gumawa upang ang iba ay maranasan ang Kagandahan ng Pag-ibig. Kung ang ating Panginoon ay hindi kinaya ang magpagal ng hirap at pasakit sa krus, hindi rin natin mararanasan ang ganda ng pag-ibig ng Diyos upang tayo ay mabuhay nang walang-hanggan sa piling Niya sa tinakdang panahon. Maraming pagkakataon sa mga karanasan ng ating buhay na kung walang lakas upang maghirap o magtiis ng hirap, ang ganda ng pagbubuklod nang may pagmamahal sa loob ng tahanan ay hindi mararanasan: ang pangakong “kamatayan ang magpapahiwalay sa atin” ay mapapako. Ang katagang “kaibigan magpakailanman” ay mapapalitan ng “walang permanenteng kaibigan.” Nagawa ito ng ating Panginoon kaya’t makakaya rin natin.

5) Lakas para Itaas ang Kagandahan ng mga Pamantayan (Awit 29:2). Laging may dulot na ganda ang “standards” o pamantayan sa pagiging Kristiano sapagka’t ang Diyos ang nagtakda nito, ngunit sa bawat lakad ng panahon maraming pagsubok upang ito’y sirain o pababain. Kaya’t kailangan ng lakas upang ito’y panatilihing pinanghahawakan natin at ipinapamuhay sapagka’t ang ating Diyos kailanma’y hindi nagbago o nang-hina sa Kanyang mga pamantayan, kabanalan, kalinisan, at kaayusan—mananatili itong kalikasan ng ating Diyos, sapagka’t Siya’y hindi nagbabago kahapon, ngayon at magkailanman. (Hebreo 12:3)

6) Lakas para Makapagbuo sa Kagandahan ng Pusong Nagpapatawad (Colosas 3:13). Dahil sa pagpapatawad ng Panginoon ay maraming buhay ang muling naitatag, maraming buhay ang muling nabuo. Ito ay nasaksihan ko sa maraming pamilya at indibidwal sa buhay. Napakabuti at kay-gandang pagmasdan ang mga buhay na muling binuo sa biyaya ng Diyos kung tayo ay isa sa mga ginamit Niya at binigyan ng lakas upang magbuo sa pagpapatawad na ibinigay natin sa kanila na nagkasala sa atin.

7) Lakas na Mamuno sa Kagandahan ng Isang Halimbawa o Modelo. Kung walang lakas, hindi magagawang pangunahan ang anumang gawain. Katulad ng sinabi ni Pablo, “Sumunod kayo sa akin tulad na ako ay sumusunod kay Kristo.” Una niyang nakita ang pangunguna ng Panginoon bilang halimbawa ng pagsunod sa Ama. Kung kaya’t nasabi niya ang mga katagang ito, “Sundin niyo ako katulad ng pagsunod ko kay Kristo.” Tunay ngang kailangan ng lakas makapanguna upang sumunod at upang maipakita ang kagandahan ng isang modelo o halimbawa. Pangkaraniwang sinasabi ng anak sa magulang na nagsasabi ng “Sumunod ka sa ama mo,” ay “Bakit ako susunod sa kanya, ikaw nga hindi sumusunod sa kanya?” Hindi binibigyang katwiran ang anak sa pagkakataon na ito ngunit ito ay katotohanan na nagaganap sa kahit anong relasyon kung ang kagandahan ng isang pagiging modelo ay hindi natin naipapamalas kahit tayo’y may lakas upang manguna.

Maaaring ang pitong pinagsama-samang katotohanang ito ay hindi pa ang lahat upang ipamalas ang buong katangian ng “lakas at kagandahan” ng ating katauhan, ngunit naniniwala akong ito’y sapat upang mapatunayan na ang kalakasan at kagandahan na ito sa ating buhay ay makakapagpamalas ng kapangyarihan at kagandahan ng Diyos sa bawa’t buhay. Higit Siyang may kakayahang magtanggol, magpanatili, manguna, bumuo at magtaas sa atin. Ang Kanyang maingat na kamay, pag-ibig, kahabagan, biyaya, laging pagpapatawad, pagtanggap sa akin ay ang nagpapanatili sa akin upang mabuhay nang may lakas at ganda sa bawa’t araw.

How In This Present Time Can I Serve the Lord? (for Women)

clock

By Mrs. Olivia E. Abanto

“Talagang super-abala ako, kulang-na-kulang ang isang araw para matapos ang lahat ng aking gawain sa bahay para maharap ko pa ang sinasabi ng guro namin sa Sunday school at isinisigaw ng aming pastor sa pulpito na maglingkod sa Panginoon. Kailangan ko ring magtrabaho at kumita para masapatan ang pangangailangan at pag-aaral ng aking mga anak. Nauunawaan naman ako ng Dios, dahil nandito tayo sa mundo—talagang kailangan natin material na bagay. Saka na ang paglilingkod pag ayos na ang lahat.” Ito ang ilan sa mga dahilan ng mga kababaihan upang bigyang katuwiran ang hindi nila pagganap sa kalooban ng Dios bilang isang katiwalang Kristianong babae.

Ayon sa Efeso 2:8-10, “Tayo ay niligtas at nilalang ng Panginoon para sa mabubuting gawa na pasimula pa ay inihanda ng Dios para ating lakaran.” Pwede nating unawain ang katagang ‘lakaran’ bilang ‘paglilingkod.’ Kung ano tayo at kung paano tayo ginawa ay yun ang paglilingkod na dapat nating gawin. Hindi nating kailangan pabayaan ang ating tahanan, pamilya at trabaho para makapaglingkod sa Dios. Kailangan lang nating isama o idagdag sa pangkaraniwan nating ginagawa ang tunay na ’tayo’ bilang Kristiano upang makapaglingkod.

Gusto kong ipaalala sa ating mga babae ang ating kalikasan na maaaring magamit ng Panginoon. Una, tayo ay likas na madamdamin. Mayroon tayong kakayahang ipadama ang buong pusong pagmamahal sa kahit hindi laging masunurin na anak, ang pang-unawa sa malilimuting asawa, ang pagpapatawad sa mga kapatid na nagkakasala sa atin at iba pa. Kung ito ang ating paiiralin alam man natin o hindi ito ay isang uri ng paglilingkod. Sa pamamagitan ng mga katangian nating ito ay mapapalakas natin ang ating pamilya at iglesiya. Hindi man tuwiran ito ay paglilingkod. Ito ang ating pagkagawa upang sa pamamagitan ng pagpapaubaya sa Banal na Espiritu na tayo ay Kanyang punuin at kontrolin.

Pangalawa, ang kakayahan nating makipag-usap o maging masalita ay katangiang positibo na bigay ng Panginoon. Sa pamamagitan nito ay hinahamon tayo ng Tito na maging guro ng mabubuting bagay sa ating mga anak (Titus 2:3). Sila una sa lahat ang ating responsibilidad na bigyan ng panahon upang turuan ng mahahalagang prinsipyo ng Biblia upang ipamuhay. Walang Moises na lalaki ng Dios na nagpalaya sa bansang Israel sa pagkaalipin kung walang ina na naggabay at nagturo (si Jochebed). Kahit sa aspetong makabayan at makamundo, si Jose Rizal na pambansang bayani ng Filipinas ay natuto nang una sa kanyang ina bilang kanyang guro. Huwag natin ipaubaya ang ating mga anak sa mga guro ng sanlibutan. Tiyakin nating sa biyaya ng Panginoon ay nagampanan natin ang pagtuturo para sa kanilang paglago at pagtibay sa pananampalataya. Ang kahalagahan ng buhay na pinaglingkod sa Dios ay tunay na makabuluhan, at tatagal sa walang hanggang kapakinabangan. Ang pera ay mauubos, ang karangyaan ay matatapos, maliban sa ating ipinaglingkod sa Buhay at Tunay na Dios. Wala akong maipapamalas na kayamanan o mataas na naabot na karunungan ayon sa sanlibutan ngunit sa kahabagan at biyaya ng Panginoon, taas-noo kong ikararangal ang aking mga anak ay naglilingkod sa Kanya.

Patitibayin at pananatilihin ang ating pagsisikap na ito sa iba pang aspeto ng katangian natin bilang masalita ay ang pagiging mapanalanginin. Huwag tayong maging higit na abala na wala nang panahon para ilaan sa panalangin. Napakahalaga ng panalangin natin para sa mga namumuno ng iglesiya, pamilya at kapatiran. Isang paraan ng paglilingkod na ang mga bunga ay personal na kalakasang ispiritwal, proteksyon ng Dios, pagkilos ng Banal na Espiritu at Panginoon sa ating mga buhay. Mga imposible sa paningin ng tao ngunit posible sa karpangyarihan ng Dios. Hindi kayang tapatan ng salaping kinita at kaunting kasiyahan na dulot ng mga natapos na gawain tulad ng paglalaba ng damit, pagpaplantsa, pagluluto ng masarap na putahe o pagtatrabaho sa kaayusan ng tahanan ang dulot na tamis at kapayapaan sa piling ng Dios. Alam ni Maria ang kahalagahan higit sa pagbigay ng panahon sa piling ng Panginoong Hesus kaysa paghahanda ng makakain nito. Napatunayan kong ang pag-una sa mas kinakailangan at mahalagang gawain ay nakakalikha ng mas maayos at mahusay na resulta. Ibinigay sa atin ng Dios ang magaling na kakayahang makipag-ugnayan upang ipaglingkod sa pagtuturo una sa ating mga anak at nakababatang kababaihan at pananalanging magpapalakas sa ating sarili at sa iba.

Pangatlo at huli sa aking pagtingin: ang kakayahang gumawa nang masinop at magaling ng ating kamay ay sa atin ding mga babae ipinagkaloob. Kasama sa pagpapaala-ala ng aklat ng Tito na tayo ang mga tagapag-ingat ng tahanan—ating sariling tahanan at tahanan ng Panginoon—ang ating church! Akong babae ang unang responsable sa kaayusan at kagandahan nito. Tayo ang responsableng magtalaga ng gawain para sa kaayusan nito sa ating mga anak at katuwang sa tahanan.

Kung ating gagampanan, walang pag-aalinlangang may kasiyahan at katuparan ang layunin at plano ng Dios sa ating buhay. Tunay ngang tayo ay kababaihang Kristianong tagapaglingkod ng Dios.