The Fierceness of God

lightning

Anong klase ng Dios ang Dios? Iyan ang tanong na patuloy na tinatanong at sinasagot hindi lang ng mga hindi Kristiano kundi ng marami ring Kristiano. Ang nakakapagtaka, kahit na mayroon naman tayong Biblia, ang mga nagsasabing sila’y Kristiano ay mayroong iba’t ibang konklusyon kung sino ba talaga ang Dios at kung ano’ng ugali Niya. Ngunit ang problema lamang kadalasan kaya nagkakaroon ng iba’t ibang konklusyon tungkol sa karakter ng Dios ay dahil hindi tinitingnan nang maigi ang Kasulatan at bumabase lamang sa kanilang sariling paniniwala tungkol sa kung sino ba ang Dios. Maraming nagsasabi na ang Dios ay mabait at mabiyaya na hindi Niya kayang magalit at maging mabagsik. Ngunit iyon nga ba ang katotohanan?

Hindi. Mabait at mabiyaya ang Dios, iyon ang totoo, ngunit hindi ibig-sabihin nito ay hindi Siya nagagalit at nagiging magbagsik. Kailangan mo lang magbasa nang hanggang ikatlong kabanata ng Genesis para maintindihan mo ang sinasabi ko. At dahil may mga anak ng Dios na nais lamang maging tapat sa Salita ng Dios at nais tuparin ito nang walang pagpapaliban, may iba na nagsasabing anak sila ng Dios (na hindi naman binibigyang-panahon ang Salita ng Dios) na inaakusahan sila na malupit sila at wala silang awa, na sa totoo lamang, kung mayroon mang dapat sabihin na “malupit at walang awa,” iyon ay ang Dios, dahil Siya ang nag-uutos nito. Tulad ng church discipline. Kakaunting iglesya na lamang sa buong mundo ang gumagawa nito dahil iniisip ng mga nasa pamumuno na baka isipin ng mga miyembro na walang silang awa at biyaya sa mga tinitiwalag o dinidisiplina ng iglesya. Kaya ang mga miyembro ay patuloy sa paggawa ng mali, iniisip na dahil “maawain” naman ang Dios, hindi sila didisiplinahin. So much for God’s kindness. Now for God’s fierceness.

Kabagsikan. Pumasok na ba sa isip mo ang ganitong deskripsyon patungkol sa Dios? Mabagsik. Kung hindi pa, malamang ay hindi ka pa masyadong nagbabasa ng Biblia, o nagbabasa ka man ngunit hindi mo masyadong iniintindi. Sinubukan kong hanapin ang mga talatang may salitang “fierce” (mabagsik) sa Bible, and guess what—56% ng lahat ng mga ito ay tungkol sa kabagsikan ng galit ng Dios (23 out of 41). Galit na, mabagsik pa. Ngayon mo lang ba ito nadiskubre? Well, ako rin, ngayon lang. Alam ko nang matindi magalit ang Dios, ngunit hindi ko hinanap ang salitang mabagsik sa Bible hanggang sa ngayon. Ang pagiging mabagsik ng Dios ay kapantay ng pagiging mabiyaya Niya. Kaya kung iisipin natin na ang Dios ay puno ng biyaya, maaari mo ring isipin na ang Dios ay puno ng kabagsikan—ng galit.

Isipin mo sina Adan, Eba, at ang ahas (Genesis 3). Ang pagtukso para kumain ng prutas at pagkain ng prutas ay isa lamang na maliit na bagay para sa karamihan sa atin, ngunit hindi sa Dios. Hindi naman siguro magaan para sa iyo ang parusahan na mahihirapan ka sa pagbubungkal ng lupa (imbes na pumitas na lamang ng prutas sa hardin), o kaya ang mahirapan sa panganganak ang mga babae, o ang kumain ng lupa habang buhay (sa mga ahas). At isipin mo na lamang na ang kasalanan nila ay nakaapekto sa ating lahat. Bukod pa ang pagpapalayas sa kanila sa Hardin ng Eden. Ano’ng klase ng Dios ang nakikita mo rito? Mabait? Mabiyaya? (Matututunan na ipinapakita rin dito ang kabaitan at biyaya ng Dios, ngunit malinaw na ipinakita muna rito ang Kanyang galit at pagpaparusa.)

Isipin ang mundo sa panahon ni Noah (Genesis 7-10). Ang kasalanan? Hindi pagsamba sa Dios; kawalang-katarungan; kasamaan. Sa kabila ng mga bagay na ito, ang pwede mong isipin ay pwede pa silang bigyan ng pagkakataon—hindi naman siguro sila dapat patayin. Pero sa kaso na ito, ang Dios ay wala nang naisip na paraan para sa mga taong ito—nilunod silang lahat sa pamamagitan ng baha (kahit ang mga walang-muwang na hayop ay nadamay). Malumanay na Dios? Alam mong hindi.

Isipin ang bansang Israel (Exodus 32; Numbers 25, 32; Joshua 7; Judges; 1 Samuel 28; 2 Chronicles 28-29; Jeremiah 4, 12, 25; Matthew 11-12). Ang magbulung-bulungan laban sa Dios at sa Kanyang lingkod tulad ni Moses; ang magalit sa Dios at akusahan Siya na kaya Niya lang dinala ang mga Israelita paalis ng Egypt ay para patayin; ang pagnanakaw ng kaunting gamit na para sa Dios dapat, tulad ng ginawa ni Achan; ang pagsamba sa mga dios-diosan ng Israel sa panahon ng mga hukom at hari; pagtanggi kay Jesus bilang Messias at pag-uusig sa iglesya—hindi masyadong malaking bagay para sa marami—ngunit ano kaya ang mga ito sa Dios? Kinain lang naman sila ng apoy ng Dios, at ang iba ay pinakain sa bumubukang lupa; pinaglakad nang apatnapung taon sa parang hanggang sa sila’y mamatay; natalo sa giyera ang Israel dahil kay Achan, at nang malaman ito ng Israel ay dapat pa nilang pagbabatuhin hanggang mamatay ang buong pamilya ni Achan para mawala ang galit ng Dios; pang-aalipin ng ibang bansa at kamatayan at gutom ang resulta ng pagsamba nila sa dios-diosan; at pagkasira ng templo, ng Jerusalem, at pagkamatay, pagka-alipin, pagkalat sa buong mundo sa pagtanggi nila kay Jesus at sa iglesya. Isang Dios na mabait, mabiyaya? Hindi sa tingin ko.

Isipin ang mga kaluluwang hindi nananampalataya kay Kristo. Sabihin mang mabait, mapagbigay, mapagkawang-gawa, kilala, mayaman, mahirap, pangit, maganda, bata, matanda—ang walang Kristo, saan diretso? Alam mo na kung saan. At magpakailanman. Sigurado ako na hindi isang mabait na Dios ang nakikita mo rito.

Isipin ang iglesya (Acts 1:8, 8:1; Acts 5; Matthew 18). Una? Nanatili ang mga Kristiano sa Jerusalem imbes na mangalat at mangaral. Solusyon ng Dios? Pag-usigin sila ng mga hindi nananampalataya. Hindi, “Sige na naman, mag-soul winning na kayo,” kundi, “mag-soul winning kayo, kung hindi—!” Pangalawa—nagsinungaling lang naman sina Ananias at Sapphira tungkol sa kung ano ang binigay nilang salapi. Ano ang solusyon ng Dios? Kamatayan. Pangatlo—ang church discipline. Kapag may nakagalit na kapatid, lapitan ng personal at makipagbati. Ayaw makipagbati? Magsama ng isa pa. Ayaw pa rin? Sabihin sa buong iglesya at kalimutan na nilang kapatid nila sa Panginoon ang taong iyon. Sa maikling salita, ibigay sa diyablo. Mabait ba ang Dios? Oo naman, pero hindi magpakailanman Siyang ganun kung may kasalanan.

Mabait ang Dios. Mabiyaya. Mapagmahal. Ngunit ito ay kulang kung i-iitsipwera natin ang Kanyang galit at kabagsikan—50% lamang ng Dios ang kilala mo, hindi ang buo. Nagagalit din Siya. Mabagsik Siya. Nawa ay maunawaan natin iyan at huwag tayong magalit sa mga lingkod Niya na ina-apply lamang ang parehong ugali Niya—dahil sa totoo lang hindi tayo sa kanila nagagalit—sa Dios. Naaalala ko ang sinabi ni Lucy sa The Chronicles of Narnia: The Lion, The Witch and The Wardrobe tungkol kay Aslan: “He’s not tame, but He is good.”

Advertisements

For Love of the Lord

Sino ang Ilan sa mga Cristiano na Nagpakita ng Paninindigan para sa Panginoon?

by Elijah Abanto

Tuwing nasa oras ako na nag-iisa at walang kasama, aside from assessing myself at ang relasyon ko sa Diyos, ay naiisip ko ang mga taong nanindigan para sa Panginoon at iniisip ko kung maaari akong maging tulad nila. Mapagpakumbaba akong humahanga sa mga taong ito na binigyan ng kakayahan ng Diyos upang ilagay ang kanilang tiwala sa Kanya at mula sa kanilang pag-ibig para sa Panginoon, ay manindigan para sa Kanya. Maraming hamon, maraming banta, ngunit nariyan sila, hanggang sa kamatayan ay tatayo para sa Panginoon. Hayaan niyong ipakilala ko sila sa inyo.

Hindi ko maaaring i-enumerate ang ibang Kristiano sa kanilang paninindigan hangga’t hindi ko binabanggit ang pangalan ng aking ama at pastor, si Pastor Felizardo Abanto. Hindi man siya nakasulat sa Biblia at di kilala ng Baptist world tulad ng ibang Filipino pastors, ay kinikilala ko siya bilang isang Kristianong naninindigan para sa katotohanan. He knows what he believes, and he stands up for it. Hindi siya nanahimik sa gitna ng tahasang paggawa ng mali ng mga pastor na nasa paligid niya, kahit na ang kapalit nito ay kawalan ng financial support at pagputol ng pagkakaibigan. Marami sa atin ang nakakaalam ng kanyang pag-walk out kasama ang Capitol BBC bilang protesta sa pagbalewala ng standard pagdating sa musika. It almost endangered his fellowship with the pastors, ngunit hindi siya natakot. Sa kanyang pagiging director ng isang Family Camp, ay hindi maitatanggi ang kanyang commitment sa pagtuturo at pagpapatupad ng katotohanan ayon sa Biblia. Alam niyang hindi ito ganun kasimple, dahil kailangan niyang harapin nang mukhaan ang mga pastor at ituro ang kanilang pagkakamali kapag kailangan. Kaunting mga pastor ang maihahambing sa kanya pagdating sa bagay na ito.

 

BIBLICAL EXAMPLES

 

Maraming mga halimbawa ang Biblia, ngunit ang mga babanggitin ko rito ay yung mga taong consistent sa kanilang paninindigan para sa tama, tulad nina, Joseph, Jeremiah, Daniel, at Stephen.

Joseph. (Genesis 37, 39-41) Ang lalaking ito ay lumaking matapang sa gitna ng kanyang mga kapatid, at hindi siya na natatakot na sumunod sa kanyang amang si Jacob ukol sa pagsasabi ng mga kalokohan ng kanyang mga kapatid, kahit na ito pa ang naging dahilan upang ibenta siya ng mga ito sa pagkaalipin ng Ehipto. Patuloy siyang naging matapat, tumaas ang katungkulan, ngunit dumating ang tukso sa kanya ng asawa ng kanyang amo na sipingan ito. Ang pagmamahal niya sa Panginoon at sa kanyang amo ang nagtulak sa kanyang tumakbo mula rito kahit na ang kapalit ay ang pagkakakulong sa maling akusasyon ng babaeng iyon. Sa mga pangyayaring masaklap sa kanyang buhay ay iisipin mo siguro na maaari na sana niyang sisihin ang Panginoon at sirain na ang kanyang buhay, ngunit hindi niya ito ginawa. Patuloy niyang ginawa ang nararapat bagaman hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan ng lahat.

Jeremiah. (Book of Jeremiah) Tinawag siya ng Panginoon sa isang batang edad upang maging propeta sa panahon na nasa tahasang pagrerebelde sa Panginoon ang kaharian ng Judah. Nakakatakot maging propeta ng Diyos sa panahon na iyon, dahil kapag hindi nagustuhan ang mga sinasabi mo ay maaari kang pahirapan o patayin ng mga mamamayan doon. Ngunit, hindi siya natinag, at kasama ang Panginoon, buong tapang niyang ipinangaral ang kasamaang ginagawa ng mga Judio at pagsamba nila sa diyus-diyosan imbes na sa tunay na Diyos, at hinulaan ang nakatakda nitong pagkagapi sa kamay ng mga taga-Babylon, na nakapagpantig ng mga tainga ng mamamayan. Paulit-ulit siyang ikinulong, itinapon sa balong puno ng putik, at hindi pinakain. Sinabi sa kanyang maaari siyang makalaya kung ititigil na niya ang “kahibangan” na ito ngunit, hindi siya papayag. He loved God more than his own life.

Daniel. (Daniel 1-2, 4-6) Nagsimula sa pagkabata ang kanyang pagtindig para sa Panginoon. Nasa panahon siya kung saan ang kanyang mahal na bayang Israel ay nasa ilalim ng rehimen ng Babylon, at maaari niyang idahilan na wala na siyang magagawa kundi sumang-ayon sa mga paganong kasanayan ng mga tao rito, kabilang na ang pagkain ng karneng inihain sa diyus-diyosan. Magalang siyang tumanggi kasama ang tatlo niyang kaibigan, at bagaman alam niyang malalagay sa panganib ang buhay ng eunuko na nag-aalaga sa kanila bukod pa sa kanya, ay hindi siya umurong sa kanyang paninindigan. Hindi rin siya natakot sa mga hari ng emperyo na dumaan sa kanyang panahon, upang sabihin ang mga naka-ambang parusa ng Diyos sa mga ito. Hindi siya natakot na maitapon sa kulungan ng mga leon, bilang parusa sa mga mananalangin sa ibang Diyos bukod sa hari. Mas mahal niya ang Diyos kaysa sa buhay at karangyaan na maibibigay ng emperyong kanyang kinaroroonan.

Stephen. (Acts 6-7) Siya ay isa sa mga diyakonong pinili ng iglesiya ng Jerusalem upang pakainin ang libu-libong mga Kristianong mahihirap dahil sa kapuspusan sa Ispiritu at kalaguan sa pananampalataya sa Panginoon. At hindi maitatanggi ng mga taong laban sa kanyang pananampalataya na siya ay puno ng Ispiritu at karunungan sa kanyang mga sinasabi. Dahil sa kanilang inggit at galit, ay inakusahan siya ng mga ito ng kung anu-ano, inaresto at dinala sa konseho sa harap ng mga pekeng testigo. Kung iisipin, sa ganitong pagkakataon, kung saan ikaw ay mag-isa lamang sa gitna ng mga nagugutom na leon, ay manginginig ka sa takot at susuko na lamang sa kanila. Ngunit hindi natinag si Stephen, buong tapang niyang itinuro ang kasalanan ng mga taong iyon, at bilang kapalit, ay hinatulan siya ng pagbabato hanggang kamatayan. Mas matamis para sa kanyang mamatay na lamang kaysa ikaila ang Kanyang Tagapagligtas.

 

THOSE BEFORE US

Bukod sa mga halimbawa ng Biblia, may mga Kristiano na nabuhay bago ang ating panahon na nanindigan at tumayo sa para katotohanan. Bawat isa ay hindi walang oposisyon, ngunit hindi ito naging dahilan para hindi ipaglaban ang Salita ng Diyos. Sila sina Francis Schaeffer, Charles Spurgeon, at C.S. Lewis. Kilalanin natin ang bawat isa.

Francis Schaeffer. Tinagurian siya na “Rebel for Truth,” dahil na rin sa kanyang katapangan na ituro ang moral na paglihis at doktrinal na kompromiso na unti-unting pumapasok sa mga iglesiya upang wasakin ang pinakapundasyon ng Kristiyanismo—ang Salita ng Diyos sa mga isinulat Niyang aklat. Sinabi niya na ang “iglesiya ay nasa matinding panganib.” Ayon sa kanya, ang mga pakikiayon ng mga iglesiya sa sanlibutan ay binabalewala ang mga ipinaglaban ng mga Kristiano noon at “pinagmumukha lamang itong away lamang ng mga bata.” Sumulat si Schaeffer ng 24 na aklat na tumatalakay sa lahat ng problema ng mundo mula sa abortion at euthanasia hanggang sa pagpatay ng mga sanggol at pagbagsak ng modernong iglesiya. Madalas siyang punahin, hindi lamang ng mga sekular na madla, kundi mismo rin ng mga Kristiano na hindi maintindihan ang hindi niya nababaling tindig para sa kawalang-pagkakamali ng Biblia. Sinabi niya na ginagawa niya ito “para sa ating mga sarili at para sa ating ispiritwal at bayolohikal na mga anak. Kung wala tayong matibay na pagtingin sa Salita ng Diyos bilang pundasyon, ay hindi tayo magiging handa para sa mahihirap na araw na parating…” Iniisip niya ang mangyayari sa susunod na henerasyon kung hindi tayo maninindigan para sa Banal na Kasulatan, kaya madalas niyang inilalagay ang kanyang reputasyon para ipaglaban ang Biblia.

Charles H. Spurgeon. Sa kilalang lungsod ng London, noong 1854, ay tinawag ang Baptist na ito upang mag-pastor sa isang iglesiya roon. Ngunit mula noong kunin niya ang posisyong iyon, ay lumaganap sa bansa ang epidemya ng cholera, na kumitil ng buhay ng maraming mamamayan noong panahon na iyon. Imbes na mawalan ng loob, ay buo ang kanyang katauhan sa pagtulong sa mga may sakit, at araw-araw siyang tumatayo upang mangaral sa mga burol ng mga namatay. Bukod pa roon, dahil sa kanyang mga biblikal na mga sermon, ay maraming mga nangaligtas na mga kaluluwa at naidagdag sa iglesiya. Libu-libo ang nakikinig sa kanyang pangangaral. Bukod pa roon, noong panahon niya, ang Baptist fellowship na kanyang kinabibilangan ay unti-unting sumunod sa kompromiso ng pagtanggi sa awtoridad ng Kasulatan, dahilan upang punahin niya ito sa kanyang mga sulatin at sa bandang huli ay humiwalay sa fellowship na ito. Maraming sumisira sa kanyang repustasyon resulta nito, ngunit nanatili siyang matatag at di natitinag.

C.S. Lewis. Kilala si Clive Staples Lewis sa mga isinulat niyang mga aklat, kabilang ang The Chronicles of Narnia at The Screwtape Letters. Ang mga ito ay mga alegorya na pinapakita ang mga malalalim na katotohanan ng Kristiyanismo, at maraming kumi-criticize sa kanyang mga gawa dahil sa paggamit niya ng satiro at mga ideya na abstrak upang ipahatid ang mga katotohanang ito. Sinabihan pa siya ng isang kilalang awtor na “wala kang karapatan na sumulat ng ganyang mga aklat dahil hindi ka naman na-ordinahan at hindi ka naman estudyante ng Biblia.” Ngunit hindi siya natinag sa mga salitang ito dahil, “hangga’t hindi nangangaral ang estudyante ng Biblia at mga taong naordinahan sa wikang maiintindihan ng mga ordinaryong tao, ay hindi ako titigil na magsulat ng ganitong mga aklat.” Sumulat din siya ng isang matinding aklat bilang depensa laban sa mga hindi naniniwala sa Kristiyanismo, ang Mere Christianity, na naging best-seller.

 

Ang oras at espasyo ay limitado para akin pang ilahad ang iba’t ibang mga halimbawa ng Biblia (tulad nina Abraham, Moses, Joshua, Samuel, David, Paul, Peter, John, etc.) at ng ating nakalipas at kasalukuyang kapanahunan (mga AnaBaptists, David Cloud,  etc.) ng mga tao na nanindigan para sa katotohanan ng Bibliya at dahil sa kanilang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.

Ngunit umaasa ang inyong lingkod na gamitin Niya ang mga halimbawang nabanggit upang ikaw din ay buong tapang at buong lakas at tiwala na tumindig para sa Diyos at Kanyang Salita. May isang dahilan na nagtulak sa kanilang gawin ang mga ito: for love of the Lord—ang pag-ibig para sa Panginoon. bdj

 

Ang mga impormasyong nakasulat sa section ng “Those Before Us” ng artikulong ito ay kinuha sa artikulong Ingles na isinulat ni Creston Mapes, ang “Aflame for His Glory” ng In Touch® magazine, January 2003, pp. 10-13.

 

Pakikipaglaban Para sa Pananampalataya

by Bro. Elijah E. Abanto

Inspired by and based on Dr. Charles F. Stanley’s article, “Contending for the Faith,”  In Touch® March 2003, pp. 6-9.

 

Noong nangaral ako noong Chapel Hour sa Bible School (September 23), ipinaglaban ko na ang musika ay hindi neutral ayon sa Biblia at mga facts. Sinabi ko, “Siguro maliit na bagay lang sa inyo ang music, ngunit nagkakamali kayo.” Marami silang natanggap na mga patunay upang manatili sa makalumang musikang ating kinamulatan, ngunit hindi ko ito magagawa kung hindi ako nag-aaral ng ating doktrina. Ng Salita ng Diyos. Noon ding mismong week na iyon ay maraming mga itinanong sa akin ang mga estudyante at miyembro tungkol sa mga bagay-bagay tulad ng pagkain ng dugo, pananamit, pagsasayaw, at divorce and remarriage; sa biyaya ng Diyos ay wala naman akong natatandaang hindi ko nasagot nang tama. Ngunit paano kung hindi ko iyon inaral noon pa? Paano kung tinanong ako?

Ikaw, kapatid, pag dumating ang oras na ikaw ay tanungin kung bakit mo pinaniniwalaan ang isang bagay, ano’ng isasagot mo? Oo, kahit hindi mo masagot, alam mo pa ring tama, ngunit, hanggang doon na lamang ba? Maipaglalaban mo ba ang iyong pananampalataya—mula sa pinakamalalaking bagay hanggang sa kaliit-liitan?

Kung nabasa mo na siguro ang Bagong Tipan ay napunta ka na rin sa aklat ni Jude. Isa lamang itong maikling sulat, may iisa lamang na kabanata, ngunit isang mahalagang katotohanan ang nais nitong ibahagi—”masikap na makipaglaban para sa pananampalataya” (v. 3). Kaya mo bang tumayo para sa iyong pinaniniwalaan—kapag may mga taong pinagtatawanan ito, pinupuna ito, at hindi ito pinapaniwalaan? Tandaan na hindi lang mga hindi ligtas ang gagawa nito sa’yo—maging ang mga Kristiano na hindi naturuan ng Biblia nang tama ay maaari itong gawin sa’yo. Iyan ang naranasan ko nung mga nakaraang buwan sa Bible School. At dahil hindi ako masyadong handa, samu’t saring kwestiyon ang aking inabot—mga kwestiyon na nung una ay hindi ko masagot. Hindi ko nais na mangyari sa iyo ito—kaya nawa ay maging handa ka.

“Take for granted”—yan ang kadalasang ginagawa ng maraming Kristiano sa mga doktrina ng Biblia—dahil sinabi at tinuro sa preaching o sa discipleship o sa Sunday School, atin nang itinatatak sa isip ang “pamagat” nung paniniwalang iyon at kinakalimutan na ang maliliit na detalye niyon. Kaya naman pag dumating ang oras na tanungin ka, “Bakit ba kailangan akong maniwala sa resurrection?” eh tameme na ang kawawang Kristiano.

Hindi dapat ganito. Dapat tayong maging alerto. Sinasabi ng Diyos sa kasunod na talata sa Jude,

Dahil may mga ilang taong nakapasok sa inyo nang hindi napapansin, sila na noon pang una ay nilagyan na sila ng tanda ng Diyos upang patawan ng kaparusahan, mga hindi maka-Diyos, pinapalitan ang biyaya ng ating Diyos ng kahalayan at ikinakaila ang natatanging Panginoong Diyos, at ang ating Panginoong Jesu-Kristo. (v.4)

Mga taong kala natin ay through-and-through na Baptist ngunit sa katotohanan ay mga hindi makadiyos na may kaunting ibang pananampalataya na hindi natin napapansin. Marami nang mga santo ang nadaya ng mga taong ito, iniisip na dahil isa naman itong “Kristiano” ay tama lang ang sinasabi nito at dapat na tanggapin bilang tama. Sasabihin nila, “Music—sino’ng may sabi sa’yo na may pamantayan ang Diyos diyan?” “Hindi ka naman sumusuway sa Diyos kapag nagsuot ka ng fitted or shorts sa public.” “Symbolic naman ang Revelation at hindi literal.” “Pwede ka ring maligtas maliban kay Jesus.” Tandaan na ang mga tagapagturong ito ay may halong tama at mali, at kung hindi natin alam ang ating Biblia ay madadala tayo ng kanilang mapanlinlang na mga salita. Maaari nating isipin sa simula na maliit na bagay lang naman iyon, ngunit hindi natin namamalayan, unti-unti na itong sumisira sa iglesiya, sa iyong pamilya, sa iyong sarili.

Maaari ring makapasok ang mga bulaang mga tagapagturo sa pamamagitan ng media, tulad ng telebisyon, radyo, at internet. May mga paborito tayong personalidad (artista, news anchor, host) na maaaring magsalita tungkol sa isang bagay. At kapag kulang tayo sa kaalaman, baka ating paniwalaan maging mga mali nilang sinasabi—mga pilosopiya na kontra sa ating pinaniniwalaan.

Patuloy pang inilalarawan ni Jude ang mga false teachers sa verse 16,

Ang mga ito ay laging dumadaing, nagrereklamo, lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pita; at ang kanilang mga bibig ay nagsasalita ng mga pagmamalaki, nagsasalita ng pakunwaring papuri sa mga tao upang sila ay makinabang.

Sila’y magagaling lang magsalita, at ang gusto lang nilang gawin ay makuha ang puso ng tao, at gagawin nila ang lahat ng pagpuna para lamang mapunta sa kanila ang simpatya ng mga walang kamalay-malay.

Kapatid, mahalagang alam mo ang Biblia mo. Pinapayo ko sa’yong kung nakikinig ka ng biblikal na mga pangangaral at katuruan, huwag mo lang itong pakinggan—mahalagang isulat mo ito sa isang notbuk at balikan. At hindi ka rin dapat dumidepende sa sasabihin ng iyong pastor at discipler at teacher, dapat ay pag-aralan mo ang iyong pinaniniwalaan—pag-aralan mo ang iyong Biblia. May mga pagkakataon na baka may mali silang itinuturo at dapat mo itong komprontahin. Magtanong kapag may hindi malinaw. Tandaan ang bawat detalye, maging ang talata, para pag dumating ang oras na may kumwestiyon, handa ka at walang alinlangang tatayo para sa iyong paniniwala. Maging mapagbantay sa lahat ng iyong naririnig, nababasa, at napapanood.

Tandaan din na kung ikaw ay isang Kristiano na (mga taong tinanggap na ang Panginoon Jesu-Kristo bilang Tagapagligtas, hindi sa mga gawa), mayroon ka nang Banal na Ispiritu na magsisilbing “alarm” kapag may naririnig kang hindi tama. Pakinggan mo ito. Kapag nag-alinlangan ka tungkol sa isang paniniwala, huwag agad paniniwalaan, at huwag din namang agad tatanggihan—may mga pagkakataong hindi lang malinaw kaya ganun.

Mahalaga na ipaglaban mo ang iyong pananampalataya—tandaan kung paano nakarating sa atin ang mahalagang mga katotohanang ito—nagbuhos ng dugo, lakas at talino ang ating mga ama upang maipasa lamang sa atin ang doktrinang pinanghahawakan mo ngayon. Mahalagang maituro mo rin ito sa susunod na henerasyon, upang maipagpatuloy nila ang pananampalataya, at para maipaglaban din nila laban sa mga bulaang tagapagturo.

Mga bata, tinedyer, propesyunal, mga magulang—nararapat lamang na ngayon ay maging handa ka nang ipaglaban ang iyong pananampalataya. Kailan mo ito sisimulan?

Isang Proklamasyon ng mga Isyu at Alalahanin sa Kalagitnaan ng mga Iglesiyang Bible Baptist sa Pilipinas

percussion

ni Pastor Archie Alvarez

Bible Baptist Mission of Imus, Cavite

(PART 1)

 

Paalala ng Editor: Kumuha lamang ng mga pinakamahalagang punto o sipi mula sa artikulong orihinal at hindi ang kabuuan ang isinalin sa Tagalog.

 

Nito lamang huli ay may ilang mga iglesiyang Baptist sa Pilipinas na nagsimula nang manghiram ng mga kakatwang mga kasanayan at naging bukas na modernong uri ng pagsamba. Hindi namin mapigilan na itigil ang aming katahimikan tungkol sa ilang mga isyu na kumukubkob sa grupo ng mga Baptist ngayon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba ring mga bahagi ng mundo.

 

Artikulo 1

Nararapat Ba na Gumamit ng Tambol ang mga

Kristianong Iglesiya sa Pagsamba?

 

Bagaman totoo na ang mga tambol ay katulad din lamang ng iba pang mga instrumentong pantugtog sa mundo ng musika, kailangan na ating suriin nang malawak ang ilang mga babala at katotohanan tungkol sa kontrobersyal na instrumentong ito kung ito ay dapat gamitin o hindi dapat gamitin sa isang pagsambang Kristiano.

Hindi kailanman na aking intensyon na sirain o ibaba ang sinuman na maaaring “PRO” sa paksang ito ngunit ang magbigay liwanag at magprisenta ng mga patunay ng kasaysayan at katotohanan ng Biblia na hindi base sa lohika lamang at pansariling opinyon o damdamin. Iminumungkahi ko na alisin muna natin ang anumang pagkiling pansumandali at maglaan ng seryosong konsiderasyon sa mga bagay na maya-maya ay maihahayag.

 

MGA PATUNAY

 

Yamang ang TAMBOL, PAGSASAYAW, at PAGSAMBA ay medyo napapagsama-sama, wala na tayong pagkukuhanan pa kundi ang mga Biblikal at historikal na katunayan para ipagtibay ang katotohanan tungkol sa paksa. Hayaan niyo akong maglahad ng limang katotohanan.

 

Unang Katotohanan

Ang tambourine o timbrel (minsan ay tinatawag na tabret) sa Biblia ay hindi parehong instrumento na ginagamit sa Rock Music at ilang mga Kristianong iglesiya sa ngayon na tagasunod ng pagsambang may tambol.

Sa desperasyon na patunayan na ang mga tambol ay ginagamit sa Biblia, ang mga tagasunod ng “Drum Worship” ay gumagamit ng ilang mga talata sa Biblia, tulad ng mga sumusunod: Exodo 15:20; Awit 81:2; 149:3; Awit 68:25; 1 Samuel 18:6.

Pagkatapos na banggitin ang mga talatang ito ay magpapatuloy sila sa pagpapaliwanag na ang salitang Hebreo na “toph” ay payak na nangangahulugang tambol; ngunit iyon ay kalahating katotohanan lamang at naniniwala ako na ito ay ipinapaliwanag sa ganoong paraan para patunayan ang kanilang paniniwala tungkol sa tambol na ginagamit sa pagsamba ngunit laliman pa natin.

Ang tabret ay isang sinaunang instrumentong perkusyon na wala na sa ngayon sa orihinal na porma. Ang pinakaunang pagbanggit nito (Genesis 31:27) ay bumabalik sa taong 1740 BC—iyon ay 3,700 taon nang nakakalipas. Ang ugat na salita para sa tabret ay tabor, na naglalarawan ng isang maliit na balangkas ng tambol na may isang ulo. Ang salitang tabor ay ginagamit din upang isalarawan ang balangkas na ginagamit para sa pagbuburda—may dalawang pabilog na ginagamit para mapanatiling mahigpit yung bagay. Kung ang timbrel ay mayroong maliliit na kuliling, singsing, o bakal na pabilog na nakadikit sa balangkas para gumawa ng isang masayang ingay, maraming nagsasabi na ang tabret ay wala ng mga ito. Bilang isang tambol, ang tabret ay malamang na pinapatunog sa pamamagitan ng pagpukpok gamit ang isang maliit na panambol, o sa pamamagitan ng pagtapik ng kamay. Kadalasan itong sinasaliwan ng isang pipa.

Sa mga sinaunang panahon, lumalabas na ang tabret ay ginamit ng mga Israelita, bagaman malamang ay hindi sa pagsamba sa Templo. (2 Kronika 5:12; Gen. 5:12; 1 Sam. 10:5; Job 17:6; Isaiah 5:12)

Ang timbrel, sa kabilang dako, ay isang instrumentong perkusyon na mayroon ngang mga kuliling, singsing, o bakal na mabibilog na nakadikit para gumawa ng isang masayang ingay kapag inalog o tinapik ng kamay. Mula sa ugat na salitang Hebreong toph (o tof), unang lumabas ito sa kasulatan sa Exodo 15, (mga 1490 BC), na nagkukumpirma, na ito rin, ay mula pa sa sinaunang panahon. Tulad ng tabret, ang timbrel ay mayroong mga laso, palawit, o bandereta na nakadikit para sa dekorasyon. Ang ilang mga sinaunang timbrel ay mukhang mayroong isang ulo ng tambol, tulad ng tabret, at ang ilan ay mukha lamang na balangkas.

Ang timbrel ay ginamit para sa maraming iba’t ibang kadahilanan kabilang ang: pagpuri, kaligayahan, kasiyahan, tagumpay, pag-awit, pakikipaglaban, selebrasyon, prusisyon, at pagsalubong. Pinapatunog ito sa maraming lugar: sa tahanan, sa labanan, sa mga pista at selebrasyon. (Job 21:12; Esaias 30:32)

Ang tambourine ay isang modernong katawagan sa timbrel.

Tingnan ang sumusunod na larawan:

 

 

Ngayon ang tambourine ba na ito ay pareho ang hitsura at gamit kumpara sa mga tambol ngayon tulad ng sumusunod?

 

 

 

 

 

 

Siyempre ang sagot ay HINDI.

 

Ikalawang Katotohanan

Ang tambol ay noon pa may koneksyon sa paganismo at sa diyablo.

1) Sa Aprika ang mga tambol ay ginagamit sa maka-demonyong mga ritwal tulad ng “Voodoo.”

Ang mga pulso ng tambol sa rock music ay pareho ding pulso na makikita natin sa mga ritwal ng mga tribong Aprikano. Ang kanilang mga seremonya ay naka-sentro sa pagsamba ng diyos na ahas na si Damballa sa pamamagitan ng pag-awit, pagsasayaw, at pagsapi ng ispiritu. Ang mga ito ang pumupukaw sa ispiritu, at ang pinakamatinding karanasan ay ang masapian sila ng demonyong iyon.

Ang pulso ng tambol ang siyang nagsasama-sama ng mga indibidwal sa iisang katawan, pinapagalaw sila na paraang iisa, na parang ang lahat ng mga katawang ito ay pinagdugtung-dugtong ng sinulid ng isang pulso, na dinadala ang katawan isang mabagal na paikut na alon na nagsisimula sa balikat, pagkatapos ay sa gulugod, mga hita at balakang.

Nangyayari rin ito sa isang modernong konsyerto ng rock. Ang mga aksyon na makikita mo sa madla ay magbibigay sa atin ng impresyon na parang may nangyayaring uri ng pagsapi. Ang walang tigil at maramihang ritmo na pinapatunog sa mga pabilog na mga tambol sa isang voodoo ritual ang siyang katalista ng rhythm and blues, rock and roll, at heavy metal ngayon.

2) Ang mga tambol ay may koneksyon sa “Shamanism.”

Ang Shamanism ay ang primitibong relihiyon ng mga Ural Altaikong mga bayan sa Hilagang Asya, base sa paniniwala sa kumukontrol na ispiritu na maiimpluwensyahan lamang ng isang “shaman” (isang saserdote na may mahika sa mga sakit at mga masasamang ispiritu).

Sa Siberia, sa Hilagang Asya, ang mga tambol ay ginagamit sa mga ritwal ng shaman para magpagaling. Pinaniniwalaan na magagawang makipag-usap ng isang shaman sa mundo ng ispiritu sa pamamagitan ng tambol.

Sinabi ni Danny Sugerman sa aklat niyang Appetite for Destruction na ang mga tambol ay kasing-kahulugan ng pakikipag-usap sa mga ispiritu ayon sa mga shaman. (p.208) Sinabi pa ng ekspertong si David Tame sa aklat niyang The Secret Power of Music na walang pagkakaiba ang tagatambol ngayon at shaman noon (p. 199). BDJ

From The Manifesto of Issues and Concerns among Bible Baptist Churches in the Philippine Islands, ©2009 by Pastor Archie Alvarez. Translated by Bro. Elijah Abanto with permission.

Isang Mapanganib na Pilosopiya: “Huwag Manghusga!”

by Pastor Felizardo Abanto

judge

Isa sa mga paboritong argumentong ginagamit ng mga tao na gustong magbago o nais maki-ayon ay “Huwag humatol.” Isa sa mga pinakakilalang halimbawa nito ay si Rick Warren ng sikat ding aklat na “Purpose Driven Life.” Sinasabi ni Warren, “Paulit-ulit tayong binabalaan ng Diyos na huwag pumuna, magkumpara, o hatulan ang bawat isa. … Tuwing ako’y humahatol ng isang mananampalataya, may apat na bagay na agad na nangyayari: nawawalan ako ng pakikisama sa Diyos, nilalantad ko ang sarili kong kayabangan, dinadala ko ang sarili ko na hatulan ng Diyos, at sinisira ko ang pakikisama ng iglesiya.”1 Yung mga sumasang-ayon sa kanya ay nagsasabi na hindi dapat sila hatulan batay sa sinusuot (tulad ng mga babaeng napa-pantalon), sa buhok (tulad ng mga lalaking nagpapahaba nito), sa uri ng musika na kanilang ginagamit, sa pakikipagtulungan nila sa mga ekumenista tulad ni Franklin Graham sa ebanghelismo, sa bersyon ng Biblia na kanilang ginagamit, atbp.

“Sa tipikal na pamamaraan ng isang New Evangelical ay hindi nagbibigay ng kaibahan si Warren sa pagitan ng mapagpa-imbabaw na paghatol (na ipinagbabawal sa Mateo 7) o paghatol batay sa pansariling mga kagustuhan sa mga bagay na hindi ipinag-uutos sa Kasulatan at paghatol batay sa Biblia.

Sa totoo lang, ang anak ng Diyos ay may obligasyon na hatulan ang bawat bagay sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Pinagsabihan ang mga mananampalataya sa Korinto dahil sila ay hindi maingat sa bagay na ito at mapagpahintulot sa mga bulaang tagapagturo (2 Korinto 11:1-4). Ang mga taga-Berea, sa kabilang dako, ay kinikilala dahil maingat nilang sinusubok ang bawat bagay sa pamamagitan ng mga Kasulatan (Mga Gawa 17:11). Sinasabi ng Biblia na “siya na ispiritwal ay hinahatulan ang lahat ng mga bagay” (1 Korinto 2:15) at itinuro ni Jesus na tayo ay dapat na “humatol nang tamang paghatol” (Juan 7:24). Dapat nating hatulan ang ipinapangaral (1 Kor. 14:29) at kasalanan sa mga iglesiya (1 Kor. 5). Dapat nating subukin ang mga ispiritu (1 Juan 4:1).

“Ang pagsubok sa mga mangangaral at kanilang mensahe nang maingat sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ay hindi isang isyu ng yabang, kundi ng karunungan at pagsunod.”2

Mga miyembro at mga kapatid hindi tayo dapat matakot sa akusasyon na tayo’y mapanghusga (judgmental). Hangga’t tayo’y humahawak at nagpapatuloy sa “mga bagay na iyong natutunan at sa mga bagay na nakakatiyak ka, nalalaman kung kanino mo natutunan ang mga ito” (2 Timoteo 3:14), tayo ay ligtas at tama sa pananampalataya.

1Rick Warren, The Purpose-Driven Life, p.164. Translated from English. Same as Note 2.

2David Cloud, “Rick Warren’s Dangerous Judge Not Ecumenism,” O Timothy, Issue 8, 2004, p. 15.

Life Application

Nakatulong marahil sa’yo ang artikulong ito upang maliwanagan tungkol sa tunay na ibig-sabihin ng “paghatol,” at na ito’y isang responsibilidad ng bawat Kristiano. Maaari mong siyasatin ang iyong sarili sa pamamagitan ng mga sumusunod:

1) May mga pagkakataon ba na ikaw ay nasasabihang “judgmental” dahil sa iyong pinaniniwalaan? ____

2) Saan mo maigu-grupo ang klase ng iyong paghatol? Pumili sa tatlong binanggit sa artikulo. ___________________________  _________________________________

3) May sapat ka bang ebidensya o patunay ng Kasulatan para suportahan ang iyong paghatol? ___________________ _________________________________

4) Nahihirapan ka ba na sabihin ang iyong paghatol dahil baka kutsain ka lamang? Pagbulay-bulayan ang 2 Timothy 1:7 at humingi ng lakas sa Diyos para ito’y maisagawa.